Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kahalagahan ng Kautusan ni Yahweh
(Tet)
65 Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan,
kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal.
66 Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman,
yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
67 Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,
nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;
68 kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob;
sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
69 Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,
ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral.
70 Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,
ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa.
71 Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos.
72 Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
Ang Araw ng Pagtubos sa Kasalanan
16 Pagkamatay ng dalawang anak ni Aaron dahil sa kanilang paglapit nang di nararapat sa harapan ni Yahweh, 2 si(A) Moises ay kinausap ni Yahweh. Sabi niya, “Sabihin mo sa kapatid mong si Aaron na makakalapit lamang siya sa Dakong Kabanal-banalan sa loob ng tabing sa takdang panahon. Sapagkat magpapakita ako roon sa pamamagitan ng ulap sa ibabaw ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan. Mamamatay siya kapag siya'y sumuway. 3 Makakapasok(B) lamang siya roon pagkatapos niyang magdala ng batang toro bilang handog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na susunugin. 4 Siya'y maliligo; pagkatapos, magsusuot ng sagradong kasuotan—linong mahabang panloob na kasuotan, linong salawal, linong pamigkis, at linong turbante. 5 Bibigyan siya ng mga Israelita ng dalawang lalaking kambing na ihahandog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na susunugin.
Ang Kambing na Pakakawalan
20 “Pagkatapos magawâ ni Aaron ang paghahandog para sa Dakong Kabanal-banalan, sa Toldang Tipanan at sa altar na sunugan ng mga handog, kukunin niya ang pangalawang kambing. 21 Ipapatong(A) niya ang kanyang mga kamay sa ulo nito at ipahahayag ang lahat ng kasamaan, kasalanan at pagsuway ng sambayanang Israel, sa gayon, masasalin sa hayop ang lahat ng ito. Ibibigay niya ang kambing sa isang taong naghihintay doon upang dalhin iyon sa ilang. 22 Tataglayin ng kambing ang kasalanan ng buong bayan at pagdating sa ilang ito'y pakakawalan.
23 “Pupunta(B) naman si Aaron sa Toldang Tipanan at doo'y huhubarin ang damit na suot niya nang pumasok sa Dakong Kabanal-banalan at iiwan ito roon. 24 Maliligo siya sa isang banal na lugar at matapos magbihis ng sariling damit, ihahandog niya sa altar ang handog na susunugin para sa kanyang sarili at para sa buong bayan. 25 Susunugin din niya sa ibabaw ng altar ang taba ng mga handog para sa kasalanan. 26 Bago bumalik sa kampo ang taong nagdala ng kambing para kay Azazel, maliligo muna siya at maglalaba ng kanyang kasuotan. 27 Ilalabas(C) naman sa kampo ang toro at ang kambing na inihandog para sa kasalanan. Ang balat, ang laman at ang mga dumi nito ay susunugin sa labas ng kampo. 28 Maglalaba ng kasuotan at maliligo ang nagsunog nito bago siya makabalik sa kampo.
Sinumpa ang Puno ng Igos(A)
18 Kinaumagahan, nang si Jesus ay pabalik sa lungsod, siya'y nakaramdam ng gutom. 19 Nakita niya ang isang puno ng igos sa tabi ng daan at nilapitan iyon. Wala siyang nakitang bunga kundi mga dahon lamang. Kaya't sinabi niya dito, “Hindi ka na mamumunga kailanman!” Agad na natuyo ang puno.
20 Nakita ng mga alagad ang nangyari at sila'y namangha. “Paanong natuyo agad ang puno ng igos?” tanong nila.
21 Sumagot(B) si Jesus, “Tandaan ninyo: kung kayo'y maniniwala at hindi mag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos na ito. Hindi lamang iyan, kung sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan, at tumalon ka sa dagat,’ mangyayari ang inyong sinabi. 22 Anumang hingin ninyo sa panalangin ay tatanggapin ninyo kung naniniwala kayo.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.