Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Makaunawa
(He)
33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.
Ang Talinghaga ng Kumukulong Palayok
24 Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ni Yahweh: 2 “Ezekiel,(A) anak ng tao, isulat mo ang araw na ito, sapagkat ngayon ay pasisimulan ng hari ng Babilonia ang pagkubkob sa Jerusalem. 3 Ilahad mo ang isang talinghaga tungkol sa mapaghimagsik na bayan ng Israel. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ni Yahweh:
Magsalang ka ng palayok at punuin ng tubig.
4 Ilagay rito ang mga piling bahagi,
ang hita at pitso,
at punuin din ng maiinam na butong lagain.
5 Kunin ang karneng ito sa piling tupa;
isalang at gatungan.
Pakuluan nang pakuluan ang mga laman at butong ito.”
6 Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Kawawa ka, lunsod na mamamatay-tao, kalderong puno ng kalawang na hindi na matatanggal. Pira-piraso mo itong hanguing lahat. 7 Sariwa pa ang dugong kanyang pinadanak sa lunsod. Ito'y sa bato pinatulo at di sa tuyong lupa upang matabunan sana ng alikabok. 8 Iniwan ko ang dugo sa ibabaw ng malaking bato upang hindi maitago. Sa gayon, madali akong makapaghihiganti.”
9 Kaya nga, ipinapasabi pa ni Yahweh: “Kawawa ka, lunsod na mga mamamatay-tao! Ako ma'y magbubunton ng kahoy na panggatong. 10 Dagdagan ninyo ito ng kahoy at sindihan upang pakuluang mabuti ang lahat ng laman hanggang matuyo ang sabaw at masunog pati mga buto. 11 Pagkatapos, ang kaldero ay ipapatong ko sa maraming baga hanggang sa magbaga rin ito. Sa gayon, malulusaw ang dumi nito, kung masusunog ang kalawang. 12 Gayunman, ang lahat ng kalawang ay di rin maaalis ng apoy. 13 Ang kalawang mo ay ang iyong kahalayan, Jerusalem. Nililinis kita ngunit ayaw mo. Kaya, hindi ka na lilinis hanggang hindi ko naibubuhos sa iyo ang aking matinding galit. 14 Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y tiyak na gagawin ko. Hindi ko ito iuurong, wala akong paliligtasin. Hindi ko kayo panghihinayangan. Paparusahan ko kayo ayon sa inyong masamang gawa.”
Ang Malasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto
11 Ako'y naging hangal, ngunit kayo ang nagtulak sa akin na magkaganoon. Kayo sana ang dapat pumuri sa akin, dahil kahit na wala akong kuwenta, hindi naman ako nahúhulí sa magagaling na apostol na iyan. 12 Buong tiyaga kong pinatotohanan sa inyo na ako'y isang tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala at iba pang mga kamangha-manghang bagay. 13 Paano nakalamang sa inyo ang ibang mga iglesya? Sila'y nakalamang dahil hindi ako naging pabigat sa inyo. Ipagpatawad ninyo ang pagkukulang kong iyon.
14 Ito ang ikatlong pagpunta ko riyan, at hindi pa rin ako magiging pabigat sa inyo. Sapagkat kayo ang nais ko, at hindi kung anong mayroon kayo. Ang mga magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, at hindi ang mga anak para sa mga magulang. 15 At ikaliligaya kong gugulin ang lahat pati ang aking sarili upang kayo'y mabuhay. Kung madagdagan ang pagmamahal ko sa inyo, dapat bang mabawasan ang pagmamahal ninyo sa akin? 16 Alam ninyong hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo. Subalit sinasabi ng ilan na ako'y tuso at dinadaya ko kayo. 17 Bakit? Pinagsamantalahan ko ba ang inyong kabutihan sa pamamagitan ng mga isinugo ko riyan? 18 Pinakiusapan ko si Tito na pumunta riyan at pinasama ko sa kanya ang isang kapatid. Si Tito ba'y nagsamantala sa inyo? Hindi ba't namuhay kami ayon sa iisang espiritu, at iisa ang aming pamamaraan?
19 Akala ba ninyo'y ipinagtatanggol namin ang aming sarili? Hindi! Mga minamahal, lahat ng ginagawa namin ay para sa ikabubuti ninyo. Nagsasalita kami sa harapan ng Diyos ayon sa kalooban ni Cristo.
20 Nangangamba akong baka pagpunta ko riyan ay may makita ako sa inyong hindi ko magustuhan, at kayo naman ay may makita sa aking hindi ninyo magustuhan. Baka ang matagpuan ko'y pag-aaway-away, pag-iinggitan, pag-aalitan, pagmamaramot, pagsisiraan, pagtsitsismisan, pagmamataas at kaguluhan. 21 Nangangamba ako na pagpunta kong muli riyan, hiyain ako ng aking Diyos sa harapan ninyo, at itatangis ko ang karumihan, pakikiapid at kahalayang hindi pa pinagsisihan at tinatalikuran ng marami sa inyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.