Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel
106 Purihin(A) si Yahweh!
Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?
Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
3 At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,
na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.
4 Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,
sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;
5 upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.
6 Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.
7 Ang(B) magulang namin nang nasa Egipto, di nagpahalaga sa kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita;
ni hindi pinansin ang iyong pag-ibig na walang kagaya,
bagkus ang ginawa sa Dagat na Pula'y[a] nilabanan ka pa.
8 Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas,
upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.
9 Nang(C) siya'y mag-utos, ang Dagat na Pula[b] ay natuyong bigla,
sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa.
10 Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway,
iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban.
11 Yaong nagsihabol, pawang nangalunod sa gitna ng dagat,
lahat sa kanila'y nilulon ng tubig, walang nakaligtas.
12 Nang(D) ito'y nakita, niyong mga lingkod mo na bayang hinirang,
sila'y naniwala sa iyong pangako at nagpuring tunay.
Ang Pangako ng Diyos sa Israel
41 Sinabi ni Yahweh,
“Tumahimik kayo at makinig, kayo na nasa malalayong lupain!
Pag-ibayuhin ninyo ang inyong lakas,
at dalhin sa hukuman ang inyong usapin.
Doon ang panig ninyo ay papakinggan upang malaman kung sino ang may katuwiran.
2 “Sino ang nagdala sa isang mananakop mula sa silangan,
at nagbigay ng tagumpay sa lahat ng kanyang pakikipaglaban?
Ang mga hari't mga bansa ay parang alikabok na lumilipad
sa bawat hataw ng kanyang tabak;
at parang dayaming tinatangay dahil sa kanyang pana.
3 Buong bilis na tinutugis niya ang mga kaaway,
ang kanyang mga paa'y hindi halos sumayad sa lupa.
4 Sinong nasa likod ng lahat ng ito?
Sinong nagpapagalaw sa takbo ng kasaysayan mula sa pasimula?
Akong si Yahweh, na naroon na noon pa man,
at mananatili hanggang sa katapusan.
5 “Ito'y nasaksihan ng mga tao sa malalayong lupain,
at nanginginig sila sa takot;
kaya silang lahat ay lumapit sa akin at sumamba.
6 Sila-sila ay nagtutulungan at nagpapayuhan, ‘Huwag kayong matakot.’
7 Sinabi ng mga karpintero sa mga panday-ginto, ‘Magandang trabaho!’
Hinangaan ng mga gumagawa ng rebulto ang mga nagkabit-kabit nito,
at ang sabi, ‘Mahusay ang pagkahinang’;
pagkatapos ay ipinako ang rebulto sa patungan nito.
8 “Ngunit(A) ikaw, Israel, na aking lingkod
lahi ni Abraham na aking kaibigan.
Ikaw ang bayang aking hinirang.
9 Ikaw ay kinuha ko sa mga dulo ng daigdig;
sa pinakamalalayong sulok nito,
sinabi ko sa iyo noon, ‘Ikaw ay aking lingkod.’
Pinili kita at hindi itinakwil.
10 Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot,
ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba.
Palalakasin kita at tutulungan,
iingatan at ililigtas.
11 “Lahat ng may galit sa iyo
ay mapapahiya,
at mamamatay ang sinumang lumaban sa iyo.
12 Hahanapin ninyo sila ngunit hindi makikita,
mawawala na sila ng lubusan dito sa lupa.
13 Ako si Yahweh na inyong Diyos,
ang magpapalakas sa inyo.
Ako ang nagsasabi, ‘Huwag kayong matakot at tutulungan ko kayo.’”
Sino ang Pinakadakila?(A)
18 Nang(B) mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” 2 Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa gitna nila 3 at(C) sinabi, “Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. 4 Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. 5 Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.