Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:65-72

Ang Kahalagahan ng Kautusan ni Yahweh

(Tet)

65 Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan,
    kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal.
66 Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman,
    yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
67 Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,
    nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;
68 kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob;
    sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
69 Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,
    ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral.
70 Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,
    ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa.
71 Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
    pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos.
72 Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,
    ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.

Levitico 4:27-31

27 “Kung(A) ang nagkasala nang di sinasadya ay isang karaniwang tao dahil lumabag siya sa utos ko 28 at malaman niya ito pagkatapos, maghahandog siya ng isang babaing kambing na walang kapintasan. 29 Ipapatong niya sa ulo ng kambing ang kanyang kamay at papatayin niya ito doon sa lugar na patayan ng mga handog na sinusunog. 30 Kukuha ng dugo ang pari at sa pamamagitan ng kanyang daliri'y papahiran niya ang mga sungay ng altar. Ibubuhos niya sa paanan nito ang natirang dugo. 31 Kukuning lahat ang taba nito, tulad ng taba ng handog pangkapayapaan at dadalhin sa altar. Ito'y susunugin ng pari bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. Sa ganitong paraan, matutubos ang kasalanan ng taong iyon.

Levitico 5:14-16

Mga Handog na Pambayad sa Kasalanan

14 Sinabi rin ni Yahweh kay Moises, 15 “Kung ang sinuma'y makalimot magbigay ng anumang nauukol kay Yahweh, mag-aalay siya ng handog na pambayad sa kasalanan. Maghahandog siya ng isang lalaking tupa na walang kapintasan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa sukatang itinakda ng santuwaryo. 16 Babayaran niya ang halagang di niya naibigay at magdaragdag pa siya ng ikalimang bahagi nito, at ito'y ibibigay sa pari. Ang tupa'y dadalhin sa pari upang ialay bilang handog na pambayad sa kasalanan, at siya'y patatawarin.

1 Pedro 2:11-17

Maging mga Alipin ng Diyos

11 Mga minamahal, nakikiusap ako sa inyo, bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan lamang sa daigdig na ito, talikuran na ninyo ang mga pagnanasa ng laman na nakikidigma sa inyong mga sarili. 12 Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga Hentil upang kahit na paratangan nila kayo ng masama, makikita nila ang inyong mabubuting gawa at magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng kanyang pagdating.

13 Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan, sa Emperador, na siyang pinakamataas na kapangyarihan, 14 at sa mga gobernador, na isinugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti. 15 Nais ng Diyos na sa pamamagitan ng inyong wastong pamumuhay ay mapatigil ninyo ang mga hangal sa kanilang kamangmangan. 16 Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya, subalit huwag ninyong gawing dahilan sa paggawa ng masama ang inyong kalayaan. Sa halip, mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ang mga kapatid kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Diyos. Igalang ninyo ang Emperador.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.