Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 103:1-7

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit na katha ni David.

103 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
    At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
    at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.
Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
    at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
    at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay,
    kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.

Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
    natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin;
    ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.

Mga Awit 103:8-13

Si(A) Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
    hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.
Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
    yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
10 Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa,
    hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.

11 Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya,
    gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
    gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
    gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.

Genesis 37:12-36

Ipinagbili si Jose at Dinala sa Egipto

12 Isang araw, nasa Shekem ang mga kapatid ni Jose at pinapastol doon ang kawan ng kanilang ama. 13 Sinabi ni Israel kay Jose, “Gumayak ka at sumunod sa iyong mga kapatid.”

“Opo,” tugon ni Jose.

14 Sinabi pa ng kanyang ama, “Tingnan mo kung sila'y nasa mabuting kalagayan. Pagkatapos, bumalik ka agad at nang malaman ko.” Lumakad nga si Jose mula sa libis ng Hebron at nakarating sa Shekem. 15 Sa kanyang paglalakad, nakita siya ng isang lalaki at tinanong kung anong hinahanap niya.

16 “Hinahanap ko po ang aking mga kapatid na nagpapastol ng aming kawan,” sagot niya. “Saan ko po kaya sila makikita?”

17 Sinabi ng lalaki, “Umalis na sila at ang dinig ko'y sa Dotan pupunta.” Sumunod si Jose at natagpuan nga roon ang mga kapatid.

18 Malayo pa'y natanaw na siya ng mga ito. Nagkaisa silang patayin siya. 19 Sinabi nila, “Ayan na ang mahilig managinip! 20 Patayin natin siya at ihulog sa balon, at sabihing siya'y sinila ng mabangis na hayop. Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanyang mga panaginip.”

21 Narinig ito ni Ruben at binalak niyang iligtas si Jose. Sabi niya, “Huwag, huwag nating patayin. 22 Huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; ihulog na lamang natin sa balon.” Sinabi niya ito, sapagkat ang balak niya ay iligtas ang kapatid at dalhin ito sa kanyang ama. 23 Paglapit ni Jose, hinubad nila ang mahabang damit nito na may manggas,[a] 24 at inihulog sa isang tuyong balon.

25 Habang sila'y kumakain, may natanaw silang pangkat ng mga Ismaelitang mula sa Gilead. Ang kanilang mga kamelyo ay may kargang mga gagawing pabango na dadalhin sa Egipto. 26 Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Wala tayong mapapala kung papatayin natin ang ating kapatid. 27 Mabuti pa'y ipagbili na lamang natin siya sa mga Ismaelita kaysa ating saktan! Siya'y kapatid din natin, laman ng ating laman at dugo ng ating dugo.” At sila'y nagkasundo. 28 Kaya't(A) nang may dumaraang mga mangangalakal na Midianita, iniahon nila si Jose at ipinagbili sa halagang dalawampung pirasong pilak. At si Jose'y dinala ng mga Ismaelita sa Egipto.

29 Pagbalik ni Ruben sa balon, nakita niyang wala na roon si Jose. Sa laki ng kanyang pagdaramdam, pinunit niya ang kanyang damit. 30 Lumapit siya sa kanyang mga kapatid at ang sabi, “Wala na sa balon si Jose! Ano ang gagawin ko ngayon?”

31 Nagpatay sila ng kambing at itinubog sa dugo nito ang hinubad na damit ni Jose. 32 Pagkatapos, dinala nila ito sa kanilang ama at sinabi, “Nakita po namin ang damit na ito, tingnan nga ninyo kung ito nga ang sa mahal ninyong anak.”

33 Nakilala niya agad ang damit. “Kanya nga ito! Pinatay ng mabangis na hayop ang anak ko! Pihong nagkaluray-luray ang kanyang katawan.” 34 Sinira ni Jacob ang suot niyang damit, at nagsuot ng damit-panluksa. Ipinagluksa niya nang mahabang panahon ang nangyari sa kanyang anak. 35 Inaliw siya ng lahat niyang mga anak ngunit patuloy ang kanyang pamimighati. Sinabi niya, “Mapupunta ako sa daigdig ng mga patay na nagdadalamhati dahil sa pagkawala ng aking anak.” Patuloy siyang nagluksa dahil kay Jose.

36 Samantala, pagdating sa Egipto, ipinagbili si Jose ng mga Midianita kay Potifar, isang punong kawal ng Faraon at kapitan ng mga tanod sa palasyo.

1 Juan 3:11-16

Magmahalan Tayo

11 Ito(A) ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. 12 Huwag(B) tayong tumulad kay Cain na kampon ng diyablo. Pinaslang niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid.

13 Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. 14 Nalalaman(C) nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. 15 Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. 16 Dito natin nalalaman ang pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa mga kapatid.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.