Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan
Katha ni David.
25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
2 sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
3 Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
4 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
5 Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
6 Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
7 Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!
8 Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
9 Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
19 “Maaaring itanong mo kung bakit hindi dapat pagdusahan ng anak ang kasalanan ng ama. Sapagkat matuwid ang mga gawa ng anak, sumunod siyang mabuti sa aking mga tuntunin, kaya dapat siyang mabuhay. 20 Ang(A) nagkasala ang dapat mamatay. Ang anak ay di dapat magdusa dahil sa kasalanan ng ama, at ang ama ay di dapat magdusa dahil sa kasamaan ng anak. Ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pagiging matuwid at ang masama ay mamamatay sa kanyang kasamaan.”
Matuwid ang Tuntunin ng Diyos
21 “Kung ang isang taong masama ay tumalikod sa kanyang kasamaan, sumunod sa aking mga tuntunin, at gumawa ng mabuti, siya ay mabubuhay. 22 Kakalimutan na ang lahat ng nagawa niyang kasalanan at mabubuhay siya dahil sa kabutihang ginawa niya sa bandang huli. 23 Hindi ko ikinasisiya ang kamatayan ng masama,” sabi pa ni Yahweh. “Ang ibig ko nga, siya'y magsisi at magbagong-buhay. 24 Ngunit kung ang isang taong matuwid ay magpakasama at gumawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, hindi siya mabubuhay. Mamamatay siya dahil sa kanyang pagtataksil at sa kasalanang nagawa. Mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng kabutihang ginawa niya noong una.
Pag-aalinlangan tungkol sa Karapatan ni Jesus(A)
27 Muli silang pumasok sa Jerusalem. Habang si Jesus ay naglalakad sa patyo ng Templo, nilapitan siya ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng bayan. 28 Siya'y tinanong nila, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?”
29 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko kayo. Sagutin ninyo ito at sasabihin ko sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. 30 Sabihin ninyo sa akin, kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo: sa Diyos ba o sa mga tao?”
31 At sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating galing sa Diyos, itatanong naman niya sa atin kung bakit hindi natin pinaniwalaan si Juan. 32 Ngunit kung sasabihin naman nating galing sa tao, baka kung ano naman ang gawin sa atin ng mga tao.” Nangangamba sila sapagkat naniniwala ang marami na si Juan ay isang tunay na propeta. 33 Kaya't ganito ang kanilang isinagot: “Hindi namin alam.”
“Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gawin ang mga ito,” tugon ni Jesus sa kanila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.