Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Pag-ibig ng Diyos
Awit na katha ni David.
103 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
2 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.
3 Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
4 Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
5 Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay,
kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.
6 Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
7 Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin;
ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.
8 Si(A) Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.
9 Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
10 Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa,
hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.
11 Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya,
gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.
Nagpakilala na si Jose
45 Hindi(A) na mapigil ni Jose ang kanyang damdamin, kaya pinaalis niya ang kanyang mga tagapaglingkod na naroon. Nang sila na lamang ang naroon, ipinagtapat ni Jose sa kanyang mga kapatid kung sino siya. 2 Sa lakas ng kanyang iyak, narinig siya ng mga Egipcio, kaya't ang balita'y mabilis na nakarating sa palasyo. 3 “Ako si Jose!” ang pagtatapat niya sa kanyang mga kapatid. “Buháy pa bang talaga ang ating ama?” Nagulantang sila sa kanilang narinig at hindi nakasagot. 4 “Lumapit kayo,” sabi ni Jose. Lumapit nga sila, at nagpatuloy siya ng pagsasalita, “Ako nga si Jose, ang inyong kapatid na ipinagbili ninyo sa Egipto. 5 Ngunit huwag na ninyong ikalungkot ang nangyari. Huwag ninyong sisihin ang inyong sarili sa ginawa ninyo sa akin. Ang Diyos ang nagpadala sa akin dito upang iligtas ang maraming buhay. 6 Dalawang taon pa lamang ang taggutom, limang taon pa ang darating at walang aanihin sa mga bukirin. 7 Pinauna ako rito ng Diyos upang huwag malipol ang ating lahi. 8 Kaya, hindi kayo kundi ang Diyos ang nagpadala sa akin dito. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapangasiwa ng kanyang sambahayan at tagapamahala ng buong Egipto.”
9 Sinabi(B) pa ni Jose, “Bumalik kayo agad sa ating ama at ibalita ninyo na ako ang pinapamahala ng Diyos sa buong Egipto. Sabihin ninyong pumarito agad siya sa lalong madaling panahon. 10 Doon siya titira sa lupain ng Goshen para mapalapit sa akin. Ang lahat niyang mga anak, mga apo, mga tupa, kambing, baka at lahat ng inyong ari-arian ay kanyang dalhin. 11 Doo'y mapangangalagaan ko kayo. Limang taon pa ang taggutom, at hindi ko gustong makita ang sinuman sa inyo na naghihirap. 12 Kitang-kita ninyo ngayon, pati ikaw, Benjamin, na ako talaga si Jose. 13 Ibalita ninyo sa ating ama ang taglay kong kapangyarihan dito sa Egipto, at ikuwento ninyo ang lahat ng inyong nakita. Hihintayin ko siya sa lalong madaling panahon.”
14 Umiiyak niyang niyakap si Benjamin, at ito nama'y umiiyak ding yumakap kay Jose. 15 Patuloy siyang umiiyak habang isa-isang hinahagkan ang ibang kapatid.
16 Nakarating sa palasyo ang balita na ang mga kapatid ni Jose ay dumating. Ikinatuwa ito ng Faraon at ng kanyang mga kagawad. 17 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Pakargahan mo ng pagkain ang mga hayop ng iyong mga kapatid, at pabalikin mo sila sa Canaan. 18 Sabihin mong dalhin dito ang inyong ama at ang buong sambahayan nila. Ibibigay ko sa kanila ang pinakamatabang lupain upang malasap nila ang masaganang pamumuhay rito. 19 Sabihin mo ring magdala sila ng mga karwahe para magamit ng kani-kanilang asawa at mga anak paglipat sa Egipto. 20 Huwag na nilang panghinayangang iwanan ang kanilang ari-arian doon, sapagkat ang pinakamabuting lupain dito ang ibibigay ko sa kanila.”
7 “Sa(A) pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. 8 Huwag ninyo silang tutularan. Alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya. 9 Ganito kayo mananalangin,
‘Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang iyong pangalan.
10 Dumating nawa ang iyong kaharian.[a]
Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.
11 Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw;[b]
12 at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.
13 At huwag mo kaming hayaang matukso, kundi iligtas mo kami sa Masama! [Sapagkat iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman! Amen.]’[c]
14 “Sapagkat(B) kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang inyong kapwa, hindi rin patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.