Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan
Katha ni David.
25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
2 sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
3 Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
4 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
5 Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
6 Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
7 Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!
8 Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
9 Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
Ang Palatandaan ng Panginginig ng Propeta
17 Sinabi sa akin ni Yahweh, 18 “Ezekiel, anak ng tao, manginig ka sa takot habang kumakain at umiinom. 19 Sabihin mo sa kanila, ‘Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh sa mga Israelita, Kakain kayo at iinom nang nanginginig sa takot. Ang lunsod ay paghaharian ng lagim sapagkat magaganap ang karahasan sa kabi-kabila. 20 Ang mga lunsod ay mawawalan ng tao, at magiging pook ng lagim ang lupain. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.’”
Ang mga Palasak na Kasabihan
21 Sinabi sa akin ni Yahweh, 22 “Ezekiel, anak ng tao, laganap ngayon sa buong Israel ang kasabihang, ‘Humahaba ang mga araw ngunit isa man sa mga hula'y walang katuparang natatanaw.’ 23 Sabihin mo sa kanilang mawawala na ang kasabihang iyan, hindi na ito maririnig sa Israel. Sabihin mo ring malapit nang matupad ang lahat ng inihayag sa kanila. 24 Mula ngayo'y mawawala na ang maling pagpapahayag sa sambayanang Israel. 25 Akong si Yahweh ang magsasabi ng dapat sabihin. Hindi na magtatagal, mga Israelitang mapaghimagsik, at mangyayari sa inyong kapanahunan ang lahat ng aking sasabihin.”
26 Sinabi pa sa akin ni Yahweh, 27 “Ezekiel, anak ng tao, sinasabi ng mga Israelita na ang nakikita mong mga pangitain ay hindi magkakatotoo kung ngayon lamang. Magtatagal pa raw bago mangyari ang inihahayag mo ngayon. 28 Kaya, sabihin mo sa kanilang ipinapasabi ko: ‘Isa man sa mga sinabi ko'y hindi maaantala. Hindi na magtatagal at magaganap ang lahat ng ito.’”
Huwag Humatol sa Kapwa
11 Mga kapatid, huwag kayong magsiraan sa isa't isa. Ang naninira o humahatol sa kanyang kapatid ay naninira at humahatol sa Kautusan. At kung hinahatulan mo ang Kautusan, hindi ka na tagasunod ng Kautusan kundi isang hukom nito. 12 Ang Diyos lamang ang nagbigay ng Kautusan at siya rin ang hukom. Tanging siya ang may kapangyarihang magligtas at magparusa. Ngunit ikaw, sino ka upang humatol sa iyong kapwa?
Huwag Magmalaki
13 Makinig(A)(B) kayo sa akin, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito at ganoong bayan at isang taon kaming mananatili roon, mangangalakal kami at kikita nang malaki.” 14 Ni hindi nga ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Ang buhay ninyo'y parang usok lamang, sandaling lumilitaw at agad nawawala. 15 Sa halip ay sabihin ninyo, “Kung loloobin ng Panginoon, mabubuhay pa kami at gagawin namin ito o iyon.” 16 Ngunit kayo'y nagmamalaki at nagyayabang, at iyan ay masama!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.