Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David.
28 Tagapagtanggol kong Yahweh, ako'y nananawagan,
sana'y iyong pakinggan itong aking karaingan.
Kung katugunan ay hindi mo ibibigay,
para na rin akong nasa daigdig ng mga patay.
2 Pakinggan mo sana ang paghingi ko ng saklolo,
kapag itinataas ang kamay ko sa iyong banal na Templo.
3 Huwag mo akong ibilang sa mga masasama,
na pawang kalikuan ang mga ginagawa;
kung magsalita'y parang mga kaibigan,
ngunit sa puso'y may pagkamuhing taglay.
4 Parusahan(A) mo sila sa kanilang ginagawa,
pagkat mga gawa nila'y pawang masasama.
Parusa sa kanila'y iyong igawad,
ibigay sa kanila ang hatol na dapat.
5 Mga gawa ni Yahweh ay di nila pinapansin,
mabubuti niyang gawa'y ayaw intindihin;
kaya't sila'y kanyang pupuksain,
at hindi na muling pababangunin.
6 Si Yahweh ay dapat purihin!
Dininig niya ang aking mga daing.
7 Si Yahweh ang lakas ko at kalasag,
tiwala ko'y sa kanya nakalagak.
Tinutulungan niya ako at pinasasaya,
sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.
8 Iniingatan ni Yahweh ang kanyang sambayanan;
siya ang kanlungan ng kanyang haring hinirang.
9 Iligtas mo, Yahweh, ang iyong bayan,
ang mga sa iyo, ay iyong basbasan.
Alagaan mo sila magpakailanman,
tulad ng pastol sa kanyang kawan.
Nag-asawa si Samson ng Dalagang Taga-Timna
14 Minsan, nagpunta si Samson sa Timna at nakakita siya roon ng isang dalagang Filistea. 2 Nang siya'y umuwi, sinabi niya sa kanyang mga magulang, “Mayroon po akong nakitang isang dalagang Filistea sa Timna. Kunin po ninyo siya para sa akin. Gusto ko siyang mapangasawa.”
3 “Bakit naman gusto mo pang sa angkan ng mga hindi tuling iyon ka pipili ng mapapangasawa? Wala ka bang mapili sa ating angkan, sa ating mga kababayan?” tanong ng mga ito.
Sumagot si Samson, “Basta siya po ang gusto kong mapangasawa.”
4 Hindi alam ng mga magulang ni Samson na ang ginagawa niya ay kalooban ni Yahweh upang bigyan ito ng pagkakataong digmain ang mga Filisteo. Ang Israel noon ay nasasakop ng mga Filisteo.
5 Pumunta si Samson sa Timna kasama ang kanyang mga magulang. Habang dumaraan sa isang ubasan, may isang batang leon na umungal kay Samson. 6 Kaya't pinalakas siya ng Espiritu[a] ni Yahweh at pinatay niya sa pamamagitan lamang ng kanyang mga kamay ang leon na para lamang isang batang kambing. Ngunit hindi niya ito ipinaalam sa kanyang mga magulang.
7 Pagkatapos ay pinuntahan ni Samson ang dalaga at kinausap. Lalo niya itong nagustuhan. 8 Pagkalipas ng ilang araw, nagbalik siya upang pakasalan na ang babae. Pagdating niya sa pinagpatayan niya ng leon, naisipan niyang tingnan ito. Ang nakita niya'y isang malaking bahay ng pukyutan sa loob ng katawan ng napatay niyang leon. 9 Sinalok niya ng kanyang mga kamay ang pulot at kinain saka nagpatuloy sa kanyang lakad. Pagbalik niya, inuwian pa niya ng pulot ang kanyang mga magulang. Kinain naman nila ito, ngunit hindi alam kung saan galing. Hindi sinabi ni Samson na iyon ay galing sa bangkay ng napatay niyang leon.
10 Pumunta ang ama ni Samson sa bahay ng kanyang mapapangasawa. Tulad ng kaugalian ng mga binata noon, naghanda si Samson doon ng salu-salo. 11 Nang makita siya ng mga Filisteo, siya'y binigyan nila ng tatlumpung abay na kabataang lalaki. 12 Naisipan ni Samson na sila'y bigyan ng palaisipan. Ang sabi niya, “Mayroon akong bugtong. Kapag nahulaan ninyo bago matapos ang pitong araw na handaan, bibigyan ko kayo ng tatlumpung piraso ng pinong lino at tatlumpung magagarang damit. 13 Ngunit kung hindi ninyo ito mahulaan, ako naman ang bibigyan ninyo ng tatlumpung pinong lino at tatlumpung magagarang damit.”
Sumagot sila, “Payag kami.”
14 Sinabi ni Samson,
“Mula sa kumakain ay lumabas ang pagkain;
at mula sa malakas, matamis ay lumabas.”
Tatlong araw na ang nakararaa'y hindi pa nila ito mahulaan.
15 Nang ikaapat na araw,[b] sinabi nila sa asawa ni Samson, “Suyuin mo ang iyong asawa para malaman namin ang sagot sa bugtong niya. Kung hindi, susunugin ka namin at ang iyong pamilya. Inanyayahan ba ninyo kami para mamulubi?”
16 Kaya, lumapit ang babae kay Samson at lumuluhang sinabi, “Hindi mo ako mahal. Nagpapahula ka ng bugtong sa aking mga kaibigan ngunit hindi mo sinasabi sa akin ang sagot.”
Sumagot si Samson, “Kung sa aking mga magulang ay hindi ko ito ipinaalam, sa iyo pa?” 17 Ang babae'y patuloy sa pag-iyak at panunuyo kay Samson sa loob ng pitong araw nilang handaan. Kaya, nang ikapitong araw, sinabi rin niya ang sagot sa bugtong dahil sa kakulitan nito. Ang sinabi ni Samson ay sinabi naman nito sa kanyang mga kaibigan.
18 At bago dumilim nang ikapitong araw, ang mga taga-Timna ay nagpunta kay Samson at kanilang sinabi,
“May tatamis pa ba sa pulot-pukyutan?
At may lalakas pa ba sa leon?”
Sinabi sa kanila ni Samson,
“Kung ang aking asawa'y di ninyo tinakot,
hindi sana nalaman ang tamang sagot.”
19 At si Samson ay pinalakas ng Espiritu[c] ni Yahweh. Nagpunta siya sa Ashkelon at pumatay ng tatlumpung kalalakihan. Kinuha niya ang magagarang kasuotan ng mga ito at ibinigay sa mga nakasagot sa kanyang bugtong. Pagkatapos, umuwi siyang galit na galit dahil sa nangyari. 20 At ang asawa naman niya'y ibinigay sa pangunahing abay na lalaki.
Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos
3 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. 4 Ako'y nagagalak tuwing ako'y nananalangin para sa inyong lahat, 5 dahil sa inyong pakikiisa sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, mula nang ito'y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan. 6 Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.
7 Kayo'y laging nasa aking puso, kaya dapat lang na pahalagahan ko kayo nang ganito. Magkasama tayong tumanggap ng pagpapala ng Diyos, noon pa man nang ako'y malayang nagtatanggol at nagpapalaganap ng Magandang Balita at kahit ngayong ako'y nakabilanggo. 8 Saksi ko ang Diyos na ang pananabik ko sa inyong lahat ay kagaya ng pagmamahal sa inyo ni Jesu-Cristo.
9 Idinadalangin ko sa Diyos na ang inyong pag-ibig ay patuloy na sumagana at masangkapan ng malinaw na kaalaman at pagkaunawa, 10 upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay matagpuan kayong malinis, walang kapintasan, 11 at sagana sa magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Jesu-Cristo, sa ikararangal at ikadadakila ng Diyos.
Si Cristo ang Buhay
12 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita. 13 Nalaman(A) ng mga bantay sa palasyo at ng iba pang naririto na ako'y nabilanggo dahil sa pagsunod ko kay Cristo. 14 At ang karamihan sa mga kapatid ay lalong tumibay sa kanilang pananalig sa Panginoon dahil sa aking pagkabilanggo. Hindi lamang iyon, lalo pang lumakas ang kanilang loob na ipangaral ang salita ng Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.