Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Makaunawa
(He)
33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.
Ang Kamatayan ng Asawa ng Propeta
15 Sinabi sa akin ni Yahweh, 16 “Ezekiel, anak ng tao, sa isang iglap ay kukunin ko ang taong pinakamamahal mo ngunit huwag mong itatangis ni iluluha. 17 Maaari mong daanin sa buntong-hininga ngunit tibayan mo ang iyong loob. Manahimik ka at huwag iparirinig ang iyong pagtangis. Huwag kang lalakad nang walang sapin sa paa at lambong sa ulo, na tanda ng pagluluksa. Huwag mong tatakpan ang iyong mukha ni kakain ng pagkain ng mga upahang taga-iyak.”
18 Umaga nang ako'y magsalita sa mga Israelita. Kinagabihan, namatay ang aking asawa. Kinaumagahan, ginawa ko ang iniutos sa akin ni Yahweh.
19 Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin sa ginagawa mong ito?” 20 Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ni Yahweh na 21 sabihin ko sa sambahayan ng Israel ang ganito: ‘Ang aking Templo na siyang sagisag ng inyong kapangyarihan at kasiyahan ay sasalaulain ko, at papatayin sa tabak ang inyong mga anak. 22 Tularan ninyo ang ginagawa ko: huwag kayong magluluksa ni malulungkot. 23 Mag-ayos kayong tulad ng dati, nakaturbante at panyapak. Huwag kayong tatangis o luluha. Dahil sa inyong kasamaan, mangangayayat sa matinding himutok ang bawat isa sa inyo. 24 Sinabi ni Yahweh na ang mangyayari kay Ezekiel ang magiging babala sa inyo. Kung mangyari na ang lahat, tularan ninyo ang kanyang ginagawa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.’
25 “Ezekiel, anak ng tao, aalisin ko sa kanila ang matibay nilang Templo na siya nilang ipinagmamalaki at kasiyahan, gayon din ang kanilang mga anak. 26 Sa araw na iyon, isang takas ang magbabalita sa iyo ng mga pangyayari. 27 Sa araw na yaon, makapagsasalita ka na muli; makakausap mo na ang takas na iyon. Ikaw nga ang magiging pinakababala sa kanila. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
15 At(A) paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng Magandang Balita!” 16 Ngunit(B) hindi lahat ay sumunod sa Magandang Balita, gaya ng sinulat ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?” 17 Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo.
18 Subalit(C) ang tanong ko'y ganito: Hindi kaya sila nakapakinig? Oo, sila'y nakapakinig! Sapagkat nasusulat,
“Abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
ang sinasabi nila'y nakarating hanggang sa dulo ng daigdig.”
19 Ito(D) pa ang isa kong tanong: Hindi kaya nakaunawa ang bansang Israel? Noon pa man ay sinabi na ni Moises,
“Gagamitin ko ang mga taong di man lamang isang bansa
upang kayo'y inggitin,
gagamitin ko ang isang bansang hangal
upang kayo'y galitin.”
20 Buong(E) tapang namang ipinahayag ni Isaias,
“Natagpuan ako ng mga hindi naghanap sa akin.
Nagpahayag ako sa mga hindi nag-usisa tungkol sa akin.”
21 Subalit(F) tungkol naman sa Israel ay sinabi niya,
“Buong maghapon akong nanawagan
sa isang suwail at mapaghimagsik na bayan!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.