Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 50:15-21

Binigyan ni Jose ng Kapanatagan ang mga Kapatid

15 Mula nang mamatay ang kanilang ama, nag-alala na ang mga kapatid ni Jose. Sabi nila, “Paano kung galit pa sa atin si Jose at gantihan tayo sa kalupitang ginawa natin sa kanya?” 16 Nagpasugo sila kay Jose at ipinasabi ang ganito: “Bago namatay ang ating ama, ipinagbilin niya na sabihin ito sa iyo, 17 ‘Nakikiusap ako na patawarin mo na ang iyong mga kapatid sa ginawa nila sa iyo.’ Kaya naman ngayon, nagsusumamo kami sa iyo na patawarin mo kaming mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” Napaiyak si Jose nang marinig ito.

18 Lumapit lahat ang kanyang mga kapatid at yumuko sa harapan niya. “Kami'y mga alipin mo,” wika nila.

19 Ngunit sinabi ni Jose, “Huwag kayong matakot! Maaari ko bang palitan ang Diyos? 20 Masama nga ang inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan, at dahil doo'y naligtas ang marami ngayon. 21 Kaya, huwag na kayong mag-alala. Ako ang bahala sa inyo at sa inyong mga anak.” Napanatag ang kanilang kalooban sa mga sinabing ito ni Jose.

Mga Awit 103:1-7

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit na katha ni David.

103 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
    At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
    at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.
Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
    at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
    at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay,
    kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.

Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
    natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin;
    ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.

Mga Awit 103:8-13

Si(A) Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
    hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.
Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
    yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
10 Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa,
    hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.

11 Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya,
    gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
    gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
    gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.

Roma 14:1-12

Huwag Hatulan ang Inyong Kapatid

14 Tanggapin(A) ninyo ang mahihina sa kanilang paniniwala, at huwag makipagtalo sa kanya tungkol sa kanyang kuru-kuro. May naniniwalang maaari siyang kumain ng anuman, ngunit gulay lamang ang kinakain ng mahina sa kanyang paniniwala. Huwag hamakin ng taong kumakain ng anuman ang taong kumakain ng gulay lamang. At huwag namang hatulan ng kumakain ng gulay lamang ang taong kumakain ng anuman, sapagkat siya'y tinatanggap din ng Diyos. Sino ka upang humatol sa lingkod ng iba? Ang panginoon lamang niya ang makahahatol kung siya'y karapat-dapat o hindi. At ituturing naman siyang karapat-dapat sapagkat kayang gawin iyon ng Panginoon.

May nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang mga araw. May naniniwala namang pare-pareho ang lahat ng araw. Dapat tiyakin ng bawat isa kung ano ang kanyang pasya tungkol sa bagay na ito. Ang nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga rito alang-alang sa Panginoon. Ang kumakain ng anuman ay kumakain niyon alang-alang sa Panginoon, sapagkat nagpapasalamat siya sa Diyos. Iyon namang hindi kumakain ng ilang uri ng pagkain ay gumagawa ng ganoon alang-alang din sa Panginoon, at nagpapasalamat din siya sa Diyos. Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang. Kung tayo'y nabubuhay, para sa Panginoon tayo nabubuhay; at kung tayo'y namamatay, para sa Panginoon tayo namamatay. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon. Sapagkat si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at ng mga buháy. 10 Ngunit(B) ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw naman, bakit mo hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos. 11 Sapagkat(C) nasusulat,

“Sabi ng Panginoon, ‘Dahil ako'y buháy,
    ang lahat ay luluhod sa harap ko,
    at ang bawat isa'y magpupuri sa Diyos.’”

12 Kaya't bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos.

Mateo 18:21-35

Ang Talinghaga tungkol sa Lingkod na Di Marunong Magpatawad

21 Lumapit(A) si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang aking kapatid na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?”

22 Sinagot(B) siya ni Jesus, “Hindi pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito.[a] 23 Sapagkat ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan niyang magkwenta, dinala sa kanya ang isang lingkod na may utang na milyun-milyong piso.[b] 25 Dahil sa siya'y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya'y makabayad. 26 Lumuhod ang lingkod sa harapan ng hari at nagmakaawa, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ 27 Naawa sa kanya ang hari kaya't pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya.

28 “Ngunit pagkaalis roon ay nakita niya ang isa niyang kapwa lingkod na may utang sa kanya na ilang daang piso.[c] Sinakal niya ito, sabay sabi, ‘Magbayad ka ng utang mo!’ 29 Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ 30 Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ito'y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad.

31 “Sumama ang loob ng ibang mga lingkod ng hari sa pangyayaring iyon, kaya't pumunta sila sa hari at nagsumbong. 32 Ipinatawag ng hari ang lingkod na iyon. ‘Napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. 33 Naawa ako sa iyo. Hindi ba't dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’ 34 At sa galit ng hari, siya'y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran nang buo ang kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos pusong patatawarin ang inyong kapatid.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.