Revised Common Lectionary (Complementary)
7 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
8 Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
9 Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10 Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11 Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12 Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13 Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.
14 Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15 Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!
Ang Ibinunga ng Pagtataksil ng Israel
14 “Hindi alipin ang Israel nang siya'y isilang.
Ngunit bakit siya pinaghahanap ng kanyang mga kaaway?
15 Sila'y parang mga leong umaatungal
habang winawasak ang lupain;
giniba ang kanyang mga lunsod kaya't wala nang naninirahan doon.
16 Binasag ng mga taga-Memfis at taga-Tafnes ang kanyang bungo.
17 Ikaw na rin, Israel, ang dapat sisihin sa nangyari sa iyo!
Tinalikdan mo ako na iyong Diyos,
akong si Yahweh na umakay sa iyong mga paglalakbay.
18 Ano ang mapapala mo sa pagpunta sa Egipto?
Ang makainom ng tubig sa Ilog Nilo?
Ano ang inaasahan mong makukuha sa Asiria?
Ang makainom ng tubig sa Ilog Eufrates?
19 Paparusahan ka ng sarili mong kasamaan.
Ipapahamak ka ng iyong pagtalikod sa akin.
Mararanasan mo kung gaano kapait at kahirap
ang mawalan ng takot at tumalikod kay Yahweh na iyong Diyos.
Ako, ang Panginoong Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat,
ang nagsasabi nito.
Ayaw Sambahin ng Israel si Yahweh
20 “Matagal mo nang itinakwil ang kapangyarihan ko, Israel,
at ako'y ayaw mong sundin
sapagkat ang sabi mo, ‘Hindi ako maglilingkod.’
Ngunit sa ibabaw ng bawat mataas na burol,
at sa lilim ng bawat mayabong na punongkahoy,
ikaw ay sumamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng babaing nagbebenta ng sarili.
21 Maganda ka noon nang aking itanim,
mula sa pinakamalusog na binhi ng ubas.
Tingnan mo ngayon ang naging buhay mo!
Para kang ubas na ligaw, nabubulok ang bunga at walang pakinabang!
22 Kahit maghugas ka pa, at gumamit ng pinakamatapang na sabon,
mananatili pa rin ang mantsa ng iyong kasalanan;
hindi mo iyan maitatago sa akin,
ang Panginoong Yahweh ang nagsasalita.
16 Kaya't(A) huwag na kayong magpapasakop pa sa anumang alituntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa mga kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga. 17 Ang mga ito'y anyo lamang ng mga bagay na darating, ngunit si Cristo ang katuparan ng lahat ng ito. 18 Huwag kayong magpapatangay sa mga nagpapakita ng maling pagpapakumbaba at sumasamba sa mga anghel. Ipinagmamalaki nilang sila'y nakakahigit sa inyo dahil sa kanilang mga pangitain. Ngunit ang totoo, nagyayabang lamang sila dala ng kanilang isipang makalaman. 19 Hindi(B) sila nagpapasakop kay Cristo na siyang ulo at may kapangyarihan sa buong katawan. Nakaugnay sa kanya ang mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid. Siya ang nangangalaga at nagpapaunlad sa buong katawan ayon sa pag-unlad na ninanais ng Diyos.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
20 Namatay na kayo na kasama ni Cristo at hindi na sakop ng mga alituntunin ng mundong ito. Bakit pa kayo sumusunod sa mga alituntuning tulad ng 21 “Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyan,” “Huwag gagalawin iyon”? 22 Ang mga ito'y utos at katuruan lamang ng tao, at nauukol sa mga bagay na nauubos kapag ginagamit. 23 Sa kaanyuan, para ngang ayon sa karunungan ang ganoong uri ng pagsamba, pagpapakumbaba at pagpapahirap sa sariling katawan. Ngunit ang mga ito ay walang silbi sa pagpigil sa hilig ng laman.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.