Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kahalagahan ng Kautusan ni Yahweh
(Tet)
65 Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan,
kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal.
66 Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman,
yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
67 Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,
nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;
68 kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob;
sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
69 Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,
ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral.
70 Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,
ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa.
71 Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos.
72 Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
2 “Sinuman sa inyo ang matuklasang gumagawa ng masama laban kay Yahweh na inyong Diyos at sumisira sa ating kasunduan kay Yahweh, 3 naglilingkod(A) at sumasamba sa mga diyus-diyosan, sa araw, sa buwan o sa mga bituin 4-5 ay siyasatin ninyong mabuti. Kapag ang sumbong o ang bintang na iyon ay napatunayan, ang nagkasala ay dadalhin sa pintuang bayan, at babatuhin hanggang mamatay. 6 Ang(B) hatol na kamatayan ay igagawad kung may dalawa o tatlong saksi na nagpapatotoo; hindi sapat ang patotoo ng isang saksi. 7 Ang(C) mga saksi ang unang babato sa nagkasala, saka ang taong-bayan. Sa ganitong paraan ay aalisin ninyo sa inyong sambayanan ang kasamaang tulad nito.
8 “Kung sa lugar ninyo ay may mabigat na usapin at hindi ninyo kayang lutasin, tulad ng patayan, pang-aapi o pananakit, pumunta kayo sa lugar na pinili ni Yahweh. 9 Iharap ninyo ito sa mga paring Levita o hukom na nanunungkulan sa panahong iyon, at sila ang hahatol. 10 Tanggapin ninyo ang anumang ihatol nila sa inyo at sunding lahat ang kanilang tagubilin. 11 Kung ano ang sabihin nila, siya ninyong gawin; huwag kayong lalabag sa anumang pasya nila. 12 Papatayin ang sinumang hindi susunod sa katuruan ng pari o sa hatol ng hukom. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaan sa inyong sambayanan. 13 Kapag ito'y nabalitaan ng lahat, matatakot silang gumawa ng gayunding kasamaan.
Paggalang sa Pamahalaan
13 Ang(A) bawat tao'y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. 2 Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at sila'y nararapat sa parusa. 3 Ang mga pinuno ay hindi dapat katakutan ng taong gumagawa ng mabuti. Ang mga gumagawa lamang ng masama ang dapat matakot. Kung ayaw mong matakot sa mga namumuno, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka nila. 4 Sila'y mga lingkod ng Diyos para sa ikabubuti mo. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil sila'y may kapangyarihang magparusa.[a] Sila'y mga lingkod ng Diyos, na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. 5 Kaya nga, dapat kayong pasakop sa kanila, hindi lamang upang hindi kayo maparusahan, kundi alang-alang na rin sa inyong budhi.
6 Iyan(B) din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay mga lingkod ng Diyos at ito ang kanilang tungkulin. 7 Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya. Magbayad kayo sa mga dapat bayaran at magbigay kayo ng buwis sa dapat buwisan; igalang ninyo ang dapat igalang at parangalan ninyo ang dapat parangalan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.