Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 2

Ang Huling Habilin ni David kay Solomon

Nang malapit na ang oras ng pagkamatay ni David, nagbilin siya ng ganito kay Solomon na kanyang anak:

“Ako'y patungo na sa daan ng buong lupa. Magpakalakas ka at magpakalalaki;

at ingatan mo ang bilin ng Panginoon mong Diyos. Lumakad ka sa kanyang mga daan, at ingatan ang kanyang mga tuntunin, mga utos, mga batas, at mga patotoo, ayon sa nasusulat sa kautusan ni Moises, upang ikaw ay magtagumpay sa lahat ng iyong ginagawa, at maging saan ka man bumaling.

Upang pagtibayin ng Panginoon ang kanyang salita na kanyang sinabi tungkol sa akin, na sinasabi, ‘Kung ang iyong mga anak ay mag-iingat sa kanilang lakad, na lalakad sa harap ko na may katapatan ng kanilang buong puso at ng kanilang buong kaluluwa, hindi ka mawawalan ng lalaki sa trono ng Israel.’

“Bukod(A) dito'y alam mo rin ang ginawa ni Joab na anak ni Zeruia sa akin, ang ginawa niya sa dalawang pinuno ng mga hukbo ng Israel, kay Abner na anak ni Ner, at kay Amasa na anak ni Jeter na kanyang pinaslang at nagpadanak ng dugo ng digmaan sa kapayapaan. At kanyang inilagay ang dugo ng digmaan sa kanyang sinturon na nasa kanyang baywang at sa loob ng kanyang mga sandalyas na nasa kanyang mga paa.

Kaya't kumilos ka ayon sa iyong karunungan, at huwag mong hayaang ang kanyang uban sa ulo ay bumabang payapa sa Sheol.

Ngunit(B) pagpakitaan mo ng kagandahang-loob ang mga anak ni Barzilai na Gileadita, at maging kabilang sila sa kumakain sa iyong hapag; sapagkat gayon sila naging tapat sa akin nang ako'y tumakas kay Absalom na iyong kapatid.

Nasa(C) iyo rin si Shimei na anak ni Gera na Benjaminita, na taga-Bahurim, na lumait sa akin ng matindi nang araw na ako'y pumaroon sa Mahanaim, ngunit nang lumusong siya upang salubungin ako sa Jordan, ay isinumpa ko sa kanya sa Panginoon, na sinasabi, ‘Hindi kita papatayin ng tabak.’

Ngayon nga'y huwag mo siyang ituring na walang sala, sapagkat ikaw ay lalaking matalino at malalaman mo kung ano ang dapat gawin sa kanya, at iyong ibababa na may dugo ang kanyang uban sa ulo sa Sheol.”

Namatay si David

10 Pagkatapos, si David ay natulog[a] na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa lunsod ni David.

11 Ang(D) mga panahon na naghari si David sa Israel ay apatnapung taon; pitong taong naghari siya sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem.

12 At(E) si Solomon ay umupo sa trono ni David na kanyang ama, at ang kanyang kaharian ay matibay na itinatag.

Hiniling ni Adonias na Maging Asawa si Abisag

13 Pagkatapos, si Adonias na anak ni Hagit ay naparoon kay Batseba na ina ni Solomon. Kanyang sinabi, “Naparito ka bang payapa?” At sinabi niya, “Payapa.”

14 Sinabi pa niya, “Mayroon pa akong sasabihin sa iyo.” At sinabi niya, “Sabihin mo.”

15 At kanyang sinabi, “Alam mo na ang kaharian ay naging akin, at umasa ang buong Israel na ako ang maghahari; ngunit ang kaharian ay nagbago, at napunta sa aking kapatid, sapagkat iyon ay kanya mula sa Panginoon.

16 Ngayo'y mayroon akong isang kahilingan sa iyo, huwag mo akong tanggihan.” At sinabi niya sa kanya, “Sabihin mo.”

17 At(F) kanyang sinabi, “Ipinapakiusap ko sa iyo na iyong hingin kay Haring Solomon, sapagkat hindi ka niya tatanggihan, na ibigay niya sa akin si Abisag na Sunamita bilang asawa.”

18 Sinabi ni Batseba, “Mabuti; ako'y makikipag-usap sa hari para sa iyo.”

Pinatay si Adonias

19 Kaya't si Batseba ay pumaroon kay Haring Solomon upang ipakiusap sa kanya si Adonias. Tumindig ang hari upang salubungin siya at yumukod siya sa kanya. Pagkatapos ay umupo siya sa kanyang trono, at nagpakuha ng upuan para sa ina ng hari. Si Batseba ay umupo sa kanyang kanan.

20 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Ako'y may isang munting kahilingan sa iyo. Huwag mo akong tanggihan.” At sinabi ng hari sa kanya, “Hilingin mo, ina ko, sapagkat hindi kita tatanggihan.”

21 Sinabi ni Batseba, “Ibigay mong asawa si Abisag na Sunamita sa iyong kapatid na si Adonias.”

22 At si Haring Solomon ay sumagot, at nagsabi sa kanyang ina, “At bakit mo hinihiling si Abisag na Sunamita para kay Adonias? Hilingin mo na rin para sa kanya ang kaharian; sapagkat siya'y nakatatanda kong kapatid. At nasa kanyang panig si Abiatar na pari at si Joab na anak ni Zeruia.”

23 Nang magkagayo'y sumumpa si Haring Solomon sa Panginoon, na sinasabi, “Hatulan ako ng Diyos, at lalo na, kung hindi ang buhay ni Adonias ang maging kabayaran sa salitang ito!

24 Ngayon, habang nabubuhay ang Panginoon na nagtatag sa akin, at naglagay sa akin sa trono ni David na aking ama, at siyang gumawa para sa akin ng isang bahay, gaya ng kanyang ipinangako, tunay na si Adonias ay papatayin sa araw na ito.”

25 Isinugo ni Haring Solomon si Benaya na anak ni Jehoiada at kanyang sinunggaban si Adonias[b] at siya'y namatay.

26 Sinabi(G) ng hari kay Abiatar na pari, “Umuwi ka sa Anatot, sa iyong sariling bukid. Ikaw ay karapat-dapat na mamatay, ngunit sa panahong ito'y hindi kita papatayin, sapagkat iyong pinasan ang kaban ng Panginoong Diyos sa harap ni David na aking ama, at sapagkat ikaw ay nakibahagi sa lahat ng kahirapan ng aking ama.”

27 Kaya't(H) tinanggal ni Solomon si Abiatar sa pagkapari sa Panginoon, upang kanyang matupad ang salita ng Panginoon, na kanyang sinabi sa Shilo tungkol sa sambahayan ni Eli.

Pinatay si Joab

28 Nang ang balita ay dumating kay Joab, sapagkat si Joab ay kumampi kay Adonias, bagaman hindi siya kumampi kay Absalom, si Joab ay tumakas patungo sa Tolda ng Panginoon, at humawak sa mga sungay ng dambana.

29 Nang ibalita kay Haring Solomon na, “Si Joab ay tumakas patungo sa Tolda ng Panginoon, siya'y nasa tabi ng dambana.” Nang magkagayo'y sinugo ni Solomon si Benaya na anak ni Jehoiada, na sinasabi, “Humayo ka, sunggaban mo siya.”

30 Si Benaya ay pumunta sa Tolda ng Panginoon, at nagsabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng hari, ‘Lumabas ka.’” At kanyang sinabi, “Hindi. Dito ako mamamatay.” Muling ipinaabot ni Benaya sa hari ang salita, na sinasabi, “Ganito ang sinabi ni Joab, at ganito ang isinagot sa akin.”

31 Sinabi ng hari sa kanya, “Gawin kung paano ang sinabi niya, at patayin mo siya at ilibing upang iyong maalis ang dugong pinadanak ni Joab nang walang kadahilanan sa akin at sa sambahayan ng aking ama.

32 Ibabalik ng Panginoon ang kanyang madudugong gawa sa kanyang sariling ulo, sapagkat kanyang sinunggaban ang dalawang lalaki na lalong matuwid at mas mabuti kaysa kanya, at pinatay ng tabak, nang hindi nalalaman ng aking amang si David. Siya ay si Abner na anak ni Ner, na pinuno ng hukbo ng Israel, at si Amasa na anak ni Jeter, na pinuno ng hukbo ng Juda.

33 Kaya't ang kanilang dugo ay mababalik sa ulo ni Joab, at sa ulo ng kanyang binhi magpakailanman. Ngunit kay David, sa kanyang binhi, at sa kanyang sambahayan, sa kanyang trono ay magkakaroon ng kapayapaan magpakailanman mula sa Panginoon.”

34 Nang magkagayo'y umahon si Benaya na anak ni Jehoiada, siya'y sinunggaban at pinatay; at siya'y inilibing sa kanyang sariling bahay sa ilang.

35 At inilagay ng hari si Benaya na anak ni Jehoiada na kahalili niya sa hukbo, at si Zadok na pari ay inilagay ng hari bilang kahalili ni Abiatar.

Si Shimei ay Hindi na Pinaalis sa Jerusalem

36 Pagkatapos, ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Shimei, at sinabi sa kanya, “Magtayo ka ng isang bahay sa Jerusalem, at manirahan roon, at huwag kang umalis mula roon patungo saanmang lugar.

37 Sapagkat sa araw na ikaw ay lumabas at tumawid sa batis ng Cedron, dapat mong alamin na ikaw ay tiyak na mamamatay. Ang iyong dugo ay sasaiyong sariling ulo.”

38 At sinabi ni Shimei sa hari, “Ang sinabi mo ay mabuti. Kung paanong sinabi ng aking panginoong hari, gayon gagawin ng iyong lingkod.” At si Shimei ay tumira sa Jerusalem ng maraming araw.

39 Ngunit sa katapusan ng tatlong taon, dalawa sa mga alipin ni Shimei ay lumayas, at pumaroon kay Achis, na anak ni Maaca, hari sa Gat. At kanilang sinabi kay Shimei, “Narito, ang iyong mga alipin ay nasa Gat.”

40 Tumindig si Shimei, inihanda ang kanyang asno, at nagtungo sa Gat kay Achis, upang hanapin ang kanyang mga alipin. Si Shimei ay umalis at kinuha ang kanyang mga alipin mula sa Gat.

41 Nang ibalita kay Solomon na si Shimei ay naparoon sa Gat mula sa Jerusalem, at bumalik uli,

42 ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Shimei, at nagsabi sa kanya, “Di ba pinasumpa kita sa Panginoon, at taimtim na ipinayo ko sa iyo, ‘Dapat mong malaman na sa araw na lumabas ka at pumunta saanman ay tiyak na mamamatay ka’? At iyong sinabi sa akin, ‘Ang iyong sinabi na aking narinig ay mabuti.’

43 Bakit hindi mo iningatan ang iyong sumpa sa Panginoon, at ang utos na aking ibinilin sa iyo?”

44 Sinabi pa ng hari kay Shimei, “Alam mo sa iyong puso ang lahat ng kasamaan na iyong ginawa kay David na aking ama. Kaya't ibabalik ng Panginoon ang iyong kasamaan sa iyong sariling ulo.

45 Ngunit si Haring Solomon ay pagpapalain, at ang trono ni David ay magiging matatag sa harap ng Panginoon magpakailanman.”

46 Sa gayo'y inutusan ng hari si Benaya na anak ni Jehoiada; at siya'y lumabas, at dinaluhong siya, at siya'y namatay. Sa gayo'y tumatag ang kaharian sa kamay ni Solomon.

Galacia 6

Magtulungan sa Isa't isa

Mga kapatid, kung ang isang tao ay natagpuan sa anumang pagsuway, kayong mga espirituwal ay dapat panunumbalikin siya sa espiritu ng kaamuan. Tingnan ang iyong sarili, baka ikaw ay matukso rin.

Dalhin ninyo ang mga pasanin ng isa't isa, at sa gayon ay matutupad ninyo ang kautusan ni Cristo.

Sapagkat kung inaakala ng sinuman na siya'y may kabuluhan, gayong wala naman siyang kabuluhan, ay dinadaya niya ang kanyang sarili.

Ngunit subukin ng bawat isa ang kanyang sariling gawa, at kung magkagayon, ang kanyang dahilan upang magmalaki ay sa kanyang sarili lamang, at hindi sa kanyang kapwa.

Sapagkat ang bawat tao ay dapat magdala ng kanyang sariling pasan.

Ang tinuturuan ng salita ay dapat magbahagi sa nagtuturo ng lahat ng mga bagay na mabuti.

Huwag kayong padaya; ang Diyos ay hindi maaaring lokohin, sapagkat ang anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin.

Sapagkat ang naghahasik para sa kanyang sariling laman ay mula sa laman mag-aani ng kasiraan; subalit ang naghahasik sa Espiritu, mula sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan.

At huwag tayong manghinawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo manlulupaypay.

10 Kaya't habang may pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, lalung-lalo na sa mga kabilang sa sambahayan ng pananampalataya.

Babala at Basbas

11 Tingnan ninyo kung sa gaano kalalaking mga titik sumusulat ako sa inyo sa pamamagitan ng aking sariling kamay!

12 Ang mga nais gumawa ng magandang palabas sa laman ang siyang pumipilit sa inyo na magpatuli, upang hindi sila usigin dahil sa krus ni Cristo.

13 Sapagkat maging ang mga nagpatuli ay hindi rin naman tumutupad ng kautusan; ngunit ibig nila kayong magpatuli upang sila'y makapagmalaki sa inyong laman.

14 Subalit huwag nawang mangyari sa akin ang magmalaki, maliban sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan nito ang sanlibutan ay ipinako sa krus para sa akin, at ako'y sa sanlibutan.

15 Sapagkat[a] ang pagtutuli o ang di-pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang bagong nilalang.

16 Kapayapaan at kaawaan nawa ang sumakanilang lahat na lumalakad sa alituntuning ito, at maging sa Israel ng Diyos.

17 Buhat ngayon ay huwag akong guluhin ng sinuman; sapagkat taglay ko sa aking katawan ang mga bakas ng paghihirap ni Jesus.

18 Mga kapatid, ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang espiritu. Amen.

Ezekiel 33

Ang Tungkulin ng Bantay(A)

33 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, magsalita ka sa iyong mga kababayan, at sabihin mo sa kanila, Kapag aking dinala ang tabak sa lupain, at ang taong-bayan ng lupain ay kumuha ng isang lalaki sa gitna nila bilang bantay nila;

at kung makita ng bantay na dumarating ang tabak sa lupain at kanyang hipan ang trumpeta at bigyan ng babala ang taong-bayan;

sinumang makarinig ng tunog ng trumpeta at hindi pinansin ang babala, at ang tabak ay dumating at mapatay siya, ang kanyang dugo ay mapapasa-kanyang sariling ulo.

Narinig niya ang tunog ng trumpeta at hindi niya pinansin; ang kanyang dugo ay sasakanya. Ngunit kung kanyang pinansin, ay nailigtas sana niya ang kanyang buhay.

Ngunit kung makita ng bantay na dumarating ang tabak at hindi humihip ng trumpeta, at ang taong-bayan ay hindi nabigyan ng babala, at ang tabak ay dumating, at pinatay ang sinuman sa kanila; ang taong iyon ay kinuha sa kanyang kasamaan, ngunit ang kanyang dugo ay sisingilin ko sa kamay ng bantay.

“Kaya't ikaw, anak ng tao, inilagay kitang bantay sa sambahayan ni Israel; tuwing maririnig mo ang salita mula sa aking bibig, bigyan mo sila ng babala mula sa akin.

Kapag aking sinabi sa masama, O masamang tao, ikaw ay tiyak na mamamatay, at ikaw ay hindi nagsalita upang bigyang babala ang masama sa kanyang lakad, ang masamang iyon ay mamamatay sa kanyang kasamaan, ngunit ang kanyang dugo ay sisingilin ko sa iyong kamay.

Ngunit kung iyong bigyan ng babala ang masama upang tumalikod sa kanyang lakad at hindi siya tumalikod sa kanyang lakad, mamamatay siya sa kanyang kasamaan, ngunit iniligtas mo ang iyong buhay.

Tungkulin ng Bawat Isa

10 “At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang iyong sinabi: ‘Ang aming mga pagsuway at mga kasalanan ay nasa amin, at nanghihina kami dahil sa mga ito; paano ngang kami ay mabubuhay?’

11 Sabihin mo sa kanila, Kung paanong buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, wala akong kasiyahan sa kamatayan ng masama, kundi ang masama ay tumalikod sa kanyang lakad at mabuhay. Manumbalik kayo, manumbalik kayo mula sa inyong masasamang lakad; sapagkat bakit kayo mamamatay, O sambahayan ni Israel?

12 At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa iyong bayan, Ang pagiging matuwid ng taong matuwid ay hindi makapagliligtas sa kanya sa araw ng kanyang pagsuway. At tungkol sa kasamaan ng taong masama, hindi siya mabubuwal sa pamamagitan niyon kapag siya'y tumalikod sa kanyang kasamaan; at ang matuwid ay hindi mabubuhay sa kanyang pagiging matuwid kapag siya'y nagkakasala.

13 Bagaman aking sinabi sa matuwid na siya'y tiyak na mabubuhay; gayunma'y kung siya'y nagtitiwala sa kanyang pagiging matuwid at gumawa ng kasamaan, anuman sa kanyang matutuwid na gawa ay hindi aalalahanin; kundi sa kasamaan na kanyang nagawa ay mamamatay siya.

14 Ngunit, bagaman aking sinabi sa masama, ‘Ikaw ay tiyak na mamamatay;’ ngunit kung iwan niya ang kanyang kasalanan, at gawin ang ayon sa katarungan at katuwiran;

15 kung isauli ng masama ang sangla, ibalik ang kinuha sa pagnanakaw, at lumakad sa tuntunin ng buhay, na di gumagawa ng kasamaan, siya'y tiyak na mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.

16 Wala sa alinman sa mga kasalanan na kanyang nagawa ang aalalahanin laban sa kanya; kanyang ginawa ang ayon sa katarungan at katuwiran; siya'y tiyak na mabubuhay.

17 “Gayunma'y sinasabi ng iyong bayan, ‘Ang daan ng Panginoon ay hindi makatarungan;’ gayong ang kanilang daan ang hindi makatarungan.

18 Kapag iniwan ng matuwid ang kanyang pagiging matuwid, at gumawa ng kasamaan, kanyang ikamamatay iyon.

19 Kung tumalikod ang masama sa kanyang kasamaan, at gawin ang ayon sa katarungan at katuwiran, kanyang ikabubuhay iyon.

20 Gayunma'y inyong sinasabi, ‘Ang daan ng Panginoon ay hindi makatarungan.’ O sambahayan ni Israel, aking hahatulan ang bawat isa sa inyo ayon sa kanyang mga lakad.”

Ang Pagbagsak ng Jerusalem

21 Nang(B) ikalimang araw ng ikasampung buwan ng ikalabindalawang taon ng ating pagkabihag, isang tao na nakatakas mula sa Jerusalem ang dumating sa akin, at nagsabi, “Ang lunsod ay bumagsak.”

22 Ang kamay ng Panginoon ay sumaakin nang kinagabihan bago dumating ang nakatakas. At binuksan niya ang aking bibig kinaumagahan nang panahong dumating sa akin ang nakatakas. Kaya't ang aking bibig ay nabuksan at hindi na ako pipi.

Ang Kasamaan ng mga Tao

23 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

24 “Anak ng tao, ang mga naninirahan sa mga gibang dakong iyon ng lupain ng Israel ay patuloy na nagsasabi, ‘Si Abraham ay iisa lamang, ngunit kanyang naging pag-aari ang lupain. Ngunit tayo'y marami; ang lupain ay tiyak na ibinigay sa atin upang angkinin!’

25 Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kayo'y nagsisikain ng lamang may dugo, at itinataas ninyo ang inyong mga mata sa inyong mga diyus-diyosan, at nagpapadanak ng dugo; inyo bang aariin ang lupain?

26 Kayo'y nagtitiwala sa tabak, kayo'y gumagawa ng kasuklamsuklam, at dinudungisan ng bawat isa sa inyo ang asawa ng kanyang kapwa; inyo bang aariin ang lupain?

27 Sabihin mo ang ganito sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kung paanong ako'y nabubuhay, tiyak na yaong mga nasa sirang dako ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak, at siyang nasa parang ay ibibigay ko sa mga hayop upang lamunin; at silang nasa mga muog at sa mga yungib ay mamamatay sa salot.

28 Aking gagawing wasak at giba ang lupain, at ang kanyang palalong kapangyarihan ay magwawakas, at ang mga bundok ng Israel ay masisira anupa't walang daraan doon.

29 Kung magkagayo'y malalaman nila na ako ang Panginoon, kapag aking ginawang wasak at giba ang lupain dahil sa lahat nilang kasuklamsuklam na ginawa.

Ang Bunga ng Pahayag ng Propeta

30 “At tungkol sa iyo, anak ng tao, ang iyong bayan na sama-samang nag-uusap tungkol sa iyo sa tabi ng mga pader at sa mga pintuan ng mga bahay, na nagsasabi sa bawat isa sa kanyang kapatid, ‘Pumarito ka, at pakinggan mo kung ano ang salita na nanggagaling sa Panginoon.’

31 Dumating sila sa iyo na gaya ng pagdating ng bayan, at sila'y nagsisiupo sa harapan mo na gaya ng aking bayan, at kanilang dinirinig ang iyong mga salita, ngunit hindi nila ginagawa. Sapagkat sa pamamagitan ng kanilang mga labi ay nagpapakita sila ng malaking pag-ibig, ngunit ang kanilang puso ay nasa kanilang pakinabang.

32 Narito, ikaw ay parang umaawit sa kanila ng mga awit ng pag-ibig na may magandang tinig, nakatutugtog na mabuti sa panugtog; kanilang naririnig ang iyong sinasabi, ngunit hindi nila iyon gagawin.

33 At kapag ito'y nangyari,—at ito'y darating—kanilang malalaman na isang propeta ang napasa gitna nila.”

Mga Awit 81-82

Awit para sa Pagdiriwang

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ni Asaf.

81 Umawit kayo nang malakas sa Diyos na ating kalakasan;
    sumigaw sa Diyos ni Jacob dahil sa kagalakan!
Umawit kayo at patunugin ninyo ang pandereta,
    ang masayang lira at ang alpa.
Hipan(A) ninyo ang trumpeta kapag bagong buwan,
    sa kabilugan ng buwan, sa ating araw ng pagdiriwang.
Sapagkat ito ay isang tuntunin para sa Israel,
    isang batas ng Diyos ni Jacob.
Ginawa niya itong patotoo sa Jose,
    nang siya'y lumabas sa lupain ng Ehipto.

Ako'y nakarinig ng tinig na hindi ko kilala:
“Pinagaan ko ang pasan sa iyong balikat;
    ang iyong mga kamay ay pinabitiw sa basket.
Ikaw(B) ay tumawag nang nasa kaguluhan, at iniligtas kita;
    sinagot kita sa lihim na dako ng kulog;
    sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)
O bayan ko, habang kita'y pinaaalalahanan, ako'y iyong dinggin,
    O Israel, kung ikaw sana'y makikinig sa akin!
Hindi(C) magkakaroon ng ibang diyos sa inyo;
    at huwag kang yuyukod sa ibang diyos.
10 Ako ang Panginoon mong Diyos,
    na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.
    Buksan mo nang maluwang ang iyong bibig, at ito'y aking pupunuin.

11 “Ngunit ang aking bayan ay hindi nakinig sa aking tinig;
    hindi ako sinunod ng Israel.
12 Kaya't ipinaubaya ko sila sa pagmamatigas ng kanilang puso,
    upang sumunod sa kanilang sariling mga payo.
13 O kung ako sana'y papakinggan ng aking bayan,
    ang Israel ay lalakad sa aking mga daan!
14 Pasusukuin ko kaagad ang kanilang mga kaaway,
    at ibabaling ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kalaban.
15 Ang mga napopoot sa Panginoon ay yuyuko sa kanya,
    at ang kanilang panahon ay magtatagal kailanman.
16 Pakakainin kita ng pinakamabuting trigo,
    at bubusugin kita ng pulot na mula sa bato.”

Ang Awit ni Asaf.

82 Kinuha ng Diyos ang kanyang lugar sa kapisanan ng Diyos;
    siya'y humahatol sa gitna ng mga diyos.
“Hanggang kailan kayo hahatol ng di-makatarungan,
    at magpapakita ng pagsang-ayon sa masama? (Selah)
Bigyan ninyo ng katarungan ang mahina at ulila;
    panatilihin ang karapatan ng napipighati at dukha.
Sagipin ninyo ang mahina at nangangailangan;
    iligtas ninyo sila sa kamay ng masama.”

Wala silang kaalaman o pang-unawa,
    sila'y lumalakad na paroo't parito sa kadiliman;
    lahat ng saligan ng lupa ay nayayanig.
Aking(D) sinasabi, “Kayo'y mga diyos,
    kayong lahat ay mga anak ng Kataas-taasan.
Gayunma'y mamamatay kayong tulad ng mga tao,
    at mabubuwal na gaya ng sinumang pinuno.”

Bumangon ka, O Diyos, hatulan mo ang lupa;
    sapagkat iyo ang lahat ng mga bansa!

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001