M’Cheyne Bible Reading Plan
Awit ng Pagtatagumpay ni David(A)
22 At binigkas ni David sa Panginoon ang mga salita ng awit na ito nang araw na iligtas siya ng Panginoon mula sa kamay ng lahat ng kanyang mga kaaway, at sa kamay ni Saul.
2 At kanyang sinabi,
“Ang Panginoon ang aking malaking bato, ang aking tanggulan, at tagapagligtas ko,
3 ang aking Diyos, ang aking malaking bato, na sa kanya'y nanganganlong ako,
ang aking kalasag, at sungay ng aking kaligtasan,
ang aking matayog na muog at aking kanlungan.
Tagapagligtas ko, ikaw ang nagliligtas sa akin mula sa karahasan.
4 Ako'y tatawag sa Panginoon na siyang karapat-dapat papurihan,
at ako'y inililigtas sa aking mga kaaway.
5 “Sapagkat pumalibot sa akin ang mga alon ng kamatayan,
dumaluhong sa akin ang mga agos ng kapahamakan,
6 ang mga panali ng Sheol ay nagkabuhul-buhol sa akin,
ang mga silo ng kamatayan ay humarap sa akin.
7 “Tumawag ako sa Panginoon sa aking kagipitan,
sa aking Diyos ako'y nanawagan.
Mula sa kanyang templo ay narinig niya ang aking tinig,
at ang aking daing ay umabot sa kanyang mga pandinig.
8 “Nang magkagayo'y ang lupa'y umuga at nayanig,
ang mga saligan ng mga langit ay nanginig
at nilindol, sapagkat siya'y nagalit.
9 Ang usok ay pumaitaas mula sa kanyang ilong,
at mula sa kanyang bibig ay ang apoy na lumalamon;
nag-aalab na mga baga mula sa kanya ay umapoy.
10 Kanyang pinayukod ang langit, at bumaba;
makakapal na kadiliman ang nasa ilalim ng kanyang mga paa.
11 Siya'y sumakay sa isang kerubin at lumipad;
siya'y nakita sa mga pakpak ng hangin.
12 Ang kadilimang nasa paligid niya ay ginawa niyang kanyang lambong,
makakapal na ulap, tubig na nagtipun-tipon.
13 Mula sa kaningningan sa kanyang harapan,
mga bagang apoy ay nag-alab.
14 Ang Panginoon ay kumulog mula sa langit,
at ang Kataas-taasan ay bumigkas ng kanyang tinig.
15 At siya'y nagpakawala ng mga palaso, at pinapangalat sila;
kumidlat, at pinuksa sila.
16 Kaya't ang mga daluyan sa dagat ay lumitaw,
nalantad ang mga saligan ng sanlibutan,
dahil sa saway ng Panginoon,
sa hihip ng hininga ng kanyang ilong.
17 “Siya'y bumaba mula sa itaas, ako'y kanyang sinagip,
iniahon niya ako mula sa maraming tubig.
18 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
mula sa mga napopoot sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
19 Sila'y dumating sa akin sa araw ng aking kapahamakan,
ngunit ang Panginoon ay siya kong sanggalang.
20 Dinala niya ako sa isang malawak na dako;
sapagkat siya'y nalulugod sa akin, iniligtas niya ako.
21 “Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ay kanya akong ginantihan.
22 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
at mula sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
23 Sapagkat ang lahat niyang batas ay nasa aking harapan,
at mula sa kanyang mga tuntunin ay hindi ako humiwalay.
24 Ako'y walang kapintasan sa harapan niya,
at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
25 Kaya't ginantihan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
ayon sa aking kalinisan sa kanyang harapan.
26 “Sa tapat ay nagpapakita ka ng katapatan;
sa taong walang kapintasan ay nagpapakita ka ng pagiging walang kapintasan;
27 sa dalisay ay magpapakita ka ng kadalisayan;
at sa mga liko ay magpapakita ka ng kalikuan.
28 Inililigtas mo ang isang bayang mapagpakumbaba,
ngunit ang iyong mga mata ay nasa mga mapagmataas upang sila'y iyong maibaba.
29 Oo, ikaw ang aking ilawan, O Panginoon:
at tinatanglawan ng aking Diyos ang aking kadiliman.
30 Oo, sa pamamagitan mo ang isang pangkat ay aking mapupuksa,
at sa pamamagitan ng aking Diyos ay aking malulukso ang isang kuta.
31 Ang Diyos na ito—sakdal ang kanyang daan;
ang pangako ng Panginoon ay subok na tunay;
sa lahat ng kumakanlong sa kanya, siya'y pananggalang.
32 “Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
At sino ang malaking bato, liban sa ating Diyos?
33 Ang Diyos ay aking matibay na tanggulan,
at ginawa niyang ligtas ang aking daan.
34 Ginawa(B) niyang gaya ng sa mga usa ang mga paa ko;
at pinatatag niya ako sa matataas na dako.
35 Kanyang sinasanay ang aking mga kamay sa pakikidigma.
upang mabaluktot ng aking mga kamay ang tansong pana.
36 Binigyan mo ako ng kalasag ng iyong kaligtasan,
at pinadakila ako ng iyong kaamuan.[a]
37 Binigyan mo ng malawak na dako, ang aking mga hakbang sa ilalim ko,
at ang aking mga paa ay hindi nadulas;
38 Tinugis ko ang aking mga kaaway at pinuksa sila,
at hindi ako bumalik hanggang sa sila'y nalipol.
39 Nilipol ko sila; inulos ko, anupa't sila'y hindi nakabangon;
sila'y nabuwal sa paanan ko.
40 Sapagkat ako'y binigkisan mo ng lakas para sa pakikipaghamok,
ang aking mga kaaway, sa ilalim ko ay iyong pinalubog.
41 Iyong pinatalikod sa akin ang mga kaaway ko,
yaong mga napopoot sa akin, at sila'y pinuksa ko.
42 Sila'y tumingin, ngunit walang magliligtas;
sila'y dumaing sa Panginoon, ngunit sila'y hindi niya tinugon.
43 Binayo ko silang gaya ng alabok sa lupa;
dinurog ko sila at niyurakang gaya ng putik sa mga lansangan.
44 “Iniligtas mo ako sa mga alitan sa aking bayan;
iningatan mo ako bilang puno ng mga bansa;
naglingkod sa akin ang mga taong hindi ko kilala.
45 Ang mga dayuhan ay dumating na sumusuko sa akin,
pagkarinig nila sa akin, sila'y sumunod sa akin.
46 Ang mga dayuhan ay nanlulupaypay,
at lumabas na nanginginig mula sa kanilang mga kublihan.
47 “Ang Panginoon ay buháy; at ang aking malaking bato'y papurihan;
at dakilain ang Diyos, ang malaking bato ng aking kaligtasan,
48 ang Diyos na ipinaghiganti ako
ang mga bayan ay inilagay sa ilalim ko,
49 na siyang naglabas sa akin mula sa aking mga kaaway;
sa ibabaw ng aking mga kaaway ako'y iyong tinanghal,
iniligtas mo ako sa mga taong mahilig sa karahasan.
Tinanggap si Pablo ng mga Apostol
2 Pagkalipas(A) ng labing-apat na taon, muli akong nagtungo sa Jerusalem kasama si Bernabe, at isinama ko rin si Tito.
2 Ngunit ako'y nagtungo dahil sa isang pahayag, at isinaysay ko sa harapan nila ang ebanghelyo na aking ipinangangaral sa mga Hentil (subalit palihim sa harapan ng mga kinikilalang pinuno), baka sa anumang paraan ako'y tumatakbo, o tumakbo nang walang kabuluhan.
3 Subalit maging si Tito na kasama ko ay hindi pinilit na patuli, bagama't isang Griyego.
4 Subalit dahil sa mga huwad na kapatid na lihim na ipinasok, na pumasok upang tiktikan ang kalayaan na taglay namin kay Cristo Jesus, upang kami'y alipinin—
5 sa kanila ay hindi kami sumuko upang magpasakop, kahit isang saglit, upang ang katotohanan ng ebanghelyo ay manatili sa inyo.
6 Subalit(B) mula sa mga wari'y mga kinikilalang pinuno—maging anuman sila, ay walang anuman sa akin: ang Diyos ay hindi nagpapakita ng pagtatangi—ang mga pinunong iyon ay hindi nagdagdag ng anuman sa akin.
7 Kundi nang makita nila na sa akin ay ipinagkatiwala ang ebanghelyo para sa mga hindi tuli, kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang ebanghelyo sa mga tuli,
8 sapagkat ang gumawa sa pamamagitan ni Pedro sa pagka-apostol sa mga tuli ay siya ring gumawa sa akin sa pagka-apostol sa mga Hentil;
9 at nang malaman nila ang biyayang sa akin ay ipinagkaloob, ang mga kanang kamay ng pakikisama ay ibinigay sa akin at kay Bernabe nina Santiago, Cefas[a] at Juan, sila na itinuturing na mga haligi, upang kami ay pumunta sa mga Hentil, at sila'y para sa mga tuli.
10 Ang kanila lamang hiniling ay aming alalahanin ang mga dukha, na siya namang aking pinananabikang gawin.
Sinaway ni Pablo si Pedro sa Antioquia
11 Ngunit nang dumating si Cefas[b] sa Antioquia, sumalungat ako sa kanya nang mukhaan, sapagkat siya'y nahatulang nagkasala.
12 Bago dumating ang ilan mula kay Santiago, dati siyang nakikisalo sa mga Hentil. Ngunit nang sila'y dumating, siya'y umurong at humiwalay dahil natatakot sa pangkat ng pagtutuli.
13 At ang ibang mga Judio ay nakisama sa kanya sa ganitong pagkukunwari, kaya't maging si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari.
14 Ngunit nang makita ko na hindi sila lumalakad nang matuwid sa katotohanan ng ebanghelyo, sinabi ko kay Cefas[c] sa harapan nilang lahat, “Kung ikaw, na Judio, ay namumuhay gaya ng mga Hentil at di gaya ng mga Judio, bakit mo pinipilit ang mga Hentil na mamuhay na gaya ng mga Judio?”
Naliligtas ang mga Judio at Hentil sa Pamamagitan ng Pananampalataya
15 Tayo mismo ay ipinanganak na mga Judio, at hindi mga Hentil na makasalanan,
16 at(C) nalalaman natin na ang tao ay hindi inaaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo, at tayo ay sumasampalataya kay Cristo Jesus, upang ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, sapagkat sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay hindi aariing-ganap ang sinumang laman.
17 Ngunit kung sa ating pagsisikap na ariing-ganap kay Cristo, tayo mismo ay natagpuang mga makasalanan, si Cristo ba ay lingkod ng kasalanan? Huwag nawang mangyari!
18 Kung ang mga bagay na aking sinira ay aking muling itayo, pinatutunayan ko sa aking sarili na ako'y suwail.
19 Sapagkat ako sa pamamagitan ng kautusan ay namatay sa kautusan, upang ako'y mabuhay sa Diyos.
20 Ako'y ipinakong kasama ni Cristo at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin, at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak[d] ng Diyos na sa akin ay nagmahal, at nagbigay ng kanyang sarili dahil sa akin.
21 Hindi ko pinawawalang halaga ang biyaya ng Diyos, sapagkat kung ang pag-aaring-ganap ay sa pamamagitan ng kautusan, kung gayon, si Cristo ay namatay nang walang kabuluhan.
Ang Pahayag Laban sa Ehipto
29 Nang(A) ikalabindalawang araw ng ikasampung buwan ng ikasampung taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha laban kay Faraon na hari ng Ehipto, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanya, at laban sa buong Ehipto.
3 Magsalita ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Narito, ako'y laban sa iyo,
Faraong hari ng Ehipto,
ang malaking dragon na nakahiga sa
gitna ng kanyang mga ilog,
na nagsasabi, ‘Ang Nilo ko ay aking sarili,
at ako ang gumawa nito!’
4 Maglalagay ako ng mga pangbingwit sa iyong mga panga,
at aking padidikitin ang isda ng iyong mga ilog sa iyong mga kaliskis;
at iaahon kita mula sa gitna ng iyong mga ilog,
na kasama ng lahat ng isda ng iyong mga ilog
na dumidikit sa iyong mga kaliskis.
5 At ikaw ay aking itatapon sa ilang,
ikaw at ang lahat ng isda sa iyong mga ilog;
ikaw ay mabubuwal sa parang;
at hindi titipunin, at ililibing.
Ibinigay kita bilang pagkain sa mga hayop sa lupa,
at sa mga ibon sa himpapawid.
6 “At(B) malalaman ng lahat ng naninirahan sa Ehipto na ako ang Panginoon. Sapagkat sila'y naging tukod na tambo sa sambahayan ni Israel;
7 nang kanilang hawakan ka sa iyong kamay, iyong binali at winasak ang kanilang mga balikat. Nang sila'y sumandal sa iyo, iyong binalian at pinanginig ang lahat nilang mga balakang.
8 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, dadalhan kita ng tabak, at aking ihihiwalay sa iyo ang tao at hayop.
9 Ang lupain ng Ehipto ay magiging giba at sira; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. “Sapagkat iyong[a] sinabi, ‘Ang Nilo ay akin, at ako ang gumawa nito;’
10 kaya't narito, ako'y laban sa iyo at sa iyong mga sapa, at aking lubos na gigibain at sisirain ang lupain ng Ehipto, mula sa Migdol hanggang Syene, hanggang sa hangganan ng Etiopia.
11 Walang paa ng tao na daraan doon, o paa man ng hayop na daraan doon. Ito'y hindi tatahanan sa loob ng apatnapung taon.
12 Aking gagawing wasak ang lupain ng Ehipto sa gitna ng mga lupaing wasak; at ang kanyang mga lunsod sa gitna ng mga bansang giba ay magiging sira sa loob ng apatnapung taon. Aking pangangalatin ang mga Ehipcio sa gitna ng mga bansa, at aking pagwawatak-watakin sila sa mga lupain.
13 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa katapusan ng apatnapung taon ay aking titipunin ang mga Ehipcio mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan;
14 at aking ibabalik uli ang kapalaran ng Ehipto, at aking ibabalik sila sa lupain ng Patros, sa lupain na kanilang pinagmulan; at sila doo'y magiging isang mababang kaharian.
15 Siya'y magiging pinakamababa sa mga kaharian; at hindi na muling matataas pa nang higit kaysa mga bansa. At gagawin ko silang napakaliit na anupa't hindi na sila mamumuno sa mga bansa.
16 At ito ay hindi na muling aasahan pa ng sambahayan ni Israel, na nagpapaalala ng kanilang kasamaan, nang sila'y humingi sa kanila ng tulong. At kanilang malalaman na ako ang Panginoong Diyos.”
Masasakop ang Ehipto
17 Nang unang araw ng unang buwan ng ikadalawampu't pitong taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
18 “Anak ng tao, pinapagtrabaho nang mabigat ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia ang kanyang kawal laban sa Tiro. Bawat ulo ay kinalbo, at lahat ng balikat ay napaltos; gayunma'y wala siyang nakuhang anuman o ang kanyang hukbo man mula sa Tiro upang ipambayad sa paglilingkod na kanyang ipinaglingkod laban doon.
19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking ibibigay ang lupain ng Ehipto kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at dadalhin niya ang kanyang kayamanan. Kanyang sasamsaman ito at iyon ang magiging upa para sa kanyang hukbo.
20 Ibinigay ko sa kanya ang lupain ng Ehipto bilang ganti sa kanya dahil sa kanyang ipinaglingkod, sapagkat sila'y gumawa para sa akin, sabi ng Panginoong Diyos.
21 “Sa araw na iyon, aking palilitawin ang isang sungay upang umusli sa sambahayan ni Israel, at aking bubuksan ang iyong mga labi sa gitna nila. Kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
Maskil ni Asaf.
78 O bayan ko, sa aking turo ay makinig;
ikiling ninyo ang inyong mga tainga sa mga salita ng aking bibig.
2 Aking(A) bubuksan ang aking bibig sa isang talinghaga;
ako'y magsasalita ng malalabong pananalita mula pa noong una,
3 mga bagay na aming narinig at nalaman,
na sinabi sa amin ng aming mga magulang.
4 Ang mga iyon sa kanilang mga anak ay hindi namin ikukubli,
kundi sasabihin sa darating na salinlahi,
ang maluluwalhating gawa ng Panginoon, at ang kanyang kalakasan,
at ang kanyang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa.
5 Sa Jacob siya'y nagtatag ng patotoo,
at sa Israel ay nagtalaga ng kautusan,
na kanyang iniutos sa aming mga magulang,
upang sa kanilang mga anak ay kanilang ituro naman;
6 upang malaman ang mga iyon ng susunod na salinlahi,
ng mga batang di pa ipinapanganak,
na magsisibangon at sasabihin ang mga iyon sa kanilang mga anak,
7 upang kanilang ilagak ang kanilang pag-asa sa Diyos,
at hindi malimutan ang mga gawa ng Diyos,
kundi ingatan ang kanyang mga utos;
8 upang huwag silang maging gaya ng kanilang mga ninuno,
isang matigas ang ulo at salinlahing mapanghimagsik,
isang salinlahing ang puso ay di ginawang matuwid,
at ang kanilang diwa ay di-tapat sa Diyos.
9 Ang mga anak ni Efraim ay mga mamamana, na may sandatang pana,
ay nagsitalikod sa araw ng pakikidigma.
10 Ang tipan ng Diyos ay hindi nila iningatan,
kundi tumangging lumakad ayon sa kanyang kautusan.
11 Kanilang nalimutan ang mga nagawa niya,
at ang mga himalang ipinakita niya sa kanila.
12 Sa(B) paningin ng kanilang mga magulang ay gumawa siya ng mga kababalaghan,
sa lupain ng Ehipto, sa kaparangan ng Zoan.
13 Hinawi(C) niya ang dagat at pinaraan niya sila roon,
at kanyang pinatayo ang tubig na parang isang bunton.
14 Sa(D) araw ay pinatnubayan niya sila sa pamamagitan ng ulap,
at sa buong gabi ay sa pamamagitan ng apoy na nagliliyab.
15 Kanyang(E) biniyak ang mga bato sa ilang,
at pinainom niya sila ng sagana na gaya ng mula sa mga kalaliman.
16 Nagpabukal siya ng mga batis mula sa bato,
at nagpaagos ng tubig na parang mga ilog.
17 Gayunma'y lalo pa silang nagkasala laban sa kanya,
na naghihimagsik laban sa Kataas-taasan sa ilang.
18 At(F) kanilang sinubok ang Diyos sa puso nila,
sa paghingi ng pagkain na kanilang pinakananasa.
19 Sila'y nagsalita laban sa Diyos, na nagsasabi,
“Makakapaghanda ba ang Diyos ng hapag sa ilang?
20 Upang tubig ay dumaloy ang bato'y kanyang hinataw,
at ang mga bukal ay umapaw.
Makapagbibigay rin ba siya ng tinapay,
o makapagdudulot ng karne sa kanyang bayan?”
21 Kaya't nang marinig ng Panginoon, siya'y napuno ng poot,
isang apoy ang nag-alab laban sa Jacob,
ang kanyang galit naman ay lumaki laban sa Israel;
22 sapagkat sa Diyos sila'y hindi nanampalataya,
at sa kanyang kaligtasan sila'y hindi nagtiwala.
23 Gayunma'y ang langit sa itaas ay kanyang inutusan,
at ang mga pintuan ng langit ay kanyang binuksan;
24 at(G) kanyang pinaulanan sila ng manna na makakain,
at binigyan sila ng butil ng langit.
25 Kumain ang tao ng tinapay ng mga anghel;
kanyang pinadalhan sila ng saganang pagkain.
26 Pinahihip niya ang hanging silangan sa kalangitan,
at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, pinarating niya ang hanging timugan.
27 Kanyang pinaulanan sila ng karne na parang alabok,
ng mga ibong may pakpak na parang buhangin sa mga dagat;
28 pinalagpak niya ang mga iyon sa gitna ng kanilang kampo,
sa palibot ng kanilang mga tinitirhan.
29 At sila'y kumain at nabusog na mainam,
sapagkat ibinigay niya sa kanila ang kanilang kinasasabikan.
30 Ngunit bago nabigyang kasiyahan ang kanilang pananabik,
samantalang ang pagkain ay nasa kanila pang mga bibig,
31 ang galit ng Diyos ay nag-alab laban sa kanila,
at pinatay niya ang pinakamalakas sa kanila,
at sinaktan ang mga piling lalaki ng Israel.
32 Sa kabila ng lahat ng ito ay patuloy pa rin silang nagkasala;
sa kabila ng kanyang mga kababalaghan ay hindi sila sumampalataya.
33 Kaya't kanyang winakasan ang kanilang mga araw sa walang kabuluhan,
at ang kanilang mga taon sa biglang kakilabutan.
34 Nang kanyang pagpapatayin sila, siya'y kanilang hinanap;
sila'y nagsisi at hinanap ang Diyos nang masikap.
35 Kanilang naalala na ang kanilang malaking bato ay ang Diyos,
ang Kataas-taasang Diyos ang kanilang manunubos.
36 Ngunit kanilang tinuya siya ng bibig nila,
nagsinungaling sila sa kanya sa pamamagitan ng kanilang mga dila.
37 Sapagkat(H) ang puso nila ay hindi tapat sa kanya,
ni naging tapat man sila sa tipan niya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001