M’Cheyne Bible Reading Plan
Sinunog ni Samson ang Triguhan ng mga Filisteo
15 Ngunit pagkaraan ng ilang panahon, sa panahon ng pag-aani ng trigo, dumalaw si Samson na may dalang isang batang kambing sa kanyang asawa, at kanyang sinabi, “Aking papasukin ang aking asawa sa loob ng silid.” Ngunit ayaw siyang papasukin ng kanyang biyenang lalaki.
2 At sinabi ng kanyang biyenang lalaki, “Ang akala ko'y iyong lubos na kinapootan siya, kaya't ibinigay ko siya sa iyong abay. Di ba ang kanyang nakababatang kapatid ay mas maganda kaysa kanya? Kunin mo siyang kahalili niya.”
3 Sinabi ni Samson sa kanila, “Ngayon ay wala akong ipagkakasala sa mga Filisteo, kung gawan ko man sila ng kasamaan.”
4 Kaya't humayo si Samson at humuli ng tatlong daang asong-gubat[a] at kumuha ng mga sulo, at pinagkabit-kabit ang mga buntot, at nilagyan ng sulo sa pagitan ng bawat dalawang buntot.
5 Nang kanyang masindihan ang mga sulo ay kanyang pinakawalan ang mga asong-gubat sa nakatayong trigo ng mga Filisteo at parehong sinunog ang mga mandala at ang nakatayong trigo, gayundin ang mga taniman ng olibo.
6 Nang magkagayo'y sinabi ng mga Filisteo, “Sinong gumawa nito?” At kanilang sinabi, “Si Samson na manugang ng taga-Timna, sapagkat kanyang kinuha ang asawa niya at ibinigay sa kanyang abay.” Kaya't umahon ang mga Filisteo at sinunog ang babae at ang kanyang ama.
7 Sinabi ni Samson sa kanila, “Kung ganito ang ginagawa ninyo, isinusumpa kong gagantihan ko kayo at saka ako titigil.”
8 Pinaghahampas niya ang kanilang mga hita at balakang at gumawa ng napakalaking pagpatay; pagkatapos siya'y bumaba at nanatili sa isang guwang ng bato sa Etam.
Dalawang Bagong Lubid ang Iginapos kay Samson
9 Nang magkagayo'y umahon ang mga Filisteo at nagkampo sa Juda, at sinalakay ang Lehi.
10 At sinabi ng mga lalaki ng Juda, “Bakit kayo'y pumarito laban sa amin?” At kanilang sinabi, “Pumarito kami upang gapusin si Samson, at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin.”
11 Nang magkagayo'y may tatlong libong lalaki sa Juda na lumusong sa guwang ng bato ng Etam, at sinabi kay Samson, “Hindi mo ba alam na ang mga Filisteo ay ating mga tagapamahala? Ano itong ginawa mo sa amin?” At sinabi niya sa kanila, “Kung ano ang ginawa nila sa akin ay gayon ang ginawa ko sa kanila.”
12 At sinabi nila sa kanya, “Kami ay lumusong upang gapusin ka, upang maibigay ka namin sa kamay ng mga Filisteo.” Sinabi ni Samson sa kanila, “Sumumpa kayo sa akin na hindi kayo ang sasalakay sa akin.”
13 Sinabi nila sa kanya, “Hindi, gagapusin ka lamang namin, at ibibigay sa kanilang kamay. Ngunit hindi ka namin papatayin.” At kanilang ginapos siya ng dalawang bagong lubid at iniahon mula sa bato.
14 Nang siya'y dumating sa Lehi, ang mga Filisteo ay nagsisigawan samantalang kanilang sinasalubong siya. Ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lumukob sa kanya, at ang mga lubid na nasa kanyang mga bisig ay naging parang lino na natupok sa apoy, at ang kanyang mga tali ay nalaglag sa kanyang mga kamay.
15 Siya'y nakakita ng isang sariwang panga ng asno, at iniunat ang kanyang kamay, at dinampot iyon, at ginamit sa pagpatay sa isang libong lalaki.
16 At sinabi ni Samson,
“Sa pamamagitan ng panga ng isang asno, ay nagkabuntun-bunton,
sa pamamagitan ng panga ng isang asno ay pumatay ako ng isang libong lalaki.”
17 Pagkatapos niyang makapagsalita ay kanyang inihagis ang panga na nasa kanyang kamay, at ang dakong iyon ay tinawag na Ramat-lehi.[b]
18 Siya'y uhaw na uhaw at siya'y tumawag sa Panginoon, “Iyong ibinigay itong dakilang pagliligtas sa kamay ng iyong lingkod, at ngayo'y mamamatay ba ako sa uhaw at mahuhulog sa kamay ng mga hindi tuli?”
19 Ngunit binuksan ng Diyos ang isang guwang na nasa Lehi at nilabasan iyon ng tubig. Nang siya'y makainom, ang kanyang diwa ay nanumbalik at siya'y muling nagkamalay. Kaya't ang pangalan niyon ay tinawag na En-hacore,[c] na nasa Lehi hanggang sa araw na ito.
20 Siya'y naghukom sa Israel sa mga araw ng mga Filisteo ng dalawampung taon.
Si Pablo sa Efeso
19 Samantalang si Apolos ay nasa Corinto, si Pablo ay dumaan sa mga dakong loob ng lupain at nakarating sa Efeso. Doon ay nakatagpo siya ng ilang mga alagad.
2 At sinabi niya sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y nanampalataya?”
Sinabi nila, “Hindi, ni hindi pa namin narinig na may Espiritu Santo.”
3 Kaya't sinabi niya, “Kung gayo'y sa ano kayo binautismuhan?”
Sinabi nila, “Sa bautismo ni Juan.”
4 Sinabi(A) ni Pablo, “Nagbautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi, na sinasabi sa mga tao na sila'y manampalataya sa darating na kasunod niya, samakatuwid ay kay Jesus.”
5 Nang kanilang marinig ito, sila'y binautismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus.
6 Nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kanyang mga kamay, bumaba sa kanila ang Espiritu Santo at sila'y nagsalita ng mga wika at nagpropesiya.
7 Silang lahat ay may labindalawang lalaki.
8 Siya'y pumasok sa sinagoga, at sa loob ng tatlong buwan ay nagsalita ng may katapangan, na nangangatuwiran at nanghihikayat tungkol sa mga bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos.
9 Ngunit nang magmatigas ang ilan at ayaw maniwala, na nagsasalita ng masama tungkol sa Daan sa harapan ng kapulungan, kanyang iniwan sila at isinama ang mga alagad, at nakipagtalo araw-araw sa bulwagan ni Tiranno.[a]
10 At ito'y nagpatuloy sa loob ng dalawang taon, kaya't ang lahat ng mga naninirahan sa Asia ay nakarinig ng salita ng Panginoon, ang mga Judio at gayundin ang mga Griyego.
Ang mga Anak ni Eskeva
11 Gumawa ang Diyos ng mga di-pangkaraniwang himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo,
12 kaya't nang ang mga panyo o mga tapis na napadikit sa kanyang katawan ay dinala sa mga maysakit, nawala sa kanila ang mga sakit, at lumabas sa kanila ang masasamang espiritu.
13 Ngunit may ilang mga Judiong pagala-gala na nagpapalayas ng masasamang espiritu ang nangahas na bigkasin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga may masasamang espiritu, na sinasabi, “Inuutusan ko kayo sa pamamagitan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo.”
14 Pitong anak na lalaki ng isang pinakapunong paring Judio, na ang pangalan ay Eskeva, ang gumagawa nito.
15 Ngunit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, at kilala ko si Pablo; ngunit sino kayo?”
16 At ang taong kinaroroonan ng masamang espiritu ay lumukso sa kanila, at silang lahat ay dinaig niya, kaya tumakas sila sa bahay na iyon na mga hubad at sugatan.
17 Nalaman ito ng lahat ng naninirahan sa Efeso, mga Judio at gayundin ng mga Griyego; at sinidlan silang lahat ng takot, at pinuri ang pangalan ng Panginoong Jesus.
18 Marami rin naman sa mga nanampalataya ang dumating na ipinahahayag at ibinubunyag ang kanilang mga gawain.
19 Marami sa mga gumagamit ng mga salamangka ay tinipon ang kanilang mga aklat at sinunog sa paningin ng madla; at kanilang binilang ang halaga niyon, at napag-alamang may limampung libong pirasong pilak.
20 Sa gayo'y lumago at lubos na nanaig ang salita ng Panginoon.
Nagkagulo sa Efeso
21 Pagkatapos mangyari ang mga bagay na ito, ipinasiya ni Pablo sa Espiritu, na dumaan sa Macedonia at sa Acaia, at pumaroon sa Jerusalem, na sinasabi, “Pagkapanggaling ko roon, ay kinakailangang makita ko rin ang Roma.”
22 Isinugo niya sa Macedonia ang dalawa sa naglilingkod sa kanya, sina Timoteo at Erasto, samantalang siya ay tumigil nang ilang panahon sa Asia.
23 Nang panahong iyon ay nagkaroon ng malaking gulo tungkol sa Daan.
24 Sapagkat may isang tao na ang pangalan ay Demetrio, isang panday-pilak na gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis, ay nagbibigay ng hindi maliit na pinagkakakitaan sa mga panday.
25 Ang mga ito ay kanyang tinipon pati ang mga manggagawa ng mga gayong hanapbuhay, at sinabi, “Mga ginoo, alam ninyo na mula sa gawaing ito ay mayroon tayong pakinabang.
26 Inyo ring nakikita at naririnig na hindi lamang sa Efeso, kundi halos sa buong Asia, na ang Pablong ito ay nakaakit at naglayo ng napakaraming tao, na sinasabing hindi mga diyos ang ginagawa ng mga kamay.
27 At may panganib na hindi lamang mawalan ng dangal ang hanapbuhay nating ito, kundi ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay mawalan din ng halaga. At siya ay maaari pang matanggal sa kanyang kadakilaan, siya na sinasamba ng buong Asia at ng sanlibutan.”
28 Nang marinig nila ito ay napuno sila ng galit at nagsigawan, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”
29 Napuno ng kaguluhan ang lunsod at sama-sama nilang nilusob ang tanghalan, at sinunggaban sina Gayo at Aristarco, mga taga-Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay.
30 Nais ni Pablo na pumunta sa mga tao ngunit hindi siya pinayagan ng mga alagad.
31 Maging ang ilan sa mga pinuno sa Asia, na kanyang mga kaibigan, ay nagpasugo sa kanya at siya'y pinakiusapang huwag mangahas sa tanghalan.
32 Samantala, ang iba ay sumisigaw ng isang bagay, at ang ilan ay iba naman, sapagkat ang kapulungan ay nasa kaguluhan at hindi nalalaman ng karamihan kung bakit sila'y nagkakatipon.
33 Ilan sa maraming tao ang nag-udyok kay Alejandro at pinapunta ng mga Judio sa unahan. At sumenyas si Alejandro na nais niyang ipagtanggol ang sarili sa mga taong-bayan.
34 Ngunit nang makilala nila na siya'y isang Judio, sa loob ng halos dalawang oras silang lahat ay nagsigawan na may isang tinig, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”
35 Nang mapatahimik na ng kalihim ng bayan ang maraming tao, ay kanyang sinabi, “Mga lalaking taga-Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang lunsod ng mga taga-Efeso ay tagapag-ingat ng templo ng dakilang Artemis, at ng banal na batong nahulog mula sa langit?
36 Yamang hindi maikakaila ang mga bagay na ito, dapat kayong huminahon at huwag gumawa ng anumang bagay na padalus-dalos.
37 Dinala ninyo rito ang mga taong ito, na hindi mga magnanakaw sa templo ni mga lumalapastangan man sa ating diyosa.
38 Kaya't kung si Demetrio at ang mga panday na kasama niya ay mayroong reklamo laban sa kanino man, bukas ang mga hukuman, at may mga proconsul; hayaan ninyong doon magharap ng reklamo ang isa't isa.
39 Ngunit kung may iba pang bagay kayong hinahangad, ito ay lulutasin sa karaniwang kapulungan.
40 Sapagkat nanganganib tayong maparatangang nanggugulo sa araw na ito, palibhasa'y wala tayong maibibigay na dahilan upang bigyang-katuwiran ang gulong ito.”
41 Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, pinaalis niya ang kapulungan.
Si Propeta Jeremias at si Hananias
28 Nang(A) taon ding iyon, sa pasimula ng paghahari ni Zedekias na hari ng Juda, sa ikalimang buwan ng ikaapat na taon, si Hananias na anak ni Azur, ang propetang taga-Gibeon, ay nagsalita sa akin sa bahay ng Panginoon, sa harapan ng mga pari at ng buong bayan, na nagsasabi,
2 “Ganito ang sinasabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Binali ko ang pamatok ng hari ng Babilonia.
3 Sa loob ng dalawang taon ay ibabalik ko sa dakong ito ang lahat ng kagamitan ng bahay ng Panginoon, na tinangay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia mula sa dakong ito, at dinala sa Babilonia.
4 Ibabalik ko rin sa dakong ito si Jeconias na anak ni Jehoiakim, na hari ng Juda, at ang lahat ng bihag mula sa Juda na pumunta sa Babilonia, sabi ng Panginoon, sapagkat aking babaliin ang pamatok ng hari ng Babilonia.”
5 Nang magkagayo'y nagsalita si propeta Jeremias kay Hananias na propeta sa harapan ng mga pari at ng buong bayan na nakatayo sa bahay ng Panginoon;
6 at sinabi ni propeta Jeremias, “Amen! Gayon nawa ang gawin ng Panginoon. Pagtibayin nawa ng Panginoon ang iyong mga salita na iyong ipinahayag, at ibalik sa lugar na ito mula sa Babilonia ang mga kagamitan ng bahay ng Panginoon, at ang lahat ng bihag.
7 Gayunma'y pakinggan ninyo ngayon ang mga salitang ito na sasabihin ko sa pandinig mo at sa pandinig ng buong bayan.
8 Ang mga propetang nauna sa akin at nauna sa iyo mula nang mga unang panahon ay nagsalita ng propesiya tungkol sa digmaan, taggutom, at salot laban sa maraming bansa at mga makapangyarihang kaharian.
9 Ang propeta na nagpapahayag ng kapayapaan, kapag ang salita ng propetang iyon ay naganap, kung gayon ang propetang iyon ay makikilalang tunay na sinugo ng Panginoon.”
10 Nang magkagayo'y kinuha ng propetang si Hananias ang mga pamatok mula sa leeg ng propetang si Jeremias, at binali ang mga iyon.
11 At si Hananias ay nagsalita sa harapan ng buong bayan, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Gayon ko babaliin ang pamatok ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia mula sa leeg ng lahat ng bansa sa loob ng dalawang taon.” Pagkatapos nito, si propeta Jeremias ay humayo sa kanyang lakad.
Ang Kamatayan ni Hananias
12 Pagkalipas ng ilang panahon pagkatapos na mabali ni propeta Hananias ang pamatok mula sa leeg ni propeta Jeremias, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias:
13 “Humayo ka at magsalita ka kay Hananias, na sinasabi, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Mga pamatok na kahoy ang iyong binali, ngunit pinalitan mo ang mga iyon ng mga pamatok na bakal.
14 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ako'y naglagay ng pamatok na bakal sa leeg ng lahat ng mga bansang ito upang sila'y maglingkod kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sila'y maglilingkod sa kanya. At ibinigay ko rin sa kanya ang mga hayop sa parang!’”
15 At sinabi ng propetang si Jeremias kay Hananias na propeta, “Makinig ka, Hananias, hindi ka sinugo ng Panginoon, kundi iyong pinaasa ang bayang ito sa kasinungalingan.
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon: ‘Aalisin kita mula sa ibabaw ng lupa. Mamamatay ka sa taong ito, sapagkat ikaw ay nagsalita ng paghihimagsik laban sa Panginoon.’”
17 Sa ikapitong buwan nang taon ding iyon, namatay si propeta Hananias.
Ang Balak Laban kay Jesus(A)
14 Dalawang(B) araw noon bago ang Paskuwa at ang kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pinag-iisipan ng mga punong pari at ng mga eskriba kung paano huhulihin siya nang patago at siya'y maipapatay.
2 Sapagkat sinabi nila, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang taong-bayan.”
Binuhusan ng Pabango si Jesus(C)
3 Samantalang(D) siya'y nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin, habang siya'y nakaupo sa hapag-kainan, dumating ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na punô ng mamahaling pabangong purong nardo, binasag niya ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa kanyang ulo.
4 Ngunit may ilan doon na pagalit na sinabi sa kanilang sarili, “Bakit sinayang nang ganito ang pabango?
5 Sapagkat ang pabangong ito'y maipagbibili ng higit sa tatlong daang denario, at maipamimigay sa mga dukha.” At kanilang pinagalitan ang babae.
6 Ngunit sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyo siya; bakit ninyo siya ginugulo? Isang mabuting bagay ang ginawa niya sa akin.
7 Sapagkat(E) lagi ninyong kasama ang mga dukha at kung kailan ninyo nais, magagawan ninyo sila ng mabuti, ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama.
8 Ginawa niya ang kanyang makakaya; nagpauna na niyang pahiran ang katawan ko para sa paglilibing.
9 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saanman ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasabihin sa pag-alaala sa kanya.”
Nakipagsabwatan si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(F)
10 Si Judas Iscariote naman, na isa sa labindalawa, ay nagpunta sa mga punong pari upang maipagkanulo siya sa kanila.
11 Nang marinig nila ito, sila'y nagalak at nangakong siya'y bibigyan ng salapi. Kaya't naghanap siya ng pagkakataong maipagkanulo siya.
Kumain ng Hapunang Pampaskuwa si Jesus at ang Kanyang mga Alagad(G)
12 Nang unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, nang kanilang inihahandog ang kordero ng Paskuwa, sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad, “Saan mo kami ibig pumunta at ipaghanda ka upang makakain ng kordero ng Paskuwa?”
13 Isinugo niya ang dalawa sa kanyang mga alagad at sa kanila'y sinabi, “Pumunta kayo sa lunsod at doo'y sasalubungin kayo ng isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya.
14 At kung saan siya pumasok, sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, na sinasabi ng Guro, ‘Nasaan ang aking silid-tuluyan na kung saan maaari kong kainin ang kordero ng Paskuwa na kasalo ng aking mga alagad?’
15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan at handa na. At doon ay maghanda kayo para sa atin.”
16 Kaya't umalis ang mga alagad, nagpunta sa lunsod, at natagpuan ang lahat ayon sa sinabi niya sa kanila. Inihanda nila ang korderong pampaskuwa.
17 Pagsapit ng gabi, naparoon siyang kasama ang labindalawa.
18 Nang(H) sila'y nakaupo na at kumakain, sinabi ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo, ang kasalo kong kumakain.”
19 Sila'y nagsimulang malungkot at isa-isang nagsabi sa kanya, “Ako ba?”
20 Sinabi niya sa kanila, “Isa sa labindalawa, ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok.
21 Sapagkat papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na sa pamamagitan niya ay ipinagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”
Ang Banal na Hapunan(I)
22 Samantalang sila'y kumakain, dumampot siya ng tinapay, at nang kanyang mabasbasan ay kanyang pinagputul-putol, ibinigay sa kanila at sinabi, “Kunin ninyo; ito ang aking katawan.”
23 Siya'y dumampot ng isang kopa at nang siya'y makapagpasalamat ay ibinigay niya sa kanila, at mula roo'y uminom silang lahat.
24 At(J) sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo ng tipan,[a] na nabubuhos para sa marami.
25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom mula sa bunga ng ubas, hanggang sa araw na iyon na inumin kong panibago sa kaharian ng Diyos.
26 At pagkaawit ng isang himno, lumabas sila patungo sa bundok ng mga Olibo.
Ang Unang Pagbanggit ni Jesus sa Pagtatatwa ni Pedro(K)
27 Sinabi(L) sa kanila ni Jesus, “Kayong lahat ay tatalikod sapagkat nasusulat, ‘Hahampasin ko ang pastol at kakalat ang mga tupa.’
28 Ngunit(M) matapos akong maibangon, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”
29 Subalit sinabi sa kanya ni Pedro, “Kahit tumalikod man ang lahat, ako'y hindi.”
30 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo na ngayon, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok ng makalawa, itatatwa mo ako nang tatlong ulit.”
31 Ngunit sinabi niya nang may diin, “Kung kinakailangang mamatay akong kasama mo, hindi kita ipagkakaila.” Gayundin ang sinabi ng lahat.
Nanalangin si Jesus sa Getsemani(N)
32 Pagkatapos ay nagpunta sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Maupo kayo rito habang ako'y nananalangin.”
33 Kanyang isinama sina Pedro, Santiago at Juan, at nagsimula siyang malungkot at mabagabag.
34 Sinabi niya sa kanila, “Ako'y lubhang nalulungkot, hanggang sa kamatayan; manatili kayo rito at manatiling gising.”
35 Paglakad niya sa malayu-layo, siya'y nagpatirapa sa lupa at idinalangin na kung maaari ay makalampas sa kanya ang oras.
36 At kanyang sinabi, “Abba, Ama, para sa iyo ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari. Ilayo mo sa akin ang kopang ito, gayunma'y hindi ang nais ko, kundi ang sa iyo.”
37 Siya'y bumalik at naratnang sila'y natutulog at sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka ba? Hindi mo ba kayang manatiling gising sa loob ng isang oras?
38 Manatili kayong gising at manalangin upang huwag kayong pumasok sa tukso; tunay na ang espiritu ay nagnanais, ngunit ang laman ay mahina.”
39 Muli siyang umalis at nanalangin na sinabi ang gayunding mga salita.
40 At muli siyang nagbalik at naratnang sila'y natutulog, sapagkat mabigat na mabigat na ang kanilang mga mata at hindi nila nalalaman kung ano ang isasagot sa kanya.
41 Bumalik siya sa ikatlong pagkakataon at sinabi sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na! Dumating na ang oras; ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.
42 Bumangon kayo, umalis na tayo. Narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin.”
Ang Pagdakip kay Jesus(O)
43 Kaagad, samantalang nagsasalita pa siya, dumating si Judas na isa sa labindalawa. Kasama niya ang maraming tao na may mga tabak at mga pamalo, na mula sa mga punong pari, sa mga eskriba at sa matatanda.
44 At ang nagkanulo sa kanya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, “Ang aking halikan ay iyon na; hulihin ninyo siya at dalhin siyang may bantay.”
45 Kaya't nang dumating siya, lumapit siya agad sa kanya at nagsabi, “Rabi,” at siya'y kanyang hinalikan.
46 Siya'y sinunggaban nila at siya'y kanilang dinakip.
47 Ngunit ang isa sa nakatayo roon ay bumunot ng kanyang tabak, tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at tinigpas ang kanyang tainga.
48 Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Kayo ba'y lumabas na may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako na parang isang tulisan?
49 Araw-araw(P) ay kasama ninyo ako sa templo na nagtuturo at hindi ninyo ako hinuhuli. Ngunit nangyari ito upang matupad ang mga kasulatan.”
50 Iniwan siya ng lahat at tumakas sila.
51 Sinundan siya ng isang binata na walang suot kundi isang telang lino lamang at siya'y kanilang sinunggaban.
52 Ngunit kanyang binitawan ang telang lino at tumakas na hubad.
Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(Q)
53 Dinala nila si Jesus sa pinakapunong pari at nagtipon ang lahat ng mga punong pari, matatanda at mga eskriba.
54 Si Pedro ay sumunod sa kanya sa malayo, hanggang sa loob ng patyo ng pinakapunong pari; at nakiumpok siya sa mga kawal, at nagpainit ng sarili sa apoy.
55 Ang mga punong pari naman at ang buong Sanhedrin ay naghahanap ng patotoo laban kay Jesus upang siya'y ipapatay; ngunit wala silang matagpuan,
56 sapagkat marami ang sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanya, at ang kanilang mga patotoo ay hindi nagkakatugma.
57 Tumayo ang ilan at sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya, na sinasabi,
58 “Narinig(R) naming sinabi niya, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na hindi gawa ng mga kamay.’”
59 Ngunit sa gayong paraan ay hindi rin nagkatugma ang patotoo nila.
60 Tumayo sa harapan nila ang pinakapunong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot? Ano itong pinatotohanan nila laban sa iyo?”
61 Ngunit siya'y tumahimik at hindi nagsalita ng anuman. Tinanong siyang muli ng pinakapunong pari at sinabi sa kanya, “Ikaw ba ang Cristo, ang Anak ng Pinagpala?”
62 Sinabi(S) ni Jesus, “Ako nga; at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan at dumarating na nasa mga alapaap ng langit.”
63 Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at nagsabi, “Ano pang kailangan nating mga saksi?
64 Narinig(T) ninyo ang kanyang paglapastangan! Ano ang inyong pasiya?” At hinatulan nilang lahat na siya'y dapat mamatay.
65 Nagsimula ang ilan na duraan siya, tinakpan ang kanyang mukha, at siya'y pinagsusuntok, na sinasabi nila sa kanya, “Hulaan mo!” Kinuha siya ng mga bantay at siya'y pinagsasampal.
Itinatwa ni Pedro si Jesus(U)
66 Samantalang nasa ibaba si Pedro, sa patyo, lumapit ang isa sa mga alilang babae ng pinakapunong pari.
67 Nang makita niya si Pedro na nagpapainit, siya'y kanyang tinitigan at sinabi, “Ikaw man ay kasama rin ni Jesus na taga-Nazaret.”
68 Ngunit siya'y nagkaila, na sinasabi, “Hindi ko nalalaman, ni nauunawaan ang sinasabi mo.” At lumabas siya sa pasilyo [pagkatapos ay tumilaok ang manok].
69 Nakita siya ng alilang babae at nagsimulang magsabing muli sa mga nakatayo roon, “Ang taong ito ay isa sa kanila.”
70 Ngunit muling nagkaila siya. At pagkaraan ng ilang sandali, sinabing muli ng mga nakatayo roon kay Pedro, “Tunay na ikaw ay isa sa kanila, sapagkat ikaw ay taga-Galilea.”
71 Ngunit siya'y nagsimulang magmura at sumumpa, “Hindi ko nakikilala ang taong ito na inyong sinasabi.”
72 At kaagad, sa ikalawang pagkakataon ay tumilaok ang manok at naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa kanya, “Bago tumilaok ang manok ng makalawa ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.” Nanlumo siya at tumangis.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001