Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 18

Nilibot ng mga Espiya ang Buong Lupain

18 Nang mga araw na iyon ay walang hari sa Israel. At nang panahong iyon ay humahanap ang lipi ng mga Danita ng isang lupaing matitirahan sapagkat hanggang sa araw na iyon ay wala pang lupain mula sa mga lipi ng Israel ang naibigay sa kanila.

Kaya't ang mga anak ni Dan ay nagsugo ng limang lalaki mula sa kabuuang bilang ng kanilang angkan, mula sa Sora at sa Estaol, upang tiktikan ang lupain, at galugarin. At sinabi nila sa kanila, “Kayo'y humayo at inyong siyasatin ang lupain.” At sila'y pumunta sa lupaing maburol ng Efraim, sa bahay ni Micaias, at tumuloy roon.

Nang sila'y malapit na sa bahay ni Micaias nakilala nila ang tinig ng binatang Levita. Kaya't sila'y pumasok roon, at sinabi nila sa kanya, “Sinong nagdala sa iyo rito? At ano ang iyong ginagawa sa dakong ito? Anong pakay mo rito?”

At sinabi niya sa kanila, “Ganito't ganoon ang ginawa sa akin ni Micaias. Kanyang inupahan ako, at ako'y naging kanyang pari.”

Sinabi nila sa kanya, “Ipinapakiusap namin sa iyo na sumangguni ka sa Diyos, upang aming malaman, kung ang aming misyon ay magtatagumpay.”

Sinabi ng pari sa kanila, “Humayo kayong payapa. Ang inyong lakad ay nasa ilalim ng pagmamatyag ng Panginoon.”

Nang magkagayo'y lumakad ang limang lalaki at dumating sa Lais. Kanilang nakita ang mga taong naroon na naninirahang tiwasay na gaya ng mga Sidonio, tahimik at hindi nanghihina, hindi nagkukulang ng anuman sa daigdig, at nagtataglay ng kayamanan.

Nang sila'y dumating sa kanilang mga kapatid sa Sora at Estaol, kanilang sinabi sa kanila, “Ano ang inyong masasabi?”

At kanilang sinabi, “Tumindig kayo at tayo'y umahon laban sa kanila, sapagkat aming nakita ang lupain at, ito'y napakabuti. Wala ba kayong gagawin? Huwag kayong maging makupad na humayo kundi iyong pasukin at angkinin ang lupain.

10 Paglakad ninyo'y darating kayo sa isang bayang panatag. Ang lupain ay malawak—ibinigay na iyon ng Diyos sa inyong kamay, isang dakong hindi nagkukulang ng anumang bagay sa lupa.”

Kinuha ng Danita ang mga Inanyuang Larawan ni Micaias

11 Umalis mula roon ang animnaraang lalaki sa angkan ng mga Danita, mula sa Sora at sa Estaol, na may sandata ng mga sandatang pandigma.

12 Sila'y humayo at nagkampo sa Kiryat-jearim sa Juda; kaya't kanilang tinawag ang dakong iyon na Mahanedan hanggang sa araw na ito. Iyon ay nasa likod ng Kiryat-jearim.

13 Sila'y nagdaan doon hanggang sa lupaing maburol ng Efraim, at dumating sa bahay ni Micaias.

14 Nang magkagayo'y nagsalita ang limang lalaki na naniktik sa lupain ng Lais, at sinabi sa kanilang mga kapatid, “Nalalaman ba ninyo na sa mga gusaling ito ay mayroong efod, terafim, at isang larawang inanyuan na yari sa bakal? Isipin ninyo ngayon ang inyong gagawin.”

15 Sila'y lumiko roon, at dumating sa bahay ng binatang Levita, sa bahay ni Micaias, at tinanong siya sa kanyang kalagayan.

16 Samantala, ang animnaraang lalaki na may mga sandatang pandigma, na pawang mga anak ni Dan ay nakatayo sa pasukan ng pintuang-bayan.

17 Ang limang lalaking humayo upang tiktikan ang lupain ay umahon at pumasok doon at kinuha ang larawang inanyuan, ang efod, at ang terafim. Ang pari ay nakatayo sa pasukan ng pintuang-bayan na kasama ng animnaraang lalaki na may mga sandatang pandigma.

18 Nang pumasok ang mga ito sa bahay ni Micaias, at makuha ang larawang inanyuan, ang efod, ang terafim, ay sinabi ng pari sa kanila, “Anong ginagawa ninyo?”

19 At sinabi nila sa kanya, “Tumahimik ka, itakip mo ang iyong kamay sa iyong bibig, sumama ka sa amin, at maging ama at pari ka namin. Mabuti ba kaya sa iyo ang maging pari sa bahay ng isang lalaki o maging pari sa isang lipi at sa isang angkan sa Israel?”

20 Tinanggap ng pari ang alok. Kanyang kinuha ang efod, ang terafim, ang larawang inanyuan, at humayo sa gitna ng bayan.

21 Kaya't ipinagpatuloy nila ang kanilang paglalakbay at inilagay ang mga bata, ang kawan, at ang mga dala-dalahan sa unahan nila.

22 Nang sila'y malayu-layo na sa bahay ni Micaias, ang mga lalaking nasa mga bahay na malapit sa bahay ni Micaias ay tinawagan at inabutan nila ang mga anak ni Dan.

23 Kanilang sinigawan ang mga anak ni Dan. Sila'y lumingon at sinabi kay Micaias, “Ano ang nangyari at ikaw ay naparitong kasama ang ganyang karaming tao?”

24 Siya'y sumagot, “Inyong kinuha ang aking mga diyos na aking ginawa, at ang pari, at kayo'y umalis, at ano pang naiwan sa akin? Bakit ninyo ako tinatanong, ‘Ano ang nangyari?’”

25 Sinabi ng mga anak ni Dan sa kanya, “Huwag nang marinig ang iyong tinig, baka daluhungin ka ng mapupusok na kasama namin, at mawala ang iyong buhay, pati ang buhay ng iyong sambahayan.”

26 Ipinagpatuloy ng mga anak ni Dan ang kanilang lakad, at nang makita ni Micaias na sila'y higit na malakas kaysa kanya, bumalik siya at umuwi sa kanyang bahay.

27 Kanilang kinuha ang ginawa ni Micaias, at ang kanyang pari. Dumating sila sa Lais, na isang bayang tahimik at tiwasay, pinatay sila ng tabak at sinunog nila ang lunsod.

28 Walang tumulong sapagkat malayo ito sa Sidon at sila'y walang pakikipag-ugnayan sa kaninuman.[a] Iyon ay nasa libis na bahagi ng Betrehob. At kanilang itinayo ang lunsod, at tinahanan nila.

29 Kanilang tinawag na Dan ang lunsod, ayon sa pangalan ni Dan na kanilang ama na ipinanganak sa Israel; gayunma'y ang pangalan ng bayan nang una ay Lais.

30 At itinayo ng mga anak ni Dan para sa kanilang sarili ang larawang inanyuan. Si Jonathan na anak ni Gershon, na anak ni Moises, at ang kanyang mga anak ang siyang naging mga pari sa lipi ng mga Danita hanggang sa araw na mabihag ang lupain.

31 Kaya't kanilang itinuring na kanila ang larawang inanyuang ginawa ni Micaias sa buong panahon na ang bahay ng Diyos ay nasa Shilo.

Mga Gawa 22

22 “Mga ginoo, mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ang pagtatanggol na gagawin ko ngayon sa harapan ninyo.”

Nang marinig nilang siya'y nagsasalita sa kanila sa wikang Hebreo, ay lalo pa silang tumahimik. Pagkatapos ay sinabi niya,

“Ako'y(A) isang Judio, na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, ngunit pinalaki sa lunsod na ito, sa paanan ni Gamaliel, at tinuruan alinsunod sa kahigpitan ng kautusan ng ating mga ninuno, na masigasig para sa Diyos, na tulad ninyong lahat ngayon.

Aking(B) pinag-usig ang Daang ito hanggang sa kamatayan, na ginagapos at ipinapasok sa mga bilangguan ang mga lalaki at ang mga babae,

tulad ng mapapatotohanan ng pinakapunong pari ng tungkol sa akin at ng buong kapulungan ng matatanda. Mula sa kanila'y tumanggap ako ng mga sulat para sa mga kapatid sa Damasco at nagpunta ako roon upang gapusin ang mga naroroon at ibalik sila sa Jerusalem upang parusahan.

Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Pagbabagong-loob(C)

“Habang ako'y naglalakbay at papalapit na sa Damasco, nang magtatanghaling-tapat na, biglang sumikat mula sa langit ang isang malaking liwanag sa palibot ko.

Bumagsak ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?’

Sumagot ako sa kanya, ‘Sino ka ba, Panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Ako'y si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig.’

Nakita ng mga kasamahan ko noon ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig ng nagsalita sa akin.

10 Sinabi ko, ‘Anong gagawin ko, Panginoon?’ Sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Tumindig ka at pumunta ka sa Damasco; at doo'y sasabihin sa iyo ang lahat ng mga bagay na itinalagang gawin mo.’

11 Nang hindi ako makakita dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, hinawakan ang aking kamay ng mga kasamahan ko, at dinala ako sa Damasco.

12 “Isang Ananias, na lalaking masipag sa kabanalan ayon sa kautusan, at may magandang patotoo tungkol sa kanya ang mga Judio na naninirahan doon,

13 ang lumapit sa akin, tumayo sa tabi ko at nagsabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, muli mong tanggapin ang iyong paningin!’ Nang oras ding iyon, bumalik ang aking paningin at nakita ko siya.

14 Pagkatapos ay sinabi niya, ‘Itinalaga ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita mo ang Matuwid, at marinig mo ang tinig mula sa kanyang bibig,

15 sapagkat magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig.

16 At ngayon, ano pang hinihintay mo? Tumindig ka at magpabautismo, at hugasan ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kanyang pangalan.’

Isinugo si Pablo sa mga Hentil

17 “Pagbalik ko sa Jerusalem, at habang ako'y nananalangin sa templo ay nawalan ako ng malay,

18 at ang Panginoon[a] ay nakita ko na nagsasabi sa akin, ‘Magmadali ka at umalis agad sa Jerusalem, sapagkat hindi nila tatanggapin ang iyong patotoo tungkol sa akin.’

19 At aking sinabi, ‘Panginoon, sila mismo ay nakaalam na sa bawat sinagoga ay ibinilanggo ko at hinampas ang mga nanampalataya sa iyo.

20 Nang(D) idanak ang dugo ni Esteban na iyong saksi, ako mismo ay nakatayo sa malapit, na sumasang-ayon at nag-iingat sa mga damit ng mga pumatay sa kanya.’

21 At sinabi niya sa akin, ‘Humayo ka, sapagkat susuguin kita sa malayo sa mga Hentil.’”

22 Kanilang pinakinggan siya hanggang sa pagkakataong ito ngunit pagkatapos ay sumigaw sila, “Alisin sa lupa ang ganyang tao! Sapagkat hindi siya karapat-dapat mabuhay.”

23 At samantalang sila'y nagsisigawan, na inihahagis ang kanilang mga damit, at nagsasabog ng alikabok sa hangin,

24 ay ipinag-utos ng pinunong kapitan na siya'y ipasok sa himpilan at sinabing siya'y siyasatin na may paghagupit upang malaman niya kung anong dahilan at sila'y nagsigawan nang gayon laban sa kanya.

25 Ngunit nang siya'y kanilang magapos na ng mga panaling balat, ay sinabi ni Pablo sa senturiong nakatayo sa malapit, “Matuwid ba sa inyo na hagupitin ang isang taong mamamayan ng Roma, na hindi pa nahahatulan?”

26 Nang iyon ay marinig ng senturion, pumunta siya sa pinunong kapitan at sa kanya'y sinabi, “Anong gagawin mo? Ang taong ito ay mamamayang Romano.”

27 Lumapit ang pinunong kapitan at tinanong si Pablo, “Sabihin mo sa akin, ikaw ba'y mamamayang Romano?” At sinabi niya, “Oo.”

28 Sumagot ang pinunong kapitan, “Sa malaking halaga ng salapi ay nakuha ko ang pagkamamamayan kong ito.” At sinabi ni Pablo, “Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano.”

29 Kaya't agad na lumayo sa kanya ang mga magsisiyasat sa kanya; at ang pinunong kapitan ay natakot din sapagkat nalaman niyang si Pablo ay isang Romano, at siya'y ginapos niya.

Si Pablo sa Harap ng Sanhedrin

30 Nang sumunod na araw, dahil sa pagnanais na malaman ang tunay na dahilan kung bakit siya'y isinakdal ng mga Judio ay kanyang pinawalan siya at iniutos sa mga punong pari at sa buong Sanhedrin na magpulong. Pinababa niya si Pablo at iniharap sa kanila.

Jeremias 32

Si Jeremias ay Ibinilanggo

32 Ang(A) salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon nang ikasampung taon ni Zedekias na hari ng Juda, na siyang ikalabingwalong taon ni Nebukadnezar.

Nang panahong iyon ay kinukubkob ng hukbo ng hari ng Babilonia ang Jerusalem, at si Jeremias na propeta ay nakakulong sa bulwagan ng bantay na nasa palasyo ng hari ng Juda,

sapagkat ibinilanggo siya ni Zedekias na hari ng Juda, na sinasabi, “Bakit ka nagsasalita ng propesiya at nagsasabi, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, ibibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonia, at kanyang sasakupin ito.

Si Zedekias na hari ng Juda ay hindi makakatakas sa kamay ng mga Caldeo, kundi tiyak na ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, at siya'y makikipag-usap sa kanya nang mukhaan at makikita siya nang mata sa mata.

At kanyang dadalhin si Zedekias sa Babilonia, at siya'y mananatili roon hanggang sa dalawin ko siya, sabi ng Panginoon; bagaman labanan ninyo ang mga Caldeo, hindi kayo magtatagumpay?’”

Sinabi ni Jeremias, “Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

Narito, si Hanamel na anak ni Shallum na iyong tiyuhin ay darating sa iyo, at magsasabi, ‘Bilhin mo ang bukid ko na nasa Anatot, sapagkat mayroon kang karapatan ng pagtubos sa pamamagitan ng pagbili.’

Sa gayo'y si Hanamel na anak ng aking tiyuhin ay dumating sa akin sa bulwagan ng bantay ayon sa salita ng Panginoon, at sinabi sa akin, ‘Bilhin mo ang aking bukid na nasa Anatot, sa lupain ng Benjamin, sapagkat mayroon kang karapatan ng pagmamay-ari at ang pagtubos ay nasa iyo; bilhin mo ito para sa iyong sarili!’ Nang magkagayo'y nalaman ko na ito'y salita ng Panginoon.

“At binili ko ang bukid na nasa Anatot kay Hanamel na anak ng aking tiyuhin, at tinimbang ko sa kanya ang salapi—labimpitong siklong pilak.

10 Nilagdaan ko ang kasulatan, tinatakan ito, tumawag ng mga saksi, at tinimbang ko sa kanya ang salapi sa timbangan.

11 Pagkatapos ay kinuha ko ang may tatak na kasulatan ng pagkabili na naglalaman ng mga kasunduan at pasubali, at ang bukas na sipi.

12 Ibinigay ko ang kasulatan ng pagkabili kay Baruc na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, sa harapan ni Hanamel na anak ng aking tiyuhin, sa harapan ng mga saksi na lumagda sa kasulatan ng pagkabili, at sa harapan ng lahat ng mga Judio na nakaupo sa bulwagan ng bantay.

13 Inatasan ko si Baruc sa harapan nila, na sinasabi,

14 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kunin mo itong natatakang kasulatan ng pagkabili at itong bukas na kasulatan, at iyong ilagay sa sisidlang lupa upang tumagal ang mga ito nang mahabang panahon.

15 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Muling mabibili sa lupaing ito ang mga bahay, mga bukid, at mga ubasan!’

Ang Panalangin ni Jeremias

16 “Pagkatapos na maibigay ko ang kasulatan ng pagkabili kay Baruc na anak ni Nerias, nanalangin ako sa Panginoon, na sinasabi:

17 ‘Ah Panginoong Diyos! Ikaw ang siyang gumawa ng langit at ng lupa sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong unat na kamay! Walang bagay na napakahirap sa iyo,

18 na nagpapakita ng kagandahang-loob sa mga libu-libo, ngunit pinagbabayad ang kasamaan ng mga magulang sa kanilang mga anak kasunod nila, O dakila at makapangyarihang Diyos. Ang kanyang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo;

19 dakila sa payo at makapangyarihan sa gawa; na ang mga mata ay mulat sa lahat ng lakad ng anak ng mga tao, na ginagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga lakad, at ayon sa bunga ng kanyang mga gawa.

20 Ikaw ay nagpakita ng mga tanda at mga kababalaghan sa lupain ng Ehipto, at hanggang sa araw na ito sa Israel at sa gitna ng sangkatauhan, at gumawa ka ng pangalan para sa iyong sarili, gaya ng sa araw na ito.

21 Inilabas mo ang iyong bayang Israel sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, ng malakas na kamay, ng unat na bisig, at may malaking kakilabutan;

22 at ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila, isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot.

23 Sila'y pumasok at inangkin nila ito, ngunit hindi nila dininig ang iyong tinig o lumakad man sa iyong kautusan; wala silang ginawa sa lahat ng iyong iniutos na gawin nila. Kaya't pinarating mo sa kanila ang lahat ng kasamaang ito.

24 Narito, ang mga bunton ng pagkubkob ay dumating sa lunsod upang sakupin ito; at dahil sa tabak, taggutom, at salot, ang lunsod ay ibinigay sa kamay ng mga Caldeo na lumalaban dito. Kung ano ang iyong sinabi ay nangyayari; at narito, nakikita mo ito.

25 Sinabi mo sa akin, O Panginoong Diyos, “Bilhin mo ng salapi ang bukid, at tumawag ka ng mga saksi,”—bagaman ang lunsod ay ibinibigay sa kamay ng mga Caldeo.’”

26 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,

27 “Narito, ako ang Panginoon, ang Diyos ng lahat ng laman; mayroon bang anumang napakahirap para sa akin?

28 Kaya't(B) ganito ang sabi ng Panginoon: Ibibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng mga Caldeo at sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sasakupin niya ito.

29 Ang mga Caldeo na lumalaban sa lunsod na ito ay darating at susunugin ang lunsod na ito, pati ang mga bahay na ang mga bubungan ay kanilang pinaghandugan ng insenso kay Baal at pinagbuhusan ng mga handog na inumin para sa mga ibang diyos, upang ako ay ibunsod sa galit.

30 Sapagkat ang mga anak ng Israel at ang mga anak ng Juda ay walang ginawa kundi kasamaan sa aking paningin mula sa kanilang kabataan. At ang mga anak ng Israel ay walang ginawa kundi ako'y ibunsod sa galit sa pamamagitan ng gawa ng kanilang mga kamay, sabi ng Panginoon.

31 Tunay na ang lunsod na ito ay pumupukaw ng aking galit at poot, mula sa araw na ito'y itinayo hanggang sa araw na ito, kaya't ito'y aking aalisin sa harap ng aking paningin,

32 dahil sa lahat ng kasamaan ng mga anak ng Israel at ng mga anak ng Juda na kanilang ginawa upang ako ay ibunsod sa galit, sila, ang kanilang mga hari, kanilang mga pinuno, kanilang mga pari, kanilang mga propeta, mga mamamayan ng Juda, at ng mga naninirahan sa Jerusalem.

33 Tinalikuran nila ako, at hindi ang kanilang mukha, at bagaman paulit-ulit ko silang tinuruan ay hindi sila nakinig upang tumanggap ng turo.

34 Kundi(C) inilagay nila ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang ito'y dungisan.

35 At(D) kanilang itinayo ang matataas na dako ni Baal sa libis ng anak ni Hinom, upang ihandog ang kanilang mga anak na lalaki at babae kay Molec, na hindi ko iniutos sa kanila o pumasok man sa aking pag-iisip, na kanilang gawin ang kasuklamsuklam na ito na naging sanhi ng pagkakasala ng Juda.

Isang Pangako ng Pag-asa

36 “At ngayon ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa lunsod na ito na inyong sinasabi, ‘Ito'y ibinigay sa kamay ng hari ng Babilonia sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot.’

37 Narito, titipunin ko sila mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila sa aking galit at sa aking poot, at ibabalik ko sila sa dakong ito, at akin silang patitirahing tiwasay.

38 At sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos.

39 Bibigyan ko sila ng isang puso at ng isang daan, upang sila'y matakot sa akin sa lahat ng panahon para sa ikabubuti nila at ng kanilang mga anak kasunod nila.

40 Ako'y gagawa sa kanila ng isang walang hanggang tipan, at hindi ako hihiwalay sa kanila upang gawan sila ng mabuti; at ilalagay ko sa kanilang puso ang pagkatakot sa akin, upang huwag silang humiwalay sa akin.

41 Ako'y magagalak sa kanila na gawan ko sila ng mabuti, at sa katapatan ay itatanim ko sila sa lupaing ito nang aking buong puso at buong kaluluwa.

42 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: Kung paanong aking dinala ang lahat ng malaking kasamaang ito sa bayang ito, gayon ko dadalhin sa kanila ang lahat ng mabuti na aking ipinangako sa kanila.

43 At ang mga bukid ay mabibili sa lupaing ito na iyong sinasabi, Ito ay wasak, walang tao o hayop man; ito ay ibinigay sa kamay ng mga Caldeo.

44 Bibilhin ng salapi ang mga bukid at ang bilihan ay lalagdaan, tatatakan at tatawag ng mga saksi sa lupain ng Benjamin, sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, sa mga lunsod ng Juda at ng lupaing maburol, at sa mga bayan ng Shefela at ng Negeb; sapagkat ibabalik ko ang kanilang kayamanan, sabi ng Panginoon.”

Mga Awit 1-2

UNANG AKLAT

Dalawang Uri ng Pamumuhay

Mapalad ang taong
    hindi lumalakad sa payo ng masama,
ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan,
    ni umuupo man sa upuan ng mga manunuya;
kundi nasa kautusan ng Panginoon ang kanyang kagalakan,
    at nagbubulay-bulay araw at gabi sa kanyang kautusan.
Siya ay(A) gaya ng isang punungkahoy
    na itinanim sa tabi ng agos ng tubig,
na nagbubunga sa kanyang kapanahunan,
    ang kanyang dahon nama'y hindi nalalanta,
sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya.

Ang masama ay hindi gayon;
    kundi parang ipang itinataboy ng hangin.
Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa hukuman,
    ni sa kapulungan ng matuwid ang makasalanan;
sapagkat ang lakad ng matuwid ang Panginoon ang nakakaalam,
    ngunit mapapahamak ang lakad ng makasalanan.

Ang Haring Pinili ng Panginoon

Bakit(B) nagsasabwatan ang mga bansa,
    at sa walang kabuluhan ang mga bayan ay nagpaplano?
Inihanda ng mga hari sa lupa ang kanilang sarili,
    at ang mga pinuno ay nagsisangguni,
laban sa Panginoon at sa kanyang binuhusan ng langis, na nagsasabi,
“Ang kanilang panggapos ay ating lagutin,
    at itapon ang kanilang mga panali mula sa atin.”

Siya na nakaupo sa kalangitan ay tumatawa;
    at ang Panginoon ay kumukutya sa kanila.
Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kanyang poot,
    at tatakutin sila sa kanyang matinding galit, na nagsasabi,
“Gayunma'y inilagay ko ang aking hari sa Zion, sa aking banal na burol.”

Aking(C) sasabihin ang tungkol sa utos ng Panginoon:
Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking anak,
    sa araw na ito kita ay ipinanganak.
Humingi ka sa akin at ang mga bansa ay gagawin kong mana mo,
    at ang mga dulo ng lupa ay magiging iyo.
Sila'y(D) iyong babaliin ng pamalong bakal,
    at dudurugin mo sila gaya ng banga.”

10 Kaya't ngayon, O mga hari, kayo'y magpakapantas;
    O mga pinuno ng lupa, kayo'y magsihanda.
11 Kayo'y maglingkod sa Panginoon na may takot,
    at magalak na may panginginig,
12 ang anak ay inyong hagkan,
baka magalit siya at kayo'y mapahamak sa daan;
    sapagkat ang kanyang poot ay madaling mag-alab.

Mapapalad ang lahat na nanganganlong sa kanya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001