M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagkita sina Saul at Samuel
9 May isang lalaki sa Benjamin na ang pangala'y Kish, na anak ni Abiel, na anak ni Zeor, na anak ni Becora, na anak ni Afia, isang Benjaminita, isang taong mayaman.
2 Siya'y may isang anak na lalaki na ang pangala'y Saul, isang makisig na kabataan. Sa mga anak ni Israel ay walang higit na makisig na lalaki kaysa kanya. Mula sa kanyang mga balikat paitaas ay higit siyang matangkad kaysa sinuman sa taong-bayan.
3 Noon ang mga asno ni Kish na ama ni Saul ay nawawala. At sinabi ni Kish kay Saul na kanyang anak, “Isama mo ngayon ang isa sa mga tauhan. Tumindig ka at hanapin mo ang mga asno.”
4 Siya'y dumaan sa lupaing maburol ng Efraim at sa lupain ng Salisa, ngunit hindi nila natagpuan. Dumaan sila sa lupain ng Saalim, ngunit wala roon; at sila'y dumaan sa lupain ng mga Benjaminita, ngunit hindi nila nakita roon.
5 Nang sila'y dumating sa lupain ng Zuf, sinabi ni Saul sa kanyang kasamang tauhan, “Tayo na, bumalik na tayo, baka ipagwalang-bahala ng aking ama ang mga asno at tayo ang alalahanin.”
6 Ngunit sinabi niya sa kanya, “May isang tao ng Diyos sa lunsod na ito, siya'y isang lalaking iginagalang. Lahat ng kanyang sinasabi ay nagkakatotoo. Pumunta tayo roon, marahil ay masasabi niya sa atin ang tungkol sa paglalakbay na ating isinagawa.”
7 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang lingkod, “Ngunit kung tayo'y pupunta roon, ano ang ating dadalhin sa lalaki? Naubos na ang tinapay sa ating mga buslo at wala na tayong madadalang kaloob sa tao ng Diyos. Anong mayroon tayo?”
8 Muling sumagot ang lingkod kay Saul, at nagsabi, “Mayroon akong ikaapat na bahagi ng isang siklong pilak; ibibigay ko ito sa tao ng Diyos upang sabihin sa atin ang ating paglalakbay.”
9 (Noong una sa Israel, kapag ang isang tao ay sumasangguni sa Diyos, ay ganito ang sinasabi, “Halika, tayo'y pumaroon sa tagakita;” sapagkat ang tinatawag ngayon na propeta ay tinatawag noong una na tagakita.)
10 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang lingkod, “Mabuti ang sinasabi mo. Halika, tayo'y pumaroon.” Kaya't pumaroon sila sa bayang kinaroroonan ng tao ng Diyos.
11 Samantalang patungo sila sa bayan ay nakasalubong sila ng mga dalagang lumalabas upang umigib ng tubig, at sinabi nila sa kanila, “Narito ba ang tagakita?”
12 At sila'y sumagot sa kanila, “Siya'y nariyan, nasa unahan mo lamang. Magmadali kayo ngayon, sapagkat kararating pa lamang niya sa bayan sapagkat ang bayan ay may handog ngayon sa mataas na dako.
13 Pagpasok ninyo sa bayan, agad ninyo siyang matatagpuan bago siya umahon sa mataas na dako upang kumain. Sapagkat ang taong-bayan ay hindi kakain hanggang sa siya'y dumating, sapagkat kailangang basbasan niya ang handog. Pagkatapos ay kumakain ang mga inanyayahan. Kaya nga lumakad na kayo sapagkat sa oras na ito'y inyong madadatnan siya.”
14 Kaya't sila'y pumunta sa bayan. Pagpasok nila sa bayan, nasalubong nila si Samuel na papaakyat sa mataas na dako.
15 Nang araw bago dumating si Saul, ipinahayag ng Panginoon kay Samuel:
16 “Bukas sa ganitong oras ay susuguin ko sa iyo ang isang lalaki mula sa lupain ng Benjamin, at iyong bubuhusan siya ng langis upang maging pinuno sa aking bayang Israel. Ililigtas niya ang aking bayan sa kamay ng mga Filisteo; sapagkat aking nakita ang paghihirap ng aking bayan, dahil ang kanilang daing ay umabot sa akin.”
17 Nang makita ni Samuel si Saul ay sinabi ng Panginoon sa kanya, “Narito ang lalaki na aking sinabi sa iyo! Siya ang magkakaroon ng kapangyarihan sa aking bayan.”
18 Pagkatapos ay lumapit si Saul kay Samuel sa pintuang-bayan, at sinabi, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin kung saan naroon ang bahay ng nakakakita ng pangitain.”
19 Sumagot si Samuel kay Saul, “Ako ang tagakita; mauna kang umahon sa akin sa mataas na dako, sapagkat kakain kang kasalo ko ngayon, at sa kinaumagahan ay pauuwiin na kita at sasabihin ko sa iyo ang lahat ng nasa isip mo.
20 Tungkol sa iyong mga asno na tatlong araw nang nawawala ay huwag mong alalahanin sapagkat natagpuan na. At para kanino ba ang lahat ng kanais-nais sa Israel? Hindi ba para sa iyo at sa buong sambahayan ng iyong ama?”
21 Si Saul ay sumagot, “Hindi ba ako'y isang Benjaminita, mula sa pinakamaliit na lipi ng Israel? At hindi ba ang aking angkan ang pinakahamak sa mga angkan ng lipi ng Benjamin? Bakit ka nagsasalita sa akin sa ganitong paraan?”
22 Kaya't ipinagsama ni Samuel si Saul at ang kanyang lingkod at ipinasok niya sila sa kabahayan, at binigyan sila ng lugar sa pangunahing upuan kasama ng mga naanyayahan, na may tatlumpung katao.
23 Sinabi ni Samuel sa tagapagluto, “Dalhin mo rito ang bahagi na ibinigay ko sa iyo, na siyang aking sinabi sa iyo, ‘Ibukod mo ito.’”
24 Kaya't kinuha ng tagapagluto ang hita at ang bahaging itaas at inilagay sa harapan ni Saul. At sinabi ni Samuel, “Tingnan mo, ang itinabi ay inilagay sa harap mo. Kainin mo sapagkat ito ay iningatan para sa iyo hanggang sa takdang panahon sapagkat aking sinabi, na inanyayahan ko ang bayan.” Kaya't kumain si Saul na kasalo ni Samuel nang araw na iyon.
25 Nang sila'y makalusong sa lunsod mula sa mataas na dako, isang higaan ang inilatag para kay Saul sa bubungan ng bahay at siya'y humiga upang matulog.
Binuhusan ng Langis ni Samuel si Saul Bilang Hari
26 At sa pagbubukang-liwayway, tinawag ni Samuel si Saul sa bubungan, “Bangon, upang mapahayo na kita.” Si Saul ay bumangon at kapwa sila lumabas ni Samuel.
27 Habang sila'y lumalabas sa hangganan ng bayan ay sinabi ni Samuel kay Saul, “Sabihin mo sa lingkod na mauna na sa atin, at kapag siya'y nakaraan ay tumigil ka rito, upang maipaalam ko sa iyo ang salita ng Diyos.”
Paglalarawan mula sa Pag-aasawa
7 O hindi ba ninyo nalalaman, mga kapatid (sapagkat ako'y nagsasalita sa mga nakakaalam ng kautusan), na ang kautusan ay umiiral lamang sa tao habang siya'y nabubuhay pa?
2 Sapagkat ang asawang babae ay itinali ng kautusan sa asawang lalaki habang ito ay nabubuhay; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, siya ay nakalagan na sa kautusan ng asawang lalaki.
3 Kaya nga, kung siya'y makikipisan sa ibang lalaki habang nabubuhay pa ang asawang lalaki, siya'y tatawaging mangangalunya; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, siya ay malaya na sa kautusan, at siya'y hindi isang mangangalunya kung siya man ay makipisan sa ibang lalaki.
4 Gayundin naman, mga kapatid ko, kayo'y namatay sa kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo; upang kayo'y makipisan sa iba, samakatuwid ay sa kanya na bumangon mula sa mga patay upang tayo'y magbunga para sa Diyos.
5 Sapagkat nang tayo'y nasa laman pa, ang mga pagnanasa ng mga kasalanan na pawang sa pamamagitan ng kautusan ay gumagawa sa mga bahagi ng ating katawan upang magbunga para sa kamatayan.
6 Subalit ngayon tayo'y nakalagan sa kautusan, yamang tayo'y namatay doon sa umalipin sa atin, upang makapaglingkod sa bagong buhay sa Espiritu, at hindi sa lumang batas na nakasulat.
Ang Kautusan at ang Kasalanan
7 Ano(A) nga ang ating sasabihin? Ang kautusan ba'y kasalanan? Huwag nawang mangyari. Gayunma'y hindi ko sana nakilala ang kasalanan, kung hindi sa pamamagitan ng kautusan; sapagkat hindi ko sana nakilala ang pag-iimbot kung hindi sinasabi ng kautusan, “Huwag kang mag-iimbot.”
8 Ngunit ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay gumawa sa akin ng sari-saring pag-iimbot, sapagkat kung walang kautusan ang kasalanan ay patay.
9 Minsan ako'y nabubuhay na hiwalay sa kautusan; subalit nang dumating ang utos, ay muling nabuhay ang kasalanan,
10 at ako'y namatay, at ang utos na tungo sa buhay ay natuklasan kong ito'y tungo sa kamatayan.
11 Sapagkat(B) ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay dinaya ako, at sa pamamagitan nito ay pinatay ako.
12 Kaya't ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.
13 Kung gayon, ang mabuti ba ang nagdala ng kamatayan sa akin? Hindi, kailanman! Kundi ang kasalanan na gumagawa ng kamatayan sa akin sa pamamagitan ng mabuti, upang ang kasalanan ay maihayag na kasalanan, at sa pamamagitan ng utos ay maging lubos na makasalanan.
Ang Pagnanais ng Mabuti
14 Sapagkat nalalaman natin na ang kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.
15 Sapagkat(C) ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman; sapagkat ang hindi ko nais ang ginagawa ko; subalit ang kinapopootan ko, iyon ang ginagawa ko.
16 Ngunit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, sumasang-ayon ako na mabuti ang kautusan.
17 Subalit ngayo'y hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.
18 Sapagkat nalalaman ko na walang mabuti na nananatili sa akin, samakatuwid ay sa aking laman. Ang pagnanais ng mabuti ay nasa akin, subalit hindi ko iyon magawa.
19 Sapagkat ang mabuti na aking nais ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ay siya kong ginagawa.
20 Subalit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.
21 Kaya nga natagpuan ko ang isang kautusan na kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit.
22 Sapagkat ako'y nagagalak sa kautusan ng Diyos sa kaibuturan ng aking pagkatao.
23 Subalit nakikita ko ang kakaibang kautusan sa aking mga bahagi na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pag-iisip, at ako'y binibihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking katawan.
24 Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan?
25 Ngunit salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin. Kaya nga, ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng aking pag-iisip, ngunit sa pamamagitan ng laman ay sa kautusan ng kasalanan.
Ang Pagkatalo ng Ehipto sa Carquemis
46 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa mga bansa.
2 Tungkol(A) sa Ehipto. Tungkol sa hukbo ni Faraon Neco, na hari ng Ehipto na nasa tabi ng ilog ng Eufrates, sa Carquemis, na tinalo ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda:
3 “Ihanda ninyo ang panangga at kalasag,
at kayo'y lumapit sa pakikipaglaban!
4 Singkawan ninyo ang mga kabayo,
kayo'y sumakay, O mga mangangabayo!
Humanay kayo na may helmet;
pakintabin ang inyong mga sibat,
at isuot ang inyong kasuotang pandigma!
5 Bakit ko nakita iyon?
Sila'y nanlulupaypay
at nagsisibalik.
Ang kanilang mga mandirigma ay ibinuwal
at mabilis na tumakas;
hindi sila lumilingon—
ang pagkasindak ay nasa bawat panig! sabi ng Panginoon.
6 Ang maliksi ay huwag tumakbo,
ni ang malakas ay tumakas;
sa hilaga sa tabi ng Ilog Eufrates
sila ay natisod at bumagsak.
7 “Sino itong bumabangon na katulad ng Nilo,
gaya ng mga ilog na ang mga tubig ay bumubulusok?
8 Ang Ehipto ay bumabangong parang Nilo,
gaya ng mga ilog na ang tubig ay bumubulusok.
Kanyang sinabi, Ako'y babangon at tatakpan ko ang lupa.
Aking wawasakin ang lunsod at ang mga mamamayan nito.
9 Sulong, O mga kabayo;
at kayo'y humagibis, O mga karwahe!
Sumalakay kayong mga mandirigma;
mga lalaki ng Etiopia at Put na humahawak ng kalasag;
ang mga lalaki ng Lud, na humahawak at bumabanat ng pana.
10 Sapagkat ang araw na iyon ay sa Panginoong Diyos ng mga hukbo,
isang araw ng paghihiganti,
upang makaganti siya sa kanyang mga kaaway.
Ang tabak ay lalamon at mabubusog,
at magpapakalasing sa dugo nila.
Sapagkat ang Panginoong Diyos ng mga hukbo ay magkakaroon ng pag-aalay
sa hilagang lupain sa tabi ng Ilog Eufrates.
11 Umahon ka sa Gilead, at kumuha ka ng balsamo,
O anak na birhen ng Ehipto!
Walang kabuluhang gumamit ka ng maraming gamot;
hindi ka na gagaling.
12 Nabalitaan ng mga bansa ang iyong kahihiyan,
at ang daigdig ay punô ng iyong sigaw,
sapagkat ang mandirigma ay natisod sa kapwa mandirigma,
sila'y magkasamang nabuwal.”
13 Ang(B) salitang sinabi ng Panginoon kay Jeremias na propeta tungkol sa pagdating ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia upang salakayin ang lupain ng Ehipto:
Ang Pagdating ni Nebukadnezar
14 “Ipahayag ninyo sa Ehipto, ihayag sa Migdol,
at ihayag sa Memfis at sa Tafnes;
Sabihin ninyo, ‘Tumayo ka at humanda ka,
sapagkat ang tabak ay lalamon sa palibot mo.’
15 Bakit napayuko ang iyong malalakas?
Hindi sila tumatayo
sapagkat sila'y ibinagsak ng Panginoon.
16 Tinisod niya ang marami, oo, at sila'y nabuwal sa isa't isa.
At sinabi nila sa isa't isa,
‘Bangon, at bumalik tayo sa ating sariling bayan,
at sa ating lupang sinilangan,
malayo sa tabak ng manlulupig.’
17 Sila'y sumigaw roon. ‘Si Faraon, hari ng Ehipto ay isang ingay lamang.
Hinayaan niyang lumipas ang takdang oras!’
18 “Habang buháy ako, sabi ng Hari,
na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo,
tunay na gaya ng Tabor sa gitna ng mga bundok,
at gaya ng Carmel sa tabing dagat,
gayon darating ang isa.
19 Ihanda ninyo ang inyong dala-dalahan para sa pagkabihag,
O, anak na babae na nakatira sa Ehipto!
Sapagkat ang Memfis ay magiging sira,
susunugin at walang maninirahan.
20 “Ang Ehipto ay isang napakagandang dumalagang baka;
ngunit isang salot ang dumarating mula sa hilaga—ito'y dumarating!
21 Maging ang kanyang mga upahang kawal sa gitna niya
ay parang mga pinatabang guya.
Oo, sila ay pumihit at tumakas na magkakasama,
sila'y hindi nakatagal,
sapagkat ang araw ng kanilang pagkapinsala ay dumating sa kanila,
ang panahon ng kanilang kaparusahan.
22 “Siya ay gumagawa ng tunog na gaya ng ahas na gumagapang na papalayo;
sapagkat ang kanyang mga kaaway ay dumarating na may kalakasan,
at dumarating laban sa kanya na may mga palakol,
gaya ng mga mamumutol ng kahoy.
23 Kanilang pinutol ang kanyang kakahuyan, sabi ng Panginoon,
bagaman mahirap pasukin;
sapagkat sila'y higit na marami kaysa mga balang,
sila'y hindi mabilang.
24 Ang anak na babae ng Ehipto ay malalagay sa kahihiyan;
siya'y ibibigay sa kamay ng isang sambayanan mula sa hilaga.”
25 Sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: “Ako'y nagdadala ng kaparusahan sa Amon ng Tebes, at kay Faraon, at sa Ehipto, at sa kanyang mga diyos at sa kanyang mga hari, kay Faraon at sa mga nagtitiwala sa kanya.
26 Ibibigay ko sila sa kamay ng mga nagtatangka sa kanilang buhay, sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia at sa kanyang mga pinuno. Pagkatapos ang Ehipto ay tatahanan na gaya ng mga araw noong una, sabi ng Panginoon.
Ililigtas ng Panginoon ang Kanyang Bayan
27 “Ngunit(C) huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod,
ni manlulupaypay, O Israel,
sapagkat, narito, ililigtas kita mula sa malayo,
at ang iyong lahi mula sa lupain ng kanilang pagkabihag.
Ang Jacob ay babalik at magiging tahimik at tiwasay,
at walang sisindak sa kanya.
28 Huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod, sabi ng Panginoon,
sapagkat ako'y kasama mo.
Sapagkat lubos kong wawakasan ang lahat ng mga bansa
na aking pinagtabuyan sa iyo;
ngunit ikaw ay hindi ko lubos na wawakasan.
Ngunit parurusahan kita nang hustong sukat,
at hindi kita iiwan sa anumang paraan na hindi mapaparusahan.”
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Usa ng Pagbubukang-liwayway. Awit ni David.
22 Diyos(A) ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
Bakit napakalayo mo sa pagtulong sa akin, sa mga salita ng aking karaingan?
2 O Diyos ko, sumisigaw ako kapag araw, ngunit hindi ka sumasagot man lamang,
at kapag gabi, hindi ako makatagpo ng kapahingahan.
3 Gayunman ikaw ay banal,
nakaluklok sa mga papuri ng Israel.
4 Sa iyo ang aming mga magulang ay nagtiwala,
sila'y nagtiwala, at iyong iniligtas sila.
5 Sa iyo sila'y dumaing at naligtas;
sila'y nagtiwala sa iyo, at hindi nabigo.
6 Ngunit ako'y uod at hindi tao,
kinukutya ng mga tao, at hinahamak ng bayan.
7 Silang(B) lahat na nakakita sa akin ay tinatawanan ako;
nginungusuan nila ako, iiling-iling ang kanilang mga ulo,
8 “Ipinagkatiwala(C) niya ang kanyang usapin sa Panginoon; hayaang kanyang iligtas siya,
hayaang kanyang sagipin siya, sapagkat kanyang kinaluluguran siya!”
9 Ngunit ikaw ang kumuha sa akin mula sa bahay-bata;
iningatan mo ako nang ako'y nasa dibdib ng aking ina.
10 Sa iyo ako'y inilagak mula sa aking pagluwal,
at mula nang ako'y ipagbuntis ng aking ina ang Diyos ko'y ikaw.
11 Sa akin ay huwag kang lumayo,
sapagkat malapit ang gulo,
at walang sinumang sasaklolo.
12 Pinaliligiran ako ng maraming toro,
ng malalakas na toro ng Basan ay pinalilibutan ako.
13 Sa akin ang kanilang bibig ay binuksan nila nang maluwang,
gaya ng sumasakmal at leong umuungal.
14 Ako'y ibinubuhos na parang tubig,
at lahat ng aking mga buto ay nakakalas sa pagkakabit;
ang aking puso ay parang pagkit,
ito ay natutunaw sa loob ng aking dibdib.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang basag na banga,
at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala;
sa alabok ng kamatayan ako'y iyong inihihiga.
16 Oo, ang mga aso ay nakapaligid sa akin;
pinaligiran ako ng isang pangkat ng mga gumagawa ng masama;
binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Lahat ng aking mga buto ay aking mabibilang,
sa akin sila'y nakatingin at ako'y tinititigan.
18 Kanilang(D) pinaghatian ang aking mga kasuotan,
at para sa aking damit sila ay nagsapalaran.
19 Ngunit ikaw, O Panginoon, huwag kang lumayo!
O ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan ako!
20 Mula sa tabak, kaluluwa ko'y iligtas mo,
ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng aso!
21 Mula sa bibig ng leon ako'y iyong iligtas,
sagutin mo ako mula sa mga sungay ng torong mailap!
22 Sa(E) aking mga kapatid ay ipahahayag ko ang iyong pangalan,
pupurihin kita sa gitna ng kapulungan:
23 Kayong natatakot sa Panginoon, magpuri kayo sa kanya!
Kayong lahat na binhi ni Jacob, luwalhatiin ninyo siya,
at magsitayong may paggalang sa kanya, kayong lahat na mga anak ni Israel.
24 Sapagkat hindi niya hinamak o kinapootan man
ang kadalamhatian ng nagdadalamhati;
at hindi niya ikinubli ang kanyang mukha sa kanya;
kundi pinakinggan nang siya'y dumaing sa kanya.
25 Sa iyo nanggagaling ang aking papuri sa dakilang kapulungan;
tutuparin ko ang aking mga panata sa harapan ng mga sa kanya'y gumagalang.
26 Ang dukha ay kakain at masisiyahan,
yaong mga humanap sa kanya ay magpupuri sa Panginoon!
Mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman.
27 Maaalala ng lahat ng mga dulo ng lupa,
at sa Panginoon ay manunumbalik sila;
at lahat ng mga sambahayan ng mga bansa
ay sa harapan mo magsisamba.
28 Sapagkat sa Panginoon ang kaharian,
at siya ang namumuno sa mga bansa.
29 Oo, sa kanya ang lahat ng masasagana sa lupa ay kakain at sasamba;
sa harapan niya ay yumuyukod ang lahat ng bumabalik sa alabok,
at siya na hindi mapapanatiling buháy ang kanyang kaluluwa.
30 Ang susunod na salinlahi sa kanya ay magsisilbi,
ang Panginoon ay ibabalita ng mga tao sa darating na salinlahi.
31 Sila'y darating at maghahayag ng kanyang katuwiran sa isang bayang isisilang,
na dito ay siya ang may kagagawan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001