M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagkabihag sa Kaban ng Tipan
4 Ang salita ni Samuel ay dumating sa buong Israel. Ngayo'y lumabas ang Israel upang makipaglaban sa mga Filisteo. Sila'y humimpil sa Ebenezer, at ang mga Filisteo ay humimpil sa Afec.
2 Ang mga Filisteo ay humanay laban sa Israel, at nang sila'y magsagupa, ang Israel ay nagapi ng mga Filisteo na pumatay ng halos apat na libong katao sa larangan ng digmaan.
3 Nang ang mga kawal ay dumating sa kampo, sinabi ng matatanda ng Israel, “Bakit ipinatalo tayo ngayon ng Panginoon sa harapan ng mga Filisteo? Dalhin natin dito ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa Shilo upang siya ay makasama natin at iligtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway.”
4 Kaya't(A) nagpasugo ang bayan sa Shilo, at kanilang dinala mula roon ang kaban ng tipan ng Panginoon ng mga hukbo, na nakaupo sa mga kerubin. Ang dalawang anak ni Eli, na sina Hofni at Finehas, ay naroroon at binabantayan ang kaban ng tipan ng Diyos.
5 Nang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay dumating sa kampo, ang buong Israel ay sumigaw nang malakas, kaya't umalingawngaw ang lupa.
6 Nang marinig ng mga Filisteo ang ingay ng sigawan ay sinabi nila, “Ano ang kahulugan ng ingay nitong malakas na sigawan sa kampo ng mga Hebreo?” At nang kanilang nalaman na ang kaban ng Panginoon ay dumating sa kampo,
7 ang mga Filisteo ay natakot, sapagkat kanilang sinabi, “May diyos na dumating sa kampo.” Kanilang sinabi, “Kahabag-habag tayo! Sapagkat hindi pa nagkaroon ng ganyang bagay kailanman.
8 Kahabag-habag tayo! Sino ang magliligtas sa atin sa kamay ng mga makapangyarihang diyos na ito? Ito ang mga diyos na pumuksa sa mga taga-Ehipto sa pamamagitan ng sari-saring salot sa ilang.
9 Kayo'y magpakatapang at magpakalalaki, O kayong mga Filisteo. Baka kayo'y maging mga alipin ng mga Hebreo na gaya ng naging kalagayan nila sa inyo. Kayo'y magpakalalaki at lumaban.”
10 Ang mga Filisteo ay lumaban at ang Israel ay natalo at tumakas ang bawat isa sa kanila patungo sa kanya-kanyang tahanan. Nagkaroon ng malaking patayan sapagkat ang nabuwal sa Israel ay tatlumpung libong kawal na lakad.
11 Ang kaban ng Diyos ay nakuha at ang dalawang anak ni Eli, sina Hofni at Finehas ay napatay.
Namatay si Eli
12 May isang lalaking taga-Benjamin ang nakatakbo mula sa labanan, at nagtungo sa Shilo nang araw ding iyon na punit ang damit at may lupa sa kanyang ulo.
13 Nang siya'y dumating, si Eli ay nakaupo sa kanyang upuan sa tabi ng daan at nagbabantay sapagkat ang kanyang puso'y nanginginig dahil sa kaban ng Diyos. Nang ang lalaki ay pumasok sa lunsod at sinabi ang balita, ang taong-bayan ay nanangis.
14 Nang marinig ni Eli ang ingay ng sigawan ay kanyang sinabi, “Ano ang kahulugan ng ingay na ito?” At ang lalaki ay nagmadali, lumapit at nagbalita kay Eli.
15 Si Eli noon ay siyamnapu't walong taon at ang kanyang mga mata'y malalabo na kaya't siya'y hindi na makakita.
16 Sinabi ng lalaki kay Eli, “Kagagaling ko lamang sa labanan, at ako'y tumakas ngayon mula sa labanan.” At kanyang sinabi, “Paano ang nangyari, anak ko?”
17 Ang nagdala ng balita ay sumagot, “Ang Israel ay tumakas mula sa harap ng mga Filisteo. Nagkaroon din doon ng isang malaking patayan sa gitna ng mga hukbo. Ang iyong dalawang anak, sina Hofni at Finehas ay patay na, at ang kaban ng Diyos ay nakuha.”
18 Nang kanyang banggitin ang kaban ng Diyos, si Eli ay nabuwal na patalikod sa kanyang upuan sa tabi ng pintuang-bayan. Nabalian siya sa leeg, at siya'y namatay sapagkat siya'y isang lalaking matanda at mabigat. Naging hukom siya ng Israel sa loob ng apatnapung taon.
19 Samantala, ang kanyang manugang, na asawa ni Finehas ay buntis at malapit nang manganak. Nang marinig niya ang balita na ang kaban ng Diyos ay nakuha at ang kanyang biyenan at asawa ay patay na, yumukod siya at napaanak, sapagkat ang kanyang pagdaramdam ay dumating sa kanya.
20 Nang malapit na siyang mamatay, sinabi sa kanya ng mga babaing nakatayo sa tabi niya, “Huwag kang matakot sapagkat ikaw ay nanganak ng isang lalaki.” Ngunit hindi siya sumagot, o nakinig man.
21 Pinangalanan niya ang bata na Icabod[a] na sinasabi, “Ang kaluwalhatian ay umalis sa Israel,” sapagkat ang kaban ng Diyos ay nakuha at dahil sa kanyang biyenan at sa kanyang asawa.
22 Kanyang sinabi, “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay umalis sa Israel, sapagkat ang kaban ng Diyos ay nakuha.”
Ang Halimbawa ni Abraham
4 Ano nga ang ating sasabihin na natuklasan ni Abraham na ating ninuno ayon sa laman?
2 Sapagkat kung si Abraham ay itinuring na ganap sa pamamagitan ng mga gawa, ay mayroon sana siyang ipagmamalaki, ngunit hindi sa Diyos.
3 Sapagkat(A) ano ang sinasabi ng kasulatan? “Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at iyon ay ibinilang sa kanya na katuwiran.”
4 Ngayon sa gumagawa, ang kabayaran ay hindi itinuturing na biyaya, kundi siyang talagang nararapat.
5 Ngunit sa kanya na hindi gumagawa, kundi sumasampalataya sa kanya na umaaring-ganap sa masamang tao, ang kanyang pananampalataya ay itinuturing na katuwiran.
6 Gaya naman ng sinasabi ni David tungkol sa pagiging mapalad ng tao na itinuturing ng Diyos na matuwid na hiwalay sa gawa:
7 “Mapapalad(B) ang mga pinatatawad sa kanilang mga masasamang gawa,
at ang mga tinakpan ang kanilang mga kasalanan.
8 Mapalad ang tao na hindi ibibilang laban sa kanya ng Panginoon ang kasalanan.”
9 Ipinahayag nga ba ang pagiging mapalad na ito sa pagtutuli, o gayundin sa di-pagtutuli? Sapagkat sinasabi natin, “Ang pananampalataya ay ibinilang na pagiging matuwid kay Abraham.”
10 Paano nga ito ibinilang? Iyon ba'y bago siya tinuli o nang tuli na siya? Iyon ay hindi pagkatapos na siya ay tuliin, kundi bago siya tinuli.
11 Tinanggap(C) niya ang tanda ng pagtutuli, na isang tatak ng pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya na nasa kanya nang siya'y di pa tuli. Ang layunin ay upang siya'y maging ama ng mga sumasampalataya, bagaman sila'y di-tuli, at upang ang pagiging matuwid ay maibilang din sa kanila,
12 gayundin ang ama ng pagtutuli na hindi lamang sa mga pagtutuli kundi pati naman sa mga sumusunod sa mga hakbang ng pananampalataya na taglay ng ating amang si Abraham na nasa kanya bago siya tinuli.
Makakamit ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananampalataya
13 Sapagkat(D) ang pangako na kanyang mamanahin ang sanlibutan ay hindi dumating kay Abraham o sa kanyang binhi sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng pagiging matuwid ng pananampalataya.
14 Sapagkat(E) kung silang nasa kautusan ang siyang mga tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya, at pinawawalang saysay ang pangako.
15 Sapagkat ang kautusan ay gumagawa ng galit; ngunit kung saan walang kautusan ay wala ring paglabag.
16 Dahil(F) dito, iyon ay batay sa pananampalataya, upang maging ayon sa biyaya; upang ang pangako ay maging tiyak para sa lahat ng binhi, hindi lamang sa nasa kautusan, kundi pati naman sa nasa pananampalataya ni Abraham (na ama nating lahat,
17 gaya(G) ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa”) sa harapan ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, na nagbibigay-buhay sa mga patay, at ang mga bagay na hindi buháy noon ay binubuhay niya ngayon.
18 Umaasa(H) kahit wala nang pag-asa, siya'y sumampalataya na siya'y magiging “ama ng maraming bansa” ayon sa sinabi, “Magiging napakarami ang iyong binhi.”
19 Hindi(I) siya nanghina sa pananampalataya, itinuring niya ang sariling katawan tulad sa patay na (sapagkat siya'y may mga isandaang taon na noon), at ang pagkabaog ng bahay-bata ni Sarah.
20 Gayunman, hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng di-paniniwala, kundi pinalakas siya ng pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos,
21 at lubos na naniwala na kayang gawin ng Diyos ang kanyang ipinangako.
22 Kaya't ang kanyang pananampalataya[a] ay ibinilang na katuwiran sa kanya.
23 Ngayo'y hindi lamang dahil sa kanya isinulat ang salitang, “sa kanya'y ibinilang,”
24 kundi dahil din naman sa atin, na ibibilang sa atin na mga sumasampalataya sa kanya na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa mga patay,
25 na(J) ibinigay sa kamatayan dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo'y ariing-ganap.
Humiling ang Bayan kay Jeremias na Idalangin Sila
42 At ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal, pati sina Johanan na anak ni Carea, si Jezanias na anak ni Hoshaias, at ang buong bayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila ay lumapit,
2 at nagsabi kay Jeremias na propeta, “Pakinggan mo sana ang samo namin sa iyo, at idalangin mo kami sa Panginoon mong Diyos, para sa lahat ng nalabing ito. Sapagkat kakaunti lamang kaming naiwan mula sa marami gaya ng nakikita ng iyong sariling mga mata.
3 Ipakita nawa sa amin ng Panginoon mong Diyos ang daan na dapat naming lakaran, at ang bagay na dapat naming gawin.”
4 Nang magkagayo'y sinabi ng propetang si Jeremias sa kanila, “Narinig ko kayo. Narito, mananalangin ako sa Panginoon ninyong Diyos ayon sa inyong sinabi, at anumang isagot ng Panginoon sa inyo ay sasabihin ko sa inyo. Wala akong ililihim sa inyo.”
5 Sinabi naman nila kay Jeremias, “Ang Panginoon nawa ay maging totoo at tapat na saksi laban sa amin, kung hindi kami kikilos nang ayon sa lahat ng salita na ipinahahatid sa iyo ng Panginoon mong Diyos sa amin.
6 Maging iyon ay mabuti o masama, susundin namin ang tinig ng Panginoon nating Diyos na siya naming pinagsusuguan sa iyo upang ikabuti namin, kapag aming sinunod ang tinig ng Panginoon nating Diyos.”
Ang Sagot ng Panginoon sa Dalangin ni Jeremias
7 Pagkalipas ng sampung araw ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias.
8 Pagkatapos ay ipinatawag niya si Johanan na anak ni Carea, pati ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya, at ang buong bayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila,
9 at sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, na inyong pinagsuguan sa akin upang idulog ang inyong kahilingan sa harapan niya:
10 Kung kayo'y mananatili sa lupaing ito, aking itatayo kayo at hindi ibabagsak. Itatanim ko kayo at hindi bubunutin, sapagkat ikinalulungkot ko ang pinsalang nagawa ko sa inyo.
11 Huwag kayong matakot sa hari ng Babilonia na inyong kinatatakutan. Huwag kayong matakot sa kanya, sabi ng Panginoon, sapagkat ako'y kasama ninyo upang iligtas kayo, at sagipin mula sa kanyang kamay.
12 Kahahabagan ko kayo at siya'y mahahabag sa inyo at ibabalik kayo sa sarili ninyong lupain.
13 Ngunit kung inyong sabihin, ‘Hindi kami mananatili sa lupaing ito,’ at susuwayin ninyo ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos,
14 na inyong sinasabi, ‘Hindi; kundi pupunta kami sa lupain ng Ehipto, na doon ay hindi kami makakakita ng digmaan, o makakarinig man ng tunog ng trumpeta, o magugutom sa tinapay, at kami'y maninirahan doon,’
15 ay inyo ngang pakinggan ang salita ng Panginoon, O nalabi ng Juda. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kung talagang nakatutok ang inyong pag-iisip[a] na pumasok sa Ehipto, at hahayo upang manirahan doon,
16 kung gayon ay aabutan kayo roon sa lupain ng Ehipto ng tabak na inyong kinatatakutan, at ang taggutom na inyong kinatatakutan ay mahigpit na susunod sa inyo doon sa Ehipto, at mamamatay kayo roon.
17 Kaya ang lahat ng taong nakatutok ang pag-iisip na pumasok sa Ehipto upang manirahan doon ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot. Walang matitira o makakaligtas sa kanila mula sa kasamaan na aking dadalhin sa kanila.
18 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kung paanong ang aking galit at poot ay ibinuhos sa mga naninirahan sa Jerusalem, gayon ko rin ibubuhos ang aking poot sa inyo kapag kayo'y pumunta sa Ehipto. Kayo'y magiging tampulan ng pagkutya, kakilabutan, isang sumpa at paghamak. Hindi na ninyo makikita ang lugar na ito.
19 Sinabi na sa inyo ng Panginoon, O nalabi ng Juda, ‘Huwag kayong pumunta sa Ehipto.’ Tandaan ninyong mabuti na binalaan ko kayo sa araw na ito.
20 Sapagkat dinaya lamang ninyo ang inyong mga sarili. Sapagkat sinugo ninyo ako sa Panginoon ninyong Diyos, na inyong sinasabi, ‘Idalangin mo kami sa Panginoon nating Diyos, at anuman ang sasabihin ng Panginoon nating Diyos ay sabihin mo sa amin, at aming gagawin iyon.’
21 At aking ipinahayag iyon sa inyo sa araw na ito, ngunit hindi kayo sumunod sa tinig ng Panginoon ninyong Diyos sa anumang bagay na kanyang ipinasugo sa akin upang sabihin sa inyo.
22 Ngayon nga'y tinitiyak ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa tabak, sa taggutom, at sa salot sa lugar na nais ninyong puntahan at tirahan.”
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David na lingkod ng Panginoon, na iniukol ang mga salita ng awit na ito sa Panginoon nang araw na iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng lahat niyang mga kaaway, at mula sa kamay ni Saul. Sinabi niya:
18 Iniibig kita, O Panginoon, aking kalakasan.
2 Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking muog, at tagapagligtas ko,
aking Diyos, aking malaking bato na sa kanya'y nanganganlong ako;
aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, matibay na kuta ko.
3 Ako'y tumatawag sa Panginoon na marapat purihin,
at naligtas ako sa aking mga kaaway.
4 Nakapulupot sa akin ang mga tali ng kamatayan
inaalon ako ng mga baha ng kasamaan.
5 Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko,
hinarap ako ng mga bitag ng kamatayan.
6 Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon,
sa aking Diyos ay humingi ako ng tulong.
Mula sa kanyang templo ay napakinggan niya ang aking tinig.
At ang aking daing sa kanya ay nakarating sa kanyang pandinig.
7 Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa,
ang mga saligan ng mga bundok ay nanginig
at nauga, sapagkat siya'y galit.
8 Ang usok ay pumailanglang mula sa mga butas ng kanyang ilong,
at mula sa kanyang bibig ay apoy na lumalamon,
at sa pamamagitan niyon, mga baga ay nag-aapoy.
9 Kanyang iniyuko ang mga langit at bumaba;
ang makapal na kadiliman ay nasa ilalim ng kanyang mga paa.
10 At siya'y sumakay sa isang kerubin, at lumipad,
siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.
11 Ginawa niyang panakip ang kadiliman,
ang kanyang kulandong sa palibot niya ay mga kadiliman ng tubig, at mga makakapal na ulap sa langit.
12 Mula sa kaliwanagang nasa harapan niya
ay lumabas ang kanyang mga ulap,
ang mga granizo at mga bagang apoy.
13 Ang Panginoon ay kumulog din sa mga langit,
at sinalita ng Kataas-taasan ang kanyang tinig, mga yelo at mga bagang apoy.
14 At kanyang itinudla ang kanyang mga pana, at pinangalat sila,
nagpakidlat siya at ginapi sila.
15 Nang magkagayo'y nakita ang sa mga dagat na lagusan,
at ang mga saligan ng sanlibutan ay nahubaran,
sa iyong pagsaway, O Panginoon,
sa hihip ng hinga ng mga butas ng iyong ilong.
16 Siya'y nakaabot mula sa itaas, kinuha niya ako;
mula sa maraming tubig ay sinagip niya ako.
17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
at sa mga napopoot sa akin,
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
18 Sila'y nagsidating sa akin sa araw ng aking kasakunaan,
ngunit ang Panginoon ang aking gabay.
19 Inilabas niya ako sa maluwag na dako;
iniligtas niya ako, sapagkat sa akin siya'y nalulugod.
20 Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan.
21 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
22 Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko,
at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo.
23 Ako'y walang dungis sa harapan niya,
at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
24 Kaya't ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.
25 Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat;
sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis.
26 Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay;
at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama.
27 Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan,
ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman.
28 Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan;
pinaliliwanag ng Panginoon kong Diyos ang aking kadiliman.
29 Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko,
at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso.
30 Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya;
ang salita ng Panginoon ay subok na;
siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya.
31 Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
At sino ang malaking bato, maliban sa ating Diyos?
32 Ang Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
at ginagawang ligtas ang aking daan.
33 Kanyang(A) ginagawa ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa,
at sa mataas na dako ako'y matatag na inilalagay niya.
34 Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa pakikidigma,
anupa't kayang baluktutin ng aking mga kamay ang panang tanso.
35 Ang kalasag ng iyong pagliligtas sa akin ay ibinigay mo,
at ng iyong kanang kamay ay inalalayan ako,
at pinadakila ako ng kahinahunan mo.
36 Maluwag na lugar ay binibigyan mo ako, para sa aking mga hakbang sa ilalim ko,
at hindi nadulas ang mga paa ko.
37 Hinabol ko ang aking mga kaaway, at inabutan ko sila,
at hindi bumalik hanggang sa malipol sila.
38 Ganap ko silang sinaktan kaya't sila'y hindi makatayo;
sila'y nalugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39 Sapagkat binigkisan ako ng lakas para sa pakikipaglaban;
pinalubog mo sa ilalim ko ang sa akin ay sumalakay.
40 Pinatatalikod mo sa akin ang mga kaaway ko,
at yaong napopoot sa akin ay winasak ko.
41 Sila'y humingi ng tulong, ngunit walang magligtas,
sila'y dumaing sa Panginoon, subalit sila'y hindi niya tinugon.
42 Dinurog ko silang gaya ng alabok sa harap ng hangin;
inihagis ko sila na gaya ng putik sa mga lansangan.
43 Sa mga pakikipagtalo sa taong-bayan ako ay iniligtas mo;
at sa mga bansa'y ginawa mo akong puno,
ang naglingkod sa akin ay mga di ko kilalang mga tao.
44 Pagkarinig nila sa akin ay sinunod nila ako;
ang mga dayuhan sa akin ay nagsisisuko.
45 Nanlulupaypay ang mga dayuhan,
sila'y nagsisilabas na nanginginig mula sa dakong kanilang pinagtataguan.
46 Buháy ang Panginoon; at purihin ang aking malaking bato;
at dakilain ang Diyos na kaligtasan ko.
47 Ang Diyos na nagbigay sa akin ng paghihiganti
at nagpapasuko ng mga tao sa ilalim ko,
48 inililigtas niya ako sa mga kaaway ko.
Oo, sa mga naghihimagsik laban sa akin ay itinaas mo ako,
inililigtas mo ako sa mararahas na tao.
49 Dahil(B) dito'y magpapasalamat ako sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
at aawit ako ng mga pagpupuri sa pangalan mo.
50 Mga dakilang tagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay
at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang pinahiran ng langis,
kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001