M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagpakita ang Panginoon kay Samuel
3 Ang batang si Samuel ay naglilingkod sa Panginoon sa harap ni Eli. At ang salita ng Panginoon ay bihira noong mga araw na iyon; hindi madalas ang pangitain.
2 Nang panahong iyon, si Eli na ang paningin ay nagsimula nang lumabo, kaya't siya'y hindi makakita, ay nakahiga sa kanyang silid.
3 Ang ilawan ng Diyos ay hindi pa namamatay at si Samuel ay nakahiga sa loob ng templo ng Panginoon na kinaroroonan ng kaban ng Diyos;
4 at tumawag ang Panginoon, “Samuel! Samuel!” at kanyang sinabi, “Narito ako!”
5 Siya'y tumakbo kay Eli, at sinabi, “Narito ako, sapagkat tinawag mo ako.” At kanyang sinabi, “Hindi ako tumawag; mahiga ka uli.” Siya'y umalis at nahiga.
6 Muling tumawag ang Panginoon, “Samuel.” Bumangon si Samuel at naparoon kay Eli, at sinabi, “Narito ako, sapagkat ako'y tinawag mo.” Siya'y sumagot, “Hindi ako tumawag, anak ko; mahiga ka uli.”
7 Hindi pa nakikilala ni Samuel ang Panginoon at ang salita ng Panginoon ay hindi pa nahahayag sa kanya.
8 Sa ikatlong pagkakataon ay muling tinawag ng Panginoon si Samuel. At siya'y bumangon, at naparoon kay Eli, at sinabi, “Narito ako; sapagkat ako'y iyong tinawag.” At nalaman ni Eli na tinatawag ng Panginoon ang bata.
9 Kaya't sinabi ni Eli kay Samuel, “Humayo ka, mahiga ka; at kung tatawagin ka niya ay iyong sasabihin, ‘Magsalita ka, Panginoon; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.’” Kaya't humayo si Samuel at nahiga sa kanyang lugar.
10 At ang Panginoon ay dumating at tumayo, at tumawag na gaya nang una, “Samuel! Samuel!” Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel, “Magsalita ka; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.”
11 Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Tingnan mo, malapit na akong gumawa ng isang bagay sa Israel na magpapapanting sa dalawang tainga ng bawat nakikinig.
12 Sa araw na iyon ay aking tutuparin laban kay Eli ang lahat ng aking sinabi tungkol sa kanyang sambahayan, mula sa pasimula hanggang sa wakas.
13 Sapagkat sinabi ko sa kanya na malapit ko nang parusahan ang kanyang sambahayan magpakailanman, dahil sa kasamaan na kanyang nalalaman, sapagkat ang kanyang mga anak ay lumalapastangan sa Diyos, at sila'y hindi niya sinaway.
14 Kaya't ako'y sumumpa sa sambahayan ni Eli na ang kasamaan ng sambahayan ni Eli ay hindi mapapawi ng alay o handog magpakailanman.”
15 Nahiga si Samuel hanggang sa kinaumagahan, at pagkatapos ay binuksan niya ang mga pintuan ng bahay ng Panginoon. Takot si Samuel na sabihin kay Eli ang pangitain.
16 Subalit tinawag ni Eli si Samuel at sinabi, “Samuel, anak ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”
17 Kanyang itinanong, “Ano ang sinabi niya sa iyo? Nakikiusap ako sa iyo na huwag mong ilihim sa akin. Gawin ng Diyos sa iyo, at higit pa, kung ililihim mo sa akin ang anumang bagay sa lahat ng kanyang sinabi sa iyo.”
18 Kaya't isinalaysay sa kanya ni Samuel ang lahat ng bagay at hindi naglihim ng anuman sa kanya. At kanyang sinabi, “Ang Panginoon nga iyon; gawin niya ang inaakala niyang mabuti para sa kanya.”
19 Lumaki si Samuel at ang Panginoon ay kasama niya, at hindi pinahintulutang ang alinman sa kanyang mga salita ay malaglag sa lupa.
20 Nalaman ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba na si Samuel ay itinatag bilang isang propeta ng Panginoon.
21 Nagpakitang muli ang Panginoon sa Shilo, sapagkat ipinakilala ng Panginoon ang kanyang sarili kay Samuel sa Shilo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.
3 Ano nga ang kalamangan ng Judio? O ano ang pakinabang sa pagtutuli?
2 Napakarami. Ang una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang mga aral ng Diyos.
3 Ano nga kung ang ilan ay hindi tapat? Ang kanila bang kawalan ng katapatan ay nagpapawalang saysay sa katapatan ng Diyos?
4 Huwag(A) nawang mangyari! Hayaang ang Diyos ay maging tapat, kahit na ang bawat tao'y sinungaling, gaya ng nasusulat,
“Upang ikaw ay ariing-ganap sa iyong mga salita,
at magtagumpay ka kapag ikaw ay hinatulan.”
5 Subalit kung ang ating kasamaan ay nagpapatibay sa katarungan ng Diyos, ano ang ating sasabihin? Ang Diyos ba ay di-makatarungan sa paglalapat ng parusa sa atin? (Nagsasalita ako sa paraan ng tao.)
6 Huwag nawang mangyari! Sapagkat kung gayo'y paano hahatulan ng Diyos ang sanlibutan?
7 Subalit kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay sumagana ang katotohanan ng Diyos sa ikaluluwalhati niya, bakit hinahatulan pa rin akong tulad sa isang makasalanan?
8 At bakit hindi sabihin (gaya ng paninirang-puri sa atin ng iba na nagpapatotoo na sinasabi raw natin), “Gumawa tayo ng masama upang dumating ang mabuti?” Ang kahatulan sa kanila ay nararapat.
Walang Matuwid
9 Ano ngayon? Tayo bang mga Judio ay nakakalamang? Hindi, kahit na sa anong paraan; sapagkat amin nang napatunayan na ang lahat ng tao, maging mga Judio at mga Griyego, ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan,
10 gaya(B) ng nasusulat,
“Walang matuwid, wala, wala kahit isa;
11 wala ni isang nakakaunawa,
wala ni isang humahanap sa Diyos.
12 Lahat ay lumihis, sama-sama silang nawalan ng kabuluhan;
walang gumagawa ng mabuti,
wala, wala kahit isa.”
13 “Ang(C) kanilang lalamunan ay isang libingang bukas;
sa pamamagitan ng kanilang mga dila ay gumagawa sila ng pandaraya.”
“Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa ilalim ng kanilang mga labi.”
14 “Ang(D) kanilang bibig ay punô ng panunumpa at kapaitan.”
15 “Ang(E) kanilang mga paa ay matutulin sa pagpapadanak ng dugo;
16 pagkawasak at kalungkutan ang nasa kanilang mga landas,
17 at ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala.”
18 “Walang(F) takot sa Diyos sa kanilang mga mata.”
19 Ngayon ay nalalaman natin na anumang sinasabi ng kautusan, iyon ay sinasabi sa mga nasa ilalim ng kautusan; upang matahimik ang bawat bibig, at ang buong sanlibutan ay mapasailalim ng hatol ng Diyos.
20 Sapagkat(G) sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay “walang tao[a] na ituturing na ganap sa paningin niya,” sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan.
Ang Pag-aaring-ganap ng Diyos sa Tao
21 Subalit ngayon ay ipinahahayag ang pagiging matuwid ng Diyos na hiwalay sa kautusan at pinatotohanan ng kautusan at ng mga propeta;
22 ang(H) pagiging matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo sa lahat ng mga sumasampalataya. Sapagkat walang pagkakaiba,
23 yamang ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos;
24 sila ngayon ay itinuturing na ganap ng kanyang biyaya bilang kaloob sa pamamagitan ng pagtubos na na kay Cristo Jesus;
25 na siyang inialay ng Diyos bilang handog na pantubos sa pamamagitan ng kanyang dugo na mabisa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito ay kanyang ginawa upang maipakita ang pagiging matuwid ng Diyos, sapagkat sa kanyang banal na pagtitiis ay kanyang pinalampas ang mga kasalanang nagawa sa nakaraan;
26 upang mapatunayan sa panahong kasalukuyan na siya'y matuwid at upang siya'y maging ganap at taga-aring-ganap sa taong mayroong pananampalataya kay Jesus.[b]
27 Kaya nasaan ang pagmamalaki? Ito'y hindi kasama. Sa pamamagitan ng anong kautusan? Ng mga gawa? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya.
28 Sapagkat pinaninindigan natin na ang tao ay itinuturing na ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.
29 O ang Diyos ba ay Diyos ng mga Judio lamang? Hindi ba Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, ng mga Hentil din naman;
30 yamang(I) iisa ang Diyos, na kanyang ituturing na ganap ang pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang di-pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya.
31 Kung gayon, pinawawalang-saysay ba natin ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari; kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan.
Pinaslang si Gedalias
41 Nang(A) ikapitong buwan, si Ismael na anak ni Netanias, na anak ni Elisama, mula sa angkan ng hari, at isa sa mga pangunahing pinuno ng hari, ay dumating kay Gedalias na anak ni Ahikam sa Mizpa, kasama ang sampung lalaki. Habang magkakasama silang kumakain ng tinapay sa Mizpa,
2 si Ismael na anak ni Netanias at ang sampung lalaki na kasama niya ay tumayo, tinaga ng tabak at pinatay si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan, na ginawa ng hari ng Babilonia na tagapamahala sa lupain.
3 Pinatay rin ni Ismael ang lahat ng mga Judio na kasama ni Gedalias sa Mizpa, at ang mga kawal na Caldeo na nagkataong naroroon.
4 Isang araw pagkaraan ng pagpatay kay Gedalias, bago ito nalaman ng sinuman,
5 walumpung mga lalaki ang dumating mula sa Shekem, mula sa Shilo, at mula Samaria, na ahit ang kanilang balbas at punit ang kanilang suot, sugatan ang katawan, na may dalang handog na butil at insenso upang ialay sa bahay ng Panginoon.
6 Si Ismael na anak ni Netanias ay lumabas mula sa Mizpa upang salubungin sila, na umiiyak habang papalapit. Nang kanyang makaharap sila, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo kay Gedalias na anak ni Ahikam.”
7 Nang sila'y dumating sa bayan, pinatay sila ni Ismael na anak ni Netanias at ng mga lalaking kasama niya, at inihagis sila sa isang hukay.
8 Ngunit may sampung lalaki na kasama nila ang nagsabi kay Ismael, “Huwag mo kaming patayin sapagkat kami ay nakapag-imbak ng trigo, sebada, langis, at pulot na nakatago sa parang.” Kaya't napahinuhod siya at hindi niya pinatay sila at ang kanilang mga kasama.
9 Ang hukay na pinagtapunan ni Ismael ng lahat ng bangkay ng mga tao na kanyang pinatay ay ang malaking hukay na ginawa ni Haring Asa bilang sanggalang laban kay Baasa na hari ng Israel. Ito ay pinuno ni Ismael na anak ni Netanias ng mga napatay.
10 At dinalang-bihag ni Ismael ang lahat ng nalabi sa taong-bayan na nasa Mizpa, ang mga anak na babae ng hari at ang lahat ng taong naiwan sa Mizpa, na siyang ipinagkatiwala ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay kay Gedalias na anak ni Ahikam. Sila'y dinalang-bihag ni Ismael na anak ni Netanias, at naghandang tumawid patungo sa mga Ammonita.
11 Ngunit nang mabalitaan ni Johanan na anak ni Carea, at ng lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya ang lahat ng kasamaang ginawa ni Ismael na anak ni Netanias,
12 ay isinama nila ang lahat nilang mga tauhan upang lumaban kay Ismael na anak ni Netanias. Kanilang inabutan siya sa tabi ng malaking bukal na nasa Gibeon.
13 At nang makita ng lahat ng mga taong kasama ni Ismael si Johanan na anak ni Carea at ang lahat ng pinuno ng mga kawal na kasama niya, sila'y natuwa.
14 Kaya't ang lahat ng mga taong dinalang-bihag ni Ismael mula sa Mizpa ay pumihit at bumalik, at pumunta kay Johanan na anak ni Carea.
15 Ngunit si Ismael na anak ni Netanias ay tumakas mula kay Johanan na kasama ng walong lalaki, at pumunta sa mga Ammonita.
16 Nang magkagayo'y kinuha ni Johanan na anak ni Carea at ng lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya ang lahat ng nalabi sa bayan na dinalang-bihag ni Ismael na anak ni Netanias mula sa Mizpa, pagkatapos niyang mapatay si Gedalias na anak ni Ahikam—ang mga kawal, mga babae, mga bata, at ang mga eunuko na ibinalik ni Johanan mula sa Gibeon.
17 At sila'y umalis at huminto sa Geruth Chimham, na malapit sa Bethlehem, na nagbabalak pumunta sa Ehipto,
18 dahil sa mga Caldeo; sapagkat sila'y takot sa kanila, sapagkat pinatay ni Ismael na anak ni Netanias si Gedalias na anak ni Ahikam na ginawa ng hari ng Babilonia na tagapamahala sa lupain.
Panalangin ni David.
17 O Panginoon, pakinggan mo ang matuwid na usapin, pansinin mo ang aking daing!
Mula sa mga labing walang pandaraya, dinggin mo ang aking panalangin.
2 Mula sa iyo ay manggaling ang aking kahatulan,
makita nawa ng iyong mga mata ang katuwiran!
3 Sinubok mo ang aking puso, dinalaw mo ako sa gabi,
nilitis mo ako at wala kang natagpuan,
ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi susuway.
4 Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng mga labi mo,
ang mga daan ng karahasan ay naiwasan ko.
5 Ang aking mga hakbang ay nanatili sa iyong mga landas,
ang aking mga paa ay hindi nadulas.
6 Ako'y tumatawag sa iyo, O Diyos, sapagkat ikaw ay sasagot sa akin,
ang iyong pandinig ay ikiling sa akin, ang aking mga salita ay pakinggan mo rin.
7 Ipakita mong kagila-gilalas ang tapat mong pagmamahal,
O tagapagligtas ng mga naghahanap ng kanlungan
mula sa kanilang mga kaaway sa iyong kanang kamay.
8 Gaya ng itim ng mata, ako ay ingatan mo,
sa lilim ng iyong mga pakpak, ako ay ikubli mo,
9 mula sa masama na nananamsam sa akin,
sa nakakamatay kong mga kaaway na pumapalibot sa akin.
10 Isinara nila ang kanilang mga puso sa kahabagan,
sa kanilang bibig ay nagsalita sila na may kapalaluan.
11 Kinubkob nga nila kami sa aming mga hakbang;
itinititig nila ang kanilang mga mata upang sa lupa kami ay ibuwal.
12 Sila'y parang leong sabik na manluray,
parang batang leon na sa mga tagong dako ay nag-aabang.
13 O Panginoon, bumangon ka, harapin mo sila, ibagsak mo sila!
Iligtas mo sa masama ang buhay ko sa pamamagitan ng tabak mo,
14 mula sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, O Panginoon ko,
mula sa mga tao na ang bahagi sa buhay ay sa sanlibutang ito.
At ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan,
sila'y nasisiyahan na kasama ng mga anak,
at iniiwan nila ang kanilang kayamanan sa kanilang mga sanggol.
15 Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran;
kapag ako'y gumising, aking mamamasdan ang iyong anyo at masisiyahan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001