M’Cheyne Bible Reading Plan
Dinaya ni Delila si Samson
16 Minsan ay pumunta si Samson sa Gaza at nakakita siya roon ng isang bayarang babae[a] at ito'y kanyang sinipingan.
2 Ibinalita sa mga taga-Gaza, “Si Samson ay dumating dito.” Kanilang pinalibutan, at inabangan siya nang buong gabi sa pintuang-lunsod. Nanatili silang tahimik buong gabi, na sinasabi, “Maghintay tayo hanggang magbukang-liwayway, saka natin siya patayin.”
3 Ngunit si Samson ay humiga hanggang hatinggabi, at nang hatinggabi na ay bumangon. Hinawakan niya ang pinto ng pintuang-lunsod, at kapwa binunot, pati ang bakal. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron.
4 Pagkaraan ng ilang panahon, siya'y umibig sa isang babaing taga-libis ng Sorec, na ang pangala'y Delila.
5 Pinuntahan ng mga pinuno ng mga Filisteo ang babae, at sinabi sa kanya, “Akitin mo siya. Alamin mo kung bakit napakalakas niya, at sa anong paraan kami magtatagumpay laban sa kanya upang aming matalian at matalo siya. Bibigyan ka ng bawat isa sa amin ng isang libo't isang daang pirasong pilak.”
6 Sinabi ni Delila kay Samson, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin, kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas, at kung paanong matatalian ka upang ikaw ay matalo.”
7 Sinabi ni Samson sa kanya, “Kung tatalian nila ako ng pitong sariwang yantok na hindi natuyo ay hihina ako, at ako'y magiging gaya ng sinumang tao.”
8 Nang magkagayo'y nagdala sa kanya ang mga pinuno ng mga Filisteo ng pitong sariwang yantok na hindi pa natutuyo, at ipinangtali nila sa kanya.
9 Noon ay may mga nakaabang na sa silid sa loob. At sinabi niya sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Kanyang pinutol ang mga yantok na tulad sa taling sinulid na napuputol kapag nadidikitan ng apoy. Sa gayo'y hindi nalaman ang lihim ng kanyang lakas.
10 Sinabi ni Delila kay Samson, “Tingnan mo, pinaglaruan mo ako, at nagsinungaling ka sa akin. Ipinapakiusap ko ngayon sa iyo na sabihin mo sa akin kung paano ka matatalian.”
11 Sumagot si Samson, “Kung tatalian lamang nila ako ng mga bagong lubid na hindi pa nagagamit ay hihina ako at magiging gaya ng sinumang tao.”
12 Sa gayo'y kumuha si Delila ng mga bagong lubid at itinali sa kanya, at sinabi sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Noon, ang mga nakaabang ay nasa silid sa loob na ng silid. Ngunit pawang pinutol niya ang mga lubid sa kanyang mga bisig na parang sinulid.
13 At sinabi ni Delila kay Samson, “Hanggang ngayon ay pinaglalaruan mo ako at nagsisinungaling ka sa akin. Sabihin mo sa akin kung paanong matatalian ka.” At sinabi niya sa kanya, “Kung iyong hahabihin ang pitong tirintas sa aking ulo ng hinabing kayo at higpitan mo ng pang-ipit, manghihina ako at magiging tulad ng sinumang tao.”
14 Kaya't habang siya'y natutulog, hinawakan ni Delila ang pitong tirintas ng kanyang ulo at hinabi. At sinabi sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Siya'y gumising sa kanyang pagkakatulog, at binunot ang pang-ipit ng panghabi at ang hinabi.
15 Sinabi niya sa kanya, “Bakit nasasabi mo na, ‘Iniibig kita,’ gayong ang iyong pag-ibig ay wala sa akin? Pinaglaruan mo ako ng tatlong ulit, at hindi mo sinasabi sa akin kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas.”
16 Sa wakas, pagkatapos niyang pilitin siya araw-araw sa pamamagitan ng kanyang kasasalita upang mahimok siya, halos mamatay siya sa pagkainis.
17 Kaya't ibinunyag niya kay Delila[b] ang kanyang lihim, at sinabi sa kanya, “Walang pang-ahit na dumaan sa aking ulo sapagkat ako'y naging Nazirita[c] sa Diyos mula pa sa tiyan ng aking ina. Kung ako'y ahitan, hihiwalay sa akin ang aking lakas, ako'y hihina, at magiging gaya ng sinumang tao.”
18 Nang mabatid ni Delila na sinabi na sa kanya ni Samson ang buong lihim niya, nagsugo siya at tinawag ang mga pinuno ng mga Filisteo, na sinasabi, “Umahon pa kayong minsan, sapagkat sinabi na niya sa akin ang buong lihim niya.” Nang magkagayo'y umahon ang mga pinuno ng mga Filisteo, at nagdala ng salapi.
19 Kanyang pinatulog ito sa kanyang kandungan; at nagpatawag siya ng isang lalaki at ipinaahit ang pitong tirintas sa ulo nito. Nagpasimula itong manghina, at ang lakas nito ay nawala.
20 Sinabi niya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” At siya'y gumising sa kanyang pagkakatulog, at sinabi, “Ako'y lalabas na gaya nang dati, at ako'y magpupumiglas.” Ngunit hindi niya batid na ang Panginoon ay humiwalay na sa kanya.
21 Hinuli siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Kanilang dinala siya sa Gaza, at ginapos siya ng mga tanikalang tanso, at siya'y pinagtrabaho sa gilingan sa bilangguan.
22 Gayunman, pagkatapos na siya'y maahitan, muling tumubo ang buhok ng kanyang ulo.
Naghiganti si Samson
23 Nagtitipon noon ang mga pinuno ng mga Filisteo upang maghandog ng isang dakilang alay kay Dagon na kanilang diyos at upang magsaya, sapagkat kanilang sinabi, “Ibinigay ng ating diyos sa ating kamay si Samson na ating kaaway.”
24 Nang makita siya ng taong-bayan, pinuri nila ang kanilang diyos, sapagkat kanilang sinabi, “Ibinigay ng ating diyos sa atin ang ating kaaway, ang tagawasak sa ating lupain, na pumatay ng marami sa atin.”
25 At nangyari, nang natutuwa na ang kanilang puso, ay kanilang sinabi, “Tawagin si Samson, upang siya'y ating mapaglaruan.” At tinawag nga si Samson mula sa bilangguan; at siya'y pinaglaruan nila. Siya'y kanilang inilagay sa pagitan ng mga haligi.
26 Sinabi ni Samson sa batang lalaki na umaakay sa kanya sa kamay, “Ipahawak mo sa akin ang mga haliging kinasasaligan ng bahay upang aking mahiligan.”
27 Noon ang bahay nga ay puno ng mga lalaki at babae, at ang lahat ng mga pinuno ng mga Filisteo ay naroon. Sa bubungan ay may tatlong libong lalaki at babae na nanonood samantalang pinagkakatuwaan si Samson.
28 Pagkatapos ay tumawag si Samson sa Panginoon, at sinabi, “O Panginoong Diyos, idinadalangin ko sa iyo na alalahanin mo ako, at idinadalangin ko sa iyong palakasin mo ako, na minsan na lamang, O Diyos, upang maipaghiganti kong minsan sa mga Filisteo ang aking dalawang mata.”
29 Si Samson ay humawak sa dalawang gitnang haligi na kinasasaligan ng bahay, at inihilig ang kanyang mga bigat sa mga iyon, ang kanyang kanang kamay sa isa, at ang kanyang kaliwa sa kabila.
30 Sinabi ni Samson, “Hayaan mo akong mamatay na kasama ng mga Filisteo.” Ibinuhos niya ang kanyang buong lakas, at ang bahay ay bumagsak sa mga pinuno at sa lahat ng mga taong nasa loob. Sa gayo'y ang mga namatay na kanyang pinatay sa kanyang kamatayan ay higit kaysa pinatay niya noong siya'y buháy pa.
31 Pagkatapos ay dumating ang kanyang mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama, at kinuha siya. Iniahon siya at inilibing sa pagitan ng Sora at Estaol sa libingan ni Manoa na kanyang ama. Naghukom siya sa Israel sa loob ng dalawampung taon.
Nagtungo si Pablo sa Macedonia at Grecia
20 Pagkatapos na tumigil ang kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pagkatapos na mapangaralan sila ay nagpaalam sa kanila, at umalis patungo sa Macedonia.
2 Nang malakbay na niya ang mga lupaing ito, at mapalakas ang loob nila sa pamamagitan ng maraming salita ay nagtungo siya sa Grecia.
3 Doon ay nanatili siya ng tatlong buwan. Nang siya'y maglalakbay na patungong Siria, nagkaroon ng masamang balak ang mga Judio, kaya't ipinasiya niyang bumalik na dumaan sa Macedonia.
4 Siya'y sinamahan ni Sopatro na taga-Berea, na anak ni Pirro; ng mga taga-Tesalonica na sina Aristarco at Segundo, ni Gayo na taga-Derbe, at ni Timoteo, at ng taga-Asia na sina Tiquico at Trofimo.
5 Nauna ang mga ito at hinintay kami sa Troas,
6 ngunit naglakbay kami mula sa Filipos pagkaraan ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at sa loob ng limang araw ay dumating kami sa kanila sa Troas, kung saan kami tumigil ng pitong araw.
Ang Huling Dalaw ni Pablo sa Troas
7 Nang unang araw ng sanlinggo, nang kami ay nagtitipon upang magputul-putol ng tinapay, si Pablo ay nagsalita sa kanila; yamang nagbabalak siya na umalis kinabukasan, nagpatuloy siya sa pagsasalita hanggang hatinggabi.
8 Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtipunan namin.
9 At may isang binata na ang pangalan ay Eutico na nakaupo sa bintana. Nakatulog siya nang mahimbing samantalang si Pablo ay nagsasalita nang mahaba; at dahil natalo ng antok ay nahulog siya mula sa ikatlong palapag, at siya'y patay na binuhat.
10 Ngunit nanaog si Pablo, dumapa sa ibabaw niya, at siya'y niyakap na sinabi, “Huwag kayong mabahala sapagkat nasa kanya ang kanyang buhay.”
11 Nang si Pablo ay makapanhik na at makapagputul-putol na ng tinapay at makakain na, nakipag-usap siya sa kanila nang matagal hanggang sa sumikat ang araw, pagkatapos siya'y umalis na.
12 Kanilang dinalang buháy ang binata, at lubusan silang naaliw.
Mula sa Troas Patungo sa Mileto
13 Ngunit nang nauna kami sa barko, naglakbay kami patungo sa Asos, na mula roon ay binabalak naming isama si Pablo, sapagkat gayon ang kanyang ipinasiya, na binalak niyang sa lupa maglakbay.
14 Nang salubungin niya kami sa Asos, siya'y isinama namin, at nakarating kami sa Mitilene.
15 Sa paglalakbay namin mula roon, dumating kami nang sumunod na araw sa tapat ng Chios. Nang sumunod na araw ay tumawid kami patungong Samos, at nakarating kami sa Mileto nang sumunod na araw.
16 Ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso, upang huwag na siyang gumugol ng panahon sa Asia; sapagkat siya'y nagmamadali na makarating sa Jerusalem, kung maaari ay sa araw ng Pentecostes.
Nagpaalam si Pablo sa Matatanda sa Efeso
17 Mula sa Mileto ay nagpasugo siya sa Efeso at ipinatawag ang matatanda ng iglesya.
18 Nang sila'y makarating sa kanya, ay sinabi niya sa kanila,
“Nalalaman ninyo kung paanong namuhay akong kasama ninyo sa buong panahon mula sa unang araw na ako'y tumuntong sa Asia,
19 na naglilingkod sa Panginoon ng buong kapakumbabaan at may luha, at may mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio.
20 Hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang anumang bagay na kapaki-pakinabang, at hayag na nagtuturo sa inyo, at sa mga bahay-bahay,
21 na nagpapatotoo sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego tungkol sa pagsisisi tungo sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
22 At ngayon, bilang bihag sa Espiritu[a] ay patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon;
23 maliban na ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa akin sa bawat lunsod, na sinasabing ang mga tanikala at ang kapighatian ay naghihintay sa akin.
24 Ngunit(A) hindi ko itinuturing ang aking buhay na mahalaga sa aking sarili, upang maganap ko lamang ang aking katungkulan at ang ministeryong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo sa magandang balita ng biyaya ng Diyos.
25 “At ngayon, nalalaman ko na kayong lahat na aking nilibot na pinapangaralan ng kaharian, ay hindi na muling makikita pa ang aking mukha.
26 Kaya nga pinatototohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y walang pananagutan sa dugo ng sinuman sa inyo,[b]
27 sapagkat hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang buong kapasiyahan ng Diyos.
28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila'y inilagay kayo ng Espiritu Santo na mga tagapangasiwa[c] upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos[d] na binili niya ng kanyang sariling dugo.
29 Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa kalagitnaan ninyo ang mababangis na asong-gubat na walang patawad sa kawan;
30 at lilitaw mula sa inyo na ring kasamahan ang mga taong magsasalita ng mga bagay na lihis, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila.
31 Kaya't kayo'y maging handa at alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon ay hindi ako tumigil sa gabi at araw ng pagbibigay-babala na may pagluha sa bawat isa.
32 Ngayo'y ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salita ng kanyang biyaya, na makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana na kasama ng lahat na mga ginawang banal.
33 Hindi ko pinag-imbutan ang pilak, o ang ginto, o ang damit ninuman.
34 Kayo mismo ang nakakaalam na ang mga kamay na ito ay naglingkod sa aking mga pangangailangan at sa mga kasama ko.
35 Sa lahat ng bagay ay ipinakita ko sa inyo na sa ganitong paggawa ay dapat tulungan ang mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya mismo ang nagsabi, ‘Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’”
36 Pagkatapos niyang magsalita ay lumuhod siya at nanalanging kasama nilang lahat.
37 At silang lahat ay nag-iyakan, niyakap si Pablo at siya'y hinagkan,
38 na ikinalulungkot higit sa lahat ang salitang sinabi niya, na siya'y hindi na nila makikita pang muli. Pagkatapos ay kanilang inihatid siya sa barko.
Ang Liham ni Jeremias sa mga Judio sa Babilonia
29 Ito(A) ang mga salita ng sulat na ipinadala ni propeta Jeremias mula sa Jerusalem sa nalabi sa mga matanda sa mga bihag, at sa mga pari, sa mga propeta, at sa lahat ng taong-bayan, na dinalang-bihag ni Nebukadnezar sa Babilonia mula sa Jerusalem.
2 Ito ay pagkatapos na makaalis sa Jerusalem si Haring Jeconias, at ang inang reyna, ang mga eunuko, ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, ang mga manggagawa at ang mga panday.
3 Ito ay ipinadala sa pamamagitan ng kamay ni Elasa na anak ni Safan, at ni Gemarias na anak ni Hilkias, na isinugo ni Zedekias na hari ng Juda kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na sinasabi,
4 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, sa lahat ng mga bihag na aking ipinadalang-bihag sa Babilonia mula sa Jerusalem:
5 Magtayo kayo ng mga bahay at inyong tirahan. Kayo'y maghalaman at kainin ninyo ang bunga ng mga iyon.
6 Magsipag-asawa kayo, at maging ama ng mga anak na lalaki at babae. Ikuha ninyo ng mga asawa ang inyong mga anak na lalaki, at inyong ibigay ang inyong mga anak na babae upang mag-asawa, upang magkaanak sila ng mga lalaki at mga babae. Magparami kayo roon at huwag mabawasan.
7 At inyong hanapin ang kapakanan ng lunsod na aking pinagdalhang-bihag sa inyo, at inyong idalangin iyon sa Panginoon, sapagkat sa kapakanan niyon ay magkakaroon kayo ng kapakanan.
8 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Huwag kayong padadaya sa inyong mga propeta at sa inyong mga manghuhula na kasama ninyo, huwag kayong makikinig sa mga panaginip na kanilang napapanaginip,
9 sapagkat kasinungalingan ang propesiya na sinasabi nila sa inyo sa aking pangalan, hindi ko sila sinugo, sabi ng Panginoon.
10 “Sapagkat(B) ganito ang sabi ng Panginoon: Kapag naganap na ang pitumpung taon para sa Babilonia, dadalawin ko kayo, at tutuparin ko sa inyo ang aking pangako, at ibabalik ko kayo sa dakong ito.
11 Sapagkat nalalaman ko ang aking mga panukala para sa inyo, sabi ng Panginoon, mga panukala para sa ikabubuti at hindi sa ikasasama, upang bigyan kayo ng kinabukasan at ng pag-asa.
12 At kayo'y tatawag sa akin, at kayo'y lalapit at dadalangin sa akin, at diringgin ko kayo.
13 Hahanapin(C) ninyo ako at matatagpuan kapag hinanap ninyo ako nang inyong buong puso.
14 Ako'y inyong matatagpuan, sabi ng Panginoon, at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan at titipunin ko kayo mula sa lahat ng mga bansa at sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa inyo, sabi ng Panginoon. Ibabalik ko kayo sa dakong pinagkunan ko sa inyo tungo sa pagkabihag.
15 “Sapagkat inyong sinabi, ‘Ang Panginoon ay nagbangon para sa amin ng mga propeta sa Babilonia,’—
16 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari na nakaluklok sa trono ni David, at tungkol sa lahat ng taong-bayan na nakatira sa lunsod na ito, ang inyong mga kapatid na hindi nagsilabas na kasama ninyo sa pagkabihag:
17 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Narito, pararatingin ko sa kanila ang tabak, ang taggutom, at salot, at gagawin ko silang parang masasamang igos na hindi makain dahil sa kabulukan.
18 Hahabulin ko sila ng tabak, taggutom, at ng salot, at gagawin ko silang kakutyaan sa lahat ng kaharian sa lupa, upang maging isang sumpa at katatakutan, panunuya, at kahihiyan sa gitna ng lahat ng mga bansa na aking pinagtabuyan sa kanila;
19 sapagkat hindi nila pinakinggan ang aking mga salita, sabi ng Panginoon, na ako'y maagang bumangon na isinugo sa inyo sa pamamagitan ng mga lingkod kong mga propeta, ngunit ayaw ninyong makinig, sabi ng Panginoon’—
20 Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, kayong lahat na mga bihag, na aking itinaboy sa Babilonia mula sa Jerusalem:
21 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, tungkol kay Ahab na anak ni Kolaias, at tungkol kay Zedekias na anak ni Maasias na nagpapahayag ng kasinungalingan sa inyo sa aking pangalan: Ibibigay ko sila sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at kanyang papatayin sila sa inyong harapan.
22 Dahil sa kanila, ang sumpang ito ay gagamitin ng lahat ng bihag sa Juda na nasa Babilonia: “Gawin ka nawa ng Panginoon na gaya ni Zedekias at ni Ahab, na inihaw sa apoy ng hari ng Babilonia,”
23 sapagkat gumawa sila ng kahangalan sa Israel at sila'y nangalunya sa mga asawa ng kanilang mga kapwa, at bumigkas ng mga salita ng kasinungalingan sa aking pangalan na hindi ko iniutos sa kanila. Ako ang nakakaalam at ako'y saksi, sabi ng Panginoon!’”
24 Kay Shemaya na taga-Nehelam ay magsasalita ka, na sinasabi,
25 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Sapagkat nagpadala ka ng mga sulat sa iyong sariling pangalan sa lahat ng taong nasa Jerusalem, at kay Sefanias na anak ng paring si Maasias, at sa lahat ng mga pari, na iyong sinasabi,
26 ‘Ginawa kang pari ng Panginoon sa halip na si Jehoiada na pari, upang mamahala sa bahay ng Panginoon sa bawat taong ulol na nagsasalita ng propesiya, upang iyong ilagay siya sa kulungan at tanikala.
27 Ngayon nga'y bakit hindi mo sinaway si Jeremias na taga-Anatot na nagsasalita ng propesiya sa inyo,
28 sapagkat nagpadala siya sa amin sa Babilonia na sinasabi, “Ang inyong pagkabihag ay magtatagal. Kayo'y magtayo ng mga bahay at inyong tirahan. Kayo'y maghalaman at inyong kainin ang bunga ng mga iyon.”’”
29 Binasa ng paring si Sefanias ang sulat na ito sa pandinig ni Jeremias na propeta.
30 At dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na sinasabi,
31 “Ikaw ay magsugo sa lahat ng mga bihag, na iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Shemaya na taga-Nehelam. Sapagkat nagpahayag si Shemaya sa inyo, gayong hindi ko siya sinugo, at pinaasa kayo sa kasinungalingan,
32 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, parurusahan ko si Shemaya na taga-Nehelam at ang kanyang lahi. Hindi siya magkakaroon ng sinuman na nabubuhay na kasama ng bayang ito na makakakita ng kabutihang gagawin ko sa aking bayan, sapagkat siya'y nagsalita ng paghihimagsik laban sa Panginoon,’” sabi ng Panginoon.
Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)
15 Kinaumagahan, nagsanggunian kaagad ang mga punong pari kasama ang matatanda at mga eskriba at ang buong Sanhedrin. Ginapos nila si Jesus, inilabas at ibinigay kay Pilato.
2 Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot siya sa kanya, “Ikaw ang nagsasabi.”
3 Pinaratangan siya ng mga punong pari ng maraming bagay.
4 Muli siyang tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Tingnan mo kung gaano karami ang kanilang ibinibintang laban sa iyo.”
5 Ngunit si Jesus ay hindi sumagot ng anuman, anupa't nanggilalas si Pilato.
Hinatulang Mamatay si Jesus(B)
6 Sa bawat kapistahan ay nakaugalian na niyang pawalan sa kanila ang isang bilanggo na kanilang hilingin.
7 Mayroong isa na kung tawagin ay Barabas, na nakakulong kasama ng mga manghihimagsik na sa panahon ng paghihimagsik ay pumatay ng tao.
8 Kaya't lumapit ang karamihan at nagpasimulang hilingin sa kanya na sa kanila'y gawin ang ayon sa kanyang nakaugalian.
9 Sinagot naman sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong pawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?”
10 Sapagkat batid niya na dahil sa inggit ay ipinadakip siya ng mga punong pari.
11 Ngunit inudyukan ng mga punong pari ang taong-bayan na sa halip ay palayain niya si Barabas para sa kanila.
12 Ngunit muling sumagot si Pilato at sa kanila'y sinabi, “Ano ngayon ang nais ninyong gawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”
13 At sila'y muling nagsigawan, “Ipako siya sa krus.”
14 Ngunit sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, anong kasamaan ang kanyang ginawa?” Subalit sila'y lalong nagsigawan, “Ipako siya sa krus.”
15 At sa pagnanais ni Pilato na bigyang-kasiyahan ang taong-bayan, pinalaya si Barabas para sa kanila. Pagkatapos na ipahagupit si Jesus, siya'y ibinigay niya upang ipako sa krus.
Nilibak si Jesus ng mga Kawal(C)
16 Pagkatapos ay dinala siya ng mga kawal sa bulwagan na siyang Pretorio; at kanilang tinipon ang buong batalyon.
17 Siya'y kanilang dinamitan ng kulay-ube, at nang makapagtirintas ng isang koronang tinik ay ipinutong nila ito sa kanya.
18 At pinasimulan nilang pagpugayan siya, “Mabuhay, Hari ng mga Judio!”
19 Hinampas nila ang kanyang ulo ng isang tungkod, dinuraan siya at lumuhod sa harapan niya.
20 Pagkatapos na siya'y kanilang libakin, inalis nila sa kanya ang kulay-ube na balabal at isinuot sa kanya ang kanyang mga damit. At siya'y kanilang inilabas upang ipako sa krus.
Ipinako si Jesus sa Krus(D)
21 Pinilit(E) nila ang isang nagdaraan, si Simon na taga-Cirene, na ama ni Alejandro at ni Rufo, na nanggaling sa bukid, upang pasanin niya ang krus ni Jesus.[a]
22 Siya'y kanilang dinala sa pook na tinatawag na Golgota na ang kahulugan ay ‘Ang pook ng bungo.’
23 At siya'y binigyan nila ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya tinanggap iyon.
24 Siya'y(F) kanilang ipinako sa krus, at pinaghati-hatian ang kanyang mga damit na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang kukunin ng bawat isa.
25 Noo'y ikasiyam ng umaga nang siya'y kanilang ipinako sa krus.
26 At ang pamagat ng pagkasakdal sa kanya ay isinulat sa ulunan, “Ang Hari ng mga Judio.”
27 At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kanan, at isa sa kanyang kaliwa.
28 [At(G) natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail.]
29 Siya'y(H) nilait ng mga nagdaraan, na umiiling at sinasabi, “Ah! ang gigiba sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw,
30 iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka sa krus.”
31 Gayundin naman ang mga punong pari, kasama ng mga eskriba ay nilibak siya na sinasabi sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili.
32 Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel upang aming makita at paniwalaan.” At tinutuya rin siya ng mga kasama niyang nakapako sa krus.
Ang Pagkamatay ni Jesus(I)
33 Nang dumating ang tanghaling tapat, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon.
34 (J) Nang ikatlo ng hapon ay sumigaw si Jesus nang may malakas na tinig, “Eloi, Eloi, lama sabacthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
35 Nang marinig ito ng ilang nakatayo roon, ay sinabi nila, “Tingnan ninyo, tinatawag niya si Elias.”
36 Tumakbo(K) ang isa, binasa ng suka ang isang espongha, inilagay sa isang tungkod, at ipinainom sa kanya na sinasabi, “Pabayaan ninyo; tingnan natin kung darating si Elias upang siya'y ibaba.”
37 Si Jesus ay sumigaw nang malakas at nalagutan ng hininga.
38 Ang(L) tabing ng templo ay nahati sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba.
39 Ang senturion na nakatayong malapit sa harap niya, nang makitang nalagot ang kanyang hininga sa ganitong paraan ay nagsabi, “Tunay na ang taong ito ay Anak ng Diyos.”[b]
40 At(M) mayroon din namang mga babae na nakatanaw mula sa malayo; kabilang sa kanila ay si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago na mas bata at ni Jose, at si Salome;
41 na nang siya'y nasa Galilea, ay sumunod sa kanya at naglingkod sa kanya; at marami pang ibang mga babae na umahong kasama niya sa Jerusalem.
Ang Paglilibing kay Jesus(N)
42 Nang magtakip-silim na, sapagkat noon ay araw ng Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath,
43 si Jose na taga-Arimatea, isang marangal na kagawad, na naghihintay rin ng kaharian ng Diyos ay may katapangang pumunta kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus.
44 At nagtaka si Pilato na siya'y patay na. Ipinatawag niya ang senturion at itinanong niya sa kanya kung patay na nga siya.
45 Nang malaman niya sa senturion, ipinagkaloob niya ang bangkay kay Jose.
46 At bumili si Jose[c] ng isang telang lino at pagkababa sa kanya sa krus ay binalot siya ng telang lino at inilagay siya sa isang libingan na hinukay sa isang bato. At iginulong niya ang isang bato sa pintuan ng libingan.
47 Nakita ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan siya inilagay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001