M’Cheyne Bible Reading Plan
Digmaan Laban sa mga Amalekita
15 At(A) sinabi ni Samuel kay Saul, “Sinugo ako ng Panginoon upang hirangin ka[a] upang maging hari sa kanyang bayang Israel; kaya't ngayon ay pakinggan mo ang tinig ng mga salita ng Panginoon.
2 Ganito(B) ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ‘Aking parurusahan ang ginawa ng Amalek sa Israel sa paghadlang sa kanila sa daan nang sila'y umahon mula sa Ehipto.
3 Ngayo'y umalis ka at lipulin mo ang Amalek, at iyong lubos na wasakin ang lahat nilang pag-aari. Huwag kang magtitira sa kanila kundi patayin mo ang lalaki at babae, sanggol at sumususo, baka at tupa, kamelyo at asno.’”
4 Kaya't tinipon ni Saul ang taong-bayan at binilang sila sa Telaim, dalawandaang libong kawal na lakad, at sampung libong kawal mula sa Juda.
5 Dumating si Saul sa lunsod ng mga Amalekita at nag-abang sa libis.
6 At sinabi ni Saul sa mga Kineo, “Umalis na kayo! Humiwalay kayo sa mga Amalekita, baka kayo'y puksain kong kasama nila; sapagkat kayo'y nagpakita ng kagandahang-loob sa mga anak ni Israel nang sila'y umahon mula sa Ehipto.” Kaya't umalis ang mga Kineo sa gitna ng mga Amalekita.
7 Nagapi ni Saul ang mga Amalekita mula sa Havila hanggang sa Shur na nasa silangan ng Ehipto.
8 Kinuha niyang buháy si Agag na hari ng mga Amalekita, at ganap na nilipol ang buong bayan sa pamamagitan ng talim ng tabak.
9 Ngunit itinira ni Saul at ng taong-bayan si Agag at ang pinakamabuti sa mga tupa, mga baka, mga pinataba, mga kordero, at lahat ng mahalaga, at hindi nila ganap na pinuksa ang mga ito. Lahat ng bagay na hamak at walang halaga ay ganap nilang winasak.
Si Saul ay Itinakuwil Bilang Hari
10 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Samuel, na sinasabi,
11 “Ikinalulungkot ko na ginawa kong hari si Saul sapagkat siya'y tumalikod sa pagsunod sa akin, at hindi tinupad ang aking mga utos.” At si Samuel ay nagalit, at siya'y dumaing sa Panginoon nang buong magdamag.
12 Kinaumagahan, si Samuel ay bumangong maaga upang makipagkita kay Saul. At sinabi niya kay Samuel, “Si Saul ay pumunta sa Carmel at doon ay nagtayo siya para sa kanyang sarili ng isang bantayog, at pagbalik niya ay lumusong siya sa Gilgal.”
13 Nang dumating si Samuel kay Saul, sinabi ni Saul sa kanya, “Pagpalain ka nawa ng Panginoon, tinupad ko na ang utos ng Panginoon.”
14 Ngunit sinabi ni Samuel, “Ano kung gayon ang kahulugan nitong iyakan ng tupa at ang ungal ng mga baka na aking naririnig?”
15 Sinabi ni Saul, “Sila'y dinala nila mula sa mga Amalekita, sapagkat itinira ng taong-bayan ang pinakamabuti sa mga tupa at baka upang ihandog sa Panginoon mong Diyos. Ang nalabi ay aming pinuksang lahat.”
16 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel kay Saul, “Tumigil ka! Aking sasabihin sa iyo kung ano ang sinabi ng Panginoon sa akin sa gabing ito.” At sinabi niya sa kanya, “Sabihin mo.”
17 At sinabi ni Samuel, “Bagaman ikaw ay maliit sa iyong sariling paningin, hindi ba ikaw ay ginawang pinuno ng mga lipi ng Israel? At hinirang ka[b] ng Panginoon upang maging hari sa Israel.
18 Sinugo ka ng Panginoon sa isang takdang gawain, at sinabi, ‘Humayo ka at ganap mong puksain ang mga makasalanang Amalekita, at labanan mo sila hanggang sa sila'y maubos.’
19 Bakit hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, kundi ikaw ay dumaluhong sa samsam, at ginawa mo ang masama sa paningin ng Panginoon?”
20 Sinabi ni Saul kay Samuel, “Oo, aking sinunod ang tinig ng Panginoon, at ako'y pumunta sa daang pinagsuguan sa akin ng Panginoon. Aking dinala si Agag na hari ng Amalek, at aking pinatay na lahat ang mga Amalekita.
21 Ngunit ang taong-bayan ay kumuha mula sa mga samsam, sa mga tupa at baka, ng pinakamabuti sa mga itinalagang bagay upang ihandog sa Panginoon mong Diyos sa Gilgal.”
22 At sinabi ni Samuel,
“Ang Panginoon kaya ay may malaking kasiyahan sa mga handog na sinusunog at sa mga alay,
gaya ng pagsunod sa tinig ng Panginoon?
Tiyak, ang pagsunod ay mas mabuti kaysa alay,
at ang pakikinig kaysa taba ng mga tupang lalaki.
23 Sapagkat ang paghihimagsik ay gaya ng kasalanan ng pangkukulam,
at ang katigasan ng ulo ay gaya ng katampalasanan at pagsamba sa mga diyus-diyosan.
Sapagkat itinakuwil mo ang salita ng Panginoon,
itinakuwil ka rin niya sa pagiging hari.”
24 At sinabi ni Saul kay Samuel, “Ako'y nagkasala, sapagkat ako'y sumuway sa utos ng Panginoon at sa iyong mga salita, sapagkat ako'y natakot sa taong-bayan at sumunod sa kanilang tinig.
25 Ngayon nga'y hinihiling ko sa iyo, ipatawad mo ang aking kasalanan, at bumalik kang kasama ko upang ako'y makasamba sa Panginoon.”
26 At sinabi ni Samuel kay Saul, “Hindi ako babalik na kasama mo sapagkat itinakuwil mo ang salita ng Panginoon, at itinakuwil ka ng Panginoon sa pagiging hari ng Israel.”
27 Nang(C) tumalikod si Samuel upang umalis, hinawakan ni Saul ang laylayan ng kanyang balabal at ito ay napunit.
28 At sinabi ni Samuel sa kanya, “Pinunit ng Panginoon sa iyo ang kaharian ng Israel sa araw na ito, at ibinigay sa iyong kapwa, na higit na mabuti kaysa iyo.
29 Gayundin ang Kaluwalhatian ng Israel ay hindi magsisinungaling o magbabago ng isipan, sapagkat siya'y hindi isang tao na dapat niyang baguhin ang kanyang isipan.”
30 Nang magkagayo'y kanyang sinabi, “Ako'y nagkasala. Gayunma'y parangalan mo ako ngayon sa harap ng matatanda ng aking bayan at sa harap ng Israel, at bumalik kang kasama ko upang ako'y sumamba sa Panginoon mong Diyos.”
31 Kaya't bumalik si Samuel kay Saul at sumamba si Saul sa Panginoon.
32 Pagkatapos ay sinabi ni Samuel, “Dalhin ninyo rito sa akin si Agag na hari ng mga Amalekita.” At masayang lumapit si Agag sa kanya. At sinabi ni Agag, “Tunay na ang pait ng kamatayan ay nakaraan na.”
33 Ngunit sinabi ni Samuel, “Kung paanong sa pamamagitan ng iyong tabak ay nawalan ng anak ang mga babae, magiging gayon ang iyong ina na mawawalan ng anak sa gitna ng mga babae.” At pinagputul-putol ni Samuel si Agag sa harap ng Panginoon sa Gilgal.
34 Pagkatapos ay pumunta si Samuel sa Rama, at si Saul ay umahon sa kanyang bahay sa Gibea.
35 Hindi na muling nakita ni Samuel si Saul hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, ngunit tinangisan ni Samuel si Saul. At ikinalungkot ng Panginoon na kanyang ginawang hari ng Israel si Saul.
Tungkulin sa mga may Kapangyarihan
13 Ang bawat tao ay magpasakop sa mga namamahalang awtoridad, sapagkat walang pamamahala na hindi mula sa Diyos; at ang mga pamamahalang iyon ay itinalaga ng Diyos.
2 Kaya't ang lumalaban sa may kapangyarihan[a] ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at ang mga lumalaban ay tatanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.
3 Sapagkat ang mga pinuno ay hindi kilabot sa mabuting gawa, kundi sa masama. At ibig mo bang huwag magkaroon ng takot sa may kapangyarihan? Gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan mula sa kanya:
4 sapagkat siya'y lingkod ng Diyos para sa kabutihan mo. Ngunit kung masama ang ginagawa mo, matakot ka, sapagkat hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos, upang ilapat ang poot sa gumagawa ng masama.
5 Kaya't nararapat na magpasakop, hindi lamang dahil sa galit, kundi dahil din sa budhi.
6 Sapagkat(A) sa gayunding dahilan ay nagbabayad din kayo ng buwis, sapagkat ang namamahala ay mga lingkod ng Diyos na patuloy na nangangasiwa sa bagay na ito.
7 Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan.
Tungkulin sa Kapwa
8 Huwag kayong magkautang ng anuman sa kaninuman, kundi mag-ibigan sa isa't isa, sapagkat ang umiibig sa kanyang kapwa'y nakatupad na ng kautusan.
9 Ang(B) mga utos na, “Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang mag-iimbot;” at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
10 Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa; ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.
11 Bukod dito, alam ninyo ang panahon, na ngayo'y oras na upang magising kayo sa pagkakatulog. Sapagkat ngayon ay higit na malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo'y sumampalataya nang una.
12 Malalim na ang gabi, at ang araw ay malapit na. Kaya't iwaksi na natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng liwanag.
13 Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho.
14 Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.
Ang Pagbagsak ng Jerusalem(A)
52 Si Zedekias ay dalawampu't isang taon nang siya'y maging hari; at siya'y nagharing labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal, na anak ni Jeremias na taga-Libna.
2 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ni Jehoiakim.
3 Sapagkat talagang ginalit ng Jerusalem at Juda ang Panginoon kaya't sila'y pinalayas niya sa kanyang harapan. At si Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia.
4 At(B) nangyari, nang ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, nang ikasampung buwan, nang ikasampung araw ng buwan, si Nebukadnezar na hari ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo ay dumating laban sa Jerusalem. Kinubkob nila ito at sila'y nagtayo ng mga pangkubkob sa palibot niyon.
5 Kaya't nakubkob ang lunsod hanggang sa ikalabing-isang taon ni Haring Zedekias.
6 Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, tumindi ang taggutom sa lunsod, kaya't walang makain ang taong-bayan ng lupain.
7 Nang(C) magkagayo'y gumawa ng butas sa lunsod at lahat ng lalaking mandirigma ay nagsitakas at lumabas sa lunsod nang kinagabihan sa daan ng pintuan sa pagitan ng dalawang pader, na nasa tabi ng halamanan ng hari, samantalang ang mga Caldeo ay nakapalibot sa lunsod. At sila'y tumakas patungong Araba.
8 Ngunit hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at inabutan si Zedekias sa mga kapatagan ng Jerico; at ang buo niyang hukbo ay nagkawatak-watak.
9 Kanilang hinuli ang hari at kanilang dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at siya'y hinatulan ng hari.
10 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak ni Zedekias sa kanyang harapan, kasama ang lahat ng pinuno ng Juda sa Ribla.
11 Pagkatapos(D) ay kanyang dinukot ang mga mata ni Zedekias at ginapos siya sa mga tanikala. Dinala siya sa Babilonia ng hari ng Babilonia, at ibinilanggo siya hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
Ang Pagkawasak ng Templo(E)
12 Nang ikalimang buwan, nang ikasampung araw ng buwan, na siyang ikalabinsiyam na taon ni Haring Nebukadnezar, hari ng Babilonia, pumasok sa Jerusalem si Nebuzaradan na pinuno ng bantay na naglingkod sa hari ng Babilonia.
13 Kanyang(F) sinunog ang bahay ng Panginoon, ang bahay ng hari, at lahat ng bahay sa Jerusalem. Bawat malaking bahay ay sinunog niya.
14 At pinabagsak ng buong hukbo ng mga Caldeo na kasama ng pinuno ng bantay ang lahat ng pader sa palibot ng Jerusalem.
15 Pagkatapos ay dinalang-bihag ni Nebuzaradan na pinuno ng bantay ang ilan sa pinakadukha sa bayan at ang nalabi sa mga tao na naiwan sa lunsod at ang mga takas na tumakas patungo sa hari ng Babilonia, kasama ng nalabi sa mga manggagawa.
16 Ngunit iniwan ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay ang ilan sa mga pinakadukha sa lupain upang maging tagapag-alaga ng ubasan at mga magbubukid.
17 At(G) ang mga haliging tanso na nasa bahay ng Panginoon, ang mga tuntungan, at ang dagat-dagatang tanso na nasa bahay ng Panginoon, ay pinagputul-putol ng mga Caldeo, at dinala ang lahat ng tanso sa Babilonia.
18 Tinangay nila ang mga palayok, mga pala, mga gunting, mga palanggana, at ang mga pinggan para sa mga insenso, at lahat ng sisidlang tanso na ginagamit sa paglilingkod sa templo;
19 gayundin ang maliliit na mangkok, mga apuyan, mga palanggana, mga palayok, mga ilawan, mga pinggan para sa insenso at mga inumang mangkok. Lahat ng yari sa ginto at pilak ay dinalang lahat ng kapitan ng bantay.
20 Tungkol sa dalawang haligi, ang dagat-dagatan, at ang labindalawang torong tanso na nasa ilalim, at ang mga patungan na ginawa ni Haring Solomon para sa bahay ng Panginoon, ang tanso ng lahat ng mga bagay na ito ay hindi matimbang.
21 At tungkol sa mga haligi, ang taas ng isang haligi ay labingwalong siko; ang pabilog na sukat nito ay labindalawang siko, at ang kapal nito'y apat na daliri, at ito'y may guwang sa loob.
22 Sa ibabaw nito ay isang kapitel na tanso; at ang taas ng isang kapitel ay limang siko, na yaring nilambat at may mga granada sa kapitel sa palibot na yari sa tanso. Ang ikalawang haligi naman ay mayroong gaya ng mga ito, at mga granada.
23 Mayroong siyamnapu't anim na granada sa mga tagiliran; lahat na granada ay isandaan na yaring nilambat sa palibot.
Ang mga Mamamayan ng Juda ay Dinala sa Babilonia(H)
24 At kinuha ng kapitan ng bantay si Seraya na punong pari, si Sefanias na pangalawang pari, at ang tatlong tanod sa pinto.
25 Mula sa lunsod ay kinuha niya ang isang namahala sa mga lalaking mandirigma, at pitong lalaki mula sa sanggunian ng hari na natagpuan sa lunsod, ang kalihim ng pinuno ng hukbo na nagtipon sa mga tao ng lupain, at animnapung katao sa taong-bayan ng lupain na nasa gitna ng lunsod.
26 At dinala sila ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay sa hari ng Babilonia sa Ribla.
27 Pagkatapos ay sinaktan sila ng hari ng Babilonia at sila'y pinatay sa Ribla sa lupain ng Hamat. Sa gayon, nadalang-bihag ang Juda mula sa lupain nito.
28 Ito ang bilang ng mga taong dinalang-bihag ni Nebukadnezar nang ikapitong taon: tatlong libo at dalawampu't tatlong Judio;
29 nang ikalabingwalong taon ni Nebukadnezar ay nagdala siya ng bihag mula sa Jerusalem ng walong daan at tatlumpu't dalawang katao.
30 Nang ikadalawampu't tatlong taon ni Nebukadnezar, si Nebuzaradan na pinuno ng bantay ay nagdala ng bihag na mga Judio na pitong daan at apatnapu't limang katao; lahat-lahat ay apat na libo at animnaraang katao.
31 Nang ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag kay Jehoiakin na hari ng Juda, nang ikadalawampu't limang araw ng ikalabindalawang buwan, si Evilmerodac na hari ng Babilonia, nang unang taon na siya ay maging hari, ay nagpakita ng kabutihan kay Jehoiakim na hari ng Juda at kanyang inilabas siya sa bilangguan.
32 Siya'y nagsalitang may kabaitan sa kanya, at binigyan siya ng trono na higit na mataas kaysa trono ng mga hari na kasama niya sa Babilonia.
33 At kanyang pinalitan ang kanyang mga damit-bilanggo. At araw-araw sa buong buhay niya ay kumain siya sa hapag ng hari.
34 At tungkol sa kanyang gastusin, binigyan siya ng hari ng gastusin ayon sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan, habang siya ay nabubuhay, hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
31 Sa iyo, O Panginoon, ako'y humahanap ng kanlungan;
huwag mong hayaang ako'y mapahiya kailanman;
iligtas mo ako sa pamamagitan ng iyong katuwiran!
2 Ikiling mo ang iyong pandinig sa akin;
iligtas mo ako agad!
Maging batong kanlungan ka nawa sa akin,
isang matibay na muog upang ako'y iligtas.
3 Oo, ikaw ang aking malaking bato at aking tanggulan;
alang-alang sa iyong pangalan ako'y iyong akayin at patnubayan.
4 Alisin mo ako sa bitag na kanilang lihim na inilagay para sa akin;
sapagkat ikaw ang aking kalakasan.
5 Sa(A) iyong kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu,
O Panginoon, tapat na Diyos, tinubos mo ako.
6 Kinapopootan ko ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan,
ngunit nagtitiwala ako sa Panginoon.
7 Ako'y matutuwa at magagalak dahil sa iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat nakita mo ang aking kapighatian,
iyong binigyang-pansin ang aking mga kahirapan,
8 at hindi mo ako ibinigay sa kamay ng kaaway;
inilagay mo ang aking mga paa sa dakong malawak.
9 Maawa ka sa akin, O Panginoon, sapagkat ako'y nasa kahirapan;
ang aking mata ay namumugto dahil sa kapanglawan,
gayundin ang aking kaluluwa at katawan.
10 Sapagkat ang aking buhay ay pagod na sa lungkot,
at ang aking mga taon sa paghihimutok;
dahil sa aking kasalanan, lakas ko'y nauubos,
at ang aking mga buto ay nanghihina.
11 Sa lahat kong mga kaaway, ako ang tampulan ng pagkutya,
lalung-lalo na sa aking mga kapwa,
sa aking mga kakilala ay bagay na kinasisindakan,
yaong mga nakakakita sa akin sa lansangan sa aki'y naglalayuan.
12 Ako'y lumipas na sa isip gaya ng isang patay;
ako'y naging gaya ng isang basag na sisidlan.
13 Oo, aking naririnig ang bulungan ng marami—
kakilabutan sa bawat panig!—
habang sila'y magkakasamang nagpapanukala laban sa akin,
habang sila'y nagsasabwatan upang buhay ko'y kunin.
14 Ngunit nagtitiwala ako sa iyo, O Panginoon,
sinasabi ko, “Ikaw ang aking Diyos.”
15 Ang aking mga panahon ay nasa iyong kamay;
iligtas mo ako sa mga umuusig sa akin at sa kamay ng aking mga kaaway!
16 Sa iyong lingkod, mukha mo nawa'y magliwanag,
iligtas mo ako ng iyong pag-ibig na tapat!
17 Huwag mong hayaang malagay ako sa kahihiyan, O Panginoon,
sapagkat sa iyo ako'y nananawagan,
hayaang malagay ang masasama sa kahihiyan,
na magsitahimik nawa sila sa Sheol.
18 Mapipi nawa ang mga sinungaling na labi,
na walang pakundangang nagsasalita
laban sa matuwid nang may kapalaluan at paglait.
19 O napakasagana ng kabutihan mo,
na iyong inilaan para sa mga natatakot sa iyo,
at ginawa para doon sa nanganganlong sa iyo,
sa lihim na dako ng iyong harapan, sila'y iyong ikubli!
20 Sa iyong harapan ay palihim mo silang ikinubli
sa mga banta ng mga tao;
ligtas mo silang iniingatan sa lilim ng iyong tirahan
mula sa palaaway na mga dila.
21 Purihin ang Panginoon,
sapagkat kahanga-hanga niyang ipinakita sa akin ang kanyang kagandahang-loob
sa isang lunsod na nakubkob.
22 Tungkol sa akin, sa pagkatakot ay aking sinabi,
“Ako ay inilayo mula sa iyong paningin.”
Gayunma'y pinakinggan mo ang mga tinig ng aking mga daing,
nang ako'y dumaing sa iyo.
23 Ibigin ninyo ang Panginoon, kayong lahat niyang mga banal!
Iniingatan ng Panginoon ang tapat,
ngunit lubos niyang ginagantihan ang gumagawa na may kapalaluan.
24 Kayo'y magpakalakas, at magpakatapang ang inyong puso,
kayong lahat na umaasa sa Panginoon!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001