M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Micaias at ang Kanyang Larawang Inanyuan
17 May isang lalaki sa lupaing maburol ng Efraim, na ang pangalan ay Micaias.
2 Sinabi niya sa kanyang ina, “Ang isang libo at isandaang pirasong pilak na kinuha sa iyo, na kaya ka nagsalita ng sumpa, at sinalita mo rin sa aking mga pandinig,—ang pilak ay nasa akin; kinuha ko at ngayon ay isasauli ko sa iyo.”[a] At sinabi ng kanyang ina, “Pagpalain nawa ng Panginoon ang aking anak.”
3 At isinauli niya ang isang libo at isandaang pirasong pilak sa kanyang ina, at sinabi ng kanyang ina, “Aking itinatalaga mula sa aking kamay ang pilak na ito sa Panginoon, na ukol sa aking anak, upang igawa ng isang larawang inanyuan na yari sa bakal.”
4 Nang kanyang isauli ang salapi sa kanyang ina kinuha ng kanyang ina ang dalawang daang pirasong pilak na ibinigay sa mga manghuhulma na siyang gumawa ng isang larawang inanyuan na yari sa bakal; at iyon ay nasa bahay ni Micaias.
5 Ang lalaking si Micaias ay mayroong isang bahay ng mga diyos, at siya'y gumawa ng isang efod at terafim at itinalaga ang isa sa kanyang mga anak upang maging kanyang pari.
6 Nang(A) mga araw na iyon ay walang hari sa Israel. Ginawa ng lahat ng tao kung ano ang matuwid sa kanilang sariling paningin.
7 Noon ay may isang kabataang lalaki sa Bethlehem sa Juda mula sa angkan ni Juda. Siya ay isang Levita na naninirahan doon.
8 Ang lalaki ay umalis sa bayan ng Bethlehem sa Juda, upang manirahan kung saan siya makakakita ng matutuluyan. Habang siya'y naglalakbay, nakarating siya sa bahay ni Micaias sa lupaing maburol ng Efraim, upang ipagpatuloy ang kanyang gawain.
9 Sinabi ni Micaias sa kanya, “Saan ka nanggaling?” At sinabi niya sa kanya, “Ako'y isang Levita mula sa Bethlehem sa Juda, at ako'y maninirahan kung saan ako makakakita ng matutuluyan.”
10 Sinabi ni Micaias sa kanya, “Manirahan ka sa akin, at ikaw ay maging aking ama at pari. Bibigyan kita ng sampung pirasong pilak bawat taon, ng bihisan, at ng ikabubuhay,” at ang Levita ay pumasok.
11 Ang Levita ay pumayag na manirahang kasama ng lalaki, at ang binata ay itinuring niyang isa sa kanyang mga anak na lalaki.
12 Itinalaga ni Micaias ang Levita at ang binata ay naging kanyang pari, at nanirahan sa bahay ni Micaias.
13 Nang magkagayo'y sinabi ni Micaias, “Ngayo'y alam ko na ako'y pasasaganain ng Panginoon, yamang ako'y may isang paring Levita.”
Nagtungo si Pablo sa Jerusalem
21 Nang kami'y humiwalay sa kanila at naglakbay, tuluy-tuloy na tinungo namin ang Cos at nang sumunod na araw ay ang Rodas, at buhat doon ay ang Patara.
2 Nang aming matagpuan ang isang barko na daraan sa Fenicia, sumakay kami at naglakbay.
3 Natanaw namin ang Cyprus sa dakong kaliwa; at naglakbay kami hanggang sa Siria at dumaong sa Tiro, sapagkat ibinaba roon ng barko ang mga karga nito.
4 Hinanap namin doon ang mga alagad at tumigil kami roon ng pitong araw. Sa pamamagitan ng Espiritu ay sinabi nila kay Pablo na huwag siyang pumunta sa Jerusalem.
5 At nang matapos na ang aming mga araw doon, umalis kami at nagpatuloy sa aming paglalakbay, at silang lahat, kasama ang mga asawa at mga anak, ay inihatid kami sa aming patutunguhan hanggang sa labas ng bayan. Pagkatapos naming lumuhod sa baybayin at nanalangin,
6 kami ay nagpaalam sa isa't isa. Pagkatapos, lumulan na kami sa barko at sila'y umuwi na sa kanilang mga bahay.
7 Nang aming matapos na ang paglalakbay buhat sa Tiro, dumating kami sa Tolemaida; at binati namin ang mga kapatid at kami'y nanatiling kasama nila ng isang araw.
8 Kinabukasan,(A) lumabas kami at dumating sa Cesarea; at pumasok kami sa bahay ni Felipe na ebanghelista, na isa sa pito, at nanatili kaming kasama niya.
9 Siya ay may apat na anak na dalaga[a] na nagsasalita ng propesiya.
10 Habang(B) naroon kami ng ilang araw, isang propeta na ang pangalan ay Agabo ang dumating mula sa Judea.
11 Paglapit sa amin, kinuha niya ang sinturon ni Pablo, at ginapos niya ang kanyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, “Ganito ang sinasabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng sinturong ito, at siya'y kanilang ibibigay sa mga kamay ng mga Hentil.’”
12 Nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at pati ang mga tagaroon ay nakiusap sa kanya na huwag nang umahon patungo sa Jerusalem.
13 Kaya't sumagot si Pablo, “Anong ginagawa ninyo, nag-iiyakan kayo at dinudurog ang aking puso? Handa ako na hindi lamang gapusin, kundi mamatay rin naman sa Jerusalem dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus.”
14 Nang hindi siya mahimok, tumigil kami, na nagsasabi, “Hayaang mangyari ang kalooban ng Panginoon.”
15 At pagkaraan ng mga araw na ito, naghanda kami at umahon patungo sa Jerusalem.
16 Sumama sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea at dinala kami sa bahay ni Mnason, na taga-Cyprus, isa sa mga naunang alagad, na sa kanya kami manunuluyan.
Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago
17 Nang makarating kami sa Jerusalem, masaya kaming tinanggap ng mga kapatid.
18 Nang sumunod na araw, sumama si Pablo sa amin kay Santiago; at ang lahat ng matatanda ay naroroon.
19 Pagkatapos niyang batiin sila, isa-isang isinalaysay niya sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang ministeryo.
20 Nang kanilang marinig iyon, pinuri nila ang Diyos. At sinabi nila sa kanya, “Nakikita mo, kapatid, kung ilang libo sa mga Judio ang sumampalataya; at silang lahat ay pawang masisigasig sa kautusan.
21 Nabalitaan nila ang tungkol sa iyo na itinuturo mo raw sa lahat ng mga Judio na kasama ng mga Hentil na talikdan si Moises, at sinasabi sa kanila na huwag tuliin ang kanilang mga anak ni sumunod sa mga kaugalian.
22 Ano nga ba ang dapat gawin? Tiyak na kanilang mababalitaang dumating ka.
23 Kaya't(C) gawin mo ang sinasabi namin sa iyo. Mayroon kaming apat na lalaki na may panata sa kanilang sarili.
24 Sumama ka sa mga lalaking ito, isagawa ninyo ang seremonya ng paglilinis at ipagbayad mo sila para maahit ang kanilang mga ulo. At malalaman ng lahat na walang katotohanan ang mga bagay na kanilang nabalitaan tungkol sa iyo kundi ikaw mismo ay sumasang-ayon sa pagtupad sa kautusan.
25 Ngunit(D) tungkol sa mga Hentil na naging mga mananampalataya na, kami ay nagpadala na ng liham na aming ipinasiyang umiwas sila sa mga inihandog sa mga diyus-diyosan, sa dugo, sa hayop na binigti,[b] at sa pakikiapid.”
26 Nang magkagayo'y isinama ni Pablo ang mga lalaking iyon. Nang sumunod na araw, pagkatapos malinis ang kanyang sarili, pumasok siya sa templo upang ipahayag kung kailan magaganap ang mga araw ng paglilinis, at ang pag-aalay ng handog para sa bawat isa sa kanila.
Dinakip si Pablo
27 Nang halos matapos na ang pitong araw, ang mga Judiong taga-Asia, nang makita siya sa templo, ay inudyukan ang maraming tao at siya'y kanilang dinakip,
28 na isinisigaw, “Mga lalaking taga-Israel, tumulong kayo! Ito ang taong nagtuturo sa mga tao sa lahat ng dako laban sa sambayanan, sa kautusan, at sa dakong ito; at bukod pa rito'y nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo, at dinungisan ang banal na lugar na ito.”
29 Sapagkat(E) nakita nila noong una na kasama niya sa lunsod si Trofimo na taga-Efeso, at iniisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo.
30 At ang buong lunsod ay nagkagulo at ang mga tao'y sama-samang nagtakbuhan. Kanilang hinuli si Pablo, siya'y kinaladkad palabas sa templo at agad isinara ang mga pinto.
31 Samantalang sinisikap nilang patayin siya, dumating ang balita sa pinunong kapitan ng mga kawal na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo.
32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga senturion, at tumakbo sa kanila. Nang kanilang makita ang pinunong kapitan at ang mga kawal ay tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo.
33 Pagkatapos nito, lumapit ang pinunong kapitan, dinakip siya at ipinagapos ng dalawang tanikala. Itinanong kung sino siya, at kung ano ang ginawa niya.
34 Ang ilan sa maraming tao ay sumigaw ng isang bagay, ang ilan ay iba naman; at nang hindi niya maunawaan ang totoong nangyari dahil sa kaguluhan, ay iniutos niyang dalhin siya sa himpilan.
35 Nang dumating si Pablo[c] sa hagdanan, siya'y binuhat na ng mga kawal dahil sa karahasan ng napakaraming tao.
36 Ang maraming tao na sumunod sa kanya ay patuloy na sumisigaw, “Alisin siya!”
Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili
37 Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, ay sinabi niya sa pinunong kapitan, “Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?”
At sinabi ng pinunong kapitan,[d] “Marunong ka ba ng Griyego?
38 Kung gayon, hindi ikaw ang Ehipcio, na nag-udyok ng paghihimagsik nang mga nakaraang araw at nagdala sa apat na libong mamamatay-tao sa ilang?”
39 Sumagot si Pablo, “Ako'y Judio, na taga-Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng isang hindi karaniwang lunsod. Nakikiusap ako, pahintulutan mo akong magsalita sa mga taong-bayan.”
40 Nang siya'y mapahintulutan na niya, si Pablo ay tumayo sa mga baytang at isinenyas ang kamay sa mga tao, at nang magkaroon ng malaking katahimikan, nagsalita siya sa wikang Hebreo, na sinasabi:
Mga Pangako ng Panginoon sa Kanyang Bayan
30 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Isulat mo sa isang aklat ang lahat ng mga salita na aking sinabi sa iyo.
3 Sapagkat narito, ang mga araw ay dumarating na aking ibabalik ang mga kayamanan ng aking bayang Israel at Juda, sabi ng Panginoon. At ibabalik ko rin sila sa lupain na aking ibinigay sa kanilang mga ninuno, at aangkinin nila ito.”
4 Ito ang mga salita na sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel at Juda:
5 “Ganito ang sabi ng Panginoon:
Kami ay nakarinig ng sigaw ng pagkasindak,
ng takot, at walang kapayapaan.
6 Kayo'y magtanong ngayon, at inyong tingnan,
ang lalaki ba ay makakapanganak?
Kung gayo'y bakit nakikita ko ang bawat lalaki
na ang mga kamay ay nasa kanyang mga balakang na parang babaing manganganak?
Bakit ang bawat mukha ay namumutla?
7 Naku! Dakila ang araw na iyon,
at walang gaya niyon;
iyon ay panahon ng kaguluhan para kay Jacob;
gayunma'y maliligtas siya mula roon.
8 “At mangyayari sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, na aking babaliin ang pamatok mula sa kanilang[a] leeg, at aking lalagutin ang kanilang[b] mga gapos at hindi na sila aalipinin pa ng mga dayuhan.
9 Ngunit kanilang paglilingkuran ang Panginoon nilang Diyos at si David na kanilang hari, na aking ibabangon para sa kanila.
10 “Kaya't(A) huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod, sabi ng Panginoon;
ni manlupaypay, O Israel;
sapagkat ililigtas kita mula sa malayo,
at ang iyong mga anak mula sa lupain ng kanilang pagkabihag.
Ang Jacob ay babalik at magkakaroon ng kapayapaan at kaginhawahan,
at walang tatakot sa kanya.
11 Sapagkat ako'y kasama mo upang iligtas ka, sabi ng Panginoon;
lubos kong lilipulin ang lahat ng mga bansa
na kung saan ay ikinalat kita,
ngunit tungkol sa iyo ay hindi kita lubos na lilipulin.
Parurusahan kita nang makatarungang sukat,
walang pagsalang hindi kita iiwan na hindi napaparusahan.
12 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
Ang iyong sakit ay wala nang lunas,
at ang iyong sugat ay malubha.
13 Walang magtatanggol ng iyong panig,
walang gamot para sa iyong sugat,
hindi ka na gagaling!
14 Kinalimutan ka na ng lahat mong mangingibig;
wala na silang malasakit sa iyo;
sapagkat sinugatan kita ng sugat ng isang kaaway,
ng parusa ng isang malupit;
sapagkat malaki ang iyong paglabag,
at ang iyong mga kasalanan ay napakarami.
15 Bakit iniiyakan mo ang iyong sakit?
Ang iyong karamdaman ay wala nang lunas.
Sapagkat malaki ang iyong paglabag,
at ang iyong mga kasalanan ay napakarami,
na ginawa ko ang mga bagay na ito sa iyo.
16 Kaya't silang lahat na lumalamon sa iyo ay lalamunin,
at lahat mong mga kaaway, bawat isa sa kanila ay pupunta sa pagkabihag;
silang nananamsam sa iyo ay magiging samsam,
at lahat ng sumisila sa iyo ay ibibigay ko upang masila.
17 Sapagkat panunumbalikin ko sa iyo ang kalusugan,
at pagagalingin ko ang iyong mga sugat, sabi ng Panginoon;
sapagkat tinawag ka nilang isang itinakuwil:
‘Ito ang Zion, walang nagmamalasakit sa kanya!’
18 “Ganito ang sabi ng Panginoon:
Narito, ibabalik ko ang mga kayamanan ng mga tolda ni Jacob,
at kahahabagan ko ang kanyang mga tirahan;
ang lunsod ay muling itatayo sa kanyang lugar,
at ang palasyo ay tatayo sa dati niyang kinalalagyan.
19 Buhat sa kanila ay magmumula ang mga awit ng pasasalamat,
at ang mga tinig ng mga nagdiriwang.
Pararamihin ko sila, at sila'y hindi mababawasan;
akin silang pararangalan, at sila'y hindi magiging hamak.
20 Ang kanilang mga anak ay magiging gaya nang una,
at ang kanilang kapulungan ay matatatag sa harapan ko,
at parurusahan ko ang lahat ng umaapi sa kanila.
21 Ang kanilang pinuno ay magiging isa sa kanila,
at ang kanilang tagapamahala ay magmumula sa gitna nila;
palalapitin ko siya, at siya'y lalapit sa akin,
sapagkat sino ang mangangahas na lumapit sa akin? sabi ng Panginoon.
22 At kayo'y magiging aking bayan,
at ako'y magiging inyong Diyos.”
23 Narito, ang bagyo ng Panginoon!
Ang poot ay lumabas na,
isang paikut-ikot na unos;
ito ay sasabog sa ulo ng masama.
24 Ang mabangis na galit ng Panginoon ay hindi uurong
hanggang sa kanyang maigawad at hanggang maisagawa niya
ang balak ng kanyang isipan.
Sa mga huling araw ay inyong mauunawaan ito.
Ang Pagbabalik ng Israel
31 “Sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ako ang magiging Diyos ng lahat ng angkan ni Israel, at sila'y magiging aking bayan.”
2 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Ang mga taong nakaligtas sa tabak
ay nakatagpo ng biyaya sa ilang;
nang ang Israel ay maghanap ng kapahingahan.
3 Ang Panginoon ay nagpakita sa kanya mula sa malayo.
Inibig kita ng isang walang hanggang pag-ibig,
kaya't ipinagpatuloy ko ang aking kagandahang-loob sa iyo.
4 Muli kitang itatayo, at ikaw ay muling maitatayo,
O birhen ng Israel!
Muli mong gagayakan ang iyong sarili ng mga tamburin,
at lalabas ka sa pagsasayaw ng mga nagsasaya.
5 Muli kang magtatanim ng mga ubasan
sa mga bundok ng Samaria;
ang mga tagapagtanim ay magtatanim,
at masisiyahan sa bunga.
6 Sapagkat magkakaroon ng araw na ang mga bantay ay sisigaw
sa mga burol ng Efraim:
‘Bangon, at tayo'y umahon sa Zion,
sa Panginoon nating Diyos.’”
7 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
“Umawit kayo nang malakas na may kagalakan para sa Jacob,
at magsihiyaw kayo dahil sa pinuno ng mga bansa;
magpahayag, magpuri, at magsabi,
‘O Panginoon, iligtas mo ang iyong bayan,
ang nalabi ng Israel.’
8 Narito, dadalhin ko sila mula sa hilagang lupain,
at titipunin ko sila mula sa pinakamalayong bahagi ng daigdig.
Kasama nila ang bulag at ang pilay,
ang babaing may anak at ang malapit nang manganak ay magkakasama;
isang malaking pulutong, sila'y babalik rito.
9 Sila'y darating na may iyakan,
at may mga pakiusap na papatnubayan ko silang pabalik,
palalakarin ko sila sa tabi ng mga batis ng tubig,
sa matuwid na daan na hindi nila kakatisuran;
sapagkat ako'y ama sa Israel,
at ang Efraim ang aking panganay.
10 “Inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, O mga bansa,
at inyong ipahayag sa mga pulo sa malayo;
inyong sabihin, ‘Ang nagpakalat sa Israel ay siyang magtitipon sa kanya,
at iingatan siya gaya ng pag-iingat ng pastol sa kanyang kawan.’
11 Sapagkat tinubos ng Panginoon ang Jacob,
at kanyang tinubos siya sa kamay ng higit na malakas kaysa kanya.
12 Sila'y darating at aawit nang malakas sa kaitaasan ng Zion,
at sila'y magniningning dahil sa kabutihan ng Panginoon,
dahil sa butil, at sa alak, langis,
at dahil sa guya ng kawan at ng bakahan;
at ang kanilang buhay ay magiging gaya ng dinilig na halamanan;
at sila'y hindi na manlulupaypay pa.
13 Kung magkagayo'y magagalak ang dalaga sa sayawan,
at ang mga binata at matatanda ay magsasaya.
Gagawin kong kagalakan ang kanilang pagluluksa,
aaliwin ko sila at bibigyan ko ng kagalakan sa kanilang kalungkutan.
14 Bubusugin ko ng kasaganaan ang kaluluwa ng mga pari,
at ang aking bayan ay masisiyahan sa aking kabutihan, sabi ng Panginoon.”
Ang Habag ng Panginoon sa Israel
15 Ganito(B) ang sabi ng Panginoon,
“Isang tinig ang naririnig sa Rama,
panaghoy at mapait na pag-iyak.
Iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak;
siya'y tumatangging maaliw dahil sa kanyang mga anak,
sapagkat sila'y wala na.”
16 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Itigil mo ang iyong tinig sa pag-iyak,
at ang iyong mga mata sa pagluha;
sapagkat gagantimpalaan ang iyong mga gawa, sabi ng Panginoon;
at sila'y babalik mula sa lupain ng kaaway.
17 May pag-asa para sa iyong hinaharap, sabi ng Panginoon;
at ang iyong mga anak ay babalik sa kanilang sariling lupain.
18 Tunay na aking narinig ang Efraim na tumataghoy,
‘Pinarusahan mo ako, at ako'y naparusahan
na parang guya na hindi pa naturuan;
ibalik mo ako upang ako'y mapanumbalik,
sapagkat ikaw ang Panginoon kong Diyos.
19 Sapagkat pagkatapos kong tumalikod ay nagsisi ako;
at pagkatapos na ako'y maturuan ay sinugatan ko ang aking hita;
ako'y napahiya, at ako'y nalito,
sapagkat dinala ko ang kahihiyan ng aking kabataan!’
20 Si Efraim ba'y aking minamahal na anak?
Siya ba ang giliw kong anak?
Sapagkat kung gaano ako kadalas nagsasalita laban sa kanya,
ay gayon ko siya naaalala.
Kaya't nasasabik ang aking puso sa kanya;
ako'y tiyak na maaawa sa kanya, sabi ng Panginoon.
Ang Darating na Kasaganaan sa Bayan ng Diyos
21 “Maglagay ka ng mga pananda sa daan para sa iyo,
gumawa ka ng mga posteng tanda:
ituwid mo ang iyong pag-iisip sa lansangan,
ang daan na iyong dinadaanan.
Bumalik ka, O birhen ng Israel,
bumalik ka rito sa iyong mga lunsod.
22 Hanggang kailan ka magpapabalik-balik,
O ikaw na di-tapat na anak na babae?
Sapagkat ang Panginoon ay lumikha ng isang bagong bagay sa lupa:
ang isang lalaki ay palilibutan ng isang babae.”
23 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: “Minsan pa ay gagamitin nila ang mga salitang ito sa lupain ng Juda at sa mga bayan nito, kapag ibinalik ko ang kanilang mga kayamanan:
‘Pagpalain ka ng Panginoon, O tahanan ng katuwiran,
O banal na burol!’
24 Ang Juda at ang lahat ng bayan niya ay magkasamang titira doon, ang mga magbubukid at ang mga gumagala na may mga kawan.
25 Sapagkat aking bibigyang kasiyahan ang pagod na kaluluwa,
at bawat nanlulupaypay ay aking pasisiglahin.”
26 Mula roo'y nagising ako at tumingin, at ang aking pagkakatulog ay kasiya-siya sa akin.
27 “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking hahasikan ang sambahayan ng Israel at ang sambahayan ng Juda ng binhi ng tao at ng binhi ng hayop.
28 At mangyayari, na kung paanong binantayan ko sila upang bunutin, at upang wasakin, upang ibagsak, upang lipulin at dalhan ng kasamaan, gayon ko sila babantayan upang magtayo at magtanim, sabi ng Panginoon.
29 Sa(C) mga araw na iyon ay hindi na nila sasabihin:
‘Ang mga magulang ay kumain ng maaasim na ubas,
at ang mga ngipin ng mga anak ay nangingilo.’
30 Ngunit bawat isa ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasamaan; bawat taong kumakain ng maaasim na ubas ay mangingilo ang ngipin.
31 Narito,(D) (E) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y gagawa ng panibagong tipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda,
32 hindi katulad ng tipan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno nang kunin ko sila sa pamamagitan ng kamay upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto—ang aking tipan na kanilang sinira, bagaman ako'y asawa[c] sa kanila, sabi ng Panginoon.
33 Ngunit(F) ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon: Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat iyon sa kanilang mga puso; at ako'y magiging kanilang Diyos at sila'y magiging aking bayan.
34 At(G) hindi na tuturuan ng bawat isa sa kanila ang kanyang kapwa, at ng bawat tao ang kanyang kapatid, na magsasabi, ‘Kilalanin mo ang Panginoon;’ sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakahamak sa kanila hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa,” sabi ng Panginoon.
35 Ganito ang sabi ng Panginoon,
na nagbibigay ng araw bilang liwanag sa maghapon,
at ng mga takdang kaayusan ng buwan at ng mga bituin bilang liwanag sa gabi,
na nagpapakilos sa dagat upang umugong ng mga alon niyon—
ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan:
36 “Kung ang takdang kaayusan na ito ay humiwalay
sa harapan ko, sabi ng Panginoon,
ang binhi ng Israel ay hihinto
sa pagiging isang bansa sa harapan ko magpakailanman.”
37 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Kung ang mga langit sa itaas ay masusukat,
at ang mga saligan ng lupa sa ilalim ay magalugad,
akin ngang itatakuwil ang buong lahi ng Israel
dahil sa lahat nilang nagawa, sabi ng Panginoon.”
38 “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ang lunsod ay maitatayo para sa Panginoon mula sa tore ng Hananel hanggang sa Pintuang-bayan sa Panulukan.
39 At ang panukat na pisi ay lalabas papalayo, tuluy-tuloy sa burol ng Gareb, at pipihit sa Goa.
40 At ang buong libis ng mga bangkay at mga abo, at ang lahat ng parang hanggang sa batis ng Cedron, hanggang sa panulukan ng Pintuang-bayan ng Kabayo patungong silangan ay magiging banal sa Panginoon. Hindi na ito mabubunot o magigiba kailanman.”
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)
16 Nang makaraan ang Sabbath, sina Maria Magdalena, Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay bumili ng mga pabango upang sila'y pumunta roon at siya'y pahiran.
2 Pagka-umaga nang unang araw ng linggo, pagkasikat ng araw, pumunta sila sa libingan.
3 Kanilang sinabi sa isa't isa, “Sino kaya ang magpapagulong ng bato para sa atin mula sa pasukan ng libingan?”
4 Sa pagtanaw nila ay nakita nilang naigulong na ang bato na lubhang napakalaki.
5 At pagpasok nila sa libingan, kanilang nakita ang isang binata na nakabihis ng isang damit na maputi, nakaupo sa gawing kanan at sila'y nagtaka.
6 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magtaka; hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Siya'y muling binuhay. Wala siya rito. Tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kanya!
7 Subalit(B) humayo kayo, sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro na siya'y mauuna sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita, ayon sa sinabi niya sa inyo.”
8 At sila'y nagsilabas at nagsitakas mula sa libingan, sapagkat sila'y sinidlan ng sindak at pagkamangha, at wala silang sinabi kaninuman sapagkat sila'y natakot.
ANG MAIKLING PAGTATAPOS NI MARCOS
[At ang lahat ng mga iniutos sa kanila ay sinabi ng maiksi sa mga nasa palibot ni Pedro. At pagkatapos si Jesus mismo ay nagsugo sa pamamagitan nila, mula sa silangan hanggang kanluran, ang banal at walang hanggang proklamasyon ng walang katapusang kaligtasan.]
ANG MAHABANG PAGTATAPOS NI MARCOS
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(C)
9 [Nang siya nga'y magbangon nang unang araw ng linggo ay una siyang nagpakita kay Maria Magdalena, na mula sa kanya'y pitong demonyo ang pinalayas niya.
10 Siya'y lumabas at ibinalita sa mga naging kasama ni Jesus, samantalang sila'y nagluluksa at tumatangis.
11 Ngunit nang kanilang mabalitaan na siya'y buháy at nakita ni Magdalena ay ayaw nilang maniwala.
Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad(D)
12 Pagkatapos ng mga ito ay nagpakita siya sa ibang anyo sa dalawa sa kanila noong sila'y naglalakad patungo sa bukid.
13 At sila'y bumalik at ipinagbigay-alam ito sa mga iba ngunit hindi rin sila naniwala.
Pinagbilinan ni Jesus ang mga Alagad(E)
14 At pagkatapos siya'y nagpakita sa labing-isa samantalang sila'y nakaupo sa hapag-kainan; sila'y kanyang pinagsabihan dahil sa kawalan nila ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay.
15 At(F) sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo[a] sa lahat ng nilikha.
16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; ngunit ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.
17 At ang mga tandang ito ay tataglayin ng mga nananampalataya: sa paggamit ng aking pangalan ay magpapalayas sila ng mga demonyo, magsasalita sila ng mga bagong wika;
18 sila'y hahawak ng mga ahas, at kung makainom sila ng bagay na nakamamatay, hindi ito makakasama sa kanila, ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at sila'y gagaling.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(G)
19 Kaya't(H) ang Panginoong Jesus nga, pagkatapos na siya'y magsalita sa kanila ay iniakyat sa langit at lumuklok sa kanan ng Diyos.
20 At humayo sila at nangaral sa lahat ng dako, habang gumagawang kasama nila ang Panginoon at pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip nito.][b]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001