M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kamatayan ni Samuel
25 Namatay si Samuel, at nagtipun-tipon ang buong Israel at tinangisan siya. Kanilang inilibing siya sa kanyang bahay sa Rama. At tumindig si David at lumusong sa ilang ng Paran.
2 May isang lalaki sa Maon na ang mga ari-arian ay nasa Carmel. Ang lalaki ay napakayaman; siya'y mayroong tatlong libong tupa at isang libong kambing. Ginugupitan niya ng balahibo ang kanyang mga tupa sa Carmel.
3 Ang pangalan ng lalaki ay Nabal, at ang pangalan ng kanyang asawa ay Abigail. Ang babae ay matalino at maganda, ngunit ang lalaki ay masungit at masama ang ugali. Siya'y mula sa sambahayan ni Caleb.
4 Nabalitaan ni David sa ilang na ginugupitan ni Nabal ng balahibo ang kanyang mga tupa.
5 Kaya't nagsugo si David ng sampung kabataang lalaki at sinabi ni David sa mga kabataan, “Umahon kayo sa Carmel at pumunta kayo kay Nabal, at batiin ninyo siya sa aking pangalan.
6 Ganito ang sasabihin ninyo sa kanya: ‘Kapayapaan nawa ang sumaiyo, at kapayapaan nawa ang sumaiyong sambahayan, at kapayapaan nawa ang dumating sa lahat ng iyong pag-aari.
7 Nabalitaan kong ikaw ay may mga manggugupit ng balahibo ng tupa. Ang iyong mga pastol ay naging kasama namin, at hindi namin sila sinaktan, o nawalan man ng anumang bagay sa buong panahong sila ay nasa Carmel.
8 Tanungin mo ang iyong mga kabataang lalaki at kanilang sasabihin sa iyo. Kaya't makatagpo nawa ng biyaya sa iyong paningin ang aking mga kabataan; sapagkat kami ay naparito sa araw ng kapistahan. Hinihiling ko sa iyo na magbigay ka ng anumang mayroon ka sa iyong mga lingkod, at sa iyong anak na si David.’”
Tumangging Magbigay si Nabal
9 Nang dumating ang mga kabataang tauhan ni David, kanilang sinabi kay Nabal ang lahat ng mga salitang iyon sa pangalan ni David, at sila ay naghintay.
10 At sinagot ni Nabal ang mga lingkod ni David, at nagsabi, “Sino ba si David? Sino ba ang anak ni Jesse? Maraming mga alila sa mga araw na ito ang lumalayas sa kanilang mga panginoon.
11 Akin bang kukunin ang aking tinapay at tubig, at ang karne na aking kinatay para sa aking mga manggugupit, at ibibigay ko sa mga taong hindi ko nalalaman kung saan nanggaling?”
12 Kaya't ang mga kabataang tauhan ni David ay umalis, bumalik, at sinabi sa kanya ang lahat ng mga salitang ito.
13 At sinabi ni David sa kanyang mga tauhan, “Isukbit ng bawat isa sa inyo ang kanyang tabak.” At nagsukbit ang bawat isa ng kanyang tabak; at si David ay nagsukbit din ng kanyang tabak. Ang umahong kasunod ni David ay may apatnaraang lalaki, samantalang ang dalawandaan ay nanatili kasama ng mga dala-dalahan.
14 Ngunit sinabi ng isa sa mga kabataang lalaki kay Abigail, na asawa ni Nabal, “Si David ay nagpadala ng mga sugo mula sa ilang upang bumati sa ating panginoon ngunit sila'y nilait niya.
15 Gayong ang mga lalaki ay napakabuti sa amin, at hindi kami sinaktan, o nawalan man ng anumang bagay nang kami ay nasa mga parang, habang kami ay nakikisama sa kanila.
16 Sila'y naging aming pader sa gabi at sa araw sa buong panahong kami ay kasama nila sa pag-aalaga ng mga tupa.
17 Ngayon ay iyong alamin at pag-aralan mo kung ano ang iyong gagawin, sapagkat ang kasamaan ay ipinasiya na laban sa ating panginoon at sa kanyang buong sambahayan. Siya'y may masamang ugali kaya't walang makipag-usap sa kanya.”
Namagitan si Abigail
18 Nang magkagayo'y nagmadali si Abigail, kumuha ng dalawandaang tinapay, dalawang sisidlang balat ng alak, limang tupang nalinisan na, limang takal ng sinangag na trigo, isandaang kumpol na pasas, dalawandaang tinapay na igos, at ipinapasan ang mga ito sa mga asno.
19 At sinabi niya sa kanyang mga kabataang tauhan, “Mauna kayo sa akin; ako'y susunod sa inyo.” Ngunit hindi niya ito sinabi sa kanyang asawang si Nabal.
20 Samantalang siya'y nakasakay sa kanyang asno at lumulusong sa isang kubling dako ng bundok, si David at ang kanyang mga tauhan ay lumusong patungo sa kanya, at nagkasalubong sila.
21 Sinabi ni David, “Tunay na walang kabuluhan na aking iningatan ang lahat ng pag-aari ng taong ito sa ilang, anupa't walang nawalang anuman sa lahat ng pag-aari niya; at ang mabuti ay ginantihan niya ng masama.
22 Gawin nawa ng Diyos sa mga kaaway ni David, at higit pa, kung sa umaga ay mag-iwan ako ng higit sa isang lalaki sa lahat ng pag-aari niya.”
23 Nang makita ni Abigail si David, siya ay nagmadali at bumaba sa asno, at nagpatirapa sa harapan ni David at yumukod sa lupa.
24 Siya'y nagpatirapa sa kanyang mga paa at nagsabi, “Sa akin mo na lamang ipataw ang pagkakasala, panginoon ko. Hinihiling ko sa iyo na iyong papagsalitain ang iyong lingkod sa iyong pandinig, at iyong pakinggan ang mga salita ng iyong lingkod.
25 Ipinapakiusap ko sa iyo, na huwag pansinin ng aking panginoon itong lalaking si Nabal na may masamang ugali, sapagkat kung ano ang kanyang pangalan ay gayon siya. Nabal ang kanyang pangalan, at ang kahangalan ay nasa kanya; ngunit akong iyong lingkod ay hindi nakakita sa mga kabataang tauhan ng aking panginoon, na iyong sinugo.
26 Ngayon, panginoon ko, habang buháy ang Panginoon, at buháy ang iyong kaluluwa, yamang ikaw ay pinigil ng Panginoon sa pagpapadanak ng dugo, at sa paghihiganti ng iyong sariling kamay, ang iyo nawang mga kaaway at ang mga nagnanais gumawa ng masama sa aking panginoon ay maging gaya ni Nabal.
27 At ngayon, itong kaloob na dinala ng iyong lingkod sa aking panginoon ay ibigay mo sa mga kabataang sumusunod sa aking panginoon.
28 Ipinapakiusap ko sa iyo na patawarin mo ang pagkakasala ng iyong babaing lingkod, sapagkat tiyak na igagawa ng Panginoon ang aking panginoon ng isang sambahayang tiwasay. Ipinaglalaban ng aking panginoon ang mga laban ng Panginoon at ang kasamaan ay hindi matatagpuan sa iyo habang ikaw ay nabubuhay.
29 Kung sinuman ay mag-alsa upang habulin ka at tugisin ang iyong buhay, ang buhay ng aking panginoon ay mabibigkis sa bigkis ng mga nabubuhay sa pag-aaruga ng Panginoon mong Diyos; at ang mga buhay ng iyong mga kaaway ay ihahagis niya na parang mula sa guwang ng isang tirador.
30 At kapag nagawa na ng Panginoon sa aking panginoon ang ayon sa lahat ng mabuti na kanyang sinabi tungkol sa iyo, at kanyang itinalaga ka bilang pinuno ng Israel;
31 ang aking panginoon ay hindi magkakaroon ng dahilan upang malungkot, o pag-uusig ng budhi, dahil sa pagpapadanak ng dugo nang walang dahilan o para sa aking panginoon na siya mismo ang maghiganti. At kapag gumawa ang Panginoon ng mabuti sa aking panginoon, alalahanin mo nga ang iyong babaing lingkod.”
32 Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin nawa ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako!
33 Purihin nawa ang iyong karunungan, at pagpalain ka nawa na pumigil sa akin sa araw na ito sa pagpapadanak ng dugo, at sa paghihiganti ng aking sariling kamay!
34 Sapagkat kung gaano katiyak na buháy ang Panginoon, ang Diyos ng Israel na siyang pumigil sa akin na saktan ka, malibang ikaw ay nagmadali at pumarito upang sumalubong sa akin, tiyak na walang maiiwan kay Nabal sa pagbubukang-liwayway kahit isang batang lalaki.”
35 Pagkatapos ay tinanggap ni David mula sa kamay ni Abigail ang dinala niya para sa kanya; at sinabi ni David sa kanya, “Umahon kang payapa sa iyong bahay; tingnan mo, aking pinakinggan ang iyong tinig at aking ipinagkaloob ang iyong kahilingan.”
Namatay si Nabal
36 Pumunta si Abigail kay Nabal; siya'y nagdaraos ng isang kapistahan sa kanyang bahay na gaya ng pagpipista ng isang hari. Si Nabal ay masayang-masaya sapagkat siya'y lasing na lasing. Kaya't walang sinabing anuman si Abigail[a] sa kanya hanggang sa pagbubukang-liwayway.
37 Kinaumagahan, nang hindi na lasing si Nabal, sinabi ng asawa niya sa kanya ang mga bagay na ito at nagkasakit siya sa puso, at siya'y naging parang isang bato.
38 Pagkaraan ng may sampung araw, sinaktan ng Panginoon si Nabal, at siya'y namatay.
Naging Asawa ni David si Abigail
39 Nang mabalitaan ni David na si Nabal ay patay na, sinabi niya, “Purihin ang Panginoon na siyang naghiganti sa pag-alipustang tinanggap ko sa kamay ni Nabal, at pinigil ang kanyang lingkod sa kasamaan. Ang masamang gawa ni Nabal ay ibinalik ng Panginoon sa kanyang sariling ulo.” Pagkatapos ay nagsugo si David at hinimok si Abigail na maging asawa niya.
40 Nang dumating ang mga lingkod ni David kay Abigail sa Carmel, kanilang sinabi sa kanya, “Sinugo kami ni David sa iyo upang kunin ka na maging asawa niya.”
41 At siya'y tumindig at nagpatirapa sa lupa, at nagsabi, “Ang iyong lingkod ay isang alila na maghuhugas ng mga paa ng mga lingkod ng aking panginoon.”
42 Nagmadali si Abigail, tumindig, at sumakay sa isang asno. Pinaglingkuran siya ng kanyang limang katulong na dalaga. Siya'y sumunod sa mga sugo ni David, at siya'y naging kanyang asawa.
43 Kinuha rin ni David si Ahinoam na taga-Jezreel; at sila'y kapwa naging asawa niya.
44 Ibinigay(A) ni Saul si Mical na kanyang anak, na asawa ni David, kay Palti na anak ni Lais na taga-Galim.
Tungkol sa mga Usapin Laban sa Kapatid
6 Kapag ang sinuman sa inyo ay may reklamo laban sa isang kapatid, mangangahas ba siyang magsakdal sa harapan ng mga masasama at hindi sa harapan ng mga banal?
2 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga banal ay hahatol sa sanlibutan? At kung ang sanlibutan ay hahatulan ninyo, wala ba kayong kakayahang humatol sa napakaliliit na bagay?
3 Hindi ba ninyo nalalaman na ating hahatulan ang mga anghel? Gaano pa kaya ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito?
4 Kung kayo nga'y mayroong usapin tungkol sa mga bagay ng buhay na ito, itinatalaga ba ninyong hukom ang mga taong maliit lamang ang pagkilala ng iglesya?
5 Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo. Wala bang kahit isa mang tao sa inyo na marunong na may kakayahang magpasiya sa kanyang mga kapatid,
6 kundi ang isang kapatid na nagdedemanda laban sa kapatid, at ito'y sa harapan ng mga hindi mananampalataya?
7 Sa katunayan, ang magkaroon kayo ng usapin laban sa isa't-isa ay isa nang pagkatalo para sa inyo. Bakit hindi ninyo hayaan na lamang na kayo'y gawan ng masama? Bakit hindi na lamang kayo padaya?
8 Ngunit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya at ito'y sa inyong mga kapatid.
9 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga masasamang tao ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya! Ang mga mapakiapid, mga sumasamba sa diyus-diyosan, mga mangangalunya, mga binabae, mga nakikiapid sa kapwa lalaki,
10 mga magnanakaw, masasakim, mga maglalasing, mga mapagmura, o ang mga manggagantso ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.
11 At ganyan ang mga ilan sa inyo noon. Subalit nahugasan na kayo, ginawa na kayong banal, at inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, at sa Espiritu ng ating Diyos.
12 “Ang(A) lahat ng mga bagay para sa akin ay matuwid;” ngunit hindi lahat ng mga bagay ay makakatulong. “Ang lahat ng mga bagay para sa akin ay matuwid,” ngunit hindi ako paaalipin sa anuman.
13 “Ang pagkain ay para sa tiyan, at ang tiyan ay para sa pagkain,” ngunit ito at ang mga iyon ay wawasakin ng Diyos. Gayunman ang katawan ay hindi para sa pakikiapid, kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon ay para sa katawan.
14 At binuhay ng Diyos ang Panginoon at bubuhayin din tayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
15 Hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong mga katawan ay mga sangkap ni Cristo? Kukunin ko ba ang mga sangkap ni Cristo at gagawin kong mga sangkap ng isang masamang babae? Huwag nawang mangyari.
16 Hindi(B) ba ninyo nalalaman na ang nakikisama sa masamang babae ay nagiging iisang katawan na kasama niya? Sapagkat sinasabi, “Ang dalawa ay magiging isang laman.”
17 Ngunit siya na nakikisama sa Panginoon ay nagiging iisang espiritu na kasama niya.
18 Umiwas kayo sa pakikiapid. Bawat kasalanang maaaring gawin ng tao ay nasa labas ng katawan; ngunit ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kanyang sariling katawan.
19 O(C) hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo mula sa Diyos, at kayo ay hindi sa inyong sarili?
20 Sapagkat kayo'y binili sa isang halaga, kaya't luwalhatiin ninyo ng inyong katawan ang Diyos.
Ang Halimbawa ng Pagkubkob sa Jerusalem
4 “Ikaw naman, O anak ng tao, kumuha ka ng isang tisa at ilagay mo sa harapan mo, at gumuhit ka sa ibabaw niyon ng isang lunsod, ang Jerusalem;
2 kubkubin mo ito, at magtayo ka ng mga pader sa tapat noon, at maglagay ka ng bunton sa tapat noon. Maglagay ka rin ng mga kampo sa tapat noon, at maglagay ka ng mga trosong pambayo sa tapat noon sa palibot.
3 Magdala ka ng kawaling bakal, at ilagay mo iyon bilang pader na bakal sa pagitan mo at ng lunsod. Humarap ka sa dakong iyon at hayaang makubkob, at iyong pag-ibayuhin ang pagkubkob dito. Ito ay isang tanda sa sambahayan ni Israel.
4 “Pagkatapos, humiga ka nang patagilid sa iyong kaliwa at aking ilalagay ang kaparusahan ng sambahayan ni Israel sa iyo ayon sa bilang ng mga araw na iyong inihiga roon, papasanin mo ang kanilang kaparusahan.
5 Sapagkat aking itinakda sa iyo ang bilang ng mga araw, tatlong daan at siyamnapung araw, katumbas ng bilang ng mga taon ng kanilang kaparusahan; gayon mo katagal papasanin ang kaparusahan ng sambahayan ni Israel.
6 Kapag natapos mo na ang mga ito, ikaw ay hihiga sa ikalawang pagkakataon, sa iyong kanang tagiliran, at iyong papasanin ang kaparusahan ng sambahayan ni Juda. Apatnapung araw ang aking itinakda sa iyo, isang araw sa bawat taon.
7 At ikaw ay haharap sa dako ng pagkubkob ng Jerusalem, na nakalitaw ang iyong kamay; at ikaw ay magpapahayag ng propesiya laban sa lunsod.
8 Narito, lalagyan kita ng lubid, upang ikaw ay hindi makabaling mula sa isang panig patungo sa kabila, hanggang sa matupad mo ang mga araw ng iyong pagkubkob.
9 “Magdala ka rin ng trigo, sebada, habas, lentehas, mijo, at ng espelta, at ilagay mo sa isang sisidlan, at gawin mong tinapay. Sa panahon ng mga araw na ikaw ay nakahiga sa iyong tagiliran, tatlong daan at siyamnapung araw, kakainin mo iyon.
10 Ang pagkain na iyong kakainin ay magiging ayon sa timbang, dalawampung siklo isang araw; tuwi-tuwina ito'y iyong kakainin.
11 Ikaw ay iinom ng tubig ayon sa takal, na ikaanim na bahagi ng isang hin; ikaw ay iinom tuwi-tuwina.
12 Iyong kakainin ito na parang mga munting tinapay na sebada, at iyong lulutuin sa dumi na galing sa tao sa kanilang paningin.”
13 At sinabi ng Panginoon, “Ganito kakainin ng mga anak ni Israel ang kanilang maruming tinapay, sa gitna ng mga bansa na aking pagtatabuyan sa kanila.”
14 Nang magkagayo'y sinabi ko, ‘Panginoong Diyos! Narito, ang aking sarili ay hindi ko dinungisan. Mula sa aking pagkabata hanggang ngayon ay hindi ako kailanman kumain ng namamatay sa sarili, o nilapa ng mga hayop; o pumasok man ang kasuklamsuklam na karne sa aking bibig.”
15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Tingnan mo, hahayaan kitang gumamit ng dumi ng baka sa halip na dumi ng tao, na paglulutuan mo ng iyong tinapay.”
16 Bukod dito'y sinabi pa niya sa akin, “Anak ng tao, aking babaliin ang tungkod ng tinapay sa Jerusalem. Sila'y kakain ng tinapay ayon sa timbang at may pagkatakot; sila'y iinom ng tubig ayon sa takal at may pagbabalisa.
17 Sapagkat magkukulang ng tinapay at tubig, at magtinginan sa isa't isa na may pagkabalisa, at manghina sa kanilang kaparusahan.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
40 Matiyaga akong naghintay sa Panginoon;
kumiling siya sa akin at pinakinggan ang aking daing.
2 Iniahon niya ako sa hukay ng pagkawasak,
mula sa putikang lusak,
at itinuntong niya ang mga paa ko sa isang malaking bato,
at pinatatag ang aking mga hakbang.
3 Nilagyan niya ng bagong awit ang aking bibig,
isang awit ng pagpupuri sa ating Diyos.
Marami ang makakakita at matatakot,
at magtitiwala sa Panginoon.
4 Mapalad ang tao na kaniyang ginawang tiwala ang Panginoon,
na hindi bumabaling sa mga mapagmataas,
pati sa mga naligaw sa kamalian.
5 Pinarami mo, O Panginoon kong Diyos,
ang iyong mga kagila-gilalas na gawa at ang iyong mga pag-aalala sa amin;
walang maaaring sa iyo'y ihambing!
Kung aking ipahahayag ang mga iyon at isasaysay,
ang mga iyon ay higit kaysa mabibilang.
6 Hain(A) at handog ay hindi mo ibig,
ngunit binigyan mo ako ng bukas na pandinig.
Handog na sinusunog at handog pangkasalanan
ay hindi mo kinailangan.
7 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Narito, ako'y dumarating;
sa balumbon ng aklat ay nakasulat ang tungkol sa akin;
8 kinaluluguran kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko;
ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.”
9 Ako'y nagpahayag ng masayang balita ng kaligtasan
sa dakilang kapulungan;
narito, ang aking mga labi ay hindi ko pipigilan,
O Panginoon, iyong nalalaman.
10 Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa loob ng aking puso;
ibinalita ko ang iyong katapatan at ang pagliligtas mo;
hindi ko inilihim ang iyong tapat na pag-ibig at ang iyong katapatan
sa dakilang kapulungan.
11 Huwag mong ipagkait sa akin, O Panginoon,
ang iyong kahabagan,
lagi nawa akong ingatan
ng iyong tapat na pag-ibig at ng iyong katapatan!
12 Sapagkat pinaligiran ako ng kasamaang di mabilang,
inabutan ako ng aking mga kasamaan,
hanggang sa ako'y hindi makakita;
sila'y higit pa kaysa mga buhok ng aking ulo,
nanghihina ang aking puso.
13 Kalugdan[a] mo nawa, O Panginoon, na ako'y iligtas mo!
O Panginoon, ikaw ay magmadaling tulungan ako!
14 Sila nawa'y mapahiya at hamaking sama-sama
silang nagsisikap na agawin ang aking buhay;
sila nawa'y mapaurong at madala sa kahihiyan,
silang nagnanais ng aking kapahamakan.
15 Matakot nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan
na nagsasabi sa akin, “Aha! Aha!”
16 Ngunit magalak at matuwa nawa sa iyo
ang lahat ng sa iyo'y nagsisihanap;
yaong umiibig sa iyong pagliligtas
ay patuloy nawang magsabi, “Dakilain ang Panginoon!”
17 Dahil sa ako'y nahihirapan at nangangailangan,
alalahanin nawa ako ng Panginoon.
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
huwag kang magtagal, O aking Diyos.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
41 Mapalad siya na nagbibigay-pansin sa dukha!
Ililigtas siya ng Panginoon sa araw na masama.
2 Iniingatan siya ng Panginoon at pinananatiling buháy
siya'y tatawaging pinagpala sa lupain;
hindi mo siya ibinigay sa kagustuhan ng kanyang mga kaaway.
3 Aalalayan siya ng Panginoon sa kanyang higaan ng karamdaman,
sa kanyang pagkakasakit ay iyong inaayos ang buo niyang higaan.
4 Tungkol sa akin, aking sinabi, “O Panginoon, sa akin ay maawa ka,
pagalingin mo ako, sapagkat laban sa iyo, ako'y nagkasala!”
5 Ang mga kaaway ko ay nagsalita ng kasamaan laban sa akin,
“Kailan siya mamamatay, at ang kanyang pangalan ay mapapawi rin?”
6 At nang siya'y pumarito upang tingnan ako, siya'y nagsasalita ng mga salitang walang laman,
habang ang kanyang puso ay nagtitipon ng kasamaan,
kapag siya'y lumabas, ipinamamalita niya ito.
7 Lahat ng napopoot sa akin ay nagbubulung-bulungan laban sa akin;
kanilang iniisip ang pinakamasama para sa akin.
8 Kanilang sinasabi, “Isang masamang bagay ang ibinuhos sa kanya,
hindi na siya muling babangon sa kanyang pagkahiga.”
9 Maging(B) ang matalik kong kaibigan na aking pinagtitiwalaan,
na kumain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kanyang sakong sapagkat sa akin ay laban.
10 Ngunit ikaw, O Panginoon ko, maawa ka sa akin,
at ibangon mo ako, upang sa kanila'y makaganti ako!
11 Sa pamamagitan nito ay nalalaman ko na nalulugod ka sa akin,
dahil sa ang aking kaaway ay hindi sisigaw sa pagtatagumpay laban sa akin.
12 At tungkol sa akin, inaalalayan mo ako sa aking katapatan,
at inilalagay mo ako sa iyong harapan magpakailanman.
13 Purihin(C) ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
Amen at Amen.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001