M’Cheyne Bible Reading Plan
Pabalita ni Natan kay David(A)
7 At nangyari nang ang hari ay nakatira na sa kanyang bahay, at binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan sa lahat niyang mga kaaway sa palibot.
2 Sinabi ng hari kay Natan na propeta, “Tingnan mo ngayon, ako'y tumitira sa isang bahay na sedro, ngunit ang kaban ng Diyos ay nakatira sa loob ng mga tabing.”
3 At sinabi ni Natan sa hari, “Humayo ka, gawin mo ang lahat ng nasa iyong isipan; sapagkat ang Panginoon ay kasama mo.”
4 Subalit nang gabi ring iyon, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Natan, na sinasabi,
5 “Humayo ka at sabihin mo sa aking lingkod na si David, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ikaw ba ang magtatayo ng aking bahay na matitirahan?
6 Sapagkat hindi pa ako nakakatira sa isang bahay mula ng araw na aking iahon ang mga anak ni Israel mula sa Ehipto hanggang sa araw na ito, kundi ako'y nagpapalipat-lipat sa tolda para sa aking tirahan.
7 Sa lahat ng dako na aking nilakarang kasama ng lahat ng mga anak ni Israel, nagsalita ba ako ng isang salita sa isa sa mga lipi ng Israel na aking inutusan upang maging pastol ng aking bayang Israel, na nagsasabi, “Bakit hindi ninyo ako ipinagtayo ng isang bahay na sedro?”’
8 Ngayon nga'y ganito ang iyong sasabihin sa aking lingkod na si David, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kinuha kita mula sa kulungan ng tupa, sa pagsunod sa tupa, upang ikaw ay maging pinuno sa aking bayang Israel.
9 Ako'y naging kasama mo saan ka man pumunta, at aking inihiwalay ang lahat ng iyong mga kaaway sa harap mo; at gagawin kitang isang dakilang pangalan, gaya ng pangalan ng mga dakila na nasa lupa.
10 Pipili ako ng isang lugar para sa aking bayang Israel, at aking itatatag sila, upang sila'y manirahan sa kanilang sariling lugar, at huwag ng gambalain pa. Hindi na sila pahihirapan pa ng mga taong malulupit, na gaya nang una,
11 mula sa araw na ako'y humirang ng mga hukom sa aking bayang Israel; at bibigyan kita ng kapahingahan sa lahat ng iyong mga kaaway. Bukod sa rito ay sinasabi sa iyo ng Panginoon na igagawa ka ng Panginoon ng isang bahay.
12 Kapag(B) ang iyong mga araw ay naganap na at ikaw ay matutulog na kasama ng iyong mga ninuno, aking ibabangon ang iyong binhi pagkatapos mo, na magmumula sa iyong katawan, at aking itatatag ang kanyang kaharian.
13 Siya'y magtatayo ng bahay para sa aking pangalan, at aking itatatag ang trono ng kanyang kaharian magpakailanman.
14 Ako'y(C) magiging kanyang ama at siya'y magiging aking anak. Kapag siya'y gumawa ng kasamaan, parurusahan ko siya ng pamalo ng mga tao, at ng panghampas ng mga anak ng mga tao;
15 ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang aking tapat na pag-ibig gaya ng aking pagkaalis nito kay Saul, na aking inalis sa harap mo.
16 Ang(D) iyong sambahayan at ang iyong kaharian ay matitiwasay magpakailanman sa harap ko; ang iyong trono ay matatatag magpakailanman.’”
17 Ayon sa lahat ng mga salitang ito, at ayon sa lahat ng pangitaing ito ay nagsalita si Natan kay David.
Panalangin ng Pagpapasalamat ni David(E)
18 Nang magkagayo'y pumasok si Haring David at umupo sa harap ng Panginoon, at kanyang sinabi, “Sino ako, O Panginoong Diyos, at ano ang aking sambahayan na ako'y iyong dinala sa ganito kalayo?
19 Ito'y munting bagay pa sa iyong paningin, O Panginoong Diyos; at ikaw ay nagsalita rin tungkol sa sambahayan ng iyong lingkod hanggang sa matagal na panahong darating; at ipinakita mo sa akin ang hinaharap na salinlahi, O Panginoong Diyos!
20 At ano pa ang masasabi ni David sa iyo? Sapagkat kilala mo ang iyong lingkod, O Panginoong Diyos.
21 Dahil sa iyong pangako at ayon sa iyong sariling puso, iyong ginawa ang lahat ng kadakilaang ito upang malaman ng iyong lingkod.
22 Kaya't ikaw ay dakila, O Panginoong Diyos; sapagkat walang gaya mo, o may ibang Diyos pa bukod sa iyo, ayon sa lahat nang naririnig ng aming mga tainga.
23 Anong(F) bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel? Mayroon bang ibang bansa sa lupa na tinubos ng Diyos upang maging kanyang bayan, at gumawa para sa kanya ng isang pangalan, na gumagawa para sa kanila ng mga dakila at mga kakilakilabot na mga bagay, sa pamamagitan ng pagpapalayas sa harap ng iyong bayan ng mga bansa at ng kanilang mga diyos?
24 At itinatag mo sa iyong sarili ang iyong bayang Israel upang maging iyong bayan magpakailanman; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Diyos.
25 At ngayon, O Panginoong Diyos, pagtibayin mo magpakailanman ang salita na iyong sinalita tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kanyang sambahayan, at iyong gawin gaya ng iyong sinalita,
26 at ang iyong pangalan ay dadakilain magpakailanman, na sinasabi, ‘Ang Panginoon ng mga hukbo ay Diyos sa Israel’ at ang sambahayan ng iyong lingkod na si David ay matatatag sa harap mo.
27 Sapagkat ikaw, O Panginoon ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel ang gumawa ng ganitong pahayag sa iyong lingkod, na sinasabi, ‘Ipagtatayo kita ng isang bahay’; kaya't ang iyong lingkod ay nagkaroon ng tapang na manalangin ng ganito sa iyo.
28 At ngayon, O Panginoong Diyos, ikaw ay Diyos at ang iyong mga salita ay katotohanan, at iyong ipinangako ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod;
29 kaya't ngayon nga'y kalugdan mong pagpalain ang sambahayan ng iyong lingkod, upang ito'y magpatuloy magpakailanman sa harap mo. Sapagkat ikaw, O Panginoong Diyos ay nagsalita, at sa pamamagitan ng iyong pagpapala ay maging mapalad nawa ang sambahayan ng iyong lingkod magpakailanman.”
Pagbati
1 Si(A) Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid, sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, kasama ng lahat ng mga banal na nasa buong Acaia:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pasasalamat sa Gitna ng Paghihirap
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng mga kaawaan at Diyos ng lahat ng kaaliwan;
4 na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian, upang maaliw natin ang nasa anumang kapighatian, sa pamamagitan ng kaaliwan na inialiw sa atin ng Diyos.
5 Sapagkat kung paanong sumasagana sa atin ang mga pagdurusa ni Cristo, sa pamamagitan ni Cristo ay sumasagana rin sa atin ang kaaliwan.
6 Subalit kung kami man ay pinahihirapan, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan; at kung kami ay inaaliw, ito ay para sa inyong kaaliwan, na inyong dinanas kapag kayo'y matiyagang nagtitiis ng gayunding paghihirap na aming dinaranas.
7 Ang aming pag-asa tungkol sa inyo ay matatag, sapagkat nalalaman namin na habang kayo'y karamay sa aming pagdurusa, kayo ay karamay din sa aming kaaliwan.
8 Hindi(B) namin ibig na di ninyo malaman, mga kapatid, ang tungkol sa mga kapighatian na naranasan namin sa Asia, sapagkat lubha kaming nabigatan ng higit sa aming kaya, anupa't kami ay nawalan na ng pag-asang mabuhay.
9 Tunay na nadama namin na tinanggap na namin ang hatol na kamatayan, upang kami ay huwag magtiwala sa aming sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay.
10 Siya na nagligtas sa amin mula sa kakilakilabot na kamatayan at patuloy na magliligtas; sa kanya ay inilalagak namin ang ating pag-asa na muli niya kaming ililigtas.
11 Dapat din ninyo kaming tulungan sa pamamagitan ng panalangin upang marami ang magpasalamat alang-alang sa amin para sa pagpapalang ipinagkaloob sa amin bilang kasagutan sa maraming mga panalangin.
Pagbabago sa Paglalakbay ni Pablo
12 Sapagkat ang aming ipinagmamalaki ay ito, ang patotoo ng aming budhi; kami ay namuhay ng wasto sa sanlibutan, at lalo na sa inyo, na may kapayakan[a] at maka-Diyos na katapatan, hindi ayon sa karunungan ng laman, kundi sa biyaya ng Diyos.
13 Sapagkat hindi kami sumusulat sa inyo ng ibang mga bagay kundi kung ano ang inyong mababasa at mauunawaan; umaasa ako na lubos ninyong mauunawaan hanggang sa wakas.
14 Gaya ng inyong bahagyang pagkakilala sa amin, na kami ay inyong maipagmalaki gaya ninyo na aming ipinagmamalaki sa araw ng Panginoong Jesus.
15 Dahil sa pagtitiwalang ito, nais kong pumunta muna sa inyo, upang kayo'y magkaroon ng pangalawang biyaya.
16 Nais(C) kong dalawin kayo sa aking paglalakbay patungong Macedonia, at buhat sa Macedonia ay bumalik sa inyo, at nang matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay patungong Judea.
17 Ako kaya ay nag-aatubili nang naisin kong gawin ito? Ginagawa ko ba ang aking mga panukala na gaya ng taong makasanlibutan, na nagsasabi ng “Oo, oo” at gayundin ng “Hindi, hindi?”
18 Ngunit kung paanong ang Diyos ay tapat, ang aming sinasabi sa inyo ay hindi “Oo at Hindi.”
19 Sapagkat(D) ang Anak ng Diyos, si Jesu-Cristo na ipinangaral namin sa inyo sa pamamagitan ko, ni Silvano at ni Timoteo, ay hindi “Oo at Hindi,” kundi sa kanya ay palaging “Oo.”
20 Sapagkat ang lahat ng mga pangako ng Diyos sa kanya ay “Oo.” Kaya't sa pamamagitan niya ay aming sinasambit ang “Amen,” sa ikaluluwalhati ng Diyos.
21 Subalit ang nagpapatibay sa amin na kasama ninyo kay Cristo, at nagpahid[b] sa amin ay ang Diyos,
22 inilagay rin niya ang kanyang tatak sa amin, at ibinigay sa amin ang Espiritu sa aming mga puso bilang paunang bayad.
23 Subalit tinatawagan ko ang Diyos upang sumaksi laban sa akin; upang hindi kayo madamay, hindi na ako muling pumunta sa Corinto.
24 Hindi sa nais naming maging panginoon sa inyong pananampalataya, kundi kami ay mga kamanggagawa ninyo para sa inyong kagalakan, sapagkat kayo'y nakatayong matatag sa inyong pananampalataya.
Itinulad sa Baging na Ligaw ang Jerusalem
15 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, sa ano nakakalamang ang puno ng baging sa alinmang puno ng kahoy,
ng sanga ng puno ng baging na nasa gitna ng mga punungkahoy sa gubat?
3 Makakakuha ba ng kahoy doon upang gawing anuman?
O makakakuha ba roon ang mga tao ng tulos upang mapagsabitan ng anumang kasangkapan?
4 Iyon ay inihahagis sa apoy bilang panggatong.
Kapag natupok na ng apoy ang dalawang dulo niyon,
at ang gitna niyon ay nasusunog,
iyon ba'y mapapakinabangan pa?
5 Narito, nang ito'y buo pa, hindi ito ginamit sa anuman,
gaano pa nga kaya, kapag ito'y natupok ng apoy at nasunog,
magagamit pa ba sa anumang gawain?
6 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Gaya ng puno ng baging sa gitna ng mga punungkahoy sa gubat, na aking ibinigay sa apoy bilang panggatong, gayon ko ibibigay ang mga naninirahan sa Jerusalem.
7 Ihaharap ko ang aking mukha laban sa kanila; at bagaman sila'y makatakas sa apoy, tutupukin pa rin sila ng apoy. Inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag iniharap ko ang aking mukha laban sa kanila.
8 At aking sisirain ang lupain, sapagkat sila'y gumawa ng kataksilan, sabi ng Panginoong Diyos.”
Sa(A) Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Kalapati sa Malayong mga Puno ng Roble. Miktam ni David, nang hulihin siya ng mga Filisteo sa Gat.
56 Maawa ka sa akin, O Diyos ko, sapagkat niyuyurakan ako ng mga tao;
buong araw na pag-aaway, inaapi niya ako,
2 sa buong araw ay niyuyurakan ako ng mga kaaway,
sapagkat marami ang may kapalaluang sa akin ay lumalaban.
3 Kapag natatakot ako,
aking inilalagak ang tiwala ko sa iyo.
4 Sa Diyos na pinupuri ko ang salita,
sa Diyos ay inilagay ko ang aking tiwala,
ang laman sa akin ay ano ang magagawa?
5 Buong araw ay sinisikap nilang saktan ang aking kalagayan;
lahat ng kanilang mga pag-iisip ay laban sa aking ikasasama.
6 Sila'y nagsama-sama, sila'y nagsisipagkubli,
binabantayan nila ang aking mga hakbang,
gaya ng kanilang pag-aabang sa aking buhay.
7 Kaya't gantihan mo sila sa kanilang kasamaan;
sa galit ay ilugmok mo, O Diyos, ang mga bayan!
8 Iyong ibinilang ang aking mga paglalakbay,
ilagay mo ang aking mga luha sa botelya mo!
Wala ba sila sa aklat mo?
9 Kung magkagayo'y tatalikod ang aking mga kaaway
sa araw na ako'y tumawag.
Ito'y nalalaman ko, sapagkat ang Diyos ay kakampi ko.
10 Sa Diyos, na ang mga salita ay aking pinupuri,
sa Panginoon, na ang mga salita ay aking pinupuri,
11 sa Diyos ay walang takot na nagtitiwala ako.
Anong magagawa sa akin ng tao?
12 Ang iyong mga panata ay sa akin, O Diyos,
ako'y mag-aalay ng mga handog ng pasasalamat sa iyo.
13 Sapagkat iniligtas mo sa kamatayan ang aking kaluluwa,
at sa pagkahulog ang aking mga paa,
upang ako'y makalakad sa harapan ng Diyos
sa liwanag ng buhay.
Sa(B) Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wawasakin. Miktam ni David, nang siya ay tumakas kay Saul sa kuweba.
57 Maawa ka sa akin, O Diyos, sa akin ay maawa ka,
sapagkat nanganganlong sa iyo ang aking kaluluwa,
sa lilim ng iyong mga pakpak ay manganganlong ako,
hanggang sa makaraan ang mga pagkawasak na ito.
2 Sa Diyos na Kataas-taasan ako'y dumaraing,
sa Diyos na nagsasagawa ng lahat na mga bagay sa akin.
3 Siya'y magsusugo mula sa langit at ako'y ililigtas
ilalagay niya sa kahihiyan ang sa akin ay yumuyurak, (Selah)
Susuguin ng Diyos ang kanyang pag-ibig na tapat at ang kanyang katapatan!
4 Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon,
ako'y nahihiga sa gitna ng mga taong bumubuga ng apoy,
sa mga anak ng tao na ang mga ngipin ay sibat at mga pana,
at matalas na mga tabak ang kanilang dila.
5 Mabunyi ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit, ikaw naging dakila!
Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!
6 Naglagay sila ng silo para sa aking mga hakbang;
ang aking kaluluwa ay nakayuko.
Sila'y gumawa ng isang hukay sa aking daan,
ngunit sila mismo ang doon ay nabuwal. (Selah)
7 Ang aking puso ay tapat, O Diyos,
ang aking puso ay tapat!
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri!
8 Gumising ka, aking kaluwalhatian!
Gumising ka, O lira at alpa!
Gigisingin ko ang bukang-liwayway!
9 Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bayan.
Ako'y aawit sa iyo ng mga papuri sa gitna ng mga bansa.
10 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila hanggang sa mga langit,
ang iyong katapatan hanggang sa mga ulap.
11 O Diyos, sa itaas ng kalangitan, ikaw ay maging dakila!
Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001