M’Cheyne Bible Reading Plan
Nanirahan si David sa mga Filisteo
27 Sinabi ni David sa kanyang puso, “Balang araw ako'y mamamatay sa kamay ni Saul. Walang higit na mabuti sa akin kundi ang tumakas tungo sa lupain ng mga Filisteo. Si Saul ay mawawalan ng pag-asa na ako'y hanapin pa sa nasasakupan ng Israel; at ako'y makakatakas mula sa kanyang kamay.”
2 Kaya't si David at ang animnaraang lalaking kasama niya ay umalis at pumunta kay Achis na anak ni Maoch na hari ng Gat.
3 Nanirahan si David na kasama ni Achis sa Gat, siya at ang kanyang mga tauhan, bawat lalaki at ang kanyang sambahayan, si David at ang kanyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na taga-Carmel na balo ni Nabal.
4 Nang ibalita kay Saul na si David ay tumakas na patungo sa Gat ay hindi na niya hinanap siyang muli.
5 At sinabi ni David kay Achis, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, bigyan nila ako ng isang matitirahan sa isa sa mga bayan sa kabukiran upang ako'y manirahan doon; sapagkat bakit maninirahang kasama mo ang iyong lingkod sa lunsod ng hari?”
6 Kaya't ibinigay ni Achis sa kanya ang Siclag nang araw na iyon. Kaya't ang Siclag ay naging sakop ng mga hari ng Juda hanggang sa araw na ito.
7 At ang bilang ng mga araw na tumira si David sa lupain ng mga Filisteo ay isang taon at apat na buwan.
8 Noon ay umahon si David at ang kanyang mga tauhan at sinalakay ang mga Gesureo, mga Gerzeo, at ang mga Amalekita; sapagkat sila ang mga dating mamamayan sa lupain, sa daang patungo sa Shur, hanggang sa lupain ng Ehipto.
9 Sinalakay ni David ang lupain, at walang itinirang buháy kahit lalaki o babae man, at tinangay ang mga tupa, baka, asno, kamelyo, at ang mga kasuotan, at bumalik kay Achis.
10 Kapag nagtanong si Achis, “Laban kanino kayo sumalakay ngayon?” ay sasabihin ni David, “Laban sa Negeb ng Juda,” o “laban sa Negeb ng mga Jerameelita,” o “laban sa Negeb ng mga Kineo.”
11 Walang iniligtas na buháy si David kahit lalaki o babae man, upang walang makapagbalita sa Gat, na sinasabi, “Baka sila'y magsumbong laban sa atin, na sabihin, ‘Ganito't ganoon ang ginawa ni David.’” Palaging gayon ang kanyang ginagawa sa buong panahong siya'y nakatira sa lupain ng mga Filisteo.
12 Nagtiwala si Achis kay David, na inaakalang, “Ginawa niya ang kanyang sarili na kasuklamsuklam sa bayang Israel kaya't siya'y magiging lingkod ko magpakailanman.”
Tungkol sa mga Pagkaing Inihain sa Diyus-diyosan
8 Ngayon, tungkol sa mga pagkaing inihain sa mga diyus-diyosan: nalalaman natin na tayong lahat ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nagpapalaki ng ulo, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay.
2 Kung ang sinuman ay nag-aakala na siya'y may nalalamang anuman, hindi pa niya nalalaman ang nararapat niyang malaman;
3 subalit kung ang sinuman ay nagmamahal sa Diyos, ang taong ito ay kilala niya.
4 Kaya, tungkol sa pagkain ng mga bagay na inihain sa mga diyus-diyosan, nalalaman natin na ang diyus-diyosan ay walang kabuluhan sa sanlibutan, at walang Diyos liban sa iisa.
5 Sapagkat bagaman mayroong mga tinatawag na mga diyos, maging sa langit o sa lupa, gaya nang pagkakaroon ng maraming mga “diyos” at maraming mga “panginoon,”
6 ngunit sa ganang atin ay may isang Diyos, ang Ama, na sa kanya nagmula ang lahat ng mga bagay, at tayo'y para sa kanya, at may isang Panginoon, si Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo ay sa pamamagitan niya.
7 Gayunman, hindi lahat ng mga tao ay nagtataglay ng kaalamang ito. Subalit ang ilan na hanggang ngayon ay namihasa sa diyus-diyosan, ay kumakain na parang isang bagay na inihain sa diyus-diyosan, at ang kanilang budhi, palibhasa'y mahina, ay nadudungisan.
8 Subalit ang pagkain ay hindi maglalapit sa atin sa Diyos. Hindi tayo nagkukulang kung tayo'y hindi kumain, at hindi tayo higit na mabuti kung tayo'y kumain.
9 Subalit mag-ingat kayo, baka ang kalayaan ninyong ito ay maging katitisuran sa mahihina.
10 Sapagkat kapag nakita ka ng iba na nakikisalo sa pagkain sa templo ng diyus-diyosan, ikaw na nagtataglay ng kaalaman, hindi kaya sila maganyak na kumain ng mga bagay na inihain sa mga diyus-diyosan, yamang mahina ang kanilang budhi?
11 Kaya't sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napahamak ang mahina, ang kapatid na dahil sa kanya'y namatay si Cristo.
12 Kaya't sa pagkakasala laban sa mga kapatid, at sa pagsugat sa kanilang mahinang budhi, ay nagkakasala kayo laban kay Cristo.
13 Kaya, kung ang pagkain ay nakapagpapatisod sa aking kapatid, kailanman ay hindi ako kakain ng karne, upang ako'y huwag makapagpatisod sa aking kapatid.
Ang Pahayag Laban sa mga Bundok ng Israel
6 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:
2 “O anak ng tao, humarap ka sa mga bundok ng Israel, at ikaw ay magpahayag ng propesiya laban sa mga iyon,
3 at magsabi, Kayong mga bundok ng Israel, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoong Diyos. Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa mga bundok, sa mga burol, sa mga batis at sa mga libis: Narito, ako, ako mismo ay magdadala ng tabak sa inyo, at aking wawasakin ang inyong matataas na dako.
4 Ang inyong mga dambana ay masisira, at ang inyong mga dambana ng insenso ay mawawasak. Aking ibabagsak ang inyong mga patay sa harapan ng inyong mga diyus-diyosan.
5 Aking ilalapag ang mga bangkay ng mga anak ni Israel sa harapan ng kanilang mga diyus-diyosan, at aking ikakalat ang inyong mga buto sa palibot ng inyong mga dambana.
6 Saanman kayo manirahan ay magiging sira ang inyong mga lunsod at ang inyong matataas na dako ay masisira, anupa't ang inyong mga dambana ay mawawasak at magigiba. Ang inyong mga diyus-diyosan ay mababasag at madudurog, ang inyong mga dambana ng insenso ay babagsak, at ang inyong mga gawa ay mawawala.
7 Ang mga napatay ay mabubuwal sa gitna ninyo, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
8 “Gayunman, iiwan kong buháy ang ilan sa inyo. Ang ilan sa inyo ay makakatakas sa tabak sa gitna ng mga bansa at mangangalat sa mga lupain.
9 Silang nakatakas sa inyo ay maaalala ako sa gitna ng mga bansa na pinagdalhan sa kanila bilang bihag, gayon ako nasaktan ng kanilang mapangalunyang puso na lumayo sa akin, at ng kanilang mga mata, na may kasamaang bumaling sa kanilang mga diyus-diyosan. Sila'y magiging kasuklamsuklam sa kanilang sariling paningin dahil sa mga kasamaan na kanilang nagawa sa lahat nilang kasuklamsuklam.
10 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon; hindi ako nagsalita ng walang kabuluhan upang aking dalhin ang kapahamakang ito sa kanila.”
Ang mga Kasalanan ng Israel
11 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Ipalakpak mo ang iyong mga kamay, ipadyak mo ang iyong mga paa, at iyong sabihin, Kahabag-habag sila! Dahil sa lahat ng masamang kasuklamsuklam ng sambahayan ni Israel! Sapagkat sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot.
12 Ang malayo ay mamamatay sa salot, at ang malapit ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak. Ang nalabi at nakubkob ay mamamatay sa pamamagitan ng taggutom. Ganito ko ibubuhos ang aking poot sa kanila.
13 Inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag ang kanilang mga patay na tao ay nakahandusay na kasama ng kanilang mga diyus-diyosan sa palibot ng kanilang mga dambana, sa ibabaw ng bawat mataas na burol, sa lahat ng tuktok ng mga bundok, sa ilalim ng bawat sariwang punungkahoy, at sa ilalim ng bawat mayabong na ensina na kanilang pinaghandugan ng mabangong samyo sa lahat nilang mga diyus-diyosan.
14 Sa lahat ng kanilang tirahan, aking iuunat ang kamay ko laban sa kanila, at gagawin kong sira at giba ang kanilang lupain, mula sa ilang hanggang sa Ribla. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
Panalangin para sa Pag-iingat
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
44 Narinig ng aming mga tainga, O Diyos,
isinaysay sa amin ng aming mga ninuno,
kung anong mga gawa ang iyong ginawa nang panahon nila,
nang mga unang araw:
2 sa pamamagitan ng iyong kamay itinaboy mo ang mga bansa,
ngunit itinanim mo sila;
iyong pinarusahan ang mga bayan,
at iyong ikinalat sila.
3 Sapagkat hindi nila pinagwagian ang lupain sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak,
ni ang sarili nilang kamay ay nagbigay sa kanila ng tagumpay;
kundi ng iyong kanang kamay, at ng iyong bisig,
at ng liwanag ng iyong mukha,
sapagkat ikaw ay nalulugod sa kanila.
4 Ikaw ang aking Hari at aking Diyos,
na nag-utos ng kaligtasan para kay Jacob.
5 Sa pamamagitan mo'y itutulak namin ang aming mga kaaway:
sa pamamagitan ng iyong pangalan ay tatapakan namin ang mga sumasalakay sa amin.
6 Sapagkat hindi ako magtitiwala sa aking pana,
ni ililigtas man ako ng aking tabak.
7 Ngunit iniligtas mo kami sa aming mga kaaway,
at ang mga napopoot sa amin ay inilagay mo sa kahihiyan.
8 Sa pamamagitan ng Diyos ay patuloy kaming nagmamalaki,
at sa iyong pangalan magpakailanman ay magpapasalamat kami. (Selah)
9 Gayunma'y itinakuwil at kasiraang-puri sa amin ay ibinigay mo,
at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
10 Pinatalikod mo kami sa kaaway;
at silang mga galit sa amin ay kumuha ng samsam para sa kanilang sarili.
11 Ibinigay mo kami upang kainin na parang tupa,
at ikinalat mo kami sa mga bansa.
12 Ipinagbili mo ang iyong bayan sa napakaliit na halaga,
at hindi humingi ng malaking halaga para sa kanila.
13 Ginawa mo kaming katatawanan ng aming mga kapwa,
ang tudyuhan at paglibak ng mga nasa palibot namin.
14 Sa gitna ng mga bansa'y ginawa mo kaming kawikaan,
isang bagay na pinagtatawanan ng mga bayan.
15 Buong araw ay nasa harapan ko ang aking kasiraang-puri,
at ang kahihiyan ay tumakip sa aking mukha,
16 dahil sa tinig niya na nang-uuyam at nanlalait,
dahil sa paningin ng kaaway at naghihiganti.
17 Lahat ng ito'y dumating sa amin;
bagaman hindi ka namin kinalimutan,
at hindi kami gumagawa ng kamalian sa iyong tipan.
18 Ang aming puso ay hindi tumalikod,
ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;
19 upang kami ay iyong durugin sa lugar ng mga asong-gubat,
at tinakpan mo kami ng anino ng kamatayan.
20 Kung aming kinalimutan ang pangalan ng aming Diyos,
o iniunat ang aming mga kamay sa ibang diyos;
21 hindi ba ito'y matutuklasan ng Diyos?
Sapagkat nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
22 Dahil(A) sa iyo ay pinapatay kami buong araw;
at itinuturing na parang mga tupa para sa katayan.
23 Ikaw ay bumangon! Bakit ka natutulog, O Panginoon?
Gumising ka! Huwag mo kaming itakuwil magpakailanman.
24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha?
Bakit mo kinalilimutan ang aming kalungkutan at kapighatian?
25 Sapagkat ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok;
ang aming katawan ay dumidikit sa lupa.
26 Ikaw ay bumangon, tulungan mo kami!
Iligtas mo kami alang-alang sa iyong tapat na pag-ibig!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001