Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 8-9

Ang mga Tagumpay ni David sa Digmaan(A)

Pagkatapos nito, nilupig ni David ang mga Filisteo at pinasuko sila, at kinuha ni David ang Meteg-ama mula sa kamay ng mga Filisteo.

Nilupig din niya ang Moab at kanyang pinahiga sila sa lupa at sinukat sila sa pamamagitan ng isang tali. Bawat dalawang sukat ng tali ay ipinapatay, at isang sukat para sa ililigtas. At ang mga Moabita ay naging mga alipin ni David at nagdala ng mga buwis.

Nilupig din ni David si Hadadezer na anak ni Rehob, na hari ng Soba, habang siya'y humahayo upang ibalik ang kanyang kapangyarihan sa Ilog Eufrates.

Kinuha ni David mula sa kanya ang isanlibo at pitong daang mangangabayo, at dalawampung libong kawal na lakad. At pinilayan ni David ang lahat ng kabayo na pangkarwahe, ngunit nag-iwan siya ng sapat para sa isandaang karwahe.

Nang dumating ang mga taga-Siria mula sa Damasco upang tumulong kay Hadadezer na hari sa Soba, pinatay ni David sa mga taga-Siria ang dalawampu't dalawang libong tao.

Pagkatapos ay naglagay si David ng mga kuta sa Aram ng Damasco; at ang mga taga-Siria ay naging mga alipin ni David at nagsipagdala ng buwis. At binigyan ng Panginoon si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta.

Kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na dinala ng mga lingkod ni Hadadezer, at dinala ang mga iyon sa Jerusalem.

Mula sa Beta at Berotai na mga bayan ni Hadadezer ay kumuha si Haring David ng napakaraming tanso.

Nang mabalitaan ni Toi na hari ng Hamat na nilupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer,

10 sinugo ni Toi si Joram na kanyang anak kay Haring David upang bumati sa kanya at purihin siya sapagkat siya'y lumaban kay Hadadezer at kanyang nilupig siya. Si Hadadezer ay madalas na lumalaban noon kay Toi. Nagdala si Joram ng mga kagamitang pilak, kagamitang ginto, at mga kagamitang tanso;

11 ang mga ito naman ay itinalaga ni David sa Panginoon na kasama ng pilak at ng ginto na kanyang itinalaga mula sa lahat ng mga bansa na kanyang pinasuko;

12 mula sa Edom, Moab, sa mga Ammonita, sa mga Filisteo, sa Amalek, at sa nasamsam kay Hadadezer na anak ni Rehob na hari sa Soba.

13 At(B) napabantog si David. Nang siya'y bumalik, nakapatay siya ng labingwalong libong mga Edomita sa Libis ng Asin.

14 Naglagay siya ng mga kuta sa Edom; sa buong Edom ay naglagay siya ng mga kuta, at ang lahat ng Edomita ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng Panginoon si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta.

15 Kaya't naghari si David sa buong Israel; at naggawad si David ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa kanyang buong bayan.

16 At si Joab na anak ni Zeruia ay pinuno ng hukbo; at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala;

17 si Zadok na anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ay mga pari; at si Seraya ay kalihim;

18 si Benaya na anak ni Jehoiada ay pinuno ng mga Kereteo at Peleteo; at ang mga anak ni David ay mga pari.

Sina David at Mefiboset

Nagtanong(C) si David, “May nalalabi pa ba sa sambahayan ni Saul upang aking mapagpakitaan ng kabutihan alang-alang kay Jonathan?”

Noon ay may isang lingkod sa sambahayan ni Saul na ang pangalan ay Ziba. Kanilang tinawag siya upang humarap kay David, at sinabi ng hari sa kanya, “Ikaw ba si Ziba?” At kanyang sinabi, “Ako nga ang iyong lingkod.”

Sinabi(D) ng hari, “Mayroon pa bang nalalabi sa sambahayan ni Saul upang siya'y mapagpakitaan ko ng kabutihan ng Diyos?” At sinabi ni Ziba sa hari, “Mayroon pang isang anak si Jonathan; pilay ang kanyang mga paa.”

At sinabi ng hari sa kanya, “Saan siya naroroon?” Sinabi ni Ziba sa hari, “Siya'y nasa bahay ni Makir na anak ni Amiel, sa Lodebar.”

Kaya't nagsugo si Haring David at ipinakuha siya sa bahay ni Makir na anak ni Amiel mula sa Lodebar.

Si Mefiboset, na anak ni Jonathan, na anak ni Saul, ay pumaroon kay David, nagpatirapa sa kanyang harap, at nagbigay galang. At sinabi ni David, “Mefiboset.” Siya'y sumagot, “Ako ang iyong lingkod!”

Sinabi ni David sa kanya, “Huwag kang matakot, sapagkat pagpapakitaan kita ng kabutihan alang-alang kay Jonathan na iyong ama. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ni Saul na iyong ama at ikaw ay palaging kakain sa aking hapag.”

At siya'y nagbigay galang at nagsabi, “Ano ang iyong lingkod upang iyong tingnan ang isang asong patay na gaya ko?”

Nang magkagayo'y tinawag ng hari si Ziba na lingkod ni Saul, at sinabi sa kanya, “Lahat ng nauukol kay Saul at sa kanyang buong sambahayan ay aking ibinigay sa anak ng iyong panginoon.

10 Ikaw, ang iyong mga anak at mga alipin ay magbubungkal ng lupa para sa kanya, at iyong dadalhin dito ang mga bunga, upang ang anak ng iyong panginoon ay magkaroon ng tinapay na makakain. Ngunit si Mefiboset na anak ng iyong panginoon ay palaging kakain sa aking hapag.” Si Ziba ay may labinlimang anak na lalaki at dalawampung alipin.

11 Pagkatapos ay sinabi ni Ziba sa hari, “Ayon sa lahat ng iniutos ng aking panginoong hari sa kanyang lingkod ay gayon ang gagawin ng iyong lingkod.” Kaya't si Mefiboset ay kumain sa hapag ni David na gaya ng isa sa mga anak ng hari.

12 Si Mefiboset ay may isang anak na binata na ang pangalan ay Mica. At lahat ng naninirahan sa bahay ni Ziba ay naging mga lingkod ni Mefiboset.

13 Kaya't nanirahan si Mefiboset sa Jerusalem, sapagkat siya'y laging kumakain sa hapag ng hari. At pilay ang kanyang dalawang paa.

2 Corinto 2

Sapagkat ipinasiya ko sa aking sarili, na hindi na ako muling paririyan sa inyo na may malungkot na pagdalaw.

Sapagkat kung kayo'y palungkutin ko, sino ang magpapagalak sa akin, kundi iyong pinalungkot ko?

At aking isinulat ang bagay na ito, upang pagdating ko ay huwag akong magkaroon ng kalungkutan mula doon sa mga nararapat magpagalak sa akin, sapagkat nakakatiyak ako sa inyong lahat na ang aking kagalakan ay magiging kagalakan ninyong lahat.

Sapagkat mula sa maraming kapighatian at hapis ng puso ay sinulatan ko kayo na may maraming luha; hindi upang kayo'y maging malungkot kundi upang inyong malaman ang masaganang pag-ibig na taglay ko para sa inyo.

Pagpapatawad sa Nagkasala

Subalit kung ang sinuman ay nakapagdulot ng kalungkutan, hindi ako ang pinalungkot niya, kundi sa isang paraan ay kayong lahat, upang huwag akong maging lubhang maghigpit sa inyong lahat.

Para sa gayong tao, ang kaparusahang ito ng nakararami ay sapat na.

Bagkus, inyong patawarin siya at aliwin, baka siya ay madaig ng labis na kalungkutan.

Kaya't ako'y nakikiusap sa inyo na papagtibayin ninyo ang inyong pag-ibig sa kanya.

Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako sumulat, upang aking masubok kayo at malaman kung kayo'y masunurin sa lahat ng mga bagay.

10 Ang inyong pinatatawad ay ipinatatawad ko rin. Ang aking pinatawad, kung ako'y nagpapatawad ay alang-alang sa inyo, sa harapan ni Cristo.

11 At ito ay aming ginagawa upang huwag kaming malamangan ni Satanas, sapagkat kami ay hindi mangmang tungkol sa kanyang mga balak.

Pangamba ni Pablo sa Troas

12 Nang(A) ako'y dumating sa Troas upang ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo, may pintong nabuksan para sa akin sa Panginoon,

13 subalit ang aking isipan ay hindi mapalagay, sapagkat hindi ko natagpuan doon si Tito na aking kapatid. Kaya't ako'y nagpaalam sa kanila at nagtungo sa Macedonia.

Tagumpay sa Pamamagitan ni Cristo

14 Subalit salamat sa Diyos, na siyang laging nagdadala sa atin sa pagtatagumpay kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag ang samyo ng pagkakilala sa kanya sa bawat dako.

15 Sapagkat kami ang mabangong samyo ni Cristo sa Diyos sa mga iniligtas at sa mga napapahamak;

16 sa isa ay samyo mula sa kamatayan tungo sa kamatayan, at sa iba ay samyong mula sa buhay tungo sa buhay. At sino ang sapat para sa mga bagay na ito?

17 Sapagkat kami ay hindi gaya ng marami na kinakalakal ang salita ng Diyos, kundi bilang mga taong tapat, bilang inatasan ng Diyos sa harapan ng Diyos ay nagsasalita kami para kay Cristo.

Ezekiel 16

Ang Kawalang Katapatan

16 Ang salita ng Panginoon ay muling dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, ipaalam mo sa Jerusalem ang kanyang mga kasuklamsuklam.

At sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa Jerusalem: Ang iyong pinagmulan at ang iyong kapanganakan ay ang lupain ng Cananeo; ang iyong ama ay Amoreo at ang iyong ina ay Hetea.

Tungkol sa iyong kapanganakan, nang araw na ikaw ay ipanganak ay hindi pinutol ang iyong pusod, o pinaliguan ka man sa tubig upang linisin ka. Ikaw ay hindi pinahiran ng asin o nabalot man.

Walang matang nahabag sa iyo upang gawin ang alinman sa mga bagay na ito bilang pagkahabag sa iyo, kundi ikaw ay inihagis sa kaparangan sapagkat ang iyong pagkatao ay itinakuwil nang araw na ikaw ay ipanganak.

“Nang ako'y dumaan sa tabi mo, nakita kita na tigmak ng sariling dugo. Sa iyong pagkakahiga sa iyong dugo ay sinabi ko sa iyo, ‘Mabuhay ka!

At lumaki ka na parang halaman sa parang.’ Ikaw ay lumaki at tumangkad at naging ganap na babae. Ang iyong dibdib ay nahubog at ang iyong buhok ay lumago; gayunman, ikaw ay hubo at hubad.

“Nang ako'y muling dumaan sa tabi mo, at tumingin sa iyo, ikaw ay nasa panahon na upang umibig. Iniladlad ko ang aking balabal sa iyo, at tinakpan ko ang iyong kahubaran. Oo, ako'y sumumpa at nakipagtipan sa iyo, sabi ng Panginoong Diyos, at ikaw ay naging akin.

Nang magkagayo'y pinaliguan kita ng tubig at aking nilinis ang dugo na nasa iyo, at pinahiran kita ng langis.

10 Binihisan din kita ng telang may burda, at sinuotan ng sandalyas na pinong balat, at binigkisan kita ng pinong lino, at binalot kita ng magandang damit.

11 Ginayakan kita ng mga hiyas, at nilagyan ko ng mga pulseras ang iyong mga kamay, at ng isang kuwintas ang iyong leeg.

12 At nilagyan ko ng singsing ang iyong ilong, ng mga hikaw ang iyong mga tainga, at ng isang magandang korona ang iyong ulo.

13 Ikaw ay ginayakan ng ginto at pilak, samantalang ang iyong damit ay yari sa pinong lino, at magandang tela na may burda. Ikaw ay kumain ng mainam na harina, ng pulot, at ng langis. Ikaw ay lumaking napakaganda, at bagay na maging reyna.

14 Ang iyong kabantugan ay kumalat sa gitna ng mga bansa dahil sa iyong kagandahan; sapagkat naging sakdal ka sa pamamagitan ng kamahalan na aking inilagay sa iyo, sabi ng Panginoong Diyos.

15 “Ngunit ikaw ay nagtiwala sa iyong kagandahan, at naging bayarang babae[a] dahil sa iyong kabantugan, at ikinalat mo ang iyong pagpapaupa sa bawat nagdaraan.

16 Kinuha mo ang ilan sa iyong mga suot, at gumawa ka para sa iyong sarili ng matataas na dako na may sari-saring kulay, at nagpakasama ka sa kanila. Ang gayong mga bagay ay hindi pa nangyari o mangyayari pa man.

17 Kinuha mo rin ang iyong magagandang hiyas na ginto at pilak na aking ibinigay sa iyo, at gumawa ka para sa iyo ng mga larawan ng mga tao, at naging upahang babae ka sa kanila.

18 Kinuha mo ang iyong mga bihisang may burda upang takpan sila at inilagay mo ang aking langis at ang aking insenso sa harapan nila.

19 Ang aking tinapay na ibinigay ko sa iyo—pinakain kita ng piling harina, langis, at pulot—inilagay mo sa harapan nila bilang kaaya-ayang amoy, sabi ng Panginoong Diyos.

20 Bukod dito'y kinuha mo ang iyong mga anak na lalaki at babae na iyong ipinanganak sa akin, at ang mga ito ay iyong inihandog sa kanila upang lamunin. Ang iyo bang mga pagpapaupa ay isang maliit na bagay,

21 na iyong pinatay ang aking mga anak, at iyong ibinigay sila bilang handog na pinararaan sa apoy?

22 Sa lahat ng iyong mga kasuklamsuklam at mga pagiging bayarang babae ay hindi mo inalala ang mga araw ng iyong kabataan, nang ikaw ay hubo, hubad, at tigmak sa iyong dugo.

Ang Pamumuhay ng Jerusalem Bilang Bayarang Babae

23 “Pagkatapos ng iyong buong kasamaan (kahabag-habag, kahabag-habag ka! sabi ng Panginoong Diyos),

24 ikaw ay nagtayo para sa iyo ng entablado, at gumawa ka para sa iyo ng mataas na dako sa bawat liwasan.

25 Itinayo mo ang iyong mataas na dako sa bawat bukana ng daan, at ginawa mong kasuklamsuklam ang iyong kagandahan, at ibinuka mo ang iyong mga binti sa bawat nagdaraan, at pinarami mo ang iyong pagiging bayarang babae.

26 Ikaw ay naging bayarang babae rin sa mga Ehipcio na iyong mahalay na kalapit-bayan, at pinarami mo ang iyong pagiging bayarang babae upang ibunsod mo ako sa galit.

27 Kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at binawasan ko ang iyong takdang bahagi, at ibinigay kita sa kasakiman ng iyong mga kaaway, na mga anak na babae ng mga Filisteo, na nahiya sa iyong kahalayan.

28 Bukod dito, ikaw ay naging bayarang babae rin sa mga taga-Asiria, sapagkat ikaw ay hindi nasisiyahan. Oo, ikaw ay naging bayarang babae rin sa kanila, at gayunma'y hindi ka nasiyahan.

29 Pinarami mo rin ang iyong pagiging bayarang babae sa lupaing kalakalan ng Caldea; gayunma'y hindi ka nasiyahan.

30 “Gaano ba ang pananabik ng iyong puso, sabi ng Panginoong Diyos, upang iyong gawin ang lahat ng bagay na ito, na gawa ng isang upahang babae;

31 na itinatayo mo ang iyong entablado sa bukana ng bawat daan, at ginawa mo ang iyong mataas na dako sa bawat lansangan. Gayunma'y hindi ka naging gaya ng isang bayarang babae sapagkat tinanggihan mo ang upa.

32 Isang asawang babae na mapakiapid na tumatanggap ng mga dayuhan sa halip na ang kanyang asawa!

33 Ang mga tao'y nagbibigay ng mga kaloob sa lahat ng bayarang babae; ngunit ikaw ay nagbibigay ng iyong mga kaloob sa lahat ng iyong mangingibig, at iyong sinusuhulan sila upang sila'y magsilapit sa iyo sa bawat dako para sa iyong mga pagiging bayarang babae.

34 Kaya't ikaw ay kakaiba sa ibang mga babae sa iyong pagpapaupa. Walang nag-udyok sa iyo upang magpaupa, at nagbigay ka ng upa, samantalang walang upa na ibinigay sa iyo, kaya't ikaw ay kakaiba.

Ang Hatol ng Diyos sa Jerusalem

35 “Kaya't, O masamang babae, pakinggan mo ang salita ng Panginoon:

36 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Sapagkat ang iyong karumihan ay nalantad, at ang iyong kahubaran ay lumitaw sa mga pagpapaupa mo sa iyong mga mangingibig, at dahil sa lahat mong mga diyus-diyosan, at dahil sa dugo ng iyong mga anak na iyong ibinigay sa kanila,

37 aking titipunin ang lahat na mangingibig mo na iyong kinalugdan, lahat ng iyong inibig at lahat ng iyong kinapootan. Titipunin ko sila laban sa iyo sa bawat lugar, at aking ililitaw ang iyong kahubaran sa kanila, upang kanilang makita ang iyong buong kahubaran.

38 Aking hahatulan ka na gaya ng hatol sa mga babaing nangangalunya at nagpadanak ng dugo; at aking dadalhin sa iyo ang dugo ng kapusukan at paninibugho.

39 Ibibigay kita sa kamay ng iyong mga mangingibig at kanilang ibabagsak ang iyong entablado, at gigibain ang iyong matataas na dako. Kanilang huhubaran ka ng iyong mga suot, kukunin ang iyong magagandang hiyas, at iiwan ka nilang hubo at hubad.

40 Sila ay magdadala ng isang hukbo laban sa iyo, at babatuhin ka nila at pagpipira-pirasuhin ka ng kanilang mga tabak.

41 Susunugin nila ng apoy ang iyong mga bahay, at maglalapat ng mga hatol sa iyo sa paningin ng maraming babae. Aking patitigilin ka sa pagiging bayarang babae, at ikaw ay hindi na rin magbabayad pa sa iyong mga mangingibig.

42 Sa gayo'y aking bibigyang kasiyahan ang aking matinding galit sa iyo, at ako'y hindi na maninibugho sa iyo; ako'y matatahimik at hindi na magagalit pa.

43 Sapagkat hindi mo naalala ang mga araw ng iyong kabataan, kundi ako'y pinapag-iinit mo sa lahat ng mga bagay na ito. Narito, kaya't akin namang ibabalik ang iyong mga gawa sa iyong ulo, sabi ng Panginoong Diyos: “Hindi ba gumawa ka ng kahalayan bukod sa lahat ng iyong mga kasuklamsuklam?

Kung Ano ang Puno ay Siyang Bunga

44 Narito, bawat gumagamit ng mga kawikaan ay gagamit ng kawikaang ito tungkol sa iyo, ‘Kung ano ang ina, gayon ang anak na babae.’

45 Ikaw ang anak na babae ng iyong ina, na namuhi sa kanyang asawa at sa kanyang mga anak. Ikaw ang kapatid ng iyong mga kapatid, na namuhi sa kanilang mga asawa at sa kanilang mga anak. Ang iyong ina ay isang Hetea, at ang iyong ama ay isang Amoreo.

46 Ang iyong nakatatandang kapatid na babae ay ang Samaria na naninirahang kasama ng kanyang mga anak na babae sa dakong hilaga mo; at ang iyong nakababatang kapatid na babae na naninirahan sa iyong timog ay ang Sodoma na kasama ang kanyang mga anak na babae.

47 Gayunma'y hindi ka nasiyahang lumakad sa kanilang mga lakad, o gumawa man ng ayon sa kanilang kasuklamsuklam. Sa loob lamang ng napakaigsing panahon ay higit kang naging masama kaysa kanila sa lahat ng iyong mga lakad.

48 Habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, ang Sodoma na iyong kapatid na babae at ang kanyang mga anak ay hindi gumawa ng gaya ng ginawa mo at ng iyong mga anak na babae.

49 Narito, ito ang kasamaan ng iyong kapatid na babae na Sodoma; siya at ang kanyang mga anak na babae ay may kapalaluan, labis na pagkain, at masaganang kaluwagan, ngunit hindi tinulungan ang dukha at nangangailangan.

50 Sila'y palalo at gumawa ng kasuklamsuklam na bagay sa harapan ko; kaya't aking inalis sila nang makita ko iyon.

51 Ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati ng iyong mga kasalanan. Nakagawa ka ng higit na mga kasuklamsuklam kaysa kanila, at pinalabas mong higit na matuwid ang iyong mga kapatid na babae sa pamamagitan ng lahat ng mga kasuklamsuklam na iyong ginawa.

52 Pasanin mo rin ang iyong kahihiyan, sapagkat nagbigay ka ng mabuting paghatol sa iyong mga kapatid na babae; dahil sa iyong mga kasalanan na iyong nagawa na higit na kasuklamsuklam kaysa kanila, sila'y higit na matuwid kaysa iyo. Kaya't mahiya ka rin, at pasanin mo ang iyong kahihiyan, sapagkat pinalabas mong matuwid ang iyong mga kapatid na babae.

Ibabalik sa Dati ang Sodoma at ang Samaria

53 “Gayunman, ibabalik ko ang kanilang pagkabihag, ang pagkabihag ng Sodoma at ng kanyang mga anak na babae, at ang pagkabihag ng Samaria at ng kanyang mga anak na babae, at ibabalik ko ang sarili mong pagkabihag sa gitna nila,

54 upang pasanin mo ang iyong sariling kahihiyan, at ikaw ay mapahiya dahil sa lahat ng iyong ginawa sa pagiging kaaliwan sa kanila.

55 Tungkol sa iyong mga kapatid na babae, ang Sodoma at ang kanyang mga anak na babae ay babalik sa kanilang dating kalagayan. Ang Samaria at ang kanyang mga anak na babae ay babalik sa kanilang dating kalagayan, at ikaw at ang iyong mga anak na babae ay babalik sa inyong dating kalagayan.

56 Hindi ba ang iyong kapatid na babae na Sodoma ay isang kasabihan sa iyong bibig sa araw ng iyong kapalaluan,

57 bago lumitaw ang iyong kasamaan? Ngayo'y naging gaya ka niya na naging tampulan ng pagkutya para sa mga anak na babae ng Siria, at sa lahat ng nasa palibot niya, na mga anak na babae ng mga Filisteo na siyang kumukutya sa iyo sa palibot.

58 Pasan mo ang parusa ng iyong kahalayan at ang iyong mga kasuklamsuklam, sabi ng Panginoon.

Ang Walang Hanggang Tipan

59 “Oo, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Akin namang gagawin sa iyo ang gaya ng iyong ginawa, na iyong hinamak ang sumpa sa pagsira ng tipan.

60 Gayunma'y alalahanin ko ang aking tipan sa iyo nang mga araw ng iyong kabataan, at aking itatatag sa iyo ang isang walang hanggang tipan.

61 Kung magkagayo'y alalahanin mo ang iyong mga lakad, at mapapahiya ka kapag dinala ko ang iyong mga kapatid na babae, ang iyong nakatatanda at nakababatang kapatid, at aking ibibigay sila sa iyo bilang mga anak na babae, ngunit hindi dahil sa pakikipagtipan sa iyo.

62 Aking itatatag ang aking tipan sa iyo, at iyong malalaman na ako ang Panginoon;

63 upang iyong maalala, at mapahiya ka, at kailan pa man ay hindi mo na ibuka ang iyong bibig dahil sa iyong kahihiyan, kapag aking pinatawad ka sa lahat ng iyong ginawa, sabi ng Panginoong Diyos.”

Mga Awit 58-59

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David.

58 Tunay bang kayo'y nagsasalita nang matuwid, kayong mga diyos?
    Matuwid ba kayong humahatol, O kayong mga anak ng tao?
Hindi, sa inyong mga puso ay nagsisigawa kayo ng kamalian;
    sa lupa ang karahasan ng inyong mga kamay ay inyong tinitimbang.

Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata,
    silang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay naliligaw mula sa pagkapanganak.
Sila'y may kamandag na gaya ng kamandag ng ahas,
    gaya ng binging ahas na nagtatakip ng kanyang pandinig,
kaya't hindi nito naririnig ang tinig ng mga engkantador,
    ni ang tusong manggagayuma.

O Diyos, basagin mo ang mga ngipin sa kanilang mga bibig;
    tanggalin mo ang mga pangil ng mga batang leon, O Panginoon!
Parang tubig na papalayong umaagos ay maglaho nawa sila,
    kapag iniumang na niya ang kanyang mga palaso, maging gaya nawa sila ng mga pirasong naputol.
Maging gaya nawa ng kuhol na natutunaw habang nagpapatuloy,
    gaya ng wala sa panahong panganganak na hindi nakakita ng araw kailanman.
Bago makaramdam ang inyong mga palayok sa init ng dawag,
    kanyang kukunin ang mga iyon ng ipu-ipo ang sariwa at gayundin ang nagniningas.

10 Magagalak ang matuwid kapag nakita niya ang paghihiganti;
    kanyang huhugasan ang kanyang mga paa ng dugo ng masama.
11 Sasabihin ng mga tao, “Tiyak na sa matuwid ay may gantimpala,
    tiyak na may Diyos na humahatol sa lupa.”

Panalangin(A) upang Ingatan

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David, nang magsugo si Saul, at kanilang bantayan ang bahay upang patayin siya.

59 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Diyos ko,
    mula sa mga nag-aalsa laban sa akin, sa itaas ay ilagay mo ako.
Iligtas mo ako sa mga gumagawa ng kasamaan,
    at iligtas mo ako sa mga taong sa dugo ay uhaw.
Narito, sapagkat pinagtatangkaan ang aking buhay;
    ang mga taong mababagsik laban sa akin ay nagsasama-sama.
Hindi dahil sa aking pagsuway o sa aking kasalanan man, O Panginoon,
    sila'y tumatakbo at naghahanda sa di ko kasalanan.
Ikaw ay bumangon, tulungan mo ako, at iyong masdan!
Ikaw, O Panginoong Diyos ng mga hukbo, na Diyos ng Israel.
Gumising ka upang iyong parusahan ang lahat ng mga bansa;
    huwag mong patatawarin ang sinumang may kataksilang nagpakana ng masama. (Selah)

Tuwing hapon ay bumabalik sila,
    tumatahol na parang aso,
    at nagpapagala-gala sa lunsod.
Narito, sila'y nanunungayaw sa pamamagitan ng kanilang bibig;
    mga tabak ay nasa kanilang mga labi—
    sapagkat sinasabi nila, “Sinong makikinig sa amin?”

Ngunit ikaw, O Panginoon, ay pinagtatawanan mo sila,
    iyong tinutuya ang lahat ng mga bansa.
Dahil sa kanyang kalakasan, babantayan kita,
    sapagkat ikaw, O Diyos ay muog ko.
10 Ang aking Diyos sa kanyang tapat na pag-ibig ay sasalubong sa akin;
    ipinahihintulot ng aking Diyos na ako'y tumingin na may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
11 Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan;
pangalatin mo sila sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila,
    O Panginoon na kalasag namin!
12 Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi,
    masilo nawa sila sa kanilang kapalaluan,
dahil sa sumpa at sinalita nilang kasinungalingan.
13     Pugnawin mo sila sa poot,
    pugnawin mo sila hanggang sa sila'y wala na,
upang malaman ng tao na ang Diyos ang namumuno sa Jacob,
    hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)

14 Bawat hapon ay bumabalik sila,
    na tumatahol na parang aso
    at pagala-gala sa lunsod.
15 Sila'y gumagala upang may makain,
    at tumatahol kapag hindi sila nabusog.

16 Ngunit aking aawitin ang iyong kalakasan;
    oo, aking aawiting malakas sa umaga ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ikaw ay naging aking muog,
    at kanlungan sa araw ng aking kapighatian.
17 O aking kalakasan, aawit ako ng mga papuri sa iyo,
    sapagkat ikaw, O Diyos, ay muog ko,
    ang Diyos na nagpapakita sa akin ng tapat na pagsuyo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001