M’Cheyne Bible Reading Plan
Pinatay si Saul at ang Kanyang Anak(A)
31 Ang mga Filisteo ay lumaban sa Israel at ang mga kalalakihan ng Israel ay tumakas sa harap ng mga Filisteo, at patay na nabuwal sa bundok ng Gilboa.
2 Inabutan ng mga Filisteo si Saul at ang kanyang mga anak at pinatay nila sina Jonathan, Abinadab, at Malkishua, na mga anak ni Saul.
3 At ang labanan ay naging mabigat para kay Saul, at inabutan siya ng mga mamamana; at siya'y malubhang sinugatan ng mga mamamana.
4 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang tagadala ng sandata, “Bunutin mo ang iyong tabak at saksakin mo ako niyon; baka dumating ang mga hindi tuling ito at ako'y saksakin, at ako'y kanilang paglaruan.” Ngunit tumanggi ang kanyang tagadala ng sandata sapagkat siya'y takot na takot. Kaya't kinuha ni Saul ang kanyang tabak, at ibinuwal ang sarili doon.
5 Nang makita ng kanyang tagadala ng sandata na si Saul ay patay na, ibinuwal rin niya ang kanyang sarili sa kanyang tabak at nagpakamatay na kasama niya.
6 Gayon namatay si Saul kasama ng kanyang tatlong anak, ang kanyang tagadala ng sandata, at ang lahat niyang mga tauhan nang araw na iyon na magkakasama.
Si Saul at ang Kanyang mga Anak ay Inilibing sa Jabes-gilead
7 Nang makita ng mga kalalakihan ng Israel na nasa kabilang dako ng libis at ng mga nasa kabila ng Jordan, na ang mga kalalakihan ng Israel ay tumakas, at si Saul at ang kanyang mga anak ay patay na, kanilang iniwan ang kanilang mga lunsod at tumakas; at dumating ang mga Filisteo at nanirahan sa mga iyon.
8 Kinabukasan, nang ang mga Filisteo ay dumating upang hubaran ang mga patay, natagpuan nila si Saul at ang kanyang tatlong anak na nabuwal sa bundok ng Gilboa.
9 Kanilang pinugot ang kanyang ulo at hinubad ang kanyang mga baluti, at nagpadala ng mga sugo sa buong lupain ng mga Filisteo upang dalhin ang mabuting balita sa kanilang mga diyus-diyosan at sa mga tao.
10 Kanilang inilagay ang kanyang baluti sa templo ni Astarte; at kanilang ipinako ang bangkay niya sa pader ng Bet-shan.
11 Ngunit nang mabalitaan ng mga naninirahan sa Jabes-gilead ang tungkol sa ginawa ng mga Filisteo kay Saul,
12 lahat ng matatapang na lalaki ay tumayo at nagsilakad sa buong gabi at kinuha ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak sa pader ng Bet-shan; at sila'y pumunta sa Jabes at kanilang sinunog doon.
13 Kanilang kinuha ang kanilang mga buto at ibinaon sa ilalim ng isang puno ng tamarisko sa Jabes, at nag-ayuno sila ng pitong araw.
11 Maging(A) tulad kayo sa akin, gaya ko kay Cristo.
Tungkol sa Pagtatalukbong
2 Pinupuri ko kayo, sapagkat sa lahat ng mga bagay ay naaalala ninyo ako, at pinananatili ninyong matibay ang mga tradisyon na gaya ng ibinigay ko sa inyo.
3 Subalit ibig kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay si Cristo, at ang ulo ng babae ay ang lalaki, at ang ulo ni Cristo ay ang Diyos.
4 Ang bawat lalaking nananalangin, o nagpapahayag ng propesiya na may takip ang ulo ay winawalang-puri ang kanyang ulo.
5 Subalit ang bawat babaing nananalangin o nagpapahayag ng propesiya na walang talukbong ang kanyang ulo ay winawalang-puri ang kanyang ulo; sapagkat siya ay gaya at katumbas ng babaing ang ulo ay naahitan.
6 Sapagkat kung ang babae ay walang talukbong, dapat siyang magpagupit ng kanyang buhok, ngunit kung kahiyahiya sa babae ang magpagupit o magpaahit, ay dapat siyang magtalukbong.
7 Sapagkat(B) ang lalaki ay talagang hindi dapat magtalukbong ng kanyang ulo, palibhasa siya ay larawan at kaluwalhatian ng Diyos, ngunit ang babae ay siyang kaluwalhatian ng lalaki.
8 Sapagkat(C) ang lalaki ay hindi mula sa babae, kundi ang babae ay mula sa lalaki,
9 ni ang lalaki ay nilalang dahil sa babae kundi ang babae dahil sa lalaki.
10 Dahil dito, nararapat na ang babae ay magkaroon ng sagisag ng awtoridad sa kanyang ulo, dahil sa mga anghel.
11 Gayunman, sa Panginoon, kailangan ng babae ang lalaki at ang lalaki ay kailangan ng babae.
12 Sapagkat kung paanong ang babae ay mula sa lalaki, ang lalaki naman ay sa pamamagitan ng babae. Subalit ang lahat ng mga bagay ay sa Diyos.
13 Hatulan ninyo sa inyong sarili: angkop ba sa isang babae na manalangin sa Diyos nang walang talukbong?
14 Hindi ba't ang kalikasan mismo ang nagtuturo sa inyo na kapag ang isang lalaki ay may mahabang buhok, ito ay kahihiyan sa kanya?
15 Subalit kung ang babae ay may mahabang buhok, ito ay kanyang karangalan? Sapagkat ang kanyang buhok ay ibinigay sa kanya na pantakip.
16 Subalit kung ang sinuman ay nais maging palatutol, wala kaming gayong ugali, ni ang mga iglesya ng Diyos.
17 Ngayon, sa mga sumusunod na tagubilin ay hindi ko kayo pinupuri, sapagkat kapag kayo'y nagkakatipon, ito ay hindi para sa ikabubuti kundi para sa ikasasama.
18 Sapagkat una sa lahat, kapag nagkakatipon kayo sa iglesya, ay nababalitaan ko na mayroong mga pagkakahati-hati sa inyo, at pinaniniwalaan ko iyon nang bahagya.
19 Sapagkat kailangang magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi upang ang mga tunay sa inyo ay malantad.
20 Kapag kayo ay nagkakatipon, iyon ay hindi upang kainin ang hapunan ng Panginoon.
21 Sapagkat kapag dumating na ang panahon ng pagkain, ang bawat isa'y nauuna sa kanyang sariling hapunan at ang isa ay gutom, at ang iba'y lasing.
22 Ano? Wala ba kayong mga bahay na makakainan at maiinuman? O hinahamak ninyo ang iglesya ng Diyos, at hinihiya ang mga walang kahit ano? Ano ang sasabihin ko sa inyo? Kayo ba'y pupurihin ko? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo pinupuri.
Pagganap ng Hapunan ng Panginoon(D)
23 Sapagkat tinanggap ko sa Panginoon ang ibinigay ko naman sa inyo, na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay;
24 at nang siya'y makapagpasalamat, ito ay kanyang pinagputul-putol, at sinabi, “Ito'y aking katawan na pinagputul-putol para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.”
25 Sa(E) gayunding paraan ay kinuha niya ang kopa, pagkatapos maghapunan, na sinasabi, “Ang kopang ito'y siyang bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo ito tuwing kayo'y iinom nito, sa pag-aalaala sa akin.”
26 Sapagkat sa tuwing kainin ninyo ang tinapay na ito at inuman ang kopa, ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa dumating siya.
27 Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.
28 Siyasatin ninyo ang inyong sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa kopa.
29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom na hindi kinikilala ang katawan ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili.
30 Dahil dito, marami sa inyo ang mahihina at mga maysakit, at ang ilan ay namatay na.[a]
31 Subalit kung hinahatulan natin ang ating sarili, hindi tayo mahahatulan.
32 Subalit kapag tayo'y hinatulan ng Panginoon, tayo ay sinusupil upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanlibutan.
33 Dahil dito, mga kapatid ko, kapag kayo'y nagtitipon upang kumain, maghintayan kayo.
34 Kung nagugutom ang sinuman, kumain siya sa bahay, upang ang inyong pagtitipon ay huwag mauwi sa paghatol. Tungkol sa iba pang mga bagay ay magbibigay ako ng tagubilin pagdating ko.
Ang Pagpatay sa Masasama
9 Nang magkagayo'y sumigaw siya sa aking pandinig nang malakas na tinig, na nagsasabi, “Lumapit kayo, kayo na mga tagapagparusa sa lunsod, na bawat isa'y may kanyang pamatay na sandata sa kanyang kamay.”
2 Narito, anim na lalaki ang dumating mula sa dako ng pintuan sa itaas, na nakaharap sa hilaga. Bawat isa'y may kanyang sandatang pamatay sa kanyang kamay, at kasama nila ang isang lalaki na nakadamit ng telang lino, na may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang. At sila'y pumasok at tumayo sa tabi ng tansong dambana.
3 Ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay pumailanglang mula sa kerubin, na kinapapatungan hanggang sa pintuan ng bahay. At kanyang tinawag ang lalaking nakadamit ng telang lino, na may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang.
4 At(A) sinabi ng Panginoon sa kanya, “Pumasok ka sa lunsod, sa loob ng Jerusalem, at lagyan mo ng mga tanda ang mga noo ng mga taong nagbubuntong-hininga at dumadaing dahil sa lahat na kasuklamsuklam na nagawa roon.”
5 Sa iba ay sinabi niya sa aking pandinig, “Dumaan kayo sa lunsod na kasunod niya, at manakit kayo; huwag magpatawad ang inyong mata, at huwag kayong magpakita ng habag.
6 Patayin ninyo agad ang matatanda, ang mga binata, mga dalaga, mga bata at ang mga babae; ngunit huwag ninyong gagalawin ang sinumang may tanda. At magsimula kayo sa aking santuwaryo.” Nang magkagayo'y kanilang pinasimulan sa matatandang lalaki na nasa harap ng bahay.
7 Sinabi niya sa kanila, “Lapastanganin ninyo ang bahay, at punuin ninyo ng patay ang mga bulwagan. Magsilabas kayo.” At sila'y nagsilabas at pumatay sa lunsod.
8 Habang sila'y pumapatay, at ako'y naiwan, ako'y nasubasob at sumigaw, at aking sinabi, “O Panginoong Diyos! Iyo bang lilipulin ang lahat ng nalabi sa Israel, sa pagbubuhos mo ng iyong poot sa Jerusalem?”
9 Sinabi niya sa akin, “Ang kasalanan ng sambahayan ng Israel at ng Juda ay totoong malaki, at ang lupain ay punô ng dugo, at ang lunsod ay punô ng kasuwailan; sapagkat kanilang sinasabi, ‘Pinabayaan ng Panginoon ang lupa, at hindi nakikita ng Panginoon!’
10 Tungkol naman sa akin, ang aking mata ay hindi magpapatawad o mahahabag man, kundi aking gagantihin ang kanilang mga gawa sa ibabaw ng kanilang mga ulo.”
11 At ang lalaking nakadamit ng telang lino, at may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang ay nagpasabi, “Nagawa ko na ang ayon sa iniutos mo sa akin.”
Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora.
48 Dakila ang Panginoon, at marapat purihin,
sa lunsod ng aming Diyos, ang kanyang banal na bundok.
2 Maganda(A) sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa,
ang Bundok ng Zion, sa malayong hilaga, ang lunsod ng dakilang Hari.
3 Sa loob ng kanyang kuta ay ipinakita ng Diyos
ang sarili bilang isang tiyak na tanggulan.
4 Sapagkat narito, ang mga hari ay nagtipon,
sila'y dumating na magkakasama.
5 Nang kanilang nakita, sila'y nanggilalas,
sila'y natakot, sila'y nagsitakas.
6 Sila'y nanginig,
nahapis na gaya ng isang babaing manganganak.
7 Sa pamamagitan ng hanging silangan
ay winasak mo sa Tarsis ang kanilang mga sasakyan.
8 Gaya ng aming narinig, ay gayon ang aming nakita
sa lunsod ng Panginoon ng mga hukbo,
sa lunsod ng aming Diyos,
na itinatag ng Diyos magpakailanman. (Selah)
9 Aming inaalala ang iyong tapat na pag-ibig, O Diyos,
sa gitna ng iyong templo.
10 Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayon ang papuri sa iyo,
ay nakakarating hanggang sa mga dulo ng lupa.
Ang iyong kanang kamay ay puspos ng tagumpay.
11 Hayaang magalak ang Bundok ng Zion!
Hayaang magalak ang mga anak na babae ng Juda
dahil sa iyong mga paghatol!
12 Libutin ninyo ang Zion, at inyong paligiran siya;
inyong bilangin ang mga tore niya.
13 Isaalang-alang ninyong mabuti ang kanyang mga balwarte,
inyong pasukin ang kanyang mga muog,
upang inyong maibalita sa susunod na salinlahi
14 na ito ang Diyos,
ang ating Diyos magpakailanpaman:
Siya'y magiging ating patnubay magpakailanman.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001