Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 3

Nag-asawa si Solomon(A)

Si Solomon ay nagkaroon ng pakikipagkaibigan kay Faraon na hari sa Ehipto sa pamamagitan ng pag-aasawa niya sa anak na babae ni Faraon, at dinala niya ito sa lunsod ni David, hanggang sa kanyang natapos itayo ang kanyang sariling bahay, ang bahay ng Panginoon, at ang pader sa palibot ng Jerusalem.

Ang taong-bayan ay naghahandog sa matataas na dako, sapagkat wala pang bahay na naitayo sa pangalan ng Panginoon hanggang sa mga araw na iyon.

Minahal ni Solomon ang Panginoon, at lumakad sa mga tuntunin ni David na kanyang ama. Kaya lang, siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako.

At ang hari ay naparoon sa Gibeon upang mag-alay doon, sapagkat iyon ang pinakamataas na dako. Si Solomon ay naghandog sa dambanang iyon ng libong handog na sinusunog.

Sa Gibeon ay nagpakita ang Panginoon kay Solomon sa panaginip sa gabi, at sinabi ng Diyos, “Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.”

At sinabi ni Solomon, “Ikaw ay nagpakita ng dakila at tapat na pag-ibig sa iyong lingkod na si David na aking ama, sapagkat siya'y lumakad sa harap mo sa katapatan, at sa katarungan, at sa katapatan ng puso sa iyo; at iyong iningatan para sa kanya itong dakila at tapat na pag-ibig at iyong binigyan siya ng isang anak na luluklok sa kanyang trono, sa araw na ito.

Ngayon, O Panginoon kong Diyos, iyong ginawang hari ang iyong lingkod na kahalili ni David na aking ama; bagaman ako'y isang musmos lamang; hindi ko nalalaman ang paglabas at pagpasok.

At ang iyong lingkod ay nasa gitna ng iyong bayan na iyong pinili, isang malaking bayan na hindi mabibilang o matuturingan dahil sa karamihan.

Bigyan mo ang iyong lingkod ng isang mapag-unawang isipan upang pamahalaan ang iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama; sapagkat sino ang makakapamahala dito sa iyong malaking bayan?”

10 Ikinalugod ng Panginoon na ito ang hiningi ni Solomon.

11 At sinabi ng Diyos sa kanya, “Sapagkat iyong hiningi ang bagay na ito, at hindi mo hiningi para sa iyo ang mahabang buhay; o hiningi mo man para sa iyo ang mga kayamanan, o hiningi mo man ang buhay ng iyong mga kaaway; kundi ang hiningi mo para sa iyo'y karunungan upang kumilala ng matuwid,

12 narito, aking ginagawa ngayon ayon sa iyong salita. Narito, binibigyan kita ng isang pantas at matalinong pag-iisip, na anupa't walang naging gaya mo na una sa iyo, o may babangon mang sinumang tulad mo pagkamatay mo.

13 Ibinibigay ko rin sa iyo ang hindi mo hiningi, ang kayamanan at ang karangalan, anupa't walang magiging gaya mo sa mga hari, sa lahat ng iyong mga araw.

14 Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, upang ingatan ang aking mga tuntunin, at ang aking mga utos, gaya ng paglakad ng iyong amang si David, ay aking pahahabain ang iyong mga araw.”

15 At nagising si Solomon, iyon ay isang panaginip. Pagkatapos siya'y naparoon sa Jerusalem, at tumayo sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon. Siya ay nag-alay ng mga handog na sinusunog, mga handog pangkapayapaan, at gumawa ng kasayahan sa lahat ng kanyang mga lingkod.

Ang Matalinong Paghatol ni Solomon

16 Pagkatapos ay naparoon sa hari ang dalawang upahang babae[a] at tumayo sa harapan niya.

17 Sinabi ng isang babae, “O panginoon ko, ako at ang babaing ito ay nakatira sa iisang bahay; at ako'y nanganak ng isang batang lalaki nang kasama ko pa siya sa bahay.

18 Nang ikatlong araw pagkatapos na ako'y makapanganak, ang babaing ito'y nanganak din, at kami ay magkasama. Wala kaming ibang kasama sa bahay, liban sa aming dalawa.

19 Ang anak ng babaing ito ay namatay kinagabihan sapagkat kanyang nadaganan ito.

20 At siya'y bumangon nang hatinggabi, at kinuha niya ang anak kong lalaki sa tabi ko, samantalang ang iyong lingkod ay natutulog. Inihiga niya ito sa kanyang dibdib, at inilagay ang kanyang patay na anak sa aking dibdib.

21 Kinaumagahan, nang ako'y bumangon upang aking pasusuhin ang aking anak, nakita ko na siya'y patay na. Ngunit kinaumagahan, nang aking kilalaning mabuti, hindi iyon ang batang aking ipinanganak.”

22 Ngunit sinabi ng isang babae, “Hindi. Ngunit ang buháy ay aking anak at ang patay ay iyong anak.” At sinabi ng isa, “Hindi. Ngunit ang patay ay ang iyong anak, at ang buháy ay siyang aking anak.” Ganito sila nagsalita sa harap ng hari.

23 Nang magkagayo'y sinabi ng hari, “Ang isa'y nagsasabi, ‘Ang aking anak ay ang buháy, at ang iyong anak ay ang patay.’ At ang isa'y nagsasabi rin, ‘Hindi; kundi ang iyong anak ay ang patay, at ang aking anak ay ang buháy.’”

24 Kaya't sinabi ng hari, “Dalhan ninyo ako ng isang tabak.” At sila'y nagdala ng isang tabak sa harap ng hari.

25 At sinabi ng hari, “Hatiin sa dalawa ang buháy na bata, at ibigay ang kalahati sa isa at ang kalahati ay sa isa naman.”

26 Nang magkagayo'y nagsalita ang babae na ina ng buháy na bata sa hari, sapagkat ang kanyang puso ay nahahabag sa kanyang anak, at sinabi niya, “O panginoon ko, ibigay mo sa kanya ang buháy na bata, at sa anumang paraa'y huwag mong patayin.” Ngunit ang sabi ng isa, “Hindi iyan magiging akin ni sa iyo man; hatiin siya.”

27 Nang magkagayo'y sumagot ang hari at nagsabi, “Ibigay ang buháy na bata sa unang babae, at sa anumang paraa'y huwag patayin. Siya ang kanyang ina.”

28 Nabalitaan ng buong Israel ang hatol na iginawad ng hari; sila'y natakot sa hari sapagkat kanilang nakita na ang karunungan upang maggawad ng katarungan ng Diyos ay nasa kanya.

Efeso 1

Pagbati

Si(A) Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, sa mga banal [na nasa Efeso], at sa mga mananampalataya kay Cristo Jesus:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Mga Pagpapalang Espirituwal kay Cristo

Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpapala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espirituwal sa sangkalangitan,

ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan, upang tayo'y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig.

Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban,

para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya, na ipinagkaloob niya ng walang bayad sa atin sa pamamagitan ng Minamahal.

Sa(B) kanya'y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya,

na pinasagana niya sa atin sa lahat ng karunungan at pagkaunawa,

na ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo,

10 bilang katiwala ng kaganapan ng panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa;

11 sa kanya ay tumanggap din tayo ng isang mana, na itinalaga nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa kanyang pasiya at kalooban;

12 upang tayo na unang umasa kay Cristo ay mabuhay upang purihin ang kanyang kaluwalhatian.

13 Sa kanya'y kayo rin naman, na nakarinig ng salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan, at kayo na sumampalataya sa kanya, ay tinatakan ng ipinangakong Espiritu Santo.

14 Siya ang katibayan ng ating mana, hanggang sa ikatutubos ng pag-aari, sa ikapupuri ng kanyang kaluwalhatian.

Panalangin ni Pablo

15 Dahil dito, sapagkat narinig ko rin naman ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus, at ang inyong pag-ibig sa lahat ng mga banal,

16 hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat para sa inyo, na binabanggit kayo sa aking mga panalangin,

17 upang ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magkaloob sa inyo ng espiritu ng karunungan at ng pahayag sa isang ganap na pagkakilala sa kanya,

18 yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa sa kanyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kanyang pamana sa mga banal,

19 at kung ano ang di-masukat na kadakilaan ng kanyang kapangyarihan sa atin na sumasampalataya, ayon sa paggawa ng kapangyarihan ng kanyang lakas.

20 Kanyang(C) isinagawa ito kay Cristo, nang kanyang muling buhayin siya mula sa mga patay, at pinaupo sa kanyang kanan sa sangkalangitan,

21 higit na mataas kaysa lahat ng pamunuan, kapamahalaan, kapangyarihan, at paghahari, at sa bawat pangalan na pinangalanan, hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa darating na panahon.

22 At(D) kanyang inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa, at ginawa siyang ulo ng lahat ng mga bagay sa iglesya,

23 na(E) siyang katawan niya, ang kapuspusan niya na pumupuspos ng lahat sa lahat.

Ezekiel 34

Pahayag Laban sa mga Pinuno ng Israel

34 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, magsalita ka ng propesiya laban sa mga pastol ng Israel, magsalita ka ng propesiya, at iyong sabihin sa mga pastol, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang mga pastol ng Israel na pinakakain ang kanilang sarili! Hindi ba dapat pakainin ng mga pastol ang mga tupa?

Kayo'y kumakain ng taba, at kayo'y nagsusuot ng lana, inyong pinapatay ang mga pinataba, ngunit hindi ninyo pinakakain ang mga tupa.

Hindi ninyo pinalakas ang payat, hindi ninyo pinagaling ang maysakit, o inyo mang tinalian ang may pilay, o inyo mang ibinalik ang naligaw, o inyo mang hinanap ang nawala, kundi inyong pinamumunuan sila na may karahasan at kalupitan.

Kaya't(A) sila'y nangalat dahil sa walang pastol, at sila'y naging pagkain sa lahat ng mababangis na hayop sa parang, at nangalat.

Ang aking mga tupa ay nangalat, sila'y nagsilaboy sa lahat ng bundok, at sa bawat mataas na burol. Ang aking mga tupa ay nangalat sa buong ibabaw ng lupa, at walang naghanap o nagmalasakit sa kanila.

“Kaya't kayong mga pastol, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon:

Kung paanong ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos, sapagkat ang aking mga tupa ay naging biktima, at ang aking mga tupa ay naging pagkain ng lahat ng mababangis na hayop, dahil sa walang pastol, at sapagkat hindi hinanap ng aking mga pastol ang aking mga tupa, kundi ang mga pastol ay nagsikain, at hindi pinakain ang aking mga tupa;

kaya't kayong mga pastol, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon:

10 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Narito, ako'y laban sa mga pastol. Aking aalisin ang aking mga tupa sa kanilang kamay, at akin silang patitigilin sa pagpapakain sa mga tupa. Hindi na pakakainin ng mga pastol ang kanilang sarili. Aking ililigtas ang aking mga tupa sa kanilang mga bibig upang huwag silang maging pagkain nila.

Ang Mabuting Pastol

11 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa, at aking pagmamalasakitan sila.

12 Kung paanong hinahanap ng pastol ang kanyang kawan kapag ang ilan sa kanyang mga tupa ay nangangalat, gayon ko hahanapin ang aking mga tupa; at ililigtas ko sila sa lahat ng dako na kanilang pinangalatan sa araw na maulap at makapal na kadiliman.

13 Aking ilalabas sila sa mga bayan, titipunin ko sila mula sa mga lupain, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain. Pakakainin ko sila sa mga bundok ng Israel, sa tabi ng mga bukal ng tubig, at sa lahat na tinatahanang dako sa lupain.

14 Aking pakakainin sila sa mabuting pastulan, at ang matataas na bundok ng kataasan ng Israel ang kanilang magiging pastulan. Doo'y mahihiga sila sa mabuting lupaing pastulan, at sa matabang pastulan ay manginginain sila sa mga bundok ng Israel.

15 Ako mismo ang magiging pastol ng aking mga tupa at sila'y dadalhin ko sa kapahingahan, sabi ng Panginoong Diyos.

16 Aking hahanapin ang nawala at ibabalik ang naligaw, tatalian ang nabalian, at palalakasin ang mahihina, ngunit aking lilipulin ang mataba at malakas. Aking pakakainin sila ng kahatulan.

17 “At tungkol sa inyo, aking kawan, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ako'y hahatol sa pagitan ng tupa at tupa, sa pagitan ng mga lalaking tupa at mga lalaking kambing.

18 Hindi pa ba sapat sa inyo na kumain sa mabuting pastulan, kundi dapat pa ninyong tapakan ng inyong mga paa ang nalabi sa inyong pastulan? Kapag umiinom kayo ng malinaw na tubig, dapat pa ba ninyong parumihin ng inyong mga paa ang nalabi?

19 At dapat bang kainin ng aking mga tupa ang niyapakan ng inyong mga paa, at kanilang inumin ang dinumihan ng inyong mga paa?

20 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa kanila: Narito, ako, samakatuwid baga'y ako ang hahatol sa matabang tupa at sa payat na tupa.

21 Sapagkat inyong itinutulak ng tagiliran at ng balikat, at inyong sinusuwag ng inyong mga sungay ang lahat ng may sakit, hanggang sa inyong maikalat sila.

22 Aking ililigtas ang aking kawan, at hindi na sila magiging biktima; at ako ang hahatol sa pagitan ng mga tupa.

23 Ako'y(B) maglalagay ng isang pastol sa kanila, ang aking lingkod na si David, at kanyang pakakainin sila. Kanyang pakakainin sila at siya'y magiging kanilang pastol.

24 At akong(C) Panginoon ay magiging kanilang Diyos, at ang aking lingkod na si David ay magiging pinuno nila; akong Panginoon ang nagsalita.

25 “Ako'y makikipagtipan sa kanila ng tipan ng kapayapaan, at aking aalisin ang mababangis na hayop sa lupain; at sila'y maninirahang tiwasay sa ilang, at matutulog sa mga kakahuyan.

26 Aking gagawing mapapalad sila at ang mga dakong nasa palibot ng aking burol. Aking pababagsakin ang ulan sa kapanahunan; sila'y magiging ulan ng pagpapala.

27 Ang punungkahoy sa parang ay magbubunga, ang lupa'y magbibigay ng kanyang pakinabang, at sila'y magiging tiwasay sa kanilang lupain. Kanilang malalaman na ako ang Panginoon, kapag aking pinutol ang bakal ng kanilang pamatok, at aking nailigtas sila sa kamay ng mga umalipin sa kanila.

28 Sila'y hindi na magiging biktima ng mga bansa, o lalamunin man sila ng hayop sa lupa; kundi sila'y maninirahang tiwasay at walang mananakot sa kanila.

29 Aking pagkakalooban sila ng masasaganang pananim at sila'y hindi na malilipol pa ng taggutom sa lupain, o magdaranas pa man ng pagkutya ng mga bansa.

30 At kanilang malalaman na akong Panginoon nilang Diyos ay kasama nila, at sila na sambahayan ni Israel ay aking bayan, sabi ng Panginoong Diyos.

31 Kayo'y mga tupa ko, mga tupa ng aking bayan, at ako'y inyong Diyos, sabi ng Panginoong Diyos.”

Mga Awit 83-84

Isang Awit. Awit ni Asaf.

83 O Diyos, huwag kang tumahimik;
    huwag kang manahimik o maging walang kibo, O Diyos!
Sapagkat ang mga kaaway mo'y nagkakagulo,
    silang napopoot sa iyo ay nagtaas ng kanilang mga ulo.
Sila'y naghanda ng mga tusong panukala laban sa iyong bayan,
    sila'y nagsanggunian laban sa iyong mga iniingatan.
Kanilang sinasabi, “Pumarito kayo, bilang isang bansa'y pawiin natin sila,
    upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalala pa!”
Oo, sila'y nagsabwatan na may pagkakaisa,
    laban sa iyo ay nagtipanan sila—
ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita;
    ang Moab at ang mga Hagrita,
ang Gebal, ang Ammon, at ang Amalek;
    ang Filisteo at ang mga taga-Tiro;
ang Asiria ay kumampi rin sa kanila;
    sila ay maging bisig sa mga anak ni Lot. (Selah)

Gawin(A) mo sa kanila ng gaya sa Midian;
    gaya ng kay Sisera at kay Jabin sa ilog ng Kison,
10 na namatay sa Endor;
    na naging dumi para sa lupa.
11 Gawin(B) ang kanilang mga maharlika na gaya nina Oreb at Zeeb;
    lahat nilang mga pinuno na gaya nina Zeba at Zalmuna;
12 na nagsabi, “Angkinin natin para sa ating sarili
    ang mga pastulan ng Diyos.”

13 O Diyos ko, gawin mo silang gaya ng alabok na paikut-ikot,
    parang dayami sa harap ng hangin.
14 Gaya ng apoy na sumusunog ng gubat,
    gaya ng liyab na tumutupok ng mga bundok;
15 kaya't habulin mo sila ng iyong bagyo,
    at takutin mo sila ng iyong buhawi!
16 Punuin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan,
    O Panginoon, upang hanapin nila ang iyong pangalan.
17 Mapahiya at masiraan nawa sila ng loob magpakailanman;
    malipol nawa sila at mapahiya.
18 Malaman nawa nila na ikaw lamang,
    na Panginoon ang pangalan,
    ang sa buong lupa ay Kataas-taasan.

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ng mga Anak ni Kora.

84 Napakaganda ng tahanan mo,
    O Panginoon ng mga hukbo!
Ang kaluluwa ko'y nananabik, oo, nanghihina
    para sa mga bulwagan ng Panginoon;
ang puso ko't laman ay umaawit sa kagalakan
    sa buháy na Diyos.

Maging ang maya ay nakakatagpo ng bahay,
    at ang layang-layang ay ng pugad para sa kanya,
    na mapaglalagyan niya ng kanyang inakay,
O Panginoon ng mga hukbo, sa mga dambana mo,
    Hari ko, at Diyos ko.
Mapalad silang naninirahan sa bahay mo,
    na laging umaawit ng pagpupuri sa iyo! (Selah)

Mapalad ang mga tao na ang mga kalakasan ay nasa iyo;
    na ang mga daan tungo sa Zion ay nasa kanilang puso.
Sa kanilang pagdaan sa libis ng Baca,
    ay ginawa nila itong dako ng mga bukal;
    kinakalatan din ito ng mga pagpapala ng maagang ulan.
Sila'y humahayo sa lakas at lakas,
    ang Diyos ng mga diyos ay makikita sa Zion.

O Panginoong Diyos ng mga hukbo, pakinggan mo ang aking panalangin,
    pakinggan mo, O Diyos ni Jacob. (Selah)
Masdan mo ang aming kalasag, O Diyos,
    tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis!
10 Sapagkat ang isang araw sa iyong mga bulwagan
    ay mabuti kaysa isang libo saanman.
Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan sa bahay ng aking Diyos,
    kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.
11 Sapagkat ang Panginoong Diyos ay araw at kalasag,
    siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan.
Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng Panginoon
    sa mga nagsisilakad nang matuwid.
12 O Panginoon ng mga hukbo,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa iyo!

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001