Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 22

Si Ahab at si Jehoshafat ay Nagsanib Laban sa Siria(A)

22 Sa loob ng tatlong taon ang Siria at ang Israel ay nagpatuloy na walang digmaan.

Ngunit nang ikatlong taon, lumusong si Jehoshafat na hari ng Juda sa hari ng Israel.

Sinabi ng hari ng Israel sa kanyang mga lingkod, “Alam ba ninyo na ang Ramot-gilead ay atin, at tayo'y tumatahimik, at hindi natin ito inaagaw sa kamay ng hari ng Siria?”

Sinabi niya kay Jehoshafat, “Sasama ka ba sa akin sa pakikipaglaban sa Ramot-gilead?” At sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Ako'y para sa iyo, ang aking bayan ay parang iyong bayan, ang aking mga kabayo ay parang iyong mga kabayo.”

Nagtanong sa Propeta

Sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Sumangguni ka muna kung ano ang salita ng Panginoon.”

Nang magkagayo'y tinipon ng hari ng Israel ang mga propeta, na may apatnaraang lalaki, at sinabi sa kanila, “Hahayo ba ako laban sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpaparaya ako?” At sinabi nila, “Umahon ka sapagkat ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”

Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong ibang propeta ng Panginoon upang makasangguni tayo sa kanya?”

At sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “May isa pang lalaki na maaari nating sanggunian sa Panginoon, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit kinapopootan ko siya sapagkat hindi siya nagpapahayag ng mabuti tungkol sa akin, kundi kasamaan.” At sinabi ni Jehoshafat, “Huwag magsalita ng ganyan ang hari.”

Nang magkagayo'y tumawag ang hari sa Israel ng isang punong-kawal, at nagsabi, “Dalhin rito agad si Micaya na anak ni Imla.”

10 Noon ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakaupo sa kanilang mga trono na nakadamit hari, sa isang giikan sa pasukan ng pintuang-bayan ng Samaria. Lahat ng mga propeta ay nagsasalita ng propesiya sa harap nila.

11 At si Zedekias na anak ni Canaana ay gumawa ng mga sungay na bakal, at nagsabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga-Siria hanggang sa sila'y malipol.’”

12 Gayundin ang ipinahayag ng lahat ng propeta, na nagsasabi, “Umahon ka sa Ramot-gilead at magtagumpay ka, sapagkat ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”

Ang Pahayag ni Micaya Laban kay Ahab

13 Ang sugo na humayo upang tawagin si Micaya ay nagsalita sa kanya, “Ang lahat ng mga salita ng mga propeta ay kasiya-siya sa hari; hayaan mong ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng kasiya-siya.”

14 At sinabi ni Micaya, “Buháy ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng Panginoon sa akin, iyon ang aking sasabihin.”

15 Nang siya'y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kanya, “Micaya, hahayo ba kami sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpipigil kami?” At kanyang isinagot sa kanya, “Humayo ka at magtagumpay; ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”

16 Ngunit sinabi ng hari sa kanya, “Ilang ulit kong ipag-uutos sa iyo na wala kang sasabihing anuman sa akin, kundi ang katotohanan sa pangalan ng Panginoon?”

17 At(B) kanyang sinabi, “Nakita ko ang buong Israel na nakakalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastol. At sinabi ng Panginoon, ‘Ang mga ito ay walang panginoon; hayaang umuwi nang payapa ang bawat lalaki sa kanyang bahay.’”

18 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba sinabi ko sa iyo na siya'y hindi magpapahayag ng mabuti tungkol sa akin, kundi ng kasamaan?”

19 At(C) sinabi ni Micaya, “Kaya't iyong dinggin ang salita ng Panginoon. Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa tabi niya sa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.

20 Sinabi ng Panginoon, ‘Sinong hihikayat kay Ahab upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramot-gilead?’ Ang isa'y nagsalita ng isang bagay at ang isa ay ibang bagay.

21 Pagkatapos ay lumabas ang isang espiritu at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, ‘Hihikayatin ko siya.’

22 At sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Paano?’ At kanyang sinabi, ‘Ako'y lalabas at magiging sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat ng kanyang mga propeta.’ At kanyang sinabi, ‘Iyong hihikayatin siya at magtatagumpay ka; humayo ka at gayon ang gawin mo.’

23 Kaya't ngayon ay tingnan mo, inilagay ng Panginoon ang sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat ng iyong mga propeta, at ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.”

24 Pagkatapos ay lumapit si Zedekias na anak ni Canaana, sinampal si Micaya, at sinabi, “Paanong umalis ang Espiritu ng Panginoon mula sa akin upang magsalita sa iyo?”

25 Sinabi ni Micaya, “Makikita mo sa araw na iyon kapag ikaw ay pumasok sa pinakaloob na silid upang magkubli.”

26 At sinabi ng hari sa Israel, “Dakpin si Micaya, at ibalik kay Amon na tagapamahala ng lunsod, at kay Joas na anak ng hari;

27 at inyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng hari, “Ilagay ninyo ang taong ito sa bilangguan, at tustusan ninyo siya ng kaunting tinapay at tubig hanggang sa ako'y dumating na payapa.”’”

28 At sinabi ni Micaya, “Kung ikaw ay bumalik na payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko.” At kanyang sinabi, “Makinig kayo, mga mamamayan!”

Sinalakay ang Ramot-gilead(D)

29 Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead.

30 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Ako'y magbabalatkayo at pupunta sa labanan, ngunit ikaw ay magsuot ng iyong damit panghari.” At ang hari ng Israel ay nagbalatkayo at pumunta sa labanan.

31 Ang hari ng Siria ay nag-utos sa tatlumpu't dalawang punong-kawal ng kanyang mga karwahe, “Huwag kayong makipaglaban kahit sa maliit o sa malaki man, liban lamang sa hari ng Israel.”

32 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe si Jehoshafat ay kanilang sinabi, “Tiyak na ito ang hari ng Israel.” Kaya't sila'y bumalik upang makipaglaban sa kanya; at si Jehoshafat ay sumigaw.

33 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, sila'y tumigil sa pagtugis sa kanya.

34 Subalit pinakawalan ng isang lalaki ang kanyang palaso sa pagbabaka-sakali, at tinamaan ang hari ng Israel sa pagitan ng dugtungan ng baluti sa dibdib. Kaya't kanyang sinabi sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Pumihit ka, at ilabas mo ako sa labanan, sapagkat ako'y sugatan.”

35 Uminit ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ay napigil sa kanyang karwahe sa harap ng mga taga-Siria, at namatay sa kinahapunan. Ang dugo ay dumaloy mula sa sugat hanggang sa ilalim ng karwahe.

36 Nang paglubog ng araw ay may isinigaw sa buong hukbo, “Bawat lalaki ay sa kanyang lunsod, at bawat lalaki ay sa kanyang lupain.”

Si Ahab ay Napatay

37 Sa gayo'y namatay ang hari at dinala sa Samaria, at kanilang inilibing ang hari sa Samaria.

38 At kanilang hinugasan ang karwahe sa tabi ng tangke ng Samaria; hinimod ng mga aso ang kanyang dugo at ang mga masasamang babae ay nagsipaligo roon, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi.

39 Ang iba sa mga gawa ni Ahab, at ang lahat niyang ginawa, at ang bahay na garing na kanyang itinayo, at ang lahat ng lunsod na kanyang itinayo, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga hari sa Israel?

40 Sa gayo'y natulog si Ahab na kasama ng kanyang mga ninuno; at si Ahazias na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Si Jehoshafat ay Naghari sa Juda(E)

41 Si Jehoshafat na anak ni Asa ay nagsimulang maghari sa Juda nang ikaapat na taon ni Ahab na hari ng Israel.

42 Si Jehoshafat ay tatlumpu't limang taon nang magsimulang maghari; at siya'y naghari ng dalawampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Azuba na anak ni Silhi.

43 Siya'y lumakad sa lahat ng landas ni Asa na kanyang ama. Hindi siya lumihis doon at kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, gayunma'y ang matataas na dako ay hindi niya inalis, at ang bayan ay nagpatuloy na naghahandog at nagsusunog ng insenso sa matataas na dako.

44 Si Jehoshafat ay nakipagpayapaan din sa hari ng Israel.

45 Ang iba sa mga gawa ni Jehoshafat, at ang kanyang kapangyarihan na kanyang ipinakita, at kung paanong siya'y nakipagdigma, di ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[b] ng mga hari ng Juda?

46 At ang mga nalabi sa mga sodomita[c] na nanatili sa mga araw ng kanyang amang si Asa ay pinuksa niya sa lupain.

47 Walang hari sa Edom; isang kinatawan ang hari.

48 Si Jehoshafat ay gumawa ng mga sasakyang dagat sa Tarsis upang pumunta sa Ofir dahil sa ginto, ngunit hindi sila nakarating sapagkat ang mga sasakyan ay nasira sa Ezion-geber.

49 Nang magkagayo'y sinabi ni Ahazias na anak ni Ahab kay Jehoshafat, “Hayaan mong sumama ang aking mga lingkod sa iyong mga lingkod sa mga barko.” Ngunit ayaw ni Jehoshafat.

50 At si Jehoshafat ay natulog at nalibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Jehoram na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Si Ahazias ay Naghari sa Israel

51 Si Ahazias na anak ni Ahab ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria, nang ikalabimpitong taon ni Jehoshafat na hari ng Juda, at siya'y naghari ng dalawang taon sa Israel.

52 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa landas ng kanyang ama at ina, at sa landas ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.

53 Siya'y naglingkod kay Baal at sumamba sa kanya, at ginalit niya ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang ama.

1 Tesalonica 5

Maghanda para sa Pagdating ng Panginoon

Mga kapatid, tungkol sa oras at mga panahon, hindi na kailangang mayroong isulat pa sa inyo.

Sapagkat(A) kayo rin ang lubos na nakakaalam na ang araw ng Panginoon ay darating na gaya ng magnanakaw sa gabi.

Kapag sinasabi nila, “Kapayapaan at katiwasayan,” kaagad darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao, at walang makakatakas!

Ngunit kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na iyon ay mabigla kayong gaya sa magnanakaw.

Sapagkat kayong lahat ay pawang mga anak ng liwanag at mga anak ng araw; tayo'y hindi ng gabi ni ng kadiliman man.

Kaya nga, huwag tayong matulog gaya ng mga iba, kundi tayo'y manatiling handa at magpakatino.

Sapagkat ang mga natutulog ay natutulog sa gabi; at ang naglalasing ay naglalasing sa gabi.

Ngunit(B) palibhasa'y mga anak tayo ng araw, magpakatino tayo, at isuot natin ang baluti ng pananampalataya at ng pag-ibig; at ang maging helmet ay ang pag-asa ng kaligtasan.

Sapagkat tayo'y hindi itinalaga ng Diyos sa galit, kundi sa pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo,

10 na namatay dahil sa atin, upang tayo, maging gising o tulog man, ay mabuhay tayong kasama niya.

11 Dahil dito, pasiglahin ninyo ang isa't isa at patibayin ang isa't isa, gaya ng inyong ginagawa.

Mga Tagubilin, Pagbati, at Basbas

12 Subalit hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na inyong igalang ang mga nagpapagal sa inyo, at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagtuturo sa inyo;

13 at lubos ninyo silang igalang na may pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa't isa.

14 Mga kapatid, aming isinasamo sa inyo, na inyong pangaralan ang mga tamad, palakasin ang mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging matiisin kayo sa lahat.

15 Tiyakin ninyo na ang sinuman ay huwag gumanti ng masama sa masama, kundi lagi ninyong naisin ang mabuti para sa isa't isa at sa lahat.

16 Magalak kayong lagi.

17 Manalangin kayong walang patid.

18 Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo.

19 Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu.

20 Huwag ninyong hamakin ang mga pagpapahayag ng propesiya,

21 kundi subukin ninyo ang lahat ng mga bagay; panghawakan ninyo ang mabuti.

22 Layuan ninyo ang bawat anyo ng kasamaan.

23 Pakabanalin nawa kayong lubos mismo ng Diyos ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

24 Tapat ang sa inyo'y tumatawag, na gagawa rin naman nito.

25 Mga kapatid, idalangin ninyo kami.

26 Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid ng banal na halik.

27 Ipinag-uutos ko sa inyo alang-alang sa Panginoon, na basahin sa lahat ng mga kapatid ang sulat na ito.

28 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.[a]

Daniel 4

Ang Ikalawang Panaginip ni Nebukadnezar

Si Nebukadnezar na hari, sa lahat ng bayan, mga bansa, at wika na naninirahan sa buong lupa: Nawa'y sumagana sa inyo ang kapayapaan!

Inaakala kong mabuting ipahayag ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa para sa akin ng Kataas-taasang Diyos.

Napakadakila ng kanyang mga tanda!

    at makapangyarihan ang kanyang mga kababalaghan!
Ang kanyang kaharian ay walang hanggang kaharian,
    at ang kanyang kapangyarihan ay mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi.

Akong si Nebukadnezar ay nagpapahinga sa aking bahay, at namumuhay nang sagana sa aking palasyo.

Ako'y nakakita ng isang panaginip na tumakot sa akin; habang ako'y nakahiga sa aking higaan, ang mga guni-guni at mga pangitain ay bumagabag sa akin.

Kaya't ipinag-utos ko na iharap sa akin ang lahat ng pantas sa Babilonia, upang kanilang ipaalam sa akin ang kahulugan ng panaginip.

Nang magkagayo'y dumating ang mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ang mga manghuhula, at isinalaysay ko sa kanila ang panaginip, ngunit hindi nila maipaalam sa akin ang kahulugan nito.

Ngunit sa wakas dumating sa harap ko si Daniel, na ang pangala'y Belteshasar, ayon sa pangalan ng aking diyos, at siyang kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na diyos;[a] at isinalaysay ko sa kanya ang panaginip:

O Belteshasar, na puno ng mga salamangkero, sapagkat nalalaman ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at walang hiwagang napakahirap para sa iyo, narito ang panaginip na aking nakita, sabihin mo sa akin ang kahulugan nito.

10 Ngayon ay ganito ang mga pangitain sa aking pag-iisip habang ako'y nasa higaan: Ako'y nakatingin, at narito, may isang punungkahoy sa gitna ng lupa, at ito'y napakataas.

11 Ang punungkahoy ay lumaki, at naging matibay, at ang tuktok nito'y umabot hanggang sa langit, at ito'y natatanaw hanggang sa dulo ng buong lupa.

12 Ang mga dahon nito'y magaganda, at ang bunga nito'y marami, at doo'y may pagkain para sa lahat. Ang mga hayop sa parang ay may lilim sa ilalim nito, at ang mga ibon sa himpapawid ay nagpupugad sa mga sanga nito, at ang lahat na tao ay pinakakain mula roon.

13 “Aking nakita sa mga pangitain sa aking pag-iisip habang ako'y nakahiga sa aking higaan, at nakita ko ang isang bantay, isang banal ang bumaba mula sa langit.

14 Siya'y sumigaw nang malakas at nagsabi ng ganito, ‘Ibuwal ang punungkahoy at putulin ang kanyang mga sanga, lagasin ang mga dahon at ikalat ang kanyang mga bunga; paalisin ang mga hayop sa ilalim nito at ang mga ibon sa kanyang mga sanga.

15 Gayunma'y inyong iwan ang tuod ng kanyang mga ugat sa lupa, na gapos ng bakal at tanso sa gitna ng murang damo sa parang. Hayaan siyang mabasa ng hamog ng langit, hayaan siyang makasama ng mga hayop sa damo ng lupa.

16 Hayaang ang kanyang isipan na pusong tao ay mapalitan at puso ng hayop ang ibigay sa kanya; at hayaang ang pitong mga panahon ay lumipas sa kanya.

17 Ang hatol na ito ay sa pamamagitan ng utos ng mga bantay, ang pasiya ay sa pamamagitan ng salita ng mga banal; upang malaman ng mga may buhay na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kaninumang kanyang naisin, at pinamumuno niya rito ang pinakamababa sa mga tao.’

18 Akong si Haring Nebukadnezar ay nakakita ng panaginip na ito. At ngayon ikaw, O Belteshasar, ipahayag mo ang kahulugan, sapagkat lahat ng pantas sa aking kaharian ay hindi makapagpahayag sa akin ng kahulugan, ngunit magagawa mo sapagkat ang espiritu ng mga banal na diyos[b] ay nasa iyo.”

Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip

19 Nang magkagayon, si Daniel na tinatawag na Belteshasar ay sandaling nabagabag at ikinatakot niya ang nasa kanyang isipan. Sinabi ng hari, “Belteshasar, huwag kang mabagabag dahil sa panaginip, o sa kahulugan.” Si Belteshasar ay sumagot, “Aking panginoon, ang panaginip nawa ay para sa napopoot sa iyo, at ang kahulugan nito'y mangyari nawa sa iyong mga kaaway!

20 Ang punungkahoy na iyong nakita na tumubo at naging matibay, na ang taas ay umabot sa langit, at ito'y natatanaw sa buong lupa;

21 na ang mga daho'y magaganda, at ang bunga nito'y marami, at naging pagkain para sa lahat; na sa lilim nito ay tumitira ang mga hayop sa parang, at sa kanyang mga sanga'y dumadapo ang mga ibon sa himpapawid—

22 ikaw iyon, O hari, na naging napakalaki at matibay. Ang iyong kadakilaan ay lumaki at umaabot hanggang sa langit, at ang iyong kapangyarihan ay hanggang sa dulo ng lupa.

23 At yamang nakita ng hari ang isang bantay at isang banal na bumababa mula sa langit, at nagsasabi, ‘Ibuwal ninyo ang punungkahoy at inyong wasakin, ngunit itira ninyo ang tuod ng mga ugat nito sa lupa na gapos ng bakal at tanso, sa sariwang damo sa parang. Bayaang mabasa siya ng hamog ng langit, at makasama siya ng mga hayop sa parang, hanggang sa ang pitong panahon ay lumipas sa kanya’—

24 ito ang kahulugan, O hari, at ito ay utos ng Kataas-taasan na sumapit sa aking panginoong hari:

25 Ikaw ay palalayasin mula sa mga tao, at ang iyong tahanan ay kasama ng mga hayop sa parang. Ikaw ay pakakainin ng damo na gaya ng mga baka, at mababasa ka ng hamog ng langit. Pitong panahon ang lilipas sa iyo hanggang sa iyong malaman na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay ito sa sinumang maibigan niya.

26 Kung paanong iniutos na iwan ang tuod ng mga ugat ng kahoy; ang iyong kaharian ay magiging tiyak para sa iyo, mula sa panahon na iyong malaman na ang Langit ang namumuno.

27 Kaya't, O hari, tanggapin mo nawa ang aking payo: putulin mo na ang iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng paggawa ng katuwiran, at ang iyong mga kasamaan sa pamamagitan ng pagpapakita ng kaawaan sa naaapi, upang humaba pa ang iyong kasaganaan.”

28 Lahat ng ito'y nangyari sa haring si Nebukadnezar.

29 Sa katapusan ng labindalawang buwan, siya ay lumalakad sa bubungan ng palasyo ng hari ng Babilonia.

30 Nagsalita ang hari at sinabi, “Hindi ba ito ang dakilang Babilonia na aking itinayo sa pamamagitan ng lakas ng aking kapangyarihan bilang tahanan ng hari at para sa kaluwalhatian ng aking kadakilaan?”

31 Samantalang ang mga salita ay nasa bibig pa ng hari, may isang tinig na nanggaling sa langit, “O Haring Nebukadnezar, sa iyo'y ipinahahayag: Ang kaharian ay umalis na sa iyo!

32 Ikaw ay palalayasin sa mga tao, at ang iyong tirahan ay kasama ng mga hayop sa parang. Ikaw ay pakakainin ng damo na gaya ng mga baka at pitong panahon ang daraan sa iyo, hanggang sa iyong kilalanin na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa sinumang kanyang naisin.”

33 Kaagad natupad ang salita tungkol kay Nebukadnezar. Siya'y pinalayas mula sa mga tao at kumain ng damo na gaya ng mga baka. Ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit, hanggang sa ang kanyang buhok ay lumago na kasinghaba ng balahibo ng mga agila, at ang kanyang mga kuko ay gaya ng sa mga ibon.

Pinuri ni Nebukadnezar ang Diyos

34 At sa katapusan ng panahong iyon, akong si Nebukadnezar ay nagtaas ng aking paningin sa langit, at ang aking katinuan ay nanumbalik sa akin. Aking pinuri ang Kataas-taasan, at aking pinuri at pinarangalan siya na nabubuhay magpakailanman.

Sapagkat ang kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan,
    at ang kanyang kaharian ay nananatili sa sali't salinlahi.
35 Ang lahat ng naninirahan sa lupa ay ibinibilang na wala;
    at kanyang ginagawa ang ayon sa kanyang kalooban sa hukbo ng langit,
    at sa mga nananahan sa lupa.
Walang makakahadlang sa kanyang kamay,
    o makapagsasabi sa kanya, “Anong ginagawa mo?”

36 Sa oras na iyon ay nanumbalik sa akin ang aking katinuan, at ang aking kadakilaan at kamahalan ay ibinalik sa akin para sa kaluwalhatian ng aking kaharian. Hinanap ako ng aking mga tagapayo at mga maharlikang tao; at ako'y muling inilagay sa aking kaharian, at higit pang kadakilaan ang naparagdag sa akin.

37 Ngayon akong si Nebukadnezar ay nagpupuri, at nagbubunyi, at nagpaparangal sa Hari ng langit; sapagkat ang lahat niyang gawa ay katotohanan, at ang kanyang mga pamamaraan ay makatarungan; at kaya niyang ibaba ang mga lumalakad na may kapalaluan.

Mga Awit 108-109

Awit ni David.

108 Ang aking puso ay tapat, O Diyos;
    ako'y aawit, oo, ako'y aawit
    ng mga pagpuri ng aking kaluwalhatian!
Kayo'y gumising, alpa at lira!
    Aking gigisingin ang madaling-araw!
Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bayan;
    ako'y aawit ng mga papuri sa iyo sa gitna ng mga bansa.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila sa itaas ng mga langit,
    ang iyong katotohanan ay umaabot sa mga ulap.

Dakilain ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit!
    Ang iyo nawang kaluwalhatian ay maging sa ibabaw ng buong lupa!
Upang mailigtas ang minamahal mo,
    tulungan mo ng iyong kanang kamay, at sagutin mo ako!
Ang Diyos ay nagsalita sa kanyang santuwaryo:
    “Ang Shekem ay hahatiin ko,
    at ang Libis ng Sucot ay susukatin ko.
Ang Gilead ay akin; ang Manases ay akin;
    ang Efraim ay helmet ng ulo ko;
    ang Juda'y aking setro.
Ang Moab ay aking hugasan;
    sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas;
    sa ibabaw ng Filistia ay sisigaw ako ng malakas.”
10 Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta?
    Sinong maghahatid sa akin sa Edom?
11 Hindi ba't itinakuwil mo na kami, O Diyos?
    At hindi ka ba hahayong kasama ng aming mga hukbo, O Diyos?
12 Ng tulong laban sa kaaway kami ay pagkalooban mo,
    sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao.
13 Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan;
    siya ang yayapak sa aming mga kalaban.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

109 Huwag kang manahimik, O Diyos ng aking pagpupuri!
Sapagkat ang masama at mandarayang bibig ay nabuksan laban sa akin,
    na nagsasalita laban sa akin na may dilang sinungaling.
May mga salita ng pagkapoot na ako'y kanilang pinalibutan,
    at lumaban sa akin nang walang kadahilanan.
Kapalit ng aking pag-ibig sila ay mga tagausig ko,
    ngunit ako ay nasa panalangin.
Kaya't ginantihan nila ng masama ang kabutihan ko,
    at pagkapoot sa pag-ibig ko.

“Pumili kayo ng masamang tao laban sa kanya,
    at tumayo nawa ang isang tagausig sa kanyang kanang kamay.
Kapag siya'y nilitis, lumabas nawa siyang nagkasala,
    at ibilang nawang kasalanan ang kanyang dalangin!
Maging(A) kakaunti nawa ang kanyang mga araw,
    kunin nawa ng iba ang kanyang katungkulan.
Ang kanyang mga anak nawa ay maulila,
    at mabalo ang kanyang asawa!
10 Magsilaboy nawa ang kanyang mga anak, at mamalimos;
    at hanapin nila ang kanilang pagkain sa kanilang mga guhong tahanan.
11 Samsamin nawa ng nagpapautang ang lahat niyang kayamanan;
    nakawin nawa ang mga bunga ng kanyang paggawa ng mga dayuhan!
12 Wala nawang maging mabait sa kanya;
    ni maawa sa kanyang mga anak na ulila!
13 Maputol nawa ang kanyang susunod na lahi,
    mapawi nawa ang kanyang pangalan sa ikalawang salinlahi!
14 Maalala nawa ng Panginoon ang kasamaan ng kanyang mga magulang,
    huwag nawang mapawi ang kasalanan ng kanyang ina!
15 Malagay nawa silang patuloy sa harapan ng Panginoon,
    at maputol nawa ang kanyang alaala mula sa lupa!
16 Sapagkat hindi niya naalalang magpakita ng kabaitan,
    kundi inusig ang dukha at nangangailangan,
    at ang may bagbag na puso upang patayin.
17 Iniibig niya ang manumpa, kaya't dumating sa kanya!
    At hindi siya nalugod sa pagpapala, kaya't malayo sa kanya!
18 Nagsusuot siya ng sumpa na parang kanyang damit,
    at pumasok sa kanyang katawan na parang tubig,
    sa kanyang mga buto na gaya ng langis!
19 Ito nawa'y maging gaya ng kasuotang kanyang ibinabalabal,
    gaya ng pamigkis na kanyang ipinamimigkis araw-araw!”

20 Ito nawa ang maging ganti sa mga nagbibintang sa akin mula sa Panginoon,
    sa mga nagsasalita ng kasamaan laban sa aking buhay!
21 Ngunit ikaw, O Diyos kong Panginoon,
    gumawa ka para sa akin alang-alang sa iyong pangalan,
    sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti, iligtas mo ako!
22 Sapagkat ako'y dukha at nangangailangan,
    at ang aking puso ay nasaktan sa loob ko.
23 Ako'y naglalahong gaya ng anino kapag ito'y humahaba,
    ako'y nililiglig na gaya ng balang.
24 Ang aking mga tuhod ay mahina dahil sa pag-aayuno,
    ang aking laman ay nagkukulang ng katabaan.
25 Ako(B) nama'y naging hamak sa kanila,
    kapag nakikita nila ako, ang ulo nila ay kanilang iniiling.

26 O Panginoon kong Diyos! Tulungan mo ako;
    ayon sa iyong tapat na pag-ibig ako ay iligtas mo.
27 Hayaan mong malaman nila na ito'y iyong kamay;
    ikaw, O Panginoon, ang gumawa nito!
28 Hayaang sumumpa sila, ngunit magpala ka!
    Kapag sila'y bumangon sila'y mapapahiya, ngunit ang iyong lingkod ay magagalak!
29 Ang akin nawang mga kaaway ay masuotan ng kawalang-dangal;
    mabalot nawa sila sa kanilang kahihiyan na gaya ng sa isang balabal!
30 Sa pamamagitan ng aking bibig ay magpapasalamat ako nang napakalaki sa Panginoon,
    pupurihin ko siya sa gitna ng maraming tao.
31 Sapagkat siya'y tumatayo sa kanang kamay ng nangangailangan,
    upang iligtas siya sa mga nagsisihatol sa kanyang kaluluwa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001