M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagkita sina Elias at Obadias
18 Pagkaraan ng maraming araw, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias nang ikatlong taon, na nagsasabi, “Humayo ka. Magpakita ka kay Ahab at ako'y magpapaulan sa lupa.”
2 Kaya't si Elias ay humayo at nagpakita kay Ahab. Noon, ang taggutom ay malubha sa Samaria.
3 Tinawag ni Ahab si Obadias na siyang katiwala sa bahay. (Si Obadias nga ay lubhang natatakot sa Panginoon.
4 Sapagkat nang itiwalag ni Jezebel ang mga propeta ng Panginoon, kumuha si Obadias ng isandaang propeta, at ikinubli na lima-limampu sa isang yungib, at pinakain sila ng tinapay at tubig.)
5 At sinabi ni Ahab kay Obadias, “Libutin mo ang lupain, hanggang sa lahat ng mga bukal ng tubig at mga libis. Marahil tayo'y makakatagpo ng damo, at maililigtas nating buháy ang mga kabayo at mga mola upang huwag tayong mawalan ng hayop.”
6 Kaya't pinaghatian nila ang lupain sa gitna nila upang lakarin. Si Ahab ay lumakad ng kanyang sarili sa isang daan, at si Obadias ay lumakad ng kanyang sarili sa kabilang daan.
7 Samantalang si Obadias ay nasa daan, nakasalubong siya ni Elias. Kanyang nakilala siya, at nagpatirapa, at nagsabi, “Ikaw ba iyan, ang panginoon kong Elias?”
8 Siya'y sumagot sa kanya, “Ako nga. Humayo ka. Sabihin mo sa iyong panginoon, narito si Elias.”
9 At kanyang sinabi, “Saan ako nagkasala at ibibigay mo ang iyong lingkod sa kamay ni Ahab upang ako'y patayin?”
10 Habang buháy ang Panginoon mong Diyos, walang bansa o kaharian man na roo'y hindi ka hinanap ng aking panginoon. Kapag kanilang sinasabi, ‘Siya'y wala rito, kanyang pinasusumpa ang kaharian at bansa na hindi kinatatagpuan sa iyo.
11 At ngayo'y iyong sinasabi, ‘Humayo ka, sabihin mo sa iyong panginoon na narito si Elias.’
12 Pagkaalis na pagkaalis ko sa iyo, dadalhin ka ng Espiritu ng Panginoon sa hindi ko nalalaman; at kapag ako'y pumaroon at sabihin ko kay Ahab, at hindi ka niya natagpuan, papatayin niya ako, bagaman akong iyong lingkod ay may takot sa Panginoon mula pa sa aking pagkabata.
13 Hindi pa ba nasabi sa aking panginoon, kung ano ang aking ginawa nang patayin ni Jezebel ang mga propeta ng Panginoon? Kung paanong itinago ko ang isandaan sa mga propeta ng Panginoon, lima-limampu sa isang yungib, at pinakain ko sila ng tinapay at tubig?
14 Ngayo'y iyong sinasabi, ‘Humayo ka, sabihin mo sa iyong panginoon, “Narito si Elias”’; papatayin niya ako.”
15 At sinabi ni Elias, “Habang buháy ang Panginoon ng mga hukbo, na sa harap niya'y nakatayo ako, ako'y tiyak na magpapakita sa kanya ngayon.”
Nagkita si Elias at si Ahab
16 Sa gayo'y humayo si Obadias upang salubungin si Ahab, at sinabi sa kanya. At si Ahab ay humayo upang salubungin si Elias.
17 Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi ni Ahab sa kanya, “Ikaw ba iyan, ikaw na nanggugulo sa Israel?”
18 Siya'y sumagot, “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel; kundi ikaw at ang sambahayan ng iyong ama, sapagkat inyong tinalikuran ang mga utos ng Panginoon, at sumunod sa mga Baal.
19 Ngayon nga'y magsugo ka, at tipunin mo sa akin ang buong Israel sa bundok Carmel, ang apatnaraan at limampung propeta ni Baal, at ang apatnaraang propeta ni Ashera na kumakain sa hapag ni Jezebel.”
Ang Paligsahan sa Bundok ng Carmel
20 Kaya't nagsugo si Ahab sa lahat ng mga anak ni Israel, at tinipon ang mga propeta sa bundok Carmel.
21 Si Elias ay lumapit sa buong bayan, at nagsabi, “Hanggang kailan kayo magpapatalun-talon sa dalawang magkaibang kuru-kuro? Kung ang Panginoon ay Diyos, sumunod kayo sa kanya, ngunit kung si Baal, sa kanya kayo sumunod.” At ang bayan ay hindi sumagot sa kanya kahit isang salita.
22 Nang magkagayo'y sinabi ni Elias sa bayan, “Ako at ako lamang ang naiwang propeta ng Panginoon; ngunit ang mga propeta ni Baal ay apatnaraan at limampung lalaki.
23 Bigyan ninyo kami ng dalawang baka; pumili sila para sa kanila ng isang baka, katayin, ilagay sa ibabaw ng kahoy, at huwag lagyan ng apoy sa ilalim. Ihahanda ko naman ang isang baka at ilalagay ko sa kahoy, at hindi ko ito lalagyan ng apoy.
24 Tawagin ninyo ang pangalan ng inyong diyos, at tatawagin ko ang pangalan ng Panginoon. Ang Diyos na sumagot sa pamamagitan ng apoy, ay siyang Diyos.” At ang buong bayan ay sumagot, “Mabuti ang pagkasabi.”
25 Pagkatapos ay sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Pumili kayo ng isang baka para sa inyo, at una ninyong ihanda sapagkat kayo'y marami. Tawagin ninyo ang pangalan ng inyong diyos, ngunit huwag ninyong lagyan ng apoy.”
26 Kanilang kinuha ang baka na ibinigay sa kanila, kanilang inihanda, at tumawag sa pangalan ni Baal mula umaga hanggang tanghaling tapat, na nagsasabi, “O Baal, dinggin[a] mo kami.” Ngunit walang tinig at walang sumasagot. At sila'y lumukso sa palibot ng kanilang ginawang dambana.
27 Nang tanghaling tapat na, nilibak sila ni Elias, na sinasabi, “Sumigaw kayo nang malakas, sapagkat siya'y isang diyos; baka siya'y nagmumuni-muni, o nananabi, o nasa paglalakbay, o baka siya'y natutulog at kailangang gisingin.”
28 At sila'y nagsisigaw nang malakas, at sila'y naghiwa sa kanilang sarili ng tabak at mga patalim ayon sa kanilang kaugalian hanggang sa bumulwak ang dugo sa kanila.
29 Nang makaraan ang tanghaling tapat, sila'y nagngangawa hanggang sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, ngunit wala kahit tinig, walang sumasagot, walang nakikinig.
30 Pagkatapos ay sinabi ni Elias sa buong bayan, “Lumapit kayo sa akin.” At ang buong bayan ay lumapit sa kanya. Kanyang inayos ang bumagsak na dambana ng Panginoon.
31 Kumuha(A) si Elias ng labindalawang bato, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Jacob, na sa kanya ay dumating ang salita ng Panginoon na sinasabi, “Israel ang magiging pangalan mo.”
32 Sa pamamagitan ng mga bato ay nagtayo siya ng dambana sa pangalan ng Panginoon; at kanyang nilagyan ng hukay ang palibot ng dambana na ang lalim ay masisidlan ng dalawang takal na binhi.
33 Kanyang iniayos ang kahoy, kinatay ang baka at ipinatong sa kahoy. At kanyang sinabi, “Punuin ninyo ang apat na tapayan ng tubig, at ibuhos ninyo sa handog na sinusunog at sa kahoy.”
34 Kanyang sinabi, “Gawin ninyo ng ikalawang ulit,” at kanilang ginawa ng ikalawang ulit. At kanyang sinabi, “Gawin ninyo ng ikatlong ulit;” at kanilang ginawa ng ikatlong ulit.
35 Ang tubig ay umagos sa palibot ng dambana at napuno ng tubig ang hukay.
36 Sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, si Elias na propeta ay lumapit, at nagsabi, “O Panginoon, Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel. Ipakilala mo sa araw na ito, na ikaw ay Diyos sa Israel, at ako ay iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat ng bagay na ito sa iyong pag-uutos.
37 Sagutin mo ako, O Panginoon. Sagutin mo ako, upang malaman ng bayang ito na ikaw Panginoon ay Diyos, at iyong pinanunumbalik ang kanilang mga puso.”
38 Nang magkagayo'y ang apoy ng Panginoon ay bumagsak at tinupok ang handog na sinusunog, ang kahoy, mga bato, alabok, at dinilaan ang tubig na nasa hukay.
39 Nang makita iyon ng buong bayan, sila'y nagpatirapa at kanilang sinabi, “Ang Panginoon ang siyang Diyos; ang Panginoon ang siyang Diyos.”
40 At sinabi ni Elias sa kanila, “Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag hayaang makatakas ang sinuman sa kanila.” At kanilang dinakip sila; sila'y ibinaba ni Elias sa batis ng Kison at pinatay roon.
Ang Katapusan ng Tagtuyot
41 Sinabi ni Elias kay Ahab, “Umahon ka, kumain ka at uminom sapagkat may hugong ng rumaragasang ulan.”
42 Kaya't(B) umahon si Ahab upang kumain at uminom. Si Elias ay umakyat sa tuktok ng Carmel; siya'y yumukod sa lupa at inilagay ang kanyang mukha sa pagitan ng kanyang mga tuhod.
43 Kanyang sinabi sa kanyang lingkod, “Umahon ka ngayon, tumingin ka sa dagat.” At siya'y umahon at tumingin, at sinabi, “Wala akong nakikita.” At kanyang sinabi, “Humayo ka ng pitong ulit.”
44 Sa ikapitong pagkakataon, ay kanyang sinabi, “Tingnan mo, may lumitaw na isang ulap mula sa dagat na kasinliit ng kamay ng isang lalaki.” At kanyang sinabi, “Humayo ka. Sabihin mo kay Ahab, ‘Ihanda mo ang iyong karwahe, at ikaw ay lumusong baka mapigil ka ng ulan.’”
45 Pagkaraan ng ilang sandali, ang langit ay nagdilim sa ulap at hangin, at nagkaroon ng malakas na ulan. At si Ahab ay sumakay at pumunta sa Jezreel.
46 Ngunit ang kamay ng Panginoon ay na kay Elias. Kanyang binigkisan ang kanyang mga balakang at tumakbong nauuna kay Ahab sa pasukan ng Jezreel.
Pagbati at Pasasalamat
1 Si(A) Pablo, at sina Silvano at Timoteo, sa iglesya ng mga taga-Tesalonica na sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan.
2 Nagpapasalamat kaming lagi sa Diyos dahil sa inyong lahat na tuwina'y binabanggit namin kayo sa aming mga panalangin.
3 Aming inaalala sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong gawang mula sa pananampalataya, pagpapagal sa pag-ibig at katatagan ng pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo;
4 yamang aming nalalaman, mga kapatid na minamahal ng Diyos, ang pagkahirang sa inyo.
Ang Halimbawa ng mga Taga-Tesalonica
5 Sapagkat ang aming ebanghelyo ay hindi dumating sa inyo sa salita lamang, kundi sa kapangyarihan din at sa Espiritu Santo at sa lubos na pagtitiwala, kung paanong nalalaman ninyo kung anong pagkatao ang aming pinatunayan sa inyo alang-alang sa inyo.
6 At(B) kayo'y naging taga-tulad sa amin at sa Panginoon, na inyong tinanggap ang salita sa matinding kapighatian, na may kagalakan ng Espiritu Santo,
7 anupa't kayo'y naging halimbawa sa lahat ng mananampalatayang nasa Macedonia at nasa Acaia.
8 Sapagkat mula sa inyo'y umalingawngaw ang salita ng Panginoon, hindi lamang sa Macedonia at Acaia, kundi sa lahat ng dako ay napabalita ang inyong pananampalataya sa Diyos; kaya't kami ay hindi na kailangang magsalita pa ng anuman.
9 Sapagkat sila ang nagbalita tungkol sa amin, kung paano ninyo kami tinanggap at kung paanong bumaling kayo sa Diyos mula sa mga diyus-diyosan, upang maglingkod sa buháy at tunay na Diyos,
10 at upang hintayin ang kanyang Anak mula sa langit, na kanyang binuhay mula sa mga patay, si Jesus na nagliligtas sa atin mula sa poot na darating.
Ang Paghahati ng Lupain
48 “Ang mga ito ang mga pangalan ng mga lipi: Mula sa dulong hilaga, sa tabi ng daan ng Hetlon hanggang sa pasukan sa Hamat, hanggang sa Hazar-enon, (na nasa hilagang hangganan ng Damasco sa ibabaw ng Hamat) at patuloy hanggang sa dakong silangan hanggang sa kanluran, ang Dan, isang bahagi.
2 Sa tabi ng nasasakupan ng Dan, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Aser, isang bahagi.
3 Sa tabi ng nasasakupan ng Aser, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Neftali, isang bahagi.
4 Sa tabi ng nasasakupan ng Neftali, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Manases, isang bahagi.
5 Sa tabi ng nasasakupan ng Manases, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Efraim, isang bahagi.
6 Sa tabi ng nasasakupan ng Efraim, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Ruben, isang bahagi.
7 Sa tabi ng nasasakupan ng Ruben, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Juda, isang bahagi.
Ang Bahagi ng mga Pari
8 “Sa tabi ng nasasakupan ng Juda, mula sa dakong silangan hanggang sa kanluran, ay ang bahagi na inyong ibubukod, dalawampu't limang libong siko ang luwang, at ang haba ay gaya ng isa sa mga bahagi ng lipi, mula sa dakong silangan hanggang sa kanluran; at ang santuwaryo ay malalagay sa gitna niyon.
9 Ang bahagi na inyong ibubukod sa Panginoon ay magiging dalawampu't limang libong siko ang haba, at sampung libo ang luwang.
10 Ang mga ito ang para sa banal na bahagi: ang mga pari ang magkakaroon ng bahagi na ang sukat ay dalawampu't limang libong siko sa hilagang bahagi. Sa dakong kanluran ay sampung libo ang luwang, sa dakong silangan ay sampung libo ang luwang, sa dakong timog ay dalawampu't limang libo ang haba, at ang santuwaryo ng Panginoon ay malalagay sa gitna niyon.
11 Ito'y para sa mga itinalagang pari na mga anak ni Zadok, na gumaganap ng aking bilin at hindi nagpakaligaw nang maligaw ang mga anak ni Israel, gaya ng ginawa ng mga Levita.
12 Ito'y magiging kanila bilang tanging bahagi mula sa banal na bahagi ng lupain, kabanal-banalang lugar, sa tabi ng nasasakupan ng mga Levita.
Ang Bahagi ng mga Levita
13 Sa tabi ng nasasakupan ng mga pari, ang mga Levita ay magkakaroon ng dalawampu't limang libong siko ang haba, at sampung libo ang luwang. Ang buong haba ay magiging dalawampu't limang libo, at ang luwang ay sampung libo.
14 Hindi nila ipagbibili, o ipagpapalit ang alinman doon. Hindi nila isasalin o ipagkakaloob sa iba man ang mga piling bahaging ito ng lupain, sapagkat ito'y banal sa Panginoon.
Ang Bahagi para sa Lahat
15 “Ang naiwan, limang libong siko ang luwang at dalawampu't limang libo ang haba, ay para sa karaniwang gamit para sa lunsod, upang tirahan at para sa bukas na lupain. Ang lunsod ay malalagay sa gitna niyon.
16 Ang mga ito ang magiging mga sukat niyon: sa dakong hilaga ay apat na libo at limang daang siko, sa dakong timog ay apat na libo at limang daan, sa dakong silangan ay apat na libo at limang daang siko, at sa dakong kanluran ay apat na libo at limang daan.
17 Ang lunsod ay magkakaroon ng bukas na lupain: sa dakong hilaga ay dalawandaan at limampung siko, sa dakong timog ay dalawandaan at limampu, sa dakong silangan ay dalawandaan at limampu, at sa dakong kanluran ay dalawandaan at limampu.
18 Ang nalabi sa kahabaan sa tabi ng banal na bahagi ay magiging sampung libong siko sa dakong silangan at sampung libo sa dakong kanluran; at ito'y magiging katabi ng banal na bahagi. Ang bunga niyon ay magiging pagkain para sa mga manggagawa ng lunsod.
19 At ang mga manggagawa ng lunsod mula sa lahat ng mga lipi ng Israel ang magbubungkal noon.
20 Ang buong bahagi na inyong ibubukod ay magiging dalawampu't limang libong sikong parisukat, ito ay ang banal na bahagi pati ang pag-aari ng lunsod.
Ang Bahagi ng mga Pinuno
21 “Ang nalabi sa magkabilang panig ng banal na bahagi at sa pag-aari ng lunsod ay magiging sa pinuno. Mula sa dalawampu't limang libong siko ng banal na bahagi hanggang sa silangang hangganan, at pakanluran mula sa dalawampu't limang libong siko sa kanlurang hangganan, katapat ng bahagi ng mga angkan, ay magiging para sa mga pinuno. Ang banal na bahagi at ang santuwaryo ng templo ay malalagay sa gitna niyon.
22 Ang pag-aari ng mga Levita at ng lunsod ay malalagay sa gitna ng pag-aari ng pinuno. Ang bahagi ng pinuno ay malalagay sa pagitan ng nasasakupan ng Juda at ng Benjamin.
Ang Bahagi ng Limang Lipi
23 “At tungkol sa nalabi sa mga lipi: mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Benjamin, isang bahagi.
24 Sa tabi ng nasasakupan ng Benjamin, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Simeon, isang bahagi.
25 Sa tabi ng nasasakupan ng Simeon, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Isacar, isang bahagi.
26 Sa tabi ng nasasakupan ng Isacar, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Zebulon, isang bahagi.
27 Sa tabi ng nasasakupan ng Zebulon, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Gad, isang bahagi.
28 Sa tabi ng nasasakupan ng Gad sa dakong timog, ang hangganan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribat-cades sa batis ng Ehipto, hanggang sa Malaking Dagat.
29 Ito ang lupain na inyong paghahatian sa pamamagitan ng palabunutan sa mga lipi ng Israel bilang mana, at ang mga ito ang kanilang mga iba't ibang bahagi, sabi ng Panginoong Diyos.
Ang mga Pintuan ng Jerusalem
30 “Ang(A) mga ito ang mga labasan sa lunsod: Sa dakong hilaga ay apat na libo at limang daang siko sa sukat,
31 tatlong mga pintuan: ang pintuan ng Ruben, ang pintuan ng Juda, at ang pintuan ng Levi, ang mga pintuan ng lunsod ay magiging ayon sa mga pangalan ng mga lipi ng Israel.
32 Sa dakong silangan na apat na libo at limang daang siko ay tatlong pintuan: ang pintuan ng Jose, ang pintuan ng Benjamin, at ang pintuan ng Dan.
33 Sa dakong timog na apat na libo at limang daang siko sa sukat ay tatlong pintuan: ang pintuan ng Simeon, ang pintuan ng Isacar, at ang pintuan ng Zebulon.
34 Sa dakong kanluran na apat na libo at limang daang siko ay tatlong pintuan: ang pintuan ng Gad, ang pintuan ng Aser, at ang pintuan ng Neftali.
35 Ang sukat sa palibot ng lunsod ay labingwalong libong siko. At ang magiging pangalan ng lunsod mula sa araw na yaon ay, Ang Panginoon ay naroroon.”
Bilang Pagpupuri sa Manlalalang
104 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
O Panginoon kong Diyos, napakadakila mo!
Karangalan at kamahalan ang kasuotan mo,
2 na siyang bumabalot ng liwanag sa iyo na parang bihisan;
na gaya ng tabing ay nag-unat ng kalangitan;
3 na siyang naglalagay ng mga biga ng kanyang mga matataas na silid sa tubig;
na ginawang kanyang karwahe ang mga ulap,
na sumasakay sa mga pakpak ng hangin,
4 na(A) ginagawa niyang mga sugo ang mga hangin,
at kanyang mga tagapangasiwa ay nagliliyab na apoy.
5 Iyong inilagay ang lupa sa kanyang saligan,
upang ito'y huwag mayanig kailanman.
6 Tinakpan mo ito ng kalaliman na tila isang bihisan;
ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.
7 Sa iyong pagsaway ay tumakbo sila,
sa ugong ng iyong kulog ay nagsitakas sila.
8 Ang mga bundok ay bumangon, lumubog ang mga libis,
sa dakong pinili mo para sa kanila.
9 Ikaw ay naglagay ng hangganan na hindi nila dapat daanan,
upang ang lupa ay hindi na nila muling matakpan.
10 Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis;
ang mga iyon ay umagos sa pagitan ng mga bundok,
11 kanilang binibigyan ng inumin ang bawat hayop sa parang;
pinapawi ng mailap na asno ang kanilang pagkauhaw.
12 Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid;
sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
13 Mula sa iyong mga matataas na silid ay dinidilig mo ang mga bundok;
sa bunga ng iyong mga gawa ang lupa'y busog.
14 Iyong pinalalago para sa mga hayop ang damo,
at ang pananim upang sakahin ng tao,
upang siya'y makapagbigay ng pagkain mula sa lupa,
15 at ng alak upang pasayahin ang puso ng tao,
ng langis upang paliwanagin ang kanyang mukha,
at tinapay upang palakasin ang puso ng tao.
16 Ang mga punungkahoy ng Panginoon ay busog,
ang mga sedro sa Lebanon na kanyang itinanim.
17 Sa mga iyon ay gumagawa ng kanilang mga pugad ang mga ibon;
ang tagak ay mayroong kanyang bahay sa puno ng igos.
18 Ang matataas na bundok ay para sa maiilap na kambing;
ang malalaking bato ay kanlungan ng mga kuneho.
19 Ginawa mo ang buwan upang takdaan ang mga panahon;
nalalaman ng araw ang kanyang panahon ng paglubog.
20 Itinatalaga mo ang kadiliman at ito'y nagiging gabi;
nang ang lahat ng mga halimaw sa gubat ay gumagapang.
21 Umuungal ang mga batang leon para sa kanilang biktima,
na naghahanap ng kanilang pagkain mula sa Diyos.
22 Kapag ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis,
at humihiga sa kanilang mga yungib.
23 Ang tao ay humahayo sa kanyang gawain,
at sa kanyang paggawa hanggang sa kinahapunan.
24 O Panginoon, napakarami ng iyong mga gawa!
Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat,
ang lupa ay punô ng iyong mga nilalang.
25 Nariyan ang dagat, malaki at maluwang,
na punô ng mga bagay na di mabilang,
ng maliit at malaking bagay na may buhay.
26 Doon(B) nagsisiyaon ang mga sasakyang-dagat,
at ang Leviatan na iyong nilikha upang doon ay maglibang.
27 Lahat ng ito sa iyo ay naghihintay,
upang mabigyan sila sa tamang panahon ng kanilang pagkain.
28 Iyong ibinibigay sa kanila, ito ay kanilang tinitipon;
iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y napupuno ng mabubuting bagay.
29 Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangangamba;
iyong inalis ang kanilang hininga, sila'y namamatay,
at nagsisibalik sa kanilang pagiging alabok.
30 Iyong isinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nalilikha,
at iyong binabago ang balat ng lupa.
31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailanman;
magalak nawa ang Panginoon sa kanyang mga gawa,
32 na siyang tumitingin sa lupa at ito'y nayayanig,
na humihipo sa mga bundok at ito'y umuusok!
33 Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay;
ako'y aawit ng papuri sa aking Diyos, habang ako'y nabubuhay.
34 Maging kalugud-lugod nawa sa kanya ang aking pagbubulay-bulay,
para sa akin, ako'y magagalak sa Panginoon.
35 Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa,
at mawala nawa ang masama.
O kaluluwa ko! Purihin ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001