M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Rehoboam ay Naghari(A)
12 Si Rehoboam ay nagtungo sa Shekem, sapagkat ang buong Israel ay nagtungo sa Shekem upang gawin siyang hari.
2 Nang mabalitaan iyon ni Jeroboam na anak ni Nebat (sapagkat siya'y nasa Ehipto pa, na doon siya'y tumakas mula sa harapan ni Haring Solomon), siya ay bumalik mula sa Ehipto.
3 Sila'y nagsugo at kanilang ipinatawag siya. Si Jeroboam at ang buong kapulungan ng Israel ay dumating, at nagsabi kay Rehoboam,
4 “Pinabigat ng iyong ama ang pasanin namin. Ngayon ay pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod sa iyong ama, at ang mabigat niyang pamatok na iniatang niya sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.”
5 At sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo, at pagkaraan ng tatlong araw ay bumalik kayo sa akin.” Umalis nga ang taong-bayan.
6 Pagkatapos si Haring Rehoboam ay humingi ng payo sa matatandang lalaki na tumayo sa harap ni Solomon na kanyang ama samantalang siya'y nabubuhay pa, na sinasabi, “Anong payo ang maibibigay ninyo sa akin, upang isagot sa bayang ito?”
7 At sinabi nila sa kanya, “Kung ikaw ay magiging lingkod sa bayang ito sa araw na ito at maglilingkod sa kanila, at magsasabi ng mabubuting salita kapag sinasagot mo sila, ay magiging mga lingkod mo nga sila magpakailanman.”
8 Ngunit tinalikuran niya ang payo ng matatanda na kanilang ibinigay sa kanya, at humingi ng payo sa mga kabataang lalaking nagsilaking kasama niya na tumayo sa harap niya.
9 At sinabi niya sa kanila, “Anong maipapayo ninyo na dapat nating isagot sa bayang ito, na nagsabi sa akin, ‘Pagaanin mo ang pasanin na iniatang ng iyong ama sa amin’?”
10 Ang kanyang mga kababata ay nagsabi sa kanya, “Ganito ang iyong sasabihin sa bayang ito na nagsabi sa iyo, ‘Pinabigat ng iyong ama ang pasanin namin, ngunit pagaanin mo sa amin.’ Ganito ang iyong sasabihin sa kanila, ‘Ang aking kalingkingan ay mas makapal kaysa mga balakang ng aking ama.
11 At yaman ngang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na pasanin, ay aking dadagdagan pa ang pasanin ninyo. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo; ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.’”
12 Kaya't naparoon si Jeroboam at ang buong bayan kay Rehoboam sa ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari, “Bumalik kayo sa akin sa ikatlong araw.”
13 Mabagsik na sinagot ng hari ang mga tao at tinalikuran ang payo na ibinigay sa kanya ng matatanda.
14 At nagsalita siya sa kanila ayon sa payo ng mga kabataan na nagsasabi, “Pinabigat ng aking ama ang inyong pasanin, ngunit pabibigatan ko pa ang inyong pasanin. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.”
15 Sa gayo'y hindi dininig ng hari ang bayan sapagkat iyon ay pinapangyari ng Panginoon upang kanyang matupad ang kanyang salita na sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Ahias na Shilonita kay Jeroboam na anak ni Nebat.
Naghimagsik ang Israel
16 Nang(B) makita ng buong Israel na hindi sila dininig ng hari, sumagot ang bayan sa hari, na nagsasabi, “Anong bahagi mayroon kami kay David? Wala kaming mana sa anak ni Jesse. Sa iyong mga tolda, O Israel! Ngayon ikaw na ang bahala sa iyong sariling sambahayan, David.” Sa gayo'y humayo ang Israel sa kanya-kanyang tolda.
17 Ngunit si Rehoboam ay naghari sa mga anak ni Israel na naninirahan sa mga lunsod ng Juda.
18 Nang magkagayo'y sinugo ni Haring Rehoboam si Adoram na tagapangasiwa sa sapilitang paggawa, at siya'y binato ng buong Israel, hanggang siya'y mamatay. At nagmadali si Haring Rehoboam na sumakay sa kanyang karwahe upang tumakas patungo sa Jerusalem.
19 Gayon naghimagsik ang Israel laban sa sambahayan ni David, hanggang sa araw na ito.
20 Nang mabalitaan ng buong Israel na si Jeroboam ay bumalik na, sila'y nagsugo at ipinatawag siya sa kapulungan, at ginawa siyang hari sa buong Israel. Walang sumunod sa sambahayan ni David kundi ang lipi ni Juda lamang.
21 Nang dumating si Rehoboam sa Jerusalem, kanyang tinipon ang buong sambahayan ng Juda at ang lipi ni Benjamin na binubuo ng isandaan at walumpung libong piling lalaking mandirigma upang lumaban sa sambahayan ng Israel at ibalik ang kaharian kay Rehoboam na anak ni Solomon.
22 Ngunit ang salita ng Diyos ay dumating kay Shemaya na tao ng Diyos, na nagsasabi,
23 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon, na hari sa Juda, at sa buong sambahayan ng Juda, ng Benjamin, at sa nalabi sa bayan, na nagsasabi,
24 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kayong aahon o makikipaglaban sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel. Bumalik ang bawat isa sa kanyang bahay, sapagkat ang bagay na ito ay mula sa akin.’” Sa gayo'y kanilang dininig ang salita ng Panginoon, at sila'y umuwi, ayon sa salita ng Panginoon.
Si Jeroboam ay Naghari
25 Itinayo ni Jeroboam ang Shekem sa lupaing maburol ng Efraim, at nanirahan doon; at siya'y umalis roon at itinayo ang Penuel.
26 At sinabi ni Jeroboam sa kanyang sarili, “Ngayo'y maibabalik ang kaharian sa sambahayan ni David,
27 kapag ang bayang ito ay umahon upang maghandog ng mga alay sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, ang puso ng bayang ito'y babalik sa kanilang panginoon, samakatuwid ay kay Rehoboam na hari sa Juda. Ako'y papatayin nila at babalik sila kay Rehoboam na hari ng Juda.”
28 Kaya't(C) ang hari ay humingi ng payo at gumawa ng dalawang guyang ginto. Sinabi niya sa kanila, “Kalabisan na sa inyo ang pumunta pa sa Jerusalem. Masdan mo O Israel, ang iyong mga diyos na nagdala sa inyo mula sa lupain ng Ehipto.”
29 Inilagay niya ang isa sa Bethel at ang isa'y sa Dan.
30 Ang bagay na ito ay naging kasalanan sapagkat ang bayan ay umahon upang sumamba sa harap ng nasa Bethel at nagtungo rin sila sa Dan.
31 Gumawa rin siya ng mga bahay sa matataas na dako, at nagtalaga ng mga pari mula sa taong-bayan na hindi kabilang sa mga anak ni Levi.
32 Si(D) Jeroboam ay nagtakda ng isang kapistahan sa ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan, gaya ng kapistahan sa Juda, at siya'y naghandog sa ibabaw ng dambana. Gayon ang ginawa niya sa Bethel, na kanyang hinahandugan ang mga guya na kanyang ginawa. At kanyang inilagay sa Bethel ang mga pari ng matataas na dako na kanyang ginawa.
33 Siya'y umakyat sa dambana na kanyang ginawa sa Bethel nang ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan, sa buwan na binalak ng kanyang sariling puso. Nagtakda siya ng isang kapistahan sa mga anak ni Israel at umakyat sa dambana upang magsunog ng insenso.
Paghiwalay sa Nakaraan
3 Kahuli-hulihan, mga kapatid ko, magalak kayo sa Panginoon. Ang sumulat sa inyo ng gayunding mga bagay ay hindi kalabisan sa akin kundi para sa inyong ikaliligtas.
2 Mag-ingat kayo sa mga aso, mag-ingat kayo sa masasamang manggagawa, mag-ingat kayo sa mga hindi totoong pagtutuli.[a]
3 Sapagkat tayo ang pagtutuli, na sumasamba sa Diyos sa espiritu at nagmamapuri kay Cristo Jesus, at walang anumang pagtitiwala sa laman—
4 bagama't ako'y may dahilang magtiwala rin sa laman. Kung ang iba ay may dahilang magtiwala sa laman, ay lalo na ako:
5 tinuli(A) nang ikawalong araw, mula sa lahi ng Israel, mula sa lipi ni Benjamin, isang Hebreo na isinilang ng Hebreo; tungkol sa kautusan, ay Fariseo,
6 tungkol(B) sa sigasig, ay taga-usig ng iglesya; ayon sa katuwirang nasa kautusan ay walang kapintasan.
7 Gayunman ang mga bagay na sa akin ay naging pakinabang, ay inari kong kalugihan, alang-alang kay Cristo.
8 Higit pa roon, ang lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa higit na kahalagahan na makilala si Cristo Jesus na Panginoon ko. Alang-alang sa kanya'y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong basura lamang, upang makamit ko si Cristo,
9 at ako'y matagpuan sa kanya, na walang sarili kong katuwiran na mula sa kautusan, kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwirang buhat sa Diyos na batay sa pananampalataya;
10 upang makilala ko siya, at ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay at ang pakikisama sa kanyang mga kahirapan, na ako'y matulad sa kanya sa kanyang kamatayan,
11 upang aking makamit sa anumang paraan ang muling pagkabuhay mula sa mga patay.
Pagpapatuloy sa Mithiin
12 Hindi sa ito'y aking nakamit na, o ako'y sakdal na; kundi nagpapatuloy ako upang iyon ay aking maabot, kung paanong ako ay inabot din ni Cristo Jesus.
13 Mga kapatid, hindi ko pa inaaring naabot ko na, ngunit isang bagay ang ginagawa ko, nililimot ko ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap,
14 nagpapatuloy ako tungo sa mithiin para sa gantimpala ng dakilang pagtawag ng Diyos kay Cristo Jesus.
15 Kaya nga, tayong nasa hustong gulang ay magkaroon ng parehong kaisipan; at kung iba ang inyong iniisip tungkol sa anumang bagay, ito rin ay ipahahayag sa inyo ng Diyos.
16 Lamang, panghawakan natin ang ating naabot na.
17 Mga(C) kapatid, kayo'y magkaisang tumulad sa akin, at tandaan ninyo ang mga lumalakad ng gayon, ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa amin.
18 Sapagkat marami ang mga lumalakad na siyang madalas kong sabihin sa inyo, at ngayo'y sinasabi ko sa inyo na may pagluha, na sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo.
19 Ang kanilang kahihinatnan ay kapahamakan, ang kanilang tiyan ang kanilang diyos, at ang kanilang kahihiyan ang kanilang kapurihan, na nakatuon ang isip sa mga bagay na makalupa.
20 Sapagkat ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula roon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo,
21 na siyang magbabago ng ating hamak na katawan upang maging katulad ng katawan ng kanyang kaluwalhatian, ayon sa kapangyarihan na kumikilos sa kanya upang maipailalim sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay.
Ang Dalawang Gusali na Malapit sa Templo
42 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa patyo sa labas ng bahay, sa daan patungo sa hilaga, at dinala niya ako sa silid na nasa tapat ng bukod na dako at katapat ng gusali patungo sa hilaga.
2 Sa kahabaan ng gusali na isandaang siko ay ang pintuang hilaga, at ang luwang ay limampung siko.
3 Sa tapat ng dalawampung siko na kabilang sa panloob na patyo, at nakaharap sa nalalatagan ng bato na kabilang sa panlabas na patyo, ay ang galeria sa tapat ng galeria na may tatlong palapag.
4 At sa harapan ng mga silid ay may isang pasukang paloob na sampung siko ang luwang at isandaang siko ang haba; at ang mga pintuan nila ay nasa hilaga.
5 Ang pang-itaas na silid ay mas makipot, sapagkat ang mga galeria ay kumukuha sa mga ito nang higit kaysa pang-ibaba at panggitnang silid sa gusali.
6 Sila'y iniayos sa tatlong palapag, at walang mga haligi na gaya ng ibang gusali sa patyo. Kaya't ang ikatlo ay ginawang mas makipot kaysa pang-ibaba at panggitnang palapag mula sa lupa.
7 Mayroong pader na nasa labas na malapit sa mga silid, sa dako ng patyo sa tapat ng mga silid, ang haba niyon ay limampung siko.
8 Ang haba ng mga silid na nasa patyo ay limampung siko, at narito, ang harapan ng templo ay isandaang siko.
9 Sa ilalim ng mga silid na ito ay ang pasukan sa dakong silangan, sa pagpasok mula sa patyo sa labas.
10 Sa kakapalan ng pader ng looban sa dakong silangan, sa harap ng bukod na dako, at sa harap ng gusali ay mayroong mga silid.
11 Ang daan sa harapan ng mga iyon ay gaya ng anyo ng mga silid na nasa dakong hilaga; ayon sa haba ay gayon din ang kanilang luwang, at ang labasan ay ayon sa kanilang ayos ng mga pintuan.
12 At ayon sa mga pintuan ng mga silid na nasa dakong timog ay may isang pasukan sa bukana ng daan, sa daang tuwid na patuloy sa harapan ng pader sa dakong silangan sa pagpasok sa mga iyon.
13 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Ang mga silid sa hilaga at ang mga silid sa timog na nasa harapan ng bukod na dako ay mga banal na silid, kung saan kakainin ng mga pari na lumalapit sa Panginoon ang mga kabanal-banalang bagay. Doon nila ilalapag ang mga kabanal-banalang bagay—ang handog na butil, at ang handog pangkasalanan, at ang handog ng budhi na may sala; sapagkat ang dako ay banal.
14 Kapag ang mga pari ay pumasok sa banal na dako, hindi sila lalabas sa banal na dako na papasok sa bulwagan sa labas hangga't hindi nila inilalapag doon ang mga kasuotan na kanilang ipinaglingkod, sapagkat ang mga iyon ay banal. Sila'y magsusuot ng ibang kasuotan bago sila magsisilapit sa mga bagay na para sa bayan.”
Ang Sukat ng Paligid ng Bahay
15 Nang matapos na niyang masukat ang loob ng bahay, inilabas niya ako sa pintuang nakaharap sa silangan, at sinukat ang bahay sa palibot.
16 Sinukat niya sa dakong silangan ng panukat na tambo, limang daang siko sa panukat na tambo.
17 Sinukat niya ang dakong hilaga, limang daang siko sa panukat na tambo.
18 Pagkatapos ay sinukat niya ang dakong timog, limang daang siko sa panukat na tambo.
19 At siya'y pumihit sa dakong kanluran at sinukat ito, limang daang siko sa panukat na tambo.
20 Sinukat niya ito sa apat na sulok. May pader ito sa palibot, ang haba'y limang daang siko at ang luwang ay limang daang siko, upang ihiwalay ang banal sa karaniwan.
Ang Diyos na Hukom ng Lahat
94 O Panginoon, ikaw na Diyos ng paghihiganti,
ikaw na Diyos ng paghihiganti, magningning ka.
2 Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa,
ibigay mo sa palalo ang nararapat sa kanila.
3 O Panginoon, hanggang kailan ang masama,
hanggang kailan magsasaya ang masama?
4 Ibinubuhos nila ang kanilang mga salita, nang may kayabangan,
lahat ng gumagawa ng kasamaan ay nagmamalaki.
5 O Panginoon, kanilang dinurog ang iyong bayan,
at ang iyong mana ay sinaktan.
6 Kanilang pinatay ang balo at ang dayuhan,
ang ulila ay kanilang pinatay.
7 At kanilang sinasabi, “Hindi nakikita ng Panginoon,
ni hindi pinapansin ng Diyos ni Jacob.”
8 Unawain ninyo, kayong mga hangal sa gitna ng bayan!
Kailan kayo magiging matatalino, mga hangal?
9 Siyang naglagay ng pandinig, hindi ba siya nakakarinig?
Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?
10 Siyang sumusupil sa mga bansa,
hindi ba siya'y nagpaparusa,
siya na nagtuturo ng kaalaman?
11 Ang(A) mga pag-iisip ng tao ay ang Panginoon ang nakakaalam,
sila'y gaya lamang ng hiningang walang laman.
12 O Panginoon, mapalad ang tao na iyong sinusupil,
at tinuturuan ng iyong kautusan,
13 upang mabigyan siya ng kapahingahan mula sa mga araw ng kaguluhan,
hanggang ang hukay para sa masama ay maihanda.
14 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang bayan niya,
hindi niya iiwan ang kanyang mana;
15 sapagkat ang katarungan ay babalik sa katuwiran,
at ito ay susundin ng lahat ng may matuwid na puso.
16 Sino ang babangon para sa akin laban sa masama?
Sinong tatayo para sa akin laban sa mga gumagawa ng kasamaan?
17 Kung ang Panginoon ay hindi ko naging saklolo,
ang kaluluwa ko'y maninirahan na sana sa lupain ng katahimikan.
18 Nang aking sabihin, “Ang aking paa ay dumulas,”
O Panginoon, aalalayan mo ako ng iyong pag-ibig na wagas.
19 Kapag sa aking puso ay maraming pag-aalaala,
ang iyong mga pag-aliw ay nagpapasaya sa aking kaluluwa.
20 Makakasanib ba sa iyo ang trono ng kasamaan,
silang bumabalangkas ng masama sa pamamagitan ng batas?
21 Sila'y nagsasama-sama laban sa buhay ng matuwid,
at hinahatulan ng kamatayan ang walang sala.
22 Ngunit ang Panginoon ay naging aking muog;
at ang Diyos ko'y malaking bato na aking kanlungan.
23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan,
at papawiin sila dahil sa kanilang kasamaan;
papawiin sila ng Panginoon naming Diyos.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001