Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 3

Digmaan ng Israel at Moab

Nang ikalabingwalong taon ni Jehoshafat na hari ng Juda, si Jehoram na anak ni Ahab ay naging hari sa Israel sa Samaria, at siya ay naghari sa loob ng labindalawang taon.

Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon; bagama't hindi gaya ng kanyang ama at ina, sapagkat kanyang inalis ang haligi ni Baal na ginawa ng kanyang ama.

Gayunma'y kumapit siya sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y nagkasala ang Israel; hindi niya ito hiniwalayan.

Si Mesha na hari ng Moab ay nagpapalahi ng mga tupa. Siya'y nagbubuwis sa hari ng Israel ng isandaang libong tupa, at ng balahibo ng isandaang libong kordero.

Ngunit nang mamatay si Ahab, ang hari ng Moab ay naghimagsik laban sa hari ng Israel.

Kaya't si Haring Jehoram ay lumabas sa Samaria nang panahong iyon, at tinipon ang buong Israel.

Sa kanyang paghayo ay nagsugo siya kay Jehoshafat na hari ng Juda, na sinasabi, “Ang hari ng Moab ay naghimagsik laban sa akin. Sasama ka ba sa akin upang labanan ang Moab?” At kanyang sinabi, “Sasama ako; ako'y gaya mo, ang aking bayan ay parang iyong bayan, ang aking mga kabayo ay parang iyong mga kabayo.”

At kanyang sinabi, “Saan tayo dadaan?” At siya'y sumagot, “Sa daan ng ilang ng Edom.”

Kaya't humayo ang hari ng Israel kasama ang hari ng Juda, at ang hari ng Edom. Nang sila'y nakalibot ng pitong araw na paglalakbay, walang tubig para sa hukbo o para sa mga hayop na nagsisisunod sa kanila.

10 At sinabi ng hari ng Israel, “Kahabag-habag tayo! Tinawag ng Panginoon ang tatlong haring ito upang ibigay sa kamay ng Moab.”

11 Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong propeta ng Panginoon upang tayo'y makasangguni sa Panginoon sa pamamagitan niya?” At isa sa mga lingkod ng hari ng Israel ay sumagot, “Si Eliseo na anak ni Shafat na siyang nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias ay narito.”

12 Sinabi ni Jehoshafat, “Ang salita ng Panginoon ay nasa kanya.” Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat, at ang hari ng Edom ay pumunta sa kanya.

13 Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Anong pakialam ko sa iyo? Pumaroon ka sa mga propeta ng iyong ama at sa mga propeta ng iyong ina.” Ngunit sinabi ng hari ng Israel sa kanya, “Hindi; ang Panginoon ang tumawag sa tatlong haring ito upang ibigay sila sa kamay ng Moab.”

14 Sinabi ni Eliseo, “Hanggang nabubuhay ang Panginoon ng mga hukbo, na aking pinaglilingkuran, kung hindi dahil sa paggalang ko kay Jehoshafat na hari ng Juda, hindi ako titingin sa iyo ni makikipagkita sa iyo.

15 Ngunit ngayo'y dalhan ninyo ako ng isang manunugtog.” At nang ang manunugtog ay tumugtog, ang kapangyarihan ng Panginoon ay dumating sa kanya.

16 At kanyang sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Punuin ninyo ang libis na ito ng mga hukay.’

17 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Kayo'y hindi makakakita ng hangin ni ng ulan; ngunit ang libis na iyon ay mapupuno ng tubig, at kayo'y makakainom, kayo at ang inyong mga baka, at ang inyong mga hayop.’

18 Ito'y magaan lamang sa paningin ng Panginoon; ibibigay rin niya ang mga Moabita sa inyong kamay.

19 Inyong masasakop ang bawat lunsod na may kuta, at ang bawat piling lunsod at inyong ibubuwal ang bawat mabuting punungkahoy, at inyong patitigilin ang lahat ng bukal ng tubig, at inyong sisirain ng mga bato ang bawat mabuting pirasong lupa.”

20 Kinaumagahan, sa panahon ng paghahandog ng alay, dumating ang tubig mula sa dako ng Edom, hanggang sa ang buong lupain ay mapuno ng tubig.

21 Nang mabalitaan ng lahat ng Moabita na ang mga hari ay umahon upang makipaglaban sa kanila, ang lahat na may kakayahang makapagsakbat ng sandata, mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda ay pinalabas at inihanay sa hangganan.

22 Kinaumagahan, nang sila'y maagang bumangon at ang araw ay sumikat na sa tubig, nakita ng mga Moabita na ang tubig sa tapat nila ay mapulang gaya ng dugo.

23 At kanilang sinabi, “Ito'y dugo; ang mga hari ay naglabanan at nagpatayan sa isa't isa. Kaya't ngayon, Moab, sugod sa samsam!”

24 Ngunit nang sila'y dumating sa kampo ng Israel, ang mga Israelita ay nagsitindig at sinalakay ang mga Moabita, hanggang sila'y tumakas sa harapan nila; at sila'y nagpatuloy sa lupain na pinapatay ang mga Moabita.

25 Kanilang winasak ang mga lunsod at sa bawat mabuting bahagi ng lupain ay naghagis ang bawat tao ng bato, hanggang sa ito ay matabunan. Kanilang pinatigil ang lahat ng bukal ng tubig, at ibinuwal ang lahat ng mabuting punungkahoy, hanggang sa ang maiwan lamang ay ang mga bato sa Kir-hareseth at kinubkob at sinalakay iyon ng mga maninirador.

26 Nang makita ng hari ng Moab na ang labanan ay nagiging masama para sa kanya, nagsama siya ng pitong daang lalaki na gumagamit ng tabak upang makalusot sa tapat ng hari ng Edom; ngunit hindi nila magawa.

27 Nang magkagayo'y kinuha niya ang kanyang pinakamatandang anak na lalaki na maghahari sanang kapalit niya, at inihandog niya ito bilang handog na sinusunog sa ibabaw ng pader. At nagkaroon ng malaking poot laban sa Israel; kaya't kanilang iniwan siya, at bumalik sa kanilang sariling lupain.

2 Tesalonica 3

Kahilingan para Ipanalangin

Sa katapus-tapusan, mga kapatid, idalangin ninyo kami, upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at luwalhatiin na tulad din sa inyo,

at upang kami ay maligtas sa mga taong makasalanan at masasama, sapagkat hindi lahat ay mayroong pananampalataya.

Ngunit tapat ang Panginoon na magpapatibay sa inyo, at magbabantay sa inyo laban sa masama.

At may tiwala kami sa Panginoon tungkol sa inyo, na inyong ginagawa at gagawin naman ang mga bagay na aming ipinag-uutos.

Patnubayan nawa ng Panginoon ang inyong mga puso sa pag-ibig ng Diyos at sa katatagan ni Cristo.

Babala Laban sa Katamaran

Aming ipinag-uutos ngayon sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kayo'y lumayo sa bawat kapatid na namumuhay sa katamaran, at hindi ayon sa tradisyon na tinanggap nila sa amin.

Sapagkat kayo rin ang nakakaalam kung paano ninyo kami dapat tularan; hindi kami tamad noong kami'y kasama ninyo.

Hindi kami kumain ng tinapay ng sinuman nang walang bayad, kundi sa pagpapagal at hirap ay gumagawa gabi't araw, upang kami ay huwag maging pasanin sa kanino man sa inyo.

Hindi dahil sa kami ay walang karapatan, kundi upang maibigay namin ang aming mga sarili sa inyo bilang huwaran na dapat tularan.

10 Sapagkat noon pa mang kami ay kasama ninyo ay aming iniutos ito sa inyo: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho ay huwag din namang kumain.”

11 Sapagkat aming nababalitaan na ang ilan sa inyo ay namumuhay sa katamaran, hindi man lamang gumagawa, sa halip ay mga mapanghimasok.

12 Ngayon, ang mga taong iyon ay inaatasan namin at pinapakiusapan namin sa Panginoong Jesu-Cristo na gumawa nang may katahimikan, upang makakain sila ng sarili nilang pagkain.

13 Ngunit kayo, mga kapatid, huwag kayong manlupaypay sa paggawa ng mabuti.

14 Inyong tandaan ang mga hindi sumusunod sa aming mga sinasabi sa sulat na ito; at huwag ninyo siyang pakisamahan nang siya'y mapahiya.

15 Gayunma'y huwag ninyong ituring siyang kaaway, kundi inyo siyang pagsabihan bilang kapatid.

Mga Pagbati at Basbas

16 Ngayon, nawa'y mismong ang Panginoon ng kapayapaan ang magbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng panahon at sa lahat ng paraan. Ang Panginoon ay sumainyo nawang lahat.

17 Akong si Pablo ay sumusulat ng pagbating ito ng aking sariling kamay. Ito ang palatandaan sa bawat sulat ko; gayon ako sumusulat.

18 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang lahat.[a]

Daniel 7

Ang Pangitain tungkol sa Apat na Halimaw

Nang unang taon ni Belshasar na hari sa Babilonia, si Daniel ay nanaginip at nagkaroon ng mga pangitain habang nakahiga sa kanyang higaan. At kanyang isinulat ang panaginip, at isinalaysay ang kabuuan nito.

Sinabi ni Daniel, “Nakita ko sa aking pangitain sa gabi at narito, ang apat na hangin ng langit na humihihip sa malaking dagat,

at(A) apat na malalaking halimaw[a] na magkakaiba ang umahon mula sa dagat.

Ang(B) una'y gaya ng leon at may mga pakpak ng agila. Habang aking minamasdan, ang mga pakpak nito'y nahugot, at ito'y nataas mula sa lupa, at pinatayo sa dalawang paa na gaya ng isang tao; at binigyan din ito ng isip ng tao.

Lumitaw ang isa pang halimaw, ang ikalawa, na gaya ng isang oso. Ito ay nakataas sa isang tagiliran, may tatlong tadyang sa kanyang bibig sa pagitan ng kanyang mga ngipin; at sinabi rito, ‘Bumangon ka, lumamon ka ng maraming laman.’

Pagkatapos nito'y tumingin ako at may isa pang gaya ng leopardo na may apat na pakpak ng ibon sa likod nito. Ang halimaw ay mayroong apat na ulo; at binigyan siya ng kapangyarihan.

Pagkatapos(C) nito'y nakita ko sa pangitain sa gabi ang ikaapat na halimaw na kakilakilabot, nakakatakot, at napakalakas. Ito'y may malaking ngiping bakal; ito'y nananakmal at lumuluray, at niyurakan ng kanyang mga paa ang nalabi. Ito ay kaiba sa lahat ng halimaw na una sa kanya, at siya'y may sampung sungay.

Habang(D) tinitingnan kong mabuti ang mga sungay, narito, lumitaw sa gitna ng mga iyon ang isa pang munting sungay, at sa harap nito ay tatlo sa mga unang sungay ang nabunot sa mga ugat. Narito, sa sungay na ito ay may mga mata na gaya ng mata ng tao, at isang bibig na nagsasalita ng mga kapalaluan.

Habang(E) ako'y nakatingin, may mga tronong inilagay,
    at ang Matanda sa mga Araw ay umupo.
Ang kanyang kasuotan ay kasimputi ng niyebe,
    at ang buhok ng kanyang ulo ay gaya ng purong lana.
Ang kanyang trono ay naglalagablab sa apoy
    at ang mga gulong nito ay nagniningas na apoy.
10 May(F) dumaloy na isang ilog ng apoy
    at lumabas mula sa harapan niya,
libu-libo ang naglilingkod sa kanya,
at laksa-laksa ang nakatayo sa harapan niya.
Ang hukuman ay humanda para sa paghuhukom,
at ang mga aklat ay nabuksan.

11 Ako'y tumingin dahil sa ingay ng mga palalong salita na sinasabi ng sungay. Nagpatuloy akong tumingin hanggang ang halimaw ay napatay, at ang kanyang katawan ay winasak, at ibinigay upang sunugin ng apoy.

12 At tungkol sa iba pang mga halimaw, ang kanilang kapangyarihan ay inalis, ngunit ang kanilang mga buhay ay pinahaba pa ng isang kapanahunan at isang panahon.

13 Patuloy(G) akong nakakita sa pangitain sa gabi, at narito,

ang isang gaya ng Anak ng tao na dumarating kasama ng mga ulap.
At siya'y lumapit sa Matanda sa mga Araw,
    at iniharap sa kanya.
14 Binigyan(H) siya ng kapangyarihan,
    kaluwalhatian, at kaharian,
upang ang lahat ng mga bayan, bansa, at mga wika
    ay maglingkod sa kanya.
Ang kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan
    na hindi lilipas,
at ang kanyang kaharian
    ay hindi mawawasak.

Ang Panaginip ay Ipinaliwanag

15 “Tungkol sa akin, akong si Daniel, ang aking espiritu ay nabalisa sa loob ko, at binagabag ako ng aking mga pangitain sa aking pag-iisip.

16 Ako'y lumapit sa isa sa kanila na nakatayo roon at itinanong ko sa kanya ang katotohanan tungkol sa lahat ng ito. Kaya't sinabi niya at ipinaalam sa akin ang kahulugan ng mga bagay.

17 Ang apat na malaking halimaw na ito ay apat na hari na lilitaw mula sa lupa.

18 Ngunit(I) tatanggapin ng mga banal ng Kataas-taasan ang kaharian, at aangkinin ang kaharian magpakailan kailanpaman.

19 Pagkatapos ay ninais kong malaman ang katotohanan tungkol sa ikaapat na halimaw na kaiba sa lahat, na totoong kakilakilabot, na ang mga ngipin ay bakal at ang mga kuko ay tanso; na nananakmal, lumuluray, at niyuyurakan ng kanyang mga paa ang nalabi;

20 at tungkol sa sampung sungay na nasa kanyang ulo, at ang isa pang sungay na sumibol, na sa harapan nito'y nabuwal ang tatlo, ang sungay na may mga mata, at bibig na nagsasalitang may kapalaluan, na ang anyo ay parang higit na makapangyarihan kaysa kanyang mga kasama.

21 Habang(J) ako'y nakatingin, ang sungay na ito ay nakipagdigma sa mga banal, at nagtagumpay laban sa kanila,

22 hanggang(K) sa ang Matanda sa mga Araw ay dumating. At ang paghatol ay ibinigay para sa mga banal ng Kataas-taasan, at ang panaho'y dumating na tinanggap ng mga banal ang kaharian.

23 “Ganito ang kanyang sinabi:
‘Ang ikaapat na halimaw ay
magiging ikaapat na kaharian sa ibabaw ng lupa,
na magiging kaiba sa lahat ng kaharian,
at sasakmalin nito ang buong lupa,
yuyurakan ito at pagluluray-lurayin.
24 Tungkol(L) sa sampung sungay,
mula sa kahariang ito ay babangon ang sampung hari,
at may isa pang babangong kasunod nila.
Siya'y magiging kaiba kaysa mga nauna,
at kanyang ibabagsak ang tatlong hari.
25 At(M) siya'y magsasalita laban sa Kataas-taasan,
at lilipulin niya ang mga banal ng Kataas-taasan;
at kanyang iisiping baguhin ang mga panahon at ang kautusan;
at sila'y ibibigay sa kanyang kamay
hanggang sa isang panahon,
mga panahon at kalahati ng isang panahon.
26 Pagkatapos nito, ang hukuman ay uupo sa paghatol,
at ang kanyang kapangyarihan ay aalisin,
upang mapuksa at ganap na mawasak.
27 At(N) ang kaharian, ang kapangyarihan,
at ang kadakilaan ng mga kaharian sa silong ng buong langit,
ay ibibigay sa bayan ng mga banal ng Kataas-taasan.
Ang kanyang kaharian ay magiging walang hanggang kaharian,
at ang lahat ng kapangyarihan ay maglilingkod at susunod sa kanya.’

28 “Dito nagwakas ang pahayag. Tungkol sa akin, akong si Daniel, ay lubhang binabagabag ng aking pag-iisip, at ang aking mukha ay namutla; ngunit iningatan ko ang bagay na ito sa aking isipan.”

Mga Awit 114-115

114 Nang(A) lumabas ang Israel at sa Ehipto ay nagmula,
    ang sambahayan ni Jacob mula sa bayang may kakaibang wika,
ang Juda ay naging kanyang santuwaryo,
    ang Israel ay kanyang sakop.

Ang(B) dagat ay tumingin at tumakas,
    ang Jordan ay umatras.
Ang mga bundok ay nagsiluksong mga tupang lalaki ang kagaya,
    ang mga burol na parang mga batang tupa.
Anong karamdaman mo, O dagat, upang tumakas ka?
    O Jordan, upang umurong ka?
O mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong mga tupang lalaki ang kagaya?
    O mga burol, na parang mga batang tupa?

Mayanig ka, O lupa, sa harapan ng Panginoon,
    sa harapan ng Diyos ni Jacob;
na(C) ginawang tipunan ng tubig ang malaking bato,
    na bukal ng tubig ang hasaang bato.

Ang Isang Tunay na Diyos

115 Huwag sa amin, O Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay ibigay ang karangalan,
    dahil sa iyong tapat na pag-ibig, at dahil sa iyong katapatan!
Bakit sasabihin ng mga bansa,
    “Nasaan ngayon ang kanilang Diyos?”

Ang aming Diyos ay nasa mga langit,
    kanyang ginagawa ang anumang kanyang kagustuhan.
Ang(D) kanilang mga diyus-diyosan ay pilak at ginto,
    gawa ng mga kamay ng mga tao.
Sila'y may mga bibig, ngunit hindi nagsasalita;
    may mga mata, ngunit hindi sila nakakakita.
Sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
    may mga ilong, ngunit hindi sila nakakaamoy.
Mayroon silang mga kamay, ngunit hindi sila nakakadama,
    may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
    at hindi gumagawa ng tunog sa kanilang lalamunan.
Ang mga gumawa sa kanila ay kagaya nila;
    gayundin ang lahat ng nagtitiwala sa kanila.

O Israel, sa Panginoon ay magtiwala ka!
    Kanilang saklolo at kanilang kalasag siya.
10 O sambahayan ni Aaron, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
    Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
11 Kayong natatakot sa Panginoon, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
    Siya ang kanilang kalasag at saklolo.

12 Inalaala tayo ng Panginoon; tayo'y kanyang pagpapalain;
    ang sambahayan ni Israel ay kanyang pagpapalain;
    ang sambahayan ni Aaron ay kanyang pagpapalain;
13 pagpapalain(E) niya ang mga natatakot sa Panginoon,
    ang mababa kasama ang dakila.

14 Paramihin nawa kayo ng Panginoon,
    kayo at ang inyong mga anak!
15 Pagpalain nawa kayo ng Panginoon,
    siya na gumawa ng langit at lupa!

16 Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon;
    ngunit ang lupa ay kanyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
17 Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon,
    ni sinumang bumababa sa katahimikan.
18 Ngunit aming pupurihin ang Panginoon
    mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan.
Purihin ang Panginoon!

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001