Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 6

Naibalik ang Talim ng Palakol

At sinabi ng mga anak ng mga propeta kay Eliseo, “Tingnan mo, ang lugar na aming tinitirhan sa pangangasiwa mo ay napakaliit para sa amin.

Papuntahin mo kami sa Jordan, at kukuha roon ang bawat isa sa amin ng troso at hayaan mong gumawa kami roon ng isang lugar na aming matitirahan.” Siya'y sumagot, “Sige.”

At sinabi ng isa sa kanila, “Maaari bang ikalugod mo na sumama ka sa iyong mga lingkod?” At siya'y sumagot, “Ako'y sasama.”

Kaya't siya'y sumama sa kanila. Nang sila'y dumating sa Jordan, sila'y nagsiputol ng mga punungkahoy.

Ngunit samantalang ang isa'y pumuputol ng troso, ang talim ng palakol ay nalaglag sa tubig; at siya'y sumigaw, “Naku, panginoon ko! Iyon ay hiram lamang.”

Sinabi ng tao ng Diyos, “Saan iyon bumagsak?” Nang ituro sa kanya ang lugar, pumutol siya ng isang patpat, at inihagis doon, at pinalutang ang bakal.

At kanyang sinabi, “Kunin mo.” Kaya't kanyang iniabot iyon ng kanyang kamay at kinuha iyon.

Nagapi ang Hukbo ng Siria

Minsan, nang ang hari ng Siria ay nakikipagdigma sa Israel, siya'y sumangguni sa kanyang mga lingkod. Kanyang sinabi, “Sa gayo't gayong lugar ay ilalagay ko ang aking kampo.”

Ngunit ang tao ng Diyos ay nagsugo sa hari ng Israel, na nagsasabi, “Mag-ingat ka na huwag dumaan sa lugar na ito, sapagkat darating ang mga taga-Siria doon.”

10 Nagsugo ang hari ng Israel sa lugar na sinabi sa kanya ng tao ng Diyos. Ganoon niya laging binabalaan siya, kaya't kanyang iningatan ang kanyang sarili roon na hindi lamang minsan o makalawa.

11 Ang isipan ng hari ng Siria ay lubhang nabagabag dahil sa bagay na ito. Kanyang tinawag ang kanyang mga lingkod, at sinabi sa kanila, “Sabihin ninyo sa akin! Sino sa atin ang nasa panig ng hari ng Israel?”

12 Sinabi ng isa sa kanyang mga lingkod, “Wala po, panginoon ko, O hari. Si Eliseo, ang propetang nasa Israel, ang nagsasabi sa hari ng Israel ng mga salita na iyong sinabi sa iyong silid-tulugan.”

13 At kanyang sinabi, “Humayo ka at tingnan mo kung saan siya naroroon, upang ako'y makapagsugo at dakpin siya.” At sinabi sa kanya, “Naroon siya sa Dotan.”

14 Kaya't siya'y nagsugo roon ng mga kabayo, mga karwahe, at isang malaking hukbo. Sila'y dumating nang gabi, at pinaligiran ang lunsod.

15 Kinaumagahan, nang ang lingkod ng tao ng Diyos ay bumangong maaga at lumabas, isang hukbo na may mga kabayo at mga karwahe ang nakapaligid sa bayan. At sinabi ng kanyang lingkod, “Kahabag-habag tayo, panginoon ko! Paano ang ating gagawin?”

16 At siya'y sumagot, “Huwag kang matakot, sapagkat ang mga kasama natin ay higit kaysa mga kasama nila.”

17 Si Eliseo ay nanalangin, at nagsabi, “Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na buksan mo ang kanyang mga mata upang siya'y makakita.” At binuksan ng Panginoon ang mga mata ng binata, at siya'y nakakita. Ang bundok ay punô ng mga kabayo at ng mga karwahe ng apoy sa palibot ni Eliseo.

18 Nang ang mga taga-Siria ay dumating laban sa kanya, nanalangin si Eliseo sa Panginoon, at nagsabi, “Idinadalangin ko sa iyo, na bulagin mo ang mga taong ito.” At kanyang binulag sila ayon sa salita ni Eliseo.

19 At sinabi ni Eliseo sa kanila, “Hindi ito ang daan, at hindi ito ang lunsod. Sumunod kayo sa akin at dadalhin ko kayo sa taong inyong hinahanap.” At kanyang dinala sila sa Samaria.

20 Pagkarating nila sa Samaria, sinabi ni Eliseo, “O Panginoon, imulat mo ang mga mata ng mga lalaking ito upang sila'y makakita.” Iminulat ng Panginoon ang kanilang mga mata at kanilang nakita na sila'y nasa loob ng Samaria.

21 Nang sila'y makita ng hari ng Israel, sinabi niya kay Eliseo, “Ama ko, papatayin ko ba sila? Papatayin ko ba sila?”

22 Siya'y sumagot, “Huwag mo silang papatayin. Papatayin mo ba ang binihag ng iyong tabak at ng iyong pana? Maghain ka ng tinapay at tubig sa harapan nila, upang sila'y makakain at makainom, at magsiparoon sa kanilang panginoon.”

23 Kanyang ipinaghanda sila ng malaking handaan; at nang sila'y makakain at makainom, kanyang pinahayo sila, at sila'y pumunta sa kanilang panginoon. At ang mga taga-Siria ay hindi na sumalakay pa sa lupain ng Israel.

Ang Pagsakop sa Samaria

24 Pagkatapos nito, tinipon ni Ben-hadad na hari ng Siria ang kanyang buong hukbo, at sila'y umahon, at kinubkob ang Samaria.

25 Nagkaroon ng malaking taggutom sa Samaria, habang kanilang kinukubkob ito, hanggang sa ang ulo ng isang asno ay ipinagbili sa halagang walumpung siklo ng pilak, at ang ikaapat na bahagi ng isang takal ng dumi ng kalapati sa halagang limang siklo ng pilak.

26 Habang ang hari ng Israel ay dumaraan sa ibabaw ng pader, sumigaw ang isang babae sa kanya, na nagsasabi, “Saklolo, panginoon ko, O hari.”

27 Kanyang sinabi, “Hindi! Hayaang saklolohan ka ng Panginoon. Paano kita matutulungan? Mula sa giikan o sa ubasan?”

28 Ngunit tinanong siya ng hari, “Ano ang iyong daing?” Siya'y sumagot, “Sinabi ng babaing ito sa akin, ‘Ibigay mo ang iyong anak, kakainin natin siya ngayon, at kakainin natin ang anak ko bukas.’

29 Kaya't(A) niluto namin ang anak ko, at kinain namin siya. Nang sumunod na araw, sinabi ko sa kanya, ‘Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya’; ngunit kanyang ikinubli ang kanyang anak.”

30 Nang marinig ng hari ang mga salita ng babae, kanyang pinunit ang kanyang suot (nagdaraan siya noon sa ibabaw ng pader;) at ang taong-bayan ay nakatingin, at siya noon ay may suot na pang-ilalim na damit-sako—

31 at kanyang sinabi, “Gawing gayon ng Diyos sa akin, at lalo na, kung ang ulo ni Eliseo, na anak ni Shafat ay manatili sa kanyang mga balikat sa araw na ito.”

32 Kaya't ang hari ay nagsugo ng isang tao mula sa kanyang harapan. Noon si Eliseo ay nakaupo sa kanyang bahay, at ang matatanda ay nakaupong kasama niya. Bago dumating ang sugo, sinabi ni Eliseo sa matatanda, “Nakikita ba ninyo kung paanong ang anak ng mamamatay-taong ito ay nagsugo ng isang tao upang pugutin ang aking ulo? Pagdating ng sugo, sarhan ninyo ang pintuan, at hawakan ninyo ang pinto laban sa kanya: Di ba ang tunog ng mga paa ng kanyang panginoon ay nasa likuran niya?”

33 Samantalang siya'y nakikipag-usap sa kanila, dumating ang sugo at kanyang sinabi, “Ang kasamaang ito'y mula sa Panginoon! Bakit pa ako maghihintay sa Panginoon?”

1 Timoteo 3

Mga Katangian ng Magiging Obispo

Tapat ang salita: Kung ang sinuman ay naghahangad na maging obispo,[a] siya ay nagnanais ng mabuting gawain.

Kailangan(A) na ang obispo ay walang kapintasan, asawa ng isang babae, mapagpigil, matino ang pag-iisip, kagalang-galang, mapagpatuloy ng panauhin, mahusay magturo,

hindi mahilig sa alak, hindi mapusok kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi maibigin sa salapi.

Dapat ay pinamamahalaan niyang mabuti ang kanyang sariling sambahayan, sinusupil ang kanyang mga anak, at may lubos na paggalang.

Sapagkat kung ang sinuman ay hindi marunong mamahala ng kanyang sariling sambahayan, paano niya pangangalagaan ang iglesya ng Diyos?

Hindi isang bagong hikayat, baka siya magpalalo at mahulog sa kahatulan ng diyablo.

Bukod dito'y dapat din namang siya'y magkaroon ng mabuting patotoo mula sa mga nasa labas, baka siya mahulog sa kahihiyan at bitag ng diyablo.

Mga Katangian sa Pagiging Diakono

Gayundin naman ang mga diakono ay dapat na maging kagalang-galang, hindi dalawang dila, hindi nalululong sa maraming alak, hindi mga sakim sa masamang pagkakakitaan,

na iniingatan ang hiwaga ng pananampalataya nang may malinis na budhi.

10 At ang mga ito rin naman ay subukin muna; at kung mapatunayang walang kapintasan, hayaan silang maglingkod bilang mga diakono.

11 Gayundin naman, ang mga babae ay dapat na maging kagalang-galang, hindi mapanirang-puri, kundi mapagpigil, tapat sa lahat ng mga bagay.

12 Ang mga diakono ay dapat na may tig-iisang asawa lamang, at pinamamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at ang kanilang sariling mga sambahayan.

13 Sapagkat ang mga nakapaglingkod nang mabuti bilang mga diakono ay nagtatamo para sa kanilang sarili ng isang mabuting katayuan, at ng malaking pagtitiwala sa pananampalataya kay Cristo Jesus.

Ang Hiwaga ng Ating Pananampalataya

14 Ang mga bagay na ito ay aking isinusulat sa iyo, na umaasang makakarating sa iyo sa madaling panahon,

15 ngunit kung ako'y maantala, ay maaari mong malaman kung ano ang dapat ugaliin ng bawat tao sa bahay ng Diyos, na siyang iglesya ng Diyos na buháy, ang haligi at suhay ng katotohanan.

16 Walang pag-aalinlangan, dakila ang hiwaga ng kabanalan:

Siyang[b] nahayag sa laman,
    pinatunayang matuwid sa espiritu,[c] nakita ng mga anghel,
ipinangaral sa mga bansa,
    sinampalatayanan sa sanlibutan,
    tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.

Daniel 10

Ang Pangitain ni Daniel sa Tabi ng Malaking Ilog

10 Nang ikatlong taon ni Ciro na hari ng Persia, nahayag ang isang salita kay Daniel, na ang pangala'y Belteshasar. Ang salita ay totoo, at iyon ay tungkol sa isang malaking paglalaban. At kanyang naunawaan ang salita at naunawaan ang pangitain.

Nang mga araw na iyon, akong si Daniel ay nagluluksa sa loob ng buong tatlong sanlinggo.

Hindi ako kumain ng masarap na pagkain, ni pumasok man ang karne, ni alak sa aking bibig, ni nagpahid man ako ng langis sa loob ng buong tatlong sanlinggo.

Nang ikadalawampu't apat na araw ng unang buwan, habang ako'y nasa pampang ng malaking ilog na Hiddekel,[a]

aking(A) itiningin ang aking paningin at tumanaw, at nakita ko ang isang lalaki na may suot ng telang lino, na ang mga balakang ay binigkisan ng ginto ng Uphaz.

Ang kanyang katawan ay gaya ng berilo, ang kanyang mukha ay gaya ng anyo ng kidlat, ang kanyang mga mata ay gaya ng nagliliyab na sulo, ang kanyang mga kamay at mga paa ay gaya ng kislap ng pinakintab na tanso, at ang tunog ng kanyang mga salita ay gaya ng ingay ng napakaraming tao.

Akong si Daniel lamang ang nakakita sa pangitaing iyon; hindi nakita ng mga lalaking kasama ko ang pangitain, gayunma'y dumating sa kanila ang isang matinding takot, at sila'y tumakas upang magkubli.

Kaya't iniwan akong nag-iisa, at nakita ko ang dakilang pangitaing ito. Walang lakas na naiwan sa akin, at ang aking kulay ay namutlang parang patay at walang nanatiling lakas sa akin.

Ngunit narinig ko ang tunog ng kanyang mga salita; at nang aking marinig ang tunog ng kanyang mga salita, ang mukha ko'y napasubasob sa lupa sa isang mahimbing na pagkakatulog.

10 Ngunit di nagtagal, narito, isang kamay ang humipo sa akin at ako'y itinayo na nanginginig ang aking mga kamay at mga tuhod.

11 At sinabi niya sa akin, “O Daniel, ikaw na lalaking pinakamamahal, unawain mo ang mga salita na aking sasabihin sa iyo. Tumayo ka nang matuwid sapagkat sa iyo'y sinugo ako ngayon.” Nang kanyang masabi ang salitang ito sa akin, ako'y tumayo na nanginginig.

12 Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Huwag kang matakot, Daniel, sapagkat mula nang unang araw na iyong ilagak ang iyong isipan sa pagkaunawa, at magpakababa sa iyong Diyos, ang iyong mga salita ay pinakinggan, at ako'y pumarito dahil sa iyong mga salita.

13 Ngunit(B) hinadlangan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia sa loob ng dalawampu't isang araw. Kaya't si Miguel na isa sa mga punong prinsipe ay dumating upang tulungan ako. At ako'y naiwan doon kasama ng mga hari ng Persia.

14 Pumarito ako upang ipaunawa sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong bayan sa mga huling araw. Sapagkat mayroon pang pangitain para sa mga araw na iyon.”

15 Samantalang kanyang sinasabi sa akin ang mga salitang ito, itinungo ko ang aking mukha sa lupa at ako'y napipi.

16 At isang kahawig ng tao ang humipo sa aking mga labi. Ibinuka ko ang aking bibig at ako'y nagsalita. Sinabi ko sa kanya na nakatayo sa harapan ko, “O panginoon ko, dahil sa pangitain ay dumating sa akin ang mga paghihirap at nawalan ako ng lakas.

17 Paanong makikipag-usap ang lingkod ng aking panginoon sa aking panginoon? Sapagkat sa ngayon, walang nananatiling lakas sa akin, at walang naiwang hininga sa akin.”

18 Muli akong hinipo ng isa na kahawig ng tao, at kanyang pinalakas ako.

19 Kanyang sinabi, “O taong pinakamamahal, huwag kang matakot; kapayapaan ang sumaiyo. Magpakalakas ka at magpakatapang.” Nang siya'y magsalita sa akin, ako'y lumakas at nagsabi, “Magsalita ang aking panginoon, sapagkat pinalakas mo ako.”

20 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Alam mo ba kung bakit ako'y pumarito sa iyo? Ngayo'y babalik ako upang makipaglaban sa pinuno ng Persia. At kapag ako'y tapos na sa kanya, narito, ang pinuno ng Grecia ay darating.

21 Ngunit sasabihin ko sa iyo ang nakasulat sa kasulatan ng katotohanan. Wala akong kasamang nakikipaglaban sa mga pinunong ito maliban kay Miguel na inyong pinuno.

Mga Awit 119:1-24

ALEPH.

119 Mapalad silang sakdal ang landas,
    na sa kautusan ng Panginoon ay lumalakad!
Mapalad silang nag-iingat ng kanyang mga patotoo,
    na hinahanap siya ng buong puso,
na hindi rin gumagawa ng kasamaan,
    kundi lumalakad sa kanyang mga daan.
Iniutos mo ang iyong mga tuntunin,
    upang masikap naming sundin.
O maging matatag nawa ang pamamaraan ko
    sa pag-iingat ng mga tuntunin mo!
Kung gayo'y hindi ako mapapahiya,
    yamang itinuon ko sa lahat ng iyong mga utos ang aking mga mata.
Pupurihin kita ng may matuwid na puso,
    kapag aking natutunan ang matutuwid mong mga batas.
Aking tutuparin ang mga tuntunin mo;
    O huwag mong ganap na talikuran ako!

BETH.

Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan?
    Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa iyong salita.
10 Hinanap kita nang buong puso ko;
    O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo!
11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso,
    upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
12 Purihin ka, O Panginoon;
    ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin!
13 Ipinahahayag ng mga labi ko
    ang lahat ng mga batas ng bibig mo.
14 Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo,
    gaya ng lahat ng kayamanan.
15 Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo,
    at igagalang ang mga daan mo.
16 Ako'y magagalak sa iyong mga tuntunin;
    hindi ko kalilimutan ang iyong salita.

GIMEL.

17 Gawan ng mabuti ang iyong lingkod,
    upang mabuhay ako, at sundin ang salita mo.
18 Buksan mo ang aking mga mata upang makita ko,
    ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan mo.
19 Ako'y isang dayuhan sa lupain,
    huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin.
20 Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik
    sa lahat ng panahon sa mga batas mo.
21 Iyong sinasaway ang mga walang galang,
    ang mga sinumpa na lumalayo sa iyong mga utos.
22 Ang paglibak at pagkutya sa akin ay alisin mo,
    sapagkat iningatan ko ang iyong mga patotoo.
23 Bagaman ang mga pinuno ay umuupong nagsasabwatan laban sa akin;
    ang lingkod mo'y magbubulay-bulay sa iyong mga tuntunin.
24 Aking kasiyahan ang iyong mga patotoo,
    ang mga iyon ay aking mga tagapayo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001