Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 20

Nakipaglaban si Ben-hadad kay Ahab

20 Tinipon ni Ben-hadad na hari ng Siria ang buong hukbo niya. May tatlumpu't dalawang hari na kasama siya, mga kabayo, at mga karwahe. Siya'y umahon at kinubkob ang Samaria, at nilabanan iyon.

At siya'y nagpadala ng mga sugo kay Ahab na hari ng Israel, sa loob ng lunsod, at sinabi niya sa kanya, “Ganito ang sabi ni Ben-hadad,

‘Ang iyong pilak at ginto ay akin, pati ang iyong pinakamagagandang asawa at mga anak ay akin.’”

Ang hari ng Israel ay sumagot, at nagsabi, “Ayon sa iyong sinasabi panginoon ko, O hari; ako'y iyo at lahat ng aking ari-arian.”

Ang mga sugo ay muling dumating, at nagsabi, “Ganito ang sinabi ni Ben-hadad, Ako'y nagsugo sa iyo, na nagpapasabi, ‘Ibigay mo sa akin ang iyong pilak, at ang iyong ginto, ang iyong mga asawa at mga anak,’

gayunma'y susuguin ko sa iyo bukas ang aking mga lingkod sa mga ganitong oras. Kanilang hahalughugin ang iyong bahay, at ang mga bahay ng iyong mga lingkod, at anumang magustuhan nila ay hahawakan nila ng kanilang kamay, at iyon ay kukunin.”

Nang magkagayo'y tinawag ng hari ng Israel ang lahat ng matatanda sa lupain, at sinabi, “Inyong tandaan at tingnan kung paanong ang taong ito'y humahanap ng gulo, sapagkat kanyang ipinakukuha ang aking mga asawa, mga anak, mga pilak, at mga ginto; at hindi ako tumanggi sa kanya.”

At sinabi sa kanya ng lahat ng matatanda at ng buong bayan, “Huwag mong pansinin, o payagan man.”

Kaya't kanyang sinabi sa mga sugo ni Ben-hadad, “Sabihin ninyo sa aking panginoong hari, ‘Ang lahat ng iyong ipinasugo sa iyong lingkod nang una ay aking gagawin. Ngunit ang bagay na ito ay hindi ko magagawa.’” At ang mga sugo ay umalis at muling nag-ulat sa kanya.

10 Si Ben-hadad ay nagsugo sa kanya, at nagsabi, “Gawin ang gayon ng mga diyos sa akin, at higit pa kung ang alabok sa Samaria ay magiging sapat na dakutin ng lahat ng taong sumusunod sa akin.”

11 At ang hari ng Israel ay sumagot, at nagsabi, “Sabihin ninyo sa kanya na hindi dapat maghambog ang nagbibigkis ng sandata na parang siya ang naghuhubad nito.”

12 Nang marinig ni Ben-hadad ang pasugong ito, habang siya'y umiinom sa tolda kasama ang mga hari, sinabi niya sa kanyang mga lingkod, “Humanda kayo sa pagsalakay.” At sila'y naghanda sa pagsalakay sa lunsod.

13 Ang isang propeta ay lumapit kay Ahab na hari ng Israel, at nagsabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Nakita mo ba ang karamihang ito? Tingnan mo, aking ibibigay sila sa iyong kamay sa araw na ito at iyong makikilala na ako ang Panginoon.’”

14 Sinabi ni Ahab, “Sa pamamagitan nino?” At kanyang sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sa pamamagitan ng mga kabataang tauhan ng mga pinuno sa mga lalawigan.’” Nang magkagayo'y sinabi niya, “Sino ang magsisimula ng labanan?” At siya'y sumagot, “Ikaw.”

15 Nang magkagayo'y kanyang pinaghanda ang mga kabataang tauhan ng mga pinuno sa mga lalawigan, at sila'y dalawandaan at tatlumpu't dalawa. Pagkatapos ay kanyang tinipon ang buong bayan, ang lahat ng mga anak ni Israel na may pitong libong katao.

Ang mga Taga-Siria ay Nagapi

16 Sila'y umalis nang katanghaliang-tapat, habang si Ben-hadad ay umiinom na nilalasing ang sarili sa loob ng mga tolda at ang tatlumpu't dalawang haring tumulong sa kanya.

17 At ang mga tauhan ng mga pinuno sa mga lalawigan ay naunang lumabas. Si Ben-hadad ay nagsugo ng mga kawal at isinalaysay nila sa kanya, “May mga taong lumalabas mula sa Samaria.”

18 Kanyang sinabi, “Kung sila'y lumalabas para sa kapayapaan, hulihin ninyo silang buháy; o kung sila'y lumalabas para sa pakikidigma, hulihin ninyong buháy.”

19 Sa gayo'y ang mga ito ay lumabas sa lunsod, ang mga kabataan ng mga pinuno sa mga lalawigan, at ang hukbong sumusunod sa kanila.

20 Pinatay ng bawat isa ang kanya-kanyang kalabang lalaki, at ang mga taga-Siria ay nagsitakas, at hinabol sila ng Israel. Ngunit si Ben-hadad na hari ng Siria ay tumakas na sakay ng isang kabayo na kasama ng mga mangangabayo.

21 Ang hari ng Israel ay lumabas, binihag ang mga kabayo at mga karwahe, at pinatay ang mga taga-Siria ng maramihang pagpatay.

Si Ben-hadad ay Natalo Ngunit Hinayaang Makatakas

22 Pagkatapos ang propeta ay lumapit sa hari ng Israel, at nagsabi sa kanya, “Halika, magpakalakas ka at tandaan mong mabuti kung ano ang iyong gagawin, sapagkat sa panahon ng tagsibol ay aahon ang hari ng Siria laban sa iyo.”

23 Sinabi ng mga lingkod ng hari sa Siria sa kanya, “Ang kanilang diyos ay diyos ng mga burol, kaya't sila'y mas malakas sa atin. Ngunit labanan natin sila sa kapatagan, at tiyak na tayo'y magiging mas malakas kaysa kanila.

24 Ito ang gawin mo: alisin mo ang mga hari sa kani-kanilang puwesto, at maglagay ka ng mga punong-kawal na kapalit nila.

25 Magtipon ka para sa iyo ng isang hukbo na gaya ng hukbong nawala sa iyo, kabayo laban sa kabayo, at karwahe laban sa karwahe. Lalabanan natin sila sa kapatagan, at tiyak na tayo'y magiging mas malakas kaysa kanila.” Kanyang pinakinggan ang kanilang tinig at gayon nga ang ginawa.

26 Sa panahon ng tagsibol, tinipon ni Ben-hadad ang mga Arameo at umahon sa Afec upang labanan ang Israel.

27 At ang mga anak ng Israel ay nagtipon din, binigyan ng mga baon, at humayo laban sa kanila. Ang mga anak ng Israel ay humimpil sa harapan nila na parang dalawang munting kawan ng mga kambing, ngunit kinalatan ng mga taga-Siria ang lupain.

28 May isang tao ng Diyos na lumapit at sinabi sa hari ng Israel, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat sinabi ng mga taga-Siria: Ang Panginoon ay diyos ng mga burol, ngunit hindi siya diyos ng mga libis,’ kaya't aking ibibigay ang napakaraming ito sa iyong kamay, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.”

29 Sila'y nagkampo na magkatapat sa loob ng pitong araw. Nang ikapitong araw, nagpasimula ang labanan at ang mga anak ni Israel ay nakapatay sa mga taga-Siria ng isandaang libong lakad na kawal sa isang araw.

30 Ang mga nalabi ay tumakas patungo sa lunsod ng Afec, at ang pader ay nabuwal sa dalawampu't pitong libong lalaki na nalabi. Si Ben-hadad ay tumakas din at pumasok sa lunsod, sa isang silid na pinakaloob.

31 Sinabi ng kanyang mga lingkod sa kanya, “Aming narinig na ang mga hari sa sambahayan ng Israel ay mga maawaing hari. Isinasamo namin sa iyo na kami ay hayaan mong maglagay ng mga bigkis na sako sa aming mga balakang, at mga lubid sa aming mga leeg at pupuntahan namin ang hari ng Israel; marahil ay kanyang ililigtas ang iyong buhay.”

32 Kaya't sila'y naglagay ng bigkis na sako sa kanilang mga balakang, at ng mga lubid sa kanilang mga leeg. Pumunta sila sa hari ng Israel, at nagsabi, “Sinasabi ng iyong lingkod na si Ben-hadad, ‘Hinihiling ko sa iyo, hayaan mo akong mabuhay.’” At sinabi niya, “Siya ba'y buháy pa? Siya'y aking kapatid.”

33 Naghihintay noon ang mga lalaki ng tanda at madali nilang nakuha ang kanyang iniisip at kanilang sinabi, “Oo, ang iyong kapatid na si Ben-hadad.” Nang magkagayo'y sinabi niya, “Humayo kayo at dalhin ninyo siya sa akin.” Nang magkagayo'y nagpakita sa kanya si Ben-hadad at kanyang pinaakyat sa karwahe.

34 Sinabi ni Ben-hadad sa kanya, “Ang mga lunsod na kinuha ng aking ama sa iyong ama ay aking isasauli; at maaari kang magtayo ng mga kalakalan para sa iyong sarili sa Damasco, gaya ng ginawa ng aking ama sa Samaria.” At sinabi ni Ahab, “Hahayaan kitang umalis ayon sa mga kasunduang ito.” Sa gayo'y nakipagtipan siya sa kanya, at pinahayo siya.

Si Ahab ay Pinagsalitaan ng Propeta

35 May isang lalaki sa mga anak ng mga propeta ang nagsabi sa kanyang kasama sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, “Hinihiling ko sa iyo, saktan mo ako.” Ngunit ang lalaki ay tumangging saktan siya.

36 Nang(A) magkagayo'y sinabi niya sa kanya, “Sapagkat hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, pagkalayo mo sa akin ay papatayin ka ng isang leon.” Paglayo niya sa kanya, nakasalubong siya ng isang leon at pinatay siya.

37 Pagkatapos ay nakatagpo siya ng isa pang lalaki, at nagsabi, “Hinihiling ko sa iyo, saktan mo ako.” Sinaktan siya ng lalaki, tinaga at sinugatan siya.

38 Sa gayo'y umalis ang propeta at hinintay ang hari sa daan, at nagkunwari na may benda sa kanyang mga mata.

39 Habang dumaraan ang hari, sumigaw siya sa hari, na sinasabi, “Ang iyong lingkod ay nasa gitna ng pakikipaglaban at may isang kawal na lumapit sa akin, dala ang isang lalaki, at nagsabi, ‘Ingatan mo ang lalaking ito. Kung sa anumang paraan ay makatakas siya, ang iyong buhay ang ipapalit sa kanyang buhay, o magbabayad ka ng isang talentong pilak.’

40 Habang ang iyong lingkod ay abala rito at doon, siya'y nakaalis.” At sinabi ng hari ng Israel sa kanya, “Magiging ganyan ang hatol sa iyo. Ikaw na rin ang nagpasiya.”

41 Pagkatapos, siya'y nagmadali, inalis ang benda sa kanyang mga mata, at nakilala siya ng hari ng Israel na siya'y isa sa mga propeta.

42 At sinabi niya sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat iyong pinabayaang makatakas sa iyong kamay ang lalaki na aking itinalaga sa kamatayan, ang iyo ngang buhay ay papanaw na kapalit ng kanyang buhay, at ang iyong bayan para sa kanyang bayan.’”

43 Kaya't ang hari ng Israel ay umuwi sa kanyang bahay na masama ang loob at malungkot, at pumunta sa Samaria.

1 Tesalonica 3

Kaya't(A) nang hindi na kami makatiis ay minabuti naming maiwang walang kasama sa Atenas;

at aming isinugo si Timoteo, na aming kapatid at kamanggagawa ng Diyos sa ebanghelyo ni Cristo, upang kayo'y kanyang patibayin at pasiglahin tungkol sa inyong pananampalataya;

upang ang sinuma'y huwag mabagabag ng mga kapighatiang ito. Sa katunayan kayo rin ang nakakaalam na itinalaga kami sa bagay na ito.

Sapagkat sa katotohanan, nang kami ay kasama ninyo ay aming sinabi noon pa mang una na kami ay makakaranas ng kapighatian; gaya nga ng nangyari, at nalalaman ninyo.

Ang Mabuting Ulat ni Timoteo

Dahil dito, nang hindi ko na matiis pa, ako'y nagsugo upang mabatid ko ang inyong pananampalataya, sa takot na baka sa anumang paraan kayo'y natukso na ng manunukso, at ang aming pagpapagal ay mawalan ng kabuluhan.

Ngunit(B) si Timoteo ay dumating na sa amin mula sa inyo, at nagdala sa amin ng magandang balita tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Sinabi rin niya sa amin na lagi ninyo kaming naaalala at nananabik na makita kami na gaya naman namin na nananabik na makita kayo.

Dahil dito'y naaliw kami, mga kapatid, sa lahat ng aming kalungkutan at paghihirap sa pamamagitan ng inyong pananampalataya.

Sapagkat ngayon ay nabubuhay kami, kung kayo'y maninindigang matibay sa Panginoon.

Sapagkat ano ngang pasasalamat ang aming maisasauli sa Diyos dahil sa inyo, dahil sa lahat ng kagalakan na aming nadarama dahil sa inyo sa harapan ng aming Diyos?

10 Gabi't araw ay masikap naming idinadalangin na makita namin kayo nang mukhaan at aming maibalik ang anumang kulang sa inyong pananampalataya.

11 Ngayo'y patnubayan nawa ng ating Diyos at Ama at ng ating Panginoong Jesus ang aming paglalakbay patungo sa inyo.

12 At nawa'y palaguin at pasaganain kayo ng Panginoon sa pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, gaya naman namin sa inyo.

13 Patibayin nawa niya ang inyong mga puso sa kabanalan upang maging walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama, sa pagdating ng ating Panginoong Jesus na kasama ang lahat ng kanyang mga banal.

Daniel 2

Ang Panaginip ni Haring Nebukadnezar

Sa ikalawang taon ng paghahari ni Nebukadnezar, si Nebukadnezar ay nagkaroon ng mga panaginip. Ang kanyang espiritu ay nabagabag, at hindi na siya makatulog.

Nang magkagayo'y ipinag-utos ng hari na tawagin ang mga salamangkero, mga engkantador, mga manghuhula, at ang mga Caldeo, upang sabihin sa hari ang kanyang mga panaginip. Kaya sila'y dumating at humarap sa hari.

At sinabi ng hari sa kanila, “Ako'y nanaginip at ang aking espiritu ay nabagabag sa pagnanais na maunawaan ang panaginip.”

Nang magkagayo'y sinabi ng mga Caldeo sa hari sa wikang Aramaico,[a] “O hari, mabuhay ka magpakailanman. Sabihin mo sa iyong mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan.”

Sinagot ng hari ang mga Caldeo, “Tiyak ang salita mula sa akin: kapag hindi ninyo naipaalam sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y pagpuputul-putulin, at ang inyong mga bahay ay gagawing bunton ng dumi.

Ngunit kung inyong ipapaalam ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y tatanggap sa akin ng mga kaloob, mga gantimpala at dakilang karangalan. Kaya't ipaalam ninyo sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito.”

Sila'y sumagot sa ikalawang pagkakataon, at nagsabi, “Sabihin ng hari sa kanyang mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan.”

Ang hari ay sumagot, “Nakakatiyak ako na sinisikap ninyong magkaroon pa ng dagdag na panahon, sapagkat inyong nalalaman na ang aking salita ay tiyak,

na kung hindi ninyo ipaalam sa akin ang panaginip, may iisang kautusan lamang para sa inyo. Sapagkat kayo'y nagkasundong magsalita ng kasinungalingan at masasamang salita sa harapan ko hanggang sa ang panahon ay magbago. Kaya't sabihin ninyo sa akin ang panaginip, at malalaman ko kung inyong maipapaliwanag sa akin ang kahulugan nito.”

10 Ang mga Caldeo ay sumagot sa hari, at nagsabi, “Walang tao sa lupa na makapagbibigay ng hinihingi ng hari; sapagkat walang gayong kadakilang hari at makapangyarihang hari ang nagtanong ng ganyang bagay sa kaninumang salamangkero, engkantador, o Caldeo.

11 At ang bagay na hinihingi ng hari ay napakahirap at walang makakapagpakita nito sa hari, maliban sa mga diyos, na ang tahanan ay hindi kasama ng mga tao.”

12 Dahil sa bagay na ito ang hari ay nagalit at naging mabagsik at iniutos na patayin ang lahat ng pantas ng Babilonia.

13 Kaya't ang utos ay kumalat na ang mga pantas ay papatayin; at hinanap nila si Daniel at ang kanyang mga kasama upang patayin sila.

Ipinakita ng Diyos kay Daniel ang Kahulugan ng Panaginip

14 Nang magkagayo'y maingat at mahinahong sumagot si Daniel kay Arioc na punong-kawal ng bantay ng hari, na lumabas upang patayin ang mga pantas ng Babilonia.

15 Sinabi niya kay Arioc na punong-kawal ng hari, “Bakit madalian ang utos ng hari?” Ipinaliwanag ni Arioc ang pangyayari kay Daniel.

16 Kaya't si Daniel ay pumasok at humiling sa hari na bigyan siya ng panahon, upang kanyang maipaalam sa hari ang kahulugan.

17 Pumasok si Daniel sa kanyang bahay at ipinaalam ang pangyayari kina Hananias, Mishael, at Azarias na kanyang mga kaibigan.

18 Kanyang sinabihan sila na humingi ng awa sa Diyos ng kalangitan tungkol sa hiwagang ito, upang si Daniel at ang kanyang mga kaibigan ay huwag mamatay na kasama ng ibang mga pantas ng Babilonia.

19 At ang hiwaga ay inihayag kay Daniel sa isang pangitain sa gabi. Nang magkagayo'y pinuri ni Daniel ang Diyos sa langit.

20 Sinabi ni Daniel:

“Purihin ang pangalan ng Diyos magpakailanman,
    sapagkat sa kanya ang karunungan at kapangyarihan.
21 Siya ang nagbabago ng mga panahon at mga kapanahunan;
    siya'y nag-aalis ng mga hari, at naglalagay ng mga hari;
siya'y nagbibigay ng karunungan sa marunong
    at ng kaalaman sa may pang-unawa;
22 siya ang naghahayag ng malalalim at mahihiwagang bagay;
    kanyang nalalaman kung ano ang nasa kadiliman,
    at ang liwanag ay naninirahan sa kanya.
23 Sa iyo, O Diyos ng aking mga ninuno,
    ako'y nagpapasalamat at nagpupuri,
sapagkat binigyan mo ako ng karunungan at kapangyarihan,
    at ipinaalam mo sa akin ang aming hinihiling sa iyo;
    sapagkat iyong ipinaalam sa amin ang nangyari sa hari.”

24 Kaya't pinuntahan ni Daniel si Arioc na siyang hinirang ng hari upang patayin ang mga pantas ng Babilonia at sinabi sa kanya ang ganito, “Huwag mong patayin ang mga pantas ng Babilonia; dalhin mo ako sa harapan ng hari, at aking ipapaalam sa hari ang kahulugan.”

Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip ng Hari

25 Nang magkagayo'y nagmamadaling dinala ni Arioc si Daniel sa harapan ng hari, at sinabi ang ganito sa kanya, “Ako'y nakatagpo sa mga bihag mula sa Juda ng isang lalaking makapagsasabi ng kahulugan sa hari.”

26 Sinabi ng hari kay Daniel na ang pangalan ay Belteshasar, “Kaya mo bang ipaalam sa akin ang panaginip na aking nakita, at ang kahulugan nito?”

27 Si Daniel ay sumagot sa hari, “Walang pantas, mga engkantador, o mga salamangkero man ang makapagpapakita sa hari ng hiwaga na hiningi ng hari.

28 Ngunit may isang Diyos sa langit na naghahayag ng mga hiwaga, at kanyang ipinaalam sa Haring Nebukadnezar kung ano ang mangyayari sa mga huling araw. Ang iyong panaginip at pangitain habang ikaw ay nakahiga sa higaan ay ang mga ito:

29 Tungkol sa iyo, O hari, habang ikaw ay nasa iyong higaan ay bumaling ang iyong mga pag-iisip kung ano ang mangyayari sa hinaharap; at siya na naghahayag ng mga hiwaga ay ipinaalam sa iyo kung ano ang mangyayari.

30 Ngunit tungkol sa akin, ang hiwagang ito ay hindi ipinahayag sa akin dahil sa anumang higit na karunungan mayroon ako kaysa sinumang may buhay, kundi upang ang kahulugan ay maipaalam sa hari, at upang iyong maunawaan ang mga nilalaman ng iyong isipan.

31 “Ikaw ay nakamasid, O hari, at nakakita ka ng isang malaking rebulto. Ang rebultong ito, makapangyarihan at lubhang makinang, ay tumayo sa harapan mo, at ang anyo nito'y kakilakilabot.

32 Ang ulo ng rebultong ito ay dalisay na ginto; ang dibdib at mga bisig nito ay pilak, ang tiyan at mga hita nito ay tanso.

33 Ang mga binti nito ay bakal, ang mga paa nito ay may bahaging bakal at may bahaging luwad.

34 Patuloy kang tumitingin hanggang sa may natibag na isang bato, hindi sa pamamagitan ng mga kamay, at ito'y tumama sa rebulto sa mga paa nitong bakal at luwad, at dinurog ang mga ito.

35 Nang magkagayon, ang bakal, ang luwad, ang tanso, ang pilak, at ang ginto ay nagkadurug-durog, at naging parang dayami sa mga giikan sa tag-araw. At ang mga ito ay tinangay ng hangin anupa't hindi matagpuan ang anumang bakas ng mga iyon. Ngunit ang bato na tumama sa rebulto ay naging malaking bundok at pinuno ang buong lupa.

Ibinigay ang Kahulugan ng Panaginip ng Hari

36 “Ito ang panaginip; ngayo'y aming sasabihin sa hari ang kahulugan nito.

37 Ikaw, O hari, ay hari ng mga hari, na binigyan ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, kalakasan, at ng kaluwalhatian;

38 at saanman naninirahan ang mga anak ng mga tao, o ang mga hayop sa parang, o ang mga ibon sa himpapawid ay ibinigay niya ang mga ito sa iyong kamay, at pinamuno ka sa kanilang lahat. Ikaw ang ulong ginto.

39 Pagkatapos mo ay babangon ang ibang kaharian na mas mababa kaysa iyo; at mayroon pang ikatlong kahariang tanso na mamumuno sa buong lupa.

40 At magkakaroon ng ikaapat na kaharian, kasintibay ng bakal, sapagkat ang bakal ay nakakadurog at nakakawasak ng lahat ng bagay; at gaya ng bakal na nakakadurog, kanyang dudurugin at babasagin ang lahat ng ito.

41 Kung paanong iyong nakita na ang mga paa at mga daliri ay may bahaging luwad ng magpapalayok at may bahaging bakal, ito ay magiging kahariang hati; ngunit ang pagiging matigas ng bakal ay tataglayin nito, yamang iyong nakita na ang bakal ay nakahalo sa luwad.

42 Kung paanong ang mga daliri ng paa ay bakal ang isang bahagi at ang isang bahagi ay luwad, ang kaharian ay may bahaging matibay at may bahaging marupok.

43 Kung paanong iyong nakita na ang bakal ay nahahaluan ng luwad, pagsasamahin nila ang kanilang mga sarili sa binhi ng mga tao, ngunit hindi sila magkakahalo, kung paanong ang bakal ay hindi humahalo sa luwad.

44 At sa mga araw ng mga haring iyon ang Diyos sa langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman, o ang kapangyarihan man nito'y iiwan sa ibang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang iyon, at ito'y mananatili magpakailanman.

45 Kung paanong iyong nakita na ang isang bato ay natibag mula sa bundok, hindi sa pamamagitan ng kamay at dinurog ang mga bakal, ang tanso, ang luwad, ang pilak, at ang ginto, ipinaalam ng dakilang Diyos sa hari kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ang panaginip ay totoo at ang kahulugan nito'y mapagkakatiwalaan.”

Si Daniel ay Ginantimpalaan ng Hari

46 Nang magkagayo'y nagpatirapa si Haring Nebukadnezar at nagbigay-galang kay Daniel, at nag-utos na sila'y maghandog ng alay at ng insenso sa kanya.

47 Sumagot ang hari kay Daniel at nagsabi, “Tunay na ang inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, at Panginoon ng mga hari, at tagapaghayag ng mga hiwaga, yamang naipahayag mo ang hiwagang ito.”

48 Nang magkagayo'y binigyan ng hari si Daniel ng mataas na karangalan at ng maraming malalaking kaloob, at kanyang ginawa siyang tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at punong-tagapamahala ng lahat ng pantas sa Babilonia.

49 At si Daniel ay humiling sa hari, at kanyang hinirang sina Shadrac, Meshac, at Abednego, upang mamahala sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia; ngunit si Daniel ay namalagi sa bulwagan[b] ng hari.

Mga Awit 106

Ang Kabutihan ng Diyos sa Kanyang Bayan

106 Purihin(A) ang Panginoon!
    O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
Sinong makapagsasabi ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon,
    o makapagpapakita ng lahat niyang kapurihan?
Mapalad silang sumusunod sa katarungan,
    na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng katuwiran.

Alalahanin mo ako, O Panginoon, kapag ikaw ay nagpakita sa iyong bayan ng paglingap,
    dalawin mo ako ng iyong pagliligtas;
upang makita ko ang kasaganaan ng iyong hinirang,
    upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa,
    upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.

Kami at ang aming mga magulang ay nagkasala;
    kami ay nakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.
Hindi(B) naunawaan ng aming mga magulang
    ang iyong mga kababalaghan sa Ehipto;
hindi nila naalala ang kasaganaan ng iyong mga kagandahang-loob,
    kundi naghimagsik sa dagat, sa Dagat na Pula.
Gayunma'y iniligtas niya sila alang-alang sa kanyang pangalan,
    upang kanyang maipakilala ang kanyang malakas na kapangyarihan.
Kanyang(C) sinaway ang Dagat na Pula, at ito'y natuyo,
    pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman na parang sa ilang.
10 Kaya't iniligtas niya sila sa kamay ng namumuhi,
    at iniligtas niya sila sa kapangyarihan ng kaaway.
11 At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway;
    walang nalabi sa kanila kahit isa man lamang.
12 Nang(D) magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kanyang mga salita;
    inawit nila ang kanyang kapurihan.

13 Ngunit agad nilang nalimutan ang kanyang mga gawa;
    hindi nila hinintay ang kanyang payo.
14 Kundi(E) sila'y nagkaroon ng walang pakundangang pananabik nang sila'y nasa ilang,
    at tinukso nila ang Diyos sa ilang.
15 Ibinigay niya sa kanila ang kanilang hiniling,
    ngunit nagpadala ng nakapanghihinang karamdaman sa gitna nila.

16 Nang(F) ang mga tao sa kampo ay nanibugho kina Moises
    at Aaron, na banal ng Panginoon,
17 ang lupa ay bumuka, at si Datan ay nilamon,
    at tinabunan ang kay Abiram na pulutong.
18 Nagkaroon din ng sunog sa kanilang pulutong;
    sinunog ng apoy ang masasama.

19 Sila'y(G) gumawa sa Horeb ng guya,
    at sumamba sa larawang hinulma.
20 Ganito nila ipinagpalit ang kaluwalhatian
    sa wangis ng baka na kumakain ng damo.
21 Nalimutan nila ang Diyos, ang kanilang Tagapagligtas,
    na gumawa ng mga dakilang bagay sa Ehipto,
22 kahanga-hangang mga gawa sa lupain ng Ham,
    at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Pula.
23 Kaya't sinabi niya na kanyang lilipulin sila—
    kung si Moises na kanyang hirang
ay hindi humarap sa kanya sa bitak,
    upang pawiin ang kanyang poot na puksain sila.

24 Kanilang(H) hinamak ang lupaing maganda,
yamang wala silang pananampalataya sa pangako niya.
25 Sila'y nagmaktol sa mga tolda nila,
    at ang tinig ng Panginoon ay hindi nila sinunod.
26 Kaya't itinaas niya ang kanyang kamay,
    na sa ilang sila'y kanyang ibubuwal,
27 at(I) ang kanilang binhi sa mga bansa ay itatapon,
    at ikakalat sila sa mga lupain.

28 At(J) iniugnay nila ang kanilang sarili sa Baal-peor,
    at kumain ng mga handog na inialay sa mga patay;
29 kanilang ginalit ang Panginoon sa pamamagitan ng mga gawa nila,
    at isang salot ang lumitaw sa gitna nila.
30 Nang magkagayo'y tumayo si Finehas at namagitan,
    at ang salot ay napigilan.
31 At iyon ay itinuring sa kanya bilang katuwiran,
    mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi magpakailanman.
32 Kanilang(K) ginalit siya sa tubig ng Meriba,
    at ito'y naging masama kay Moises dahil sa kanila;
33 sapagkat sila'y mapanghimagsik laban sa kanyang diwa,
    at siya'y nagsalitang padalus-dalos sa kanyang mga labi.

34 Ang(L) mga bayan ay hindi nila nilipol,
    gaya ng iniutos sa kanila ng Panginoon;
35 kundi nakihalo sila sa mga bansa,
    at natuto ng kanilang mga gawa.
36 Sila'y naglingkod sa mga diyus-diyosan nila,
    na naging bitag sa kanila.
37 Kanilang(M) inialay ang kanilang mga anak na lalaki
    at ang mga anak na babae sa mga demonyo,
38 nagbuhos(N) sila ng walang salang dugo,
    ang dugo ng kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae,
na kanilang inialay sa diyus-diyosan ng Canaan;
    at ang lupain sa dugo ay nadumihan.
39 Gayon sila naging karumaldumal sa pamamagitan ng kanilang mga gawa,
    at naging upahang babae sa kanilang mga gawa.

40 Kaya't(O) nag-alab ang galit ng Panginoon laban sa kanyang bayan,
    at ang kanyang pamana ay kanyang kinasuklaman,
41 sa kamay ng mga bansa ay ibinigay niya sila,
    kaya't pinamunuan sila ng mga napopoot sa kanila.
42 Pinagmalupitan sila ng kanilang mga kalaban,
    at sila'y ipinaalipin sa ilalim ng kanilang kapangyarihan.
43 Iniligtas niya sila nang maraming ulit,
    ngunit sa kanilang mga payo sila'y mapanghimagsik,
    at sila'y ibinaba dahil sa kanilang kasamaan.
44 Gayunma'y pinahalagahan niya ang kanilang pagtitiis,
    nang kanyang marinig ang kanilang pagdaing.
45 Kanyang naalala alang-alang sa kanila ang kanyang tipan,
    at siya'y nagsisi ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal.
46 Ginawa niyang sila'y kaawaan
    sa harap ng lahat ng bumihag sa kanila.

47 O(P) Panginoon naming Diyos, kami ay iligtas mo,
    at mula sa mga bansa kami ay tipunin mo,
upang kami'y makapagpasalamat sa iyong banal na pangalan,
    at lumuwalhati sa iyong kapurihan.

48 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan!
At sabihin ng buong bayan, “Amen.”
    Purihin ang Panginoon!

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001