M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Haring Jehoahaz ng Israel
13 Nang ikadalawampu't tatlong taon ni Joas na anak ni Ahazias na hari ng Juda, si Jehoahaz na anak ni Jehu ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria; at siya'y naghari sa loob ng labimpitong taon.
2 Gumawa siya ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at sumunod sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel; hindi niya iniwan ang mga iyon.
3 Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, kaya't paulit-ulit niyang ibinigay sila sa kamay nina Hazael na hari ng Siria at ni Ben-hadad na anak ni Hazael.
4 Ngunit si Jehoahaz ay nanalangin sa harap ng Panginoon, at pinakinggan siya ng Panginoon, sapagkat nakita niya ang pagmamalupit sa Israel, kung paanong pinagmalupitan sila ng hari ng Siria.
5 Kaya't binigyan ng Panginoon ang Israel ng isang tagapagligtas, at sila'y nakatakas mula sa kamay ng mga taga-Siria; at ang mamamayan ng Israel ay nanirahan sa kanilang mga tolda gaya ng dati.
6 Gayunma'y hindi nila tinalikuran ang mga kasalanan ng sambahayan ni Jeroboam, na dahil dito'y ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala, kundi lumakad sila sa mga ito; ang Ashera ay nanatili rin sa Samaria.
7 Kaya't walang naiwan kay Jehoahaz na hukbo na higit pa sa limampung mangangabayo at sampung karwahe at sampung libong taong lakad; sapagkat pinuksa ang mga iyon ng hari ng Siria na gaya ng alabok sa giikan.
8 Ang iba sa mga gawa ni Jehoahaz, at ang lahat niyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Israel?
9 Kaya't si Jehoahaz ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing nila siya sa Samaria. Si Joas na kanyang anak ang nagharing kapalit niya.
Si Haring Jehoas ng Israel
10 Nang ikatatlumpu't pitong taon ni Joas na hari ng Juda, si Jehoas na anak ni Jehoahaz ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon.
11 Siya'y gumawa rin ng masama sa paningin ng Panginoon. Siya'y hindi humiwalay sa lahat ng kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel, kundi lumakad siya sa mga iyon.
12 Ang iba sa mga gawa ni Joas, at ang lahat niyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan na kanyang ipinakipaglaban kay Amasias na hari ng Juda, hindi ba't ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[b] ng mga Hari ng Israel?
13 At si Joas ay namatay na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Jeroboam ay naupo sa kanyang trono. Si Joas ay inilibing sa Samaria na kasama ng mga hari ng Israel.
Namatay si Eliseo
14 Nang(A) si Eliseo ay nagkasakit ng karamdaman na kanyang ikinamatay, si Joas na hari ng Israel ay pumunta sa kanya at umiyak sa harapan niya, “Ama ko, ama ko! Ang mga karwahe ng Israel at ang kanyang mga mangangabayo!”
15 Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Kumuha ka ng pana at mga palaso.” At siya'y kumuha ng pana at mga palaso.
16 At sinabi niya sa hari ng Israel, “Ilagay mo ang iyong kamay sa pana”; at inilagay niya ang kanyang kamay. At inilagay ni Eliseo ang kanyang mga kamay sa mga kamay ng hari.
17 At kanyang sinabi, “Buksan mo ang bintana sa dakong silangan”; at binuksan niya ito. Nang magkagayo'y sinabi ni Eliseo, “Panain mo;” at siya'y pumana. At kanyang sinabi, “Ang palaso ng pagtatagumpay ng Panginoon, ang palaso ng pagtatagumpay laban sa Siria! Sapagkat lalabanan mo ang mga taga-Siria sa Afec, hanggang sa sila'y iyong malipol.”
18 Siya'y nagpatuloy, “Kunin mo ang mga palaso;” at kinuha niya ang mga iyon. At sinabi niya sa hari ng Israel, “Ipana mo ang mga iyon sa lupa;” at siya'y pumana nang tatlong ulit, at tumigil.
19 Ang tao ng Diyos ay nagalit sa kanya, at nagsabi, “Pumana ka sana nang lima o anim na ulit; nang sa gayon ay napabagsak mo sana ang Siria hanggang sa iyong malipol. Ngunit ngayo'y papanain mo ang Siria nang tatlong ulit lamang.”
20 Namatay si Eliseo at kanilang inilibing siya. Noon ang mga pulutong ng mga Moabita ay laging sumasalakay sa lupain sa panahon ng tagsibol.
21 At habang inililibing ang isang lalaki, kanilang natanaw ang isang sumasalakay na pulutong. At ang lalaki ay naihagis sa libingan ni Eliseo; at nang sumagi ang tao sa mga buto ni Eliseo, siya'y muling nabuhay at tumayo sa kanyang mga paa.
22 Pinahirapan naman ni Hazael na hari ng Siria ang Israel sa lahat ng mga araw ni Jehoahaz.
23 Ngunit ang Panginoo'y naging mapagpala sa kanila at nahabag sa kanila, at siya'y bumaling sa kanila, dahil sa kanyang tipan kina Abraham, Isaac, at Jacob; at ayaw niya silang lipulin, ni palayasin man sa kanyang harapan hanggang sa ngayon.
24 Nang namatay si Hazael na hari ng Siria, si Ben-hadad na kanyang anak ay naging hari kapalit niya.
25 At binawi ni Jehoas na anak ni Jehoahaz sa kamay ni Ben-hadad na anak ni Hazael ang mga lunsod na kanyang kinuha sa pakikidigma mula sa kamay ni Jehoahaz, na kanyang ama. Tatlong ulit siyang tinalo ni Joas at nabawi ang mga lunsod ng Israel.
Kasamaan sa mga Huling Araw
3 Ngunit unawain mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kapighatian.
2 Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapanlait, suwail sa mga magulang, mga walang utang na loob, walang kabanalan,
3 walang katutubong pag-ibig, mga walang habag, mga mapanirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mababangis, mga hindi maibigin sa mabuti,
4 mga taksil, matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan sa halip na mga maibigin sa Diyos;
5 na may anyo ng kabanalan, ngunit tinatanggihan ang kapangyarihan nito. Lumayo ka rin naman sa mga ito.
6 Sapagkat mula sa mga ito ang mga pumapasok sa sambahayan, at binibihag ang mga hangal na babae na punô ng mga kasalanan, at hinihila ng mga iba't ibang pagnanasa,
7 na laging nag-aaral at kailanman ay hindi nakakarating sa pagkakilala ng katotohanan.
8 Kung(A) paanong sina Janes at Jambres ay sumalungat kay Moises, ang mga ito'y sumasalungat din sa katotohanan, mga taong masasama ang pag-iisip at mga nagtakuwil sa pananampalataya.
9 Ngunit sila'y hindi magpapatuloy, sapagkat mahahayag sa lahat ng mga tao ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari sa mga lalaking iyon.
Mga Huling Habilin
10 Ngayon, sinunod mong mabuti ang aking aral, pamumuhay, layunin, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig, at pagtitiis,
11 mga(B) pag-uusig, mga pagdurusa, anumang mga bagay ang nangyari sa akin sa Antioquia, Iconio, Listra. Napakaraming pag-uusig ang tiniis ko! Ngunit sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon.
12 Tunay na ang lahat ng ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig.
13 Subalit ang masasamang tao at mga mandaraya ay lalong sasama nang sasama, sila'y mandaraya at madadaya.
14 Subalit manatili ka sa mga bagay na iyong natutunan at matatag na pinaniwalaan, yamang nalalaman mo kung kanino ka natuto,
15 at kung paanong mula sa pagkabata ay iyong nalaman ang mga banal na kasulatan na makakapagturo sa iyo tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.
16 Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa katuwiran,
17 upang ang tao ng Diyos ay maging ganap, nasasangkapang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.
Ang Pagsalangsang ng Israel ay Tinutulan
5 Pakinggan ninyo ito, O mga pari!
Makinig kayo, O sambahayan ni Israel!
Makinig kayo, O sambahayan ng hari!
Sapagkat sa inyo nauukol ang kahatulan;
sapagkat kayo'y naging isang silo sa Mizpah,
at isang lambat na inilatag sa Tabor.
2 Ang mga naghihimagsik ay napunta sa malalim na kapahamakan;
ngunit parurusahan ko silang lahat.
3 Kilala ko ang Efraim,
at ang Israel ay hindi lingid sa akin;
sapagkat ngayon, O Efraim, ikaw ay naging bayarang babae,
ang Israel ay dinungisan ang sarili.
4 Hindi sila pinahihintulutan ng kanilang mga gawa
na manumbalik sa kanilang Diyos.
Sapagkat ang espiritu ng pagiging bayarang babae ay nasa loob nila,
at hindi nila nakikilala ang Panginoon.
5 Ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo laban sa kanya;
kaya't ang Israel at Efraim ay natitisod sa kanilang pagkakasala;
ang Juda'y natitisod ding kasama nila.
6 Sila'y hahayong kasama ng kanilang kawan at ng kanilang bakahan
upang hanapin ang Panginoon;
ngunit hindi nila siya matatagpuan;
siya'y lumayo sa kanila.
7 Sila'y naging taksil sa Panginoon;
sapagkat sila'y nagsilang ng mga anak sa labas.
Lalamunin nga sila ng bagong buwan kasama ng kanilang mga parang.
Digmaan ng Juda at ng Israel
8 Hipan ninyo ang tambuli sa Gibea,
at ang trumpeta sa Rama.
Patunugin ang hudyat sa Bet-haven;
tumingin ka sa likuran mo, O Benjamin.
9 Ang Efraim ay mawawasak
sa araw ng pagsaway;
sa gitna ng mga lipi ng Israel
ay ipinahahayag ko ang tiyak na mangyayari.
10 Ang mga pinuno ng Juda ay naging
gaya ng nag-aalis ng batong-pananda;
sa kanila'y ibubuhos ko ang aking galit na parang tubig.
11 Ang Efraim ay inaapi, dinudurog sa kahatulan;
sapagkat siya'y nakapagpasiyang sumunod sa utos ng tao.
12 Kaya't ako'y parang bukbok sa Efraim
at parang kabulukan sa sambahayan ni Juda.
13 Nang makita ni Efraim ang kanyang sakit,
at ni Juda ang kanyang sugat,
ay nagtungo si Efraim sa Asiria,
at nagsugo sa Haring Jareb.
Ngunit hindi niya kayo mapapagaling,
ni malulunasan man ang inyong sugat.
14 Sapagkat ako'y magiging parang leon sa Efraim,
at parang isang batang leon sa sambahayan ni Juda,
ako, ako mismo ang pipilas at aalis;
ako'y tatangay, at walang magliligtas.
15 Ako'y muling babalik sa aking dako,
hanggang sa kilalanin nila ang kanilang pagkakasala, at hanapin ang aking mukha.
Sa kanilang pagdadalamhati ay hahanapin nila akong mainam.
6 “Halikayo at tayo'y manumbalik sa Panginoon;
sapagkat siya ang lumapa, ngunit pagagalingin niya tayo;
sinugatan niya tayo ngunit tayo'y kanyang bebendahan.
2 Pagkatapos ng dalawang araw ay muli niya tayong bubuhayin;
sa ikatlong araw ay ibabangon niya tayo,
upang tayo'y mabuhay sa harap niya.
3 At ating kilalanin, tayo'y magpatuloy upang makilala ang Panginoon;
ang kanyang paglabas ay kasintiyak ng bukang-liwayway;
at siya'y paparito sa atin na parang ulan,
tulad ng ulan sa tagsibol na dumidilig sa lupa.”
Ang Tugon ng Panginoon
4 Anong gagawin ko sa iyo, O Efraim?
Anong gagawin ko sa iyo, O Juda?
Ang inyong katapatan ay parang ulap sa umaga,
at parang hamog na maagang umaalis.
5 Kaya't sila'y aking pinutol sa pamamagitan ng mga propeta;
pinatay ko sila ng mga salita ng aking bibig;
at ang aking mga kahatulan ay lumalabas na parang liwanag.
6 Sapagkat(A) nalulugod ako sa katapatan, kaysa alay,
ng pagkakilala sa Diyos kaysa mga handog na sinusunog.
7 Ngunit gaya ni Adan ay sumuway sila sa tipan;
doo'y nagsigawa silang may kataksilan sa akin.
8 Ang Gilead ay lunsod ng mga gumagawa ng kasamaan;
tigmak ng dugo.
9 Kung paanong ang mga tulisan ay nag-aabang sa isang tao,
gayon nagsasama-sama ang mga pari;
sila'y pumapatay sa daan patungong Shekem.
Sila'y gumagawa ng kasamaan.
10 Sa sambahayan ni Israel ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay;
ang pagiging bayarang babae[a] ng Efraim ay naroroon, ang Israel ay dinudungisan ang sarili.
11 Sa iyo rin, O Juda, ay may nakatakdang pag-aani,
kapag ibabalik ko na ang mga kayamanan sa aking bayan.
COPH.
145 O Panginoon, buong puso akong dumadaing, ako'y iyong sagutin,
iingatan ko ang iyong mga tuntunin.
146 Ako'y dumadaing sa iyo; iligtas mo ako,
upang aking matupad ang mga patotoo mo.
147 Babangon bago magbukang-liwayway at dumadaing ako;
ako'y umaasa sa mga salita mo.
148 Ang mga mata ko'y gising sa gabi sa mga pagbabantay,
upang sa salita mo ako'y makapagbulay-bulay.
149 Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong tapat na pagmamahal;
O Panginoon, muli mo akong buhayin ayon sa iyong katarungan.
150 Silang sumusunod sa kasamaan ay lumalapit,
sila'y malayo sa iyong mga tuntunin.
151 Ngunit ikaw ay malapit, O Panginoon;
at lahat mong utos ay katotohanan.
152 Noon pa mang una'y natuto na ako sa iyong mga patotoo
na magpakailanman ay itinatag mo ang mga ito.
RESH.
153 Pagmasdan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako;
sapagkat hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo.
154 Ipaglaban mo ang aking layunin, at tubusin mo ako,
muling buhayin mo ako ayon sa iyong pangako!
155 Ang kaligtasan ay malayo sa masama,
sapagkat hindi nila hinahanap ang iyong mga batas.
156 O Panginoon, dakila ang kaawaan mo,
muling buhayin mo ako ayon sa katarungan mo.
157 Marami ang umuusig sa akin at mga kaaway ko;
ngunit hindi ako humihiwalay sa iyong mga patotoo.
158 Namasdan ko ang mga taksil at ako'y nasuklam,
sapagkat hindi nila sinusunod ang iyong mga salita.
159 Isaalang-alang mo kung paanong iniibig ko ang mga tuntunin mo!
Muling buhayin mo ako ayon sa tapat na pag-ibig mo.
160 Ang kabuuan ng iyong salita ay katotohanan;
at bawat isa sa iyong matuwid na batas ay nananatili magpakailanman.
SIN.
161 Inuusig ako ng mga pinuno nang walang dahilan,
ngunit ang puso ko'y namamangha sa iyong mga salita.
162 Ako'y nagagalak sa iyong salita
gaya ng isang nakatagpo ng malaking samsam.
163 Aking kinapopootan at kinasusuklaman ang kasinungalingan,
ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
164 Pitong ulit sa isang araw ikaw ay pinupuri ko,
sapagkat matuwid ang mga batas mo.
165 May dakilang kapayapaan ang mga umiibig sa iyong kautusan,
walang anumang sa kanila ay makapagpapabuwal.
166 O Panginoon, sa iyong pagliligtas ay umaasa ako,
at tinutupad ko ang mga utos mo.
167 Sinusunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo;
lubos ko silang minamahal.
168 Aking tinutupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo;
sapagkat lahat ng aking lakad ay nasa harapan mo.
TAU.
169 O Panginoon, sa harapan mo ang aking daing ay dumating nawa;
bigyan mo ako ng pagkaunawa ayon sa iyong salita!
170 Sa harapan mo ang aking panalangin ay dumating nawa,
iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
171 Umawit nawa ng papuri ang mga labi ko,
sapagkat itinuturo mo sa akin ang mga batas mo.
172 Awitin nawa ng aking dila ang iyong salita,
sapagkat lahat ng mga utos mo ay matuwid.
173 Maging handa nawa ang iyong kamay na tulungan ako,
sapagkat aking pinili ang mga alituntunin mo.
174 O Panginoon, ang iyong pagliligtas ay aking kinasasabikan,
at ang iyong kautusan ay aking kasiyahan.
175 Hayaan mo akong mabuhay, upang ako'y makapagpuri sa iyo,
at tulungan nawa ako ng mga batas mo.
176 Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod,
sapagkat hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001