M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Tipan ng Panginoon kay Solomon(A)
9 At nangyari, nang matapos ni Solomon ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon, at ng bahay ng hari, at ang lahat ng nais ipatayo ni Solomon,
2 ang(B) Panginoon ay nagpakita kay Solomon sa ikalawang pagkakataon, gaya ng pagpapakita niya sa kanya sa Gibeon.
3 At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Narinig ko ang iyong dalangin at pagsusumamo na iyong sinabi sa harap ko. Ginawa kong banal ang bahay na ito na iyong itinayo, at inilagay ko ang aking pangalan doon magpakailanman; ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.
4 Tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama sa katapatan ng puso at sa katuwiran, at gagawa ka ng ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo, at tutuparin mo ang aking mga tuntunin at mga batas,
5 ay(C) akin ngang itatatag ang trono ng iyong kaharian sa Israel magpakailanman, ayon sa aking ipinangako kay David na iyong ama, na sinasabi, ‘Hindi mawawalan sa iyo ng papalit sa trono ng Israel.’
6 “Ngunit kung kayo ay lumihis sa pagsunod sa akin, kayo o ang inyong mga anak, at hindi tuparin ang aking mga utos at mga tuntunin na aking inilagay sa harap ninyo, kundi kayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos, at sumamba sa kanila;
7 ay aking ihihiwalay ang Israel sa lupain na aking ibinigay sa kanila. Ang bahay na ito na aking ginawang banal para sa aking pangalan ay aking aalisin sa aking paningin, at ang Israel ay magiging kawikaan at kukutyain sa gitna ng lahat ng tao.
8 At(D) bagaman ang bahay na ito ay mataas, ang bawat magdaan sa kanya ay magtataka at susutsot at kanilang sasabihin, ‘Bakit ginawa ng Panginoon ang ganito sa lupaing ito, at sa bahay na ito?’
9 At sila'y sasagot, ‘Sapagkat kanilang pinabayaan ang Panginoon nilang Diyos na naglabas sa kanilang mga magulang sa lupain ng Ehipto, at yumakap sa ibang mga diyos, at sinamba nila at pinaglingkuran nila; kaya't ipinaranas ng Panginoon sa kanila ang lahat ng kasamaang ito.’”
Ang mga Lunsod na Ibinigay kay Hiram(E)
10 At sa katapusan ng dalawampung taon, nang maitayo ni Solomon ang dalawang gusali, ang bahay ng Panginoon at ang bahay ng hari,
11 at si Hiram na hari ng Tiro ay nagpadala kay Solomon ng mga kahoy na sedro, mga kahoy na sipres, ng ginto, hangga't gusto niya. Binigyan ni Haring Solomon si Hiram ng dalawampung lunsod sa lupain ng Galilea.
12 Ngunit nang dumating si Hiram mula sa Tiro upang tingnan ang mga lunsod na ibinigay ni Solomon sa kanya, hindi niya naibigan ang mga ito.
13 Kaya't kanyang sinabi, “Anong uring mga lunsod itong ibinigay mo sa akin, kapatid ko?” Kaya't tinawag ang mga iyon na lupain ng Cabul,[a] hanggang sa araw na ito.
14 Nagpadala si Hiram ng isang daan at dalawampung talentong ginto sa hari.
15 Ito ang kadahilanan ng sapilitang paggawa na iniatang ni Haring Solomon, upang itayo ang bahay ng Panginoon at ang kanyang bahay, at ang Milo at ang pader ng Jerusalem, ang Hazor, ang Megido, at ang Gezer.
16 Si Faraon na hari ng Ehipto ay umahon at sinakop ang Gezer, at sinunog ng apoy, at pinatay ang mga Cananeo na nakatira sa lunsod, at ibinigay iyon bilang dote sa kanyang anak na babae na asawa ni Solomon.
17 Kaya't itinayong muli ni Solomon ang Gezer, ang ibabang Bet-horon,
18 ang Baalat, ang Tamar sa ilang, sa lupain ng Juda,
19 ang lahat ng lunsod na imbakan na pag-aari ni Solomon, ang mga lunsod para sa kanyang mga karwahe, ang mga lunsod para sa kanyang mga mangangabayo, ang anumang naisin ni Solomon na itayo sa Jerusalem, sa Lebanon, at sa lahat ng lupaing sakop niya.
20 Ang lahat ng mga taong naiwan sa mga Amoreo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Heveo, at sa mga Jebuseo, na hindi kabilang sa mga anak ng Israel;
21 ang kanilang mga anak na naiwan sa lupain pagkamatay nila na hindi nalipol ng mga anak ni Israel, ay ginawa ni Solomon na mga sapilitang alipin, hanggang sa araw na ito.
22 Ngunit sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Solomon, kundi sila'y mga lalaking mandirigma, mga lingkod, mga pinuno, mga punong-kawal, at mga pinuno sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.
23 Ito ang mga punong kapatas na nangasiwa sa gawain ni Solomon, limang daan at limampu na namumuno sa mga manggagawa.
24 Ngunit ang anak na babae ni Faraon ay umahon mula sa lunsod ni David patungo sa kanyang bahay na itinayo ni Solomon para sa kanya, pagkatapos ay itinayo niya ang Milo.
25 Tatlong(F) ulit sa isang taon naghahandog si Solomon ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan sa ibabaw ng dambana na kanyang itinayo para sa Panginoon, at nagsusunog ng insenso sa harap ng Panginoon. Sa gayon ay natapos niya ang bahay.
Hukbong-Dagat ni Solomon
26 Nagpagawa si Haring Solomon ng mga barko sa Ezion-geber na malapit sa Elot, sa baybayin ng Dagat na Pula, sa lupain ng Edom.
27 Nagpadala si Hiram ng mga sasakyan ng kanyang mga tauhan, na mga mandaragat na bihasa sa karagatan, kasama ng mga tauhan ni Solomon.
28 At sila'y pumaroon sa Ofir at kumuha mula roon ng ginto, na apatnaraan at dalawampung talento, at dinala ang mga iyon kay Haring Solomon.
Mga Anak at mga Magulang
6 Mga(A) anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, sapagkat ito'y matuwid.
2 “Igalang(B) mo ang iyong ama at ina”—ito ang unang utos na may pangako,
3 “upang maging mabuti ang inyong kalagayan at ikaw ay mabuhay nang matagal sa ibabaw ng lupa.”
4 At(C) mga ama, huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak, kundi akayin ninyo sila sa pagsasanay at pangaral ng Panginoon.
Mga Alipin at mga Panginoon
5 Mga(D) alipin, sundin ninyo ang inyong mga panginoon sa laman na may takot at panginginig, sa katapatan ng inyong puso, na gaya ng kay Cristo,
6 hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay-lugod sa mga tao, kundi gaya ng mga alipin ni Cristo, na ginagawa ang kalooban ng Diyos mula sa puso,
7 naglilingkod na may mabuting kalooban, na gaya ng paglilingkod sa Panginoon, at hindi sa mga tao,
8 yamang nalalaman na anumang mabuting bagay na gawin ng bawat tao, ito ay kanyang muling tatanggapin mula sa Panginoon, maging alipin o malaya.
9 At(E) mga panginoon, gayundin ang inyong gawin sa kanila, iwasan ang pananakot yamang nalalaman ninyo na kayo ay may iisang Panginoon sa langit, at siya'y walang itinatanging tao.
Ang Buong Kasuotang Pandigma
10 Sa kahuli-hulihan, patuloy kayong magpakalakas sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kanyang lakas.
11 Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang kayo'y makatagal laban sa mga pakana ng diyablo.
12 Sapagkat ang ating pakikipaglaban ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pinuno, laban sa mga may kapangyarihan, laban sa mga kapangyarihang di-nakikita na naghahari sa sanlibutan sa kadilimang ito, laban sa hukbong espirituwal ng kasamaan sa kalangitan.
13 Kaya't kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang kayo'y makatagal sa araw na masama, at kung magawa na ninyo ang lahat ay tumayong matatag.
14 Kaya't(F) tumindig kayo, na ang inyong mga baywang ay nabibigkisan ng katotohanan na suot ang baluti ng katuwiran,
15 at(G) nakasuot sa inyong mga paa ang pagiging handa para sa ebanghelyo ng kapayapaan.
16 Kasama ng lahat ng mga ito, taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na sa pamamagitan nito ay inyong masusugpo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama.
17 At(H) taglayin ninyo ang helmet ng kaligtasan, at ang tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Diyos.
18 Manalangin kayo sa Espiritu sa lahat ng panahon sa bawat panalangin at pagsamo. At sa bagay na ito ay maging handa na may buong pagtitiyaga at pagsusumamo para sa lahat ng mga banal.
19 Idalangin din ninyo ako upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubukas ng aking bibig, upang ipahayag na may katapangan ang hiwaga ng ebanghelyo,
20 na dahil dito ako'y isang sugong may tanikala; upang ito'y aking maipahayag na may katapangan gaya ng nararapat na aking sabihin.
Pangwakas na Pagbati
21 At(I) (J) upang malaman din ninyo ang mga bagay tungkol sa akin at ang aking kalagayan, si Tiquico ang siyang magsasalaysay sa inyo ng lahat ng mga bagay. Siya na aking minamahal na kapatid at tapat na lingkod sa Panginoon.
22 Isinusugo ko siya sa inyo para sa bagay na ito, upang malaman ninyo ang mga bagay tungkol sa amin, at upang kanyang pasiglahin ang inyong mga puso.
23 Kapayapaan nawa sa mga kapatid, at pag-ibig na may pananampalataya mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
24 Ang biyaya nawa'y sumakanilang lahat na mayroong pag-ibig na di-kumukupas sa ating Panginoong Jesu-Cristo.[a]
Ang Pagbagsak ng Gog
39 “At ikaw, anak ng tao, magsalita ka ng propesiya laban kay Gog, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ako'y laban sa iyo, O Gog, pangunahing pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal:
2 Aking paiikutin at itataboy kita, at paaahunin kita mula sa mga pinakadulong bahagi ng hilaga; at aking dadalhin ka sa mga bundok ng Israel.
3 Pagkatapos ay sisirain ko ang busog sa iyong kaliwang kamay, at aking ihuhulog ang iyong pana mula sa iyong kanang kamay.
4 Ikaw ay mabubuwal sa mga bundok ng Israel, ikaw at ang lahat mong mga pulutong, at ang mga bayan na kasama mo. Ibibigay kita sa mga ibong mandaragit na iba't ibang uri, at sa mga hayop sa parang upang lamunin ka.
5 Ikaw ay mabubuwal sa kaparangan; sapagkat aking sinalita, sabi ng Panginoong Diyos.
6 Ako'y magpapasapit ng apoy sa Magog, at sa mga naninirahang tiwasay sa mga pulo; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
7 “Ang aking banal na pangalan ay ipapakilala ko sa gitna ng aking bayang Israel; at hindi ko papahintulutang lapastanganin pa ang aking banal na pangalan, at malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, ang Banal sa Israel.
8 Narito, dumarating at mangyayari, sabi ng Panginoong Diyos. Ito ang araw na aking sinalita.
9 “Silang naninirahan sa mga bayan ng Israel ay hahayo, at susunugin ang mga sandata, ang mga kalasag, mga pananggalang, mga busog at mga palaso, mga tungkod, at ang mga sibat. Susunugin nila ito nang pitong taon.
10 Kaya't sila'y hindi na kukuha pa ng kahoy sa parang, o puputol man ng anuman sa mga gubat, sapagkat sila'y gagawa ng kanilang mga apoy mula sa mga sandata. Kanilang sasamsaman ang nanamsam sa kanila, at nanakawan ang nagnakaw sa kanila, sabi ng Panginoong Diyos.
Ang Libingan ng Gog
11 “Sa araw na iyon, ako'y magbibigay kay Gog ng dakong libingan sa Israel, ang libis ng mga manlalakbay na nasa silangan ng dagat. Hahadlangan nito ang manlalakbay, sapagkat doon ililibing si Gog at ang lahat niyang mga karamihan; at kanilang tatawagin itong Libis ng Hamon-gog.
12 Pitong buwan silang ililibing ng sambahayan ni Israel upang linisin ang lupain.
13 Sila'y ililibing ng buong bayan ng lupain at magiging sa kanila'y karangalan, sa araw na ipakita ko ang aking kaluwalhatian, sabi ng Panginoong Diyos.
14 Sila'y magbubukod ng mga lalaking palaging daraan sa lupain at maglilibing ng nalalabi sa ibabaw ng lupain, upang linisin ito. Pagkatapos ng pitong buwan ay gagawa sila ng pagsisiyasat.
15 Kapag ang mga ito ay dumaan sa lupain at ang sinuman ay nakakita ng buto ng tao, lalagyan niya ng tanda roon hanggang sa mailibing ng mga manlilibing sa Libis ng Hamon-gog.
16 At Hamonah ang magiging pangalan ng lunsod. Ganito nila lilinisin ang lupain.
17 “Tungkol(A) sa iyo, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Magsalita ka sa sari-saring ibon at sa lahat ng hayop sa parang, ‘Magtipun-tipon kayo at pumarito; magtipon kayo sa lahat ng dako sa kapistahan ng paghahandog na aking inihahanda para sa inyo, sa malaking kapistahan ng paghahandog sa ibabaw ng mga bundok ng Israel, at kayo'y kakain ng laman at iinom ng dugo.
18 Kayo'y kakain ng laman ng makapangyarihan, at iinom ng dugo ng mga pinuno ng lupa, ng mga lalaking tupa, ng mga batang tupa, ng mga kambing, at ng mga toro, na pawang patabain sa Basan.
19 Kayo'y kakain ng taba hanggang sa kayo'y mabusog, at iinom ng dugo hanggang sa kayo'y malasing sa kapistahan ng paghahandog na aking inihahanda para sa inyo.
20 At kayo'y mabubusog sa aking hapag ng mga kabayo at mga mangangabayo, ng magigiting na lalaki, at ng lahat ng uri ng mandirigma,’ sabi ng Panginoong Diyos.
Ibinalik sa Dati ang Israel
21 “Ipapakita ko ang aking kaluwalhatian sa mga bansa; at makikita ng lahat ng bansa ang aking kahatulan na aking inilapat, at ang aking kamay na ipinatong ko sa kanila.
22 Malalaman ng sambahayan ni Israel na ako ang Panginoon na kanilang Diyos, mula sa araw na iyon hanggang sa haharapin.
23 At malalaman ng mga bansa na ang sambahayan ni Israel ay pumasok sa pagkabihag dahil sa kanilang kasamaan, sapagkat sila'y nagtaksil laban sa akin at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila. Sa gayo'y ibinigay ko sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at silang lahat ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak.
24 Hinarap ko sila ayon sa kanilang karumihan at mga pagsuway; at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila.
Ang Israel ay Muling Itatayo
25 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ngayo'y aking ibabalik ang kapalaran ng Jacob at maaawa ako sa buong sambahayan ni Israel; at ako'y magiging mapanibughuin dahil sa aking banal na pangalan.
26 Malilimutan nila ang kanilang kahihiyan, at ang lahat ng kataksilan na kanilang ginawa laban sa akin, kapag sila'y naninirahang tiwasay sa kanilang lupain, at walang tatakot sa kanila;
27 kapag sila'y aking ibinalik mula sa mga bayan, at tipunin sila mula sa mga lupain ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan nila ay ipakita ang aking kabanalan sa paningin ng maraming bansa.
28 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Diyos sapagkat dinala ko sila sa pagkabihag sa gitna ng mga bansa, at saka tinipon sila sa kanilang sariling lupain. Hindi ako mag-iiwan ng sinuman sa kanila sa gitna ng mga bansa;
29 at hindi ko na ikukubli pa ang aking mukha sa kanila kapag ibinuhos ko ang aking Espiritu sa sambahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Diyos.”
IKAAPAT NA AKLAT
Panalangin ni Moises, ang tao ng Diyos.
90 Panginoon, ikaw ay naging aming tahanang dako
sa lahat ng salinlahi.
2 Bago nilikha ang mga bundok,
o bago mo nilikha ang lupa at ang sanlibutan,
ikaw ay Diyos, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan.
3 Iyong ibinabalik ang tao sa alabok,
at iyong sinasabi, “Bumalik kayo, kayong mga anak ng mga tao!”
4 Sapagkat(A) ang isang libong taon sa iyong paningin,
ay parang kahapon lamang kapag ito'y nakalipas,
o gaya ng isang gabing pagbabantay.
5 Iyong dinadala sila na parang baha, sila'y nakatulog,
kinaumagahan ay parang damo na tumutubo;
6 sa umaga ito'y nananariwa at lumalago,
sa hapon ito'y nalalanta at natutuyo.
7 Sapagkat ang iyong galit ang sa amin ay tumupok,
at sa pamamagitan ng iyong galit kami ay nabagabag.
8 Inilagay mo ang aming kasamaan sa iyong harapan,
sa liwanag ng iyong mukha ang lihim naming kasalanan.
9 Sapagkat sa ilalim ng iyong poot, lahat ng aming araw ay lumilipas,
na gaya ng buntong-hininga, ang aming mga taon ay nagwawakas.
10 Ang mga taon ng aming buhay ay pitumpung taon,
o kung malakas kami ay walumpung taon,
ngunit ang mga ito ay hirap at kaguluhan lamang,
ang mga ito'y madaling lumipas, at kami ay nawawala.
11 Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng galit mo,
at ng iyong galit ayon sa pagkatakot na marapat sa iyo?
12 Kaya't turuan mo kami na bilangin ang aming mga araw,
upang kami ay magkaroon ng pusong may karunungan.
13 Manumbalik ka, O Panginoon! Hanggang kailan pa?
Sa iyong mga lingkod ay mahabag ka!
14 Busugin mo kami sa umaga ng iyong tapat na pagmamahal,
upang kami ay magalak at matuwa sa lahat ng aming mga araw.
15 Kami ay iyong pasayahin ayon sa dami ng mga araw ng iyong pagpapahirap sa amin,
at kasindami ng mga taon na ang kasamaan nakita namin.
16 Mahayag nawa ang gawa mo sa iyong mga lingkod,
at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.
17 Sumaamin nawa ang biyaya ng Panginoon naming Diyos,
at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay;
oo, itatag mo ang gawa ng aming mga kamay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001