Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 19

Pinagsabihan ni Joab si David

19 Sinabi kay Joab, “Ang hari ay tumatangis at nagluluksa para kay Absalom.”

Kaya't ang tagumpay[a] sa araw na iyon ay naging pagluluksa para sa buong bayan, sapagkat narinig ng bayan nang araw na iyon, “Ang hari ay nagdadalamhati dahil sa kanyang anak.”

Ang taong-bayan ay patagong pumasok sa lunsod nang araw na iyon gaya ng pagpasok ng bayang napapahiya kapag sila'y tumatakas sa labanan.

Tinakpan ng hari ang kanyang mukha at siya ay sumigaw ng malakas. “O anak kong Absalom, O Absalom, anak ko, anak ko!”

Pumasok si Joab sa bahay, lumapit sa hari at nagsabi, “Tinakpan mo ng kahihiyan ang mga mukha ng lahat ng iyong lingkod na sa araw na ito ay nagligtas ng iyong buhay at ng mga buhay ng iyong mga anak na lalaki at babae, at ng mga buhay ng iyong mga asawa, at ng mga buhay ng iyong mga asawang-lingkod,

sapagkat iniibig mo ang mga napopoot sa iyo at kinapopootan mo ang mga umiibig sa iyo. Ipinahayag mo sa araw na ito na ang mga pinuno at mga lingkod ay walang kabuluhan sa iyo. Sa araw na ito ay aking napag-alaman na kung si Absalom ay buháy at kaming lahat ay namatay ngayon, ikaw ay masisiyahan.

Ngayon nga'y bumangon ka, lumabas ka, at magsalita na may kagandahang-loob sa iyong mga lingkod. Sapagkat isinusumpa ko sa pangalan ng Panginoon, na kung ikaw ay hindi lalabas, wala ni isang taong maiiwan sa iyo sa gabing ito; at ito'y magiging masahol sa iyo kaysa lahat ng kasamaang sumapit sa iyo mula nang iyong kabataan hanggang ngayon.”

Nang magkagayo'y tumindig ang hari at naupo sa pintuang-bayan. At sinabi sa buong bayan, “Tingnan ninyo, ang hari ay nakaupo sa pintuang-bayan;” at ang buong bayan ay pumaroon sa harap ng hari. Samantala, ang lahat ng Israelita ay umalis patungo sa kanya-kanyang tolda.

Ang lahat ng mga tao ay nagtalu-talo sa buong lipi ng Israel, na sinasabi, “Iniligtas tayo ng hari sa kamay ng ating mga kaaway; at iniligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo; at ngayo'y tumakas siya papalabas sa lupain mula kay Absalom.

10 Subalit si Absalom na ating hinirang[b] upang maghari sa atin ay namatay sa labanan. Ngayon nga'y bakit hindi kayo nagsasalita ng tungkol sa pagpapabalik sa hari?”

Nagpasimulang Bumalik si David sa Jerusalem

11 Nagpadala ng mensahe si Haring David kay Zadok at kay Abiatar na mga pari, na sinasabi, “Sabihin ninyo sa matatanda ng Juda, ‘Bakit kayo ang dapat maging huli sa pagpapabalik sa hari sa kanyang bahay, gayong ang pananalita ng buong Israel ay dumating na sa hari?

12 Kayo'y aking mga kapatid, kayo'y aking buto at aking laman, bakit kayo ang dapat maging huli sa pagpapabalik sa hari?’

13 Sabihin ninyo kay Amasa, ‘Hindi ba ikaw ay aking buto at laman? Gawin ng Diyos sa akin, at higit pa, kung ikaw ay hindi maging pinuno ng aking hukbo mula ngayon bilang kapalit ni Joab.’”

14 Nahikayat ni Amasa[c] ang puso ng lahat ng mga lalaki ng Juda na parang isang tao; kaya't sila'y nagpasabi sa hari, “Bumalik ka, ikaw at ang lahat mong mga lingkod.”

15 Kaya't bumalik ang hari sa Jordan; at ang Juda ay dumating sa Gilgal upang salubungin ang hari at upang itawid ang hari sa Jordan.

16 Si(A) Shimei na anak ni Gera, na Benjaminita, na taga-Bahurim ay nagmadali upang lumusong na kasama ang mga lalaki ng Juda at salubungin si Haring David.

17 Kasama niya ang may isanlibong lalaki ng Benjamin. At si Ziba na lingkod sa sambahayan ni Saul, at ang kanyang labinlimang anak at dalawampung lingkod ay tumawid sa Jordan sa harapan ng hari.

18 Sila'y tumawid sa tawiran upang itawid ang sambahayan ng hari, at gawin ang kanyang inaakalang mabuti. At si Shimei na anak ni Gera ay nagpatirapa sa harap ng hari nang siya'y malapit nang tumawid sa Jordan.

Nagpakita ng Kabutihan si David kay Shimei

19 At sinabi niya sa hari, “Huwag nawa akong ituring ng panginoon na nagkasala o alalahanin man ang ginawang kamalian ng iyong lingkod nang araw na ang aking panginoong hari ay umalis sa Jerusalem. Huwag nawang isipin iyon ng hari.

20 Sapagkat nalalaman ng iyong lingkod na ako'y nagkasala; kaya't ako'y naparito sa araw na ito, ang una sa lahat ng sambahayan ni Jose na lumusong upang salubungin ang aking panginoong hari.”

21 Si Abisai na anak ni Zeruia ay sumagot, “Hindi ba dapat patayin si Shimei dahil dito, sapagkat kanyang nilait ang hinirang[d] ng Panginoon?”

22 Ngunit sinabi ni David, “Ano ang pakialam ko sa inyo, mga anak ni Zeruia, na kayo'y magiging mga kaaway ko sa araw na ito? Mayroon bang papatayin sa araw na ito sa Israel? Sapagkat hindi ko ba nalalaman na ako'y hari sa Israel sa araw na ito?”

23 Sinabi ng hari kay Shimei, “Ikaw ay hindi mamamatay.” At ang hari ay sumumpa sa kanya.

Nagpakita ng Kabutihan si David kay Mefiboset

24 Si(B) Mefiboset na anak ni Saul ay lumusong upang salubungin ang hari. Hindi siya naghugas ng kanyang mga paa, o inahitan man ang kanyang balbas, o nilabhan man ang kanyang mga damit, mula nang araw na ang hari ay umalis hanggang sa araw na siya'y umuwing ligtas sa bahay.

25 Nang siya'y dumating mula sa Jerusalem upang salubungin ang hari, sinabi ng hari sa kanya, “Bakit hindi ka humayong kasama ko, Mefiboset?”

26 At siya'y sumagot, “Panginoon ko, O hari, dinaya ako ng aking lingkod; sapagkat sinabi ng iyong lingkod, ‘Ako'y ipaghanda ng isang asno, upang aking masakyan at humayong kasama ng hari;’ sapagkat ang iyong lingkod ay pilay.

27 Kanyang siniraang-puri ang iyong lingkod sa aking panginoong hari. Ngunit ang panginoon kong hari ay gaya ng isang anghel ng Diyos; kaya't gawin mo kung ano ang minamabuti mo.

28 Sapagkat lahat ng sambahayan ng aking ama ay mga taong patungo sa kamatayan sa harapan ng panginoon kong hari: gayunma'y inilagay mo ang iyong lingkod na kasama ng mga kumakain sa iyong hapag. Kung gayon, ano pang karapatan mayroon ako upang makiusap sa hari?”

29 At sinabi ng hari sa kanya, “Huwag ka nang magsalita pa. Aking naipasiya na. Ikaw at si Ziba ay maghahati sa lupa.”

30 Sinabi ni Mefiboset sa hari, “Hayaan mo nang kunin niyang lahat, yamang ang aking panginoong hari ay nakauwing ligtas sa kanyang sariling bahay.”

Nagpakita ng Kabutihan si David kay Barzilai

31 At(C) si Barzilai na Gileadita ay lumusong mula sa Rogelim. Siya'y tumawid sa Jordan na kasama ng hari, upang ihatid siya sa kabila ng Jordan.

32 Si Barzilai ay lalaking napakatanda na, walumpung taong gulang. Binigyan niya ng pagkain ang hari samantalang siya'y nasa Mahanaim; sapagkat siya'y isang napakayamang tao.

33 At sinabi ng hari kay Barzilai, “Tumawid kang kasama ko, at aking pakakainin kang kasama ko sa Jerusalem.”

34 Ngunit sinabi ni Barzilai sa hari, “Gaano na lamang ang mga taon na aking ikabubuhay, na ako'y aahon pa sa Jerusalem na kasama ng hari?

35 Ako'y walumpung taon na sa araw na ito, malalaman ko pa ba kung ano ang mabuti? Malalasahan pa ba ng iyong lingkod ang kanyang kinakain at iniinom? Maririnig ko pa ba ang tinig ng mang-aawit na lalaki at babae? Bakit pa magiging dagdag na pasan ang iyong lingkod sa aking panginoong hari?

36 Ang iyong lingkod ay hahayo lamang ng kaunti sa kabila ng Jordan na kasama ng hari. Bakit gagantihan ako ng hari ng ganyang gantimpala?

37 Hinihiling ko sa iyo na pabalikin mo ang iyong lingkod, upang ako'y mamatay sa aking sariling bayan, malapit sa libingan ng aking ama at ng aking ina. Ngunit narito ang iyong lingkod na Chimham; hayaan siyang tumawid na kasama ng aking panginoong hari; at gawin mo sa kanya kung ano ang inaakala mong mabuti.”

38 Sumagot ang hari, “Si Chimham ay tatawid na kasama ko, at gagawin ko sa kanya ang inaakala mong mabuti; at lahat ng iyong nais sa akin ay aking gagawin alang-alang sa iyo.”

39 At ang buong bayan ay tumawid sa Jordan, at ang hari ay tumawid. At hinagkan ng hari si Barzilai, at binasbasan siya; at siya'y umuwi sa kanyang sariling tahanan.

40 Ang hari ay nagtungo sa Gilgal at si Chimham ay nagtungong kasama niya. Inihatid ang hari ng buong bayan ng Juda at ng kalahati ng bayan ng Israel.

41 Lahat ng kalalakihan ng Israel ay pumunta sa hari, at sinabi sa hari, “Bakit ka ninakaw ng aming mga kapatid na mga lalaki ng Juda, at itinawid ang hari at ang kanyang sambahayan sa Jordan, at ang lahat ng tauhan ni David na kasama niya?”

42 Lahat ng mamamayan ng Juda ay sumagot sa mga mamamayan ng Israel, “Sapagkat ang hari ay malapit naming kamag-anak. Bakit kayo nagagalit dahil sa bagay na ito? Mayroon ba kaming kinain na ginastusan ng hari? O binigyan ba niya kami ng anumang kaloob?”

43 Ngunit sinagot ng mga mamamayan ng Israel ang mga mamamayan ng Juda, “Kami ay may sampung bahagi sa hari, at kay David ay mayroon kaming higit kaysa inyo. Bakit ninyo kami hinahamak? Hindi ba kami ang unang nagsalita tungkol sa pagpapabalik sa aming hari?” Ngunit ang mga salita ng mga mamamayan ng Juda ay higit na mababagsik kaysa mga salita ng mga mamamayan ng Israel.

2 Corinto 12

Mga Pangitain at Pagpapahayag

12 Kailangang ako'y magmalaki, kahit ito'y hindi kapaki-pakinabang, ngunit ako ay magpapatuloy sa mga pangitain at mga pahayag ng Panginoon.

Kilala ko ang isang lalaki kay Cristo, mayroon nang labing-apat na taon ang nakakaraan, dinala sa ikatlong langit (kung nasa katawan man, o kung nasa labas ng katawan, hindi ko alam; ang Diyos ang nakakaalam).

At nalalaman ko na ang taong iyon (kung nasa katawan man, o nasa labas ng katawan, hindi ko alam; ang Diyos ang nakakaalam),

ay dinala paitaas patungo sa Paraiso, at nakarinig ng mga salitang hindi dapat sabihin, na hindi ipinahihintulot sa tao na ulitin.

Alang-alang sa taong iyon ako'y magmamalaki, ngunit alang-alang sa aking sarili ay hindi ako magmamalaki, maliban sa aking mga kahinaan.

Ngunit kung nais kong magmalaki ay hindi ako magiging hangal, sapagkat ako'y magsasabi ng katotohanan. Ngunit nagpipigil ako upang walang sinumang mag-isip ng higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin,

lalo na dahil sa kalabisan ng mga pahayag. Kaya't upang ako'y huwag magyabang ng labis, binigyan ako ng isang tinik sa laman, isang sugo ni Satanas upang ako'y saktan, upang ako'y huwag magmalaki ng labis.

Tatlong ulit akong nanalangin sa Panginoon tungkol dito na lumayo sana ito sa akin.

Subalit sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.” Ako'y lalong magmamalaki na may galak sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manatili sa akin.

10 Kaya, alang-alang kay Cristo, ako'y nasisiyahan sa mga kahinaan, paglait, kahirapan, pag-uusig, at mga sakuna, sapagkat kapag ako'y mahina, ako nga'y malakas.

Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto

11 Ako'y naging hangal! Pinilit ninyo ako, sapagkat ako ay dapat ninyong purihin: sapagkat ako'y hindi hamak na mababa sa mga dakilang apostol na iyon, kahit na ako'y walang kabuluhan.

12 Tunay na ang mga tanda ng isang tunay na apostol ay isinagawa sa inyo na may buong pagtitiyaga, sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan at ng mga gawang makapangyarihan.

13 Sapagkat sa ano kayo naging huli sa ibang mga iglesya, maliban sa ako'y hindi naging pasanin ninyo? Patawarin ninyo ako sa pagkakamaling ito.

14 Narito ako, handang pumariyan sa inyo sa ikatlong pagkakataon. Ako'y hindi magiging pasanin, sapagkat hindi ko hinahanap ang sa inyo, kundi kayo, sapagkat hindi nararapat ipag-impok ng mga anak ang mga magulang, kundi ang mga magulang para sa kanilang mga anak.

15 Ako'y may malaking kagalakan na gugugol at gugugulin para sa inyo. Kung kayo'y iniibig ko nang lalong higit, ako ba'y dapat ibigin nang kaunti?

16 Ako'y hindi naging pasanin sa inyo; gayunman sabi ninyo, yamang ako ay tuso, napaglalangan ko kayo sa pamamagitan ng daya.

17 Kayo ba'y aking dinaya sa pamamagitan ng sinuman na aking sinugo sa inyo?

18 Hinimok ko si Tito na humayo at sinugo kong kasama niya ang kapatid. Kayo ba'y dinaya ni Tito? Hindi ba kami kumilos sa iisang espiritu? Hindi ba gayundin ang aming naging mga hakbang?

19 Iniisip ninyo na sa buong panahon ay ipinagtatanggol namin ang aming sarili sa harapan ninyo. Sa paningin ng Diyos kami ay nagsasalita kay Cristo. At ang lahat ng mga bagay ay para sa inyong ikatitibay, mga minamahal.

20 Sapagkat natatakot ako na baka pagdating ko ay matagpuan ko kayong hindi gaya ng nais ko, at ako ay inyong matagpuang hindi gaya ng nais ninyo; na baka mayroong pag-aaway, paninibugho, galit, pagiging makasarili, paninirang-puri, tsismis, mga kapalaluan, at kaguluhan.

21 Ako'y natatakot na kapag ako'y dumating na muli, ako'y gawing mapagpakumbaba ng Diyos sa harapan ninyo, at ako'y kailangang magdalamhati dahil sa marami na nagkasala noong una at hindi nagsisi sa karumihan, pakikiapid, at sa kahalayang ginawa nila.

Ezekiel 26

Ang Pahayag Laban sa Tiro

26 Nang(A) unang araw ng buwan na siyang ikalabing-isang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, sapagkat sinabi ng Tiro tungkol sa Jerusalem, ‘Aha, ang pintuan ng mga bayan ay wasak, iyon ay bumukas sa akin. Ako'y muling mapupuno ngayong siya'y wasak;

kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ako'y laban sa iyo, O Tiro, at aking pasasampahin ang maraming bansa laban sa iyo, gaya ng pagsampa ng dagat ng kanyang mga alon.

Kanilang gigibain ang mga pader ng Tiro, at ibabagsak ang kanyang mga tore; at aking kakayurin ang kanyang lupa, at gagawin ko siyang hubad na bato.

Siya'y magiging dakong ladlaran ng mga lambat sa gitna ng dagat; sapagkat aking sinalita, sabi ng Panginoong Diyos; at siya'y magiging samsam sa mga bansa.

At ang kanyang mga anak na babae na nasa lupain ay papatayin ng tabak, at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

“Sapagkat ganito ang sinasabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking dadalhin sa Tiro, mula sa hilaga, si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na hari ng mga hari, na may mga kabayo at mga karwahe, may mga mangangabayo, at isang hukbo ng maraming kawal.

Kanyang papatayin ng tabak ang iyong mga anak na babae sa lupain; at siya'y gagawa ng mga pader na pangkubkob laban sa iyo, at magtatayo ng isang bunton laban sa iyo, at magtataas ng mga pananggalang laban sa iyo.

Kanyang itutuon ang kanyang mga pambayo laban sa iyong mga pader, at sa pamamagitan ng kanyang mga palakol ay kanyang ibabagsak ang iyong mga muog.

10 Magiging napakarami ang kanyang mga kabayo, anupa't tatakpan ka ng kanilang alabok. Ang iyong mga pader ay uuga sa ugong ng mga mangangabayo, mga kariton, at ng mga karwahe, kapag siya'y papasok sa iyong mga pintuan na gaya ng pagpasok ng tao sa isang lunsod na binutasan.

11 Tatapakan ng mga paa ng kanyang mga kabayo ang lahat mong mga lansangan; papatayin niya ng tabak ang iyong bayan at ang matitibay mong haligi ay mabubuwal sa lupa.

12 Kanilang sasamsamin ang iyong mga kayamanan, at nanakawin ang iyong kalakal. Kanilang ibabagsak ang iyong mga pader at gigibain ang iyong magagandang bahay. Ang iyong mga bato, kahoy at ang lupa ay ihahagis nila sa gitna ng dagat.

13 Aking(B) patitigilin ang tinig ng iyong mga awit, at ang tunog ng iyong mga lira ay hindi na maririnig.

14 At gagawin kitang hubad na bato. Ikaw ay magiging dakong ladlaran ng mga lambat; ikaw ay hindi na muling itatayo sapagkat akong Panginoon ang nagsalita, sabi ng Panginoong Diyos.

15 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa Tiro: Hindi ba mayayanig ang mga pulo sa tunog ng iyong pagbagsak, kapag ang nasugatan ay dumaraing, kapag ang patayan ay ginawa sa gitna mo?

16 Kung(C) magkagayo'y bababa ang lahat ng mga pinuno sa dagat mula sa kanilang mga trono, at aalisin ang kanilang mga balabal, at huhubarin ang kanilang mga damit na may burda. Sila'y mababalot ng panginginig; sila'y magsisiupo sa lupa, at manginginig bawat sandali, at matatakot sa iyo.

17 At mananaghoy sila para sa iyo, at sasabihin sa iyo,

‘Paano ka napahamak, O ikaw na tinatahanan mula sa karagatan,
    O tanyag na lunsod,
na makapangyarihan sa dagat,
    ikaw at ang iyong mga mamamayan,
na naglalapat ng pagkatakot sa iyo
    sa lahat ng kanyang mga mamamayan!
18 Ang mga pulo ngayon ay nayayanig
    sa araw ng iyong pagbagsak;
oo, ang mga pulo na nasa dagat
    ay natakot sa iyong pagyaon.’

19 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kapag ikaw ay ginawa kong wasak na lunsod, gaya ng mga lunsod na walang naninirahan, kapag tinabunan kita ng kalaliman, at tinakpan ka ng maraming tubig;

20 kung gayo'y ibababa kita na kasama nila na bumababa sa hukay, sa mga tao nang una, at patitirahin kita sa malalim na bahagi ng lupa, sa mga dakong wasak na nang una, na kasama ng nagsibaba sa hukay, upang ikaw ay hindi na tahanan, o magkaroon ng lugar sa lupain ng mga buháy, ngunit ako'y maglalagay ng kaluwalhatian sa lupain ng mga buhay.

21 Ako'y(D) magdadala sa inyo ng mga kakilakilabot at hindi ka na mabubuhay; ikaw ay mawawala na, bagaman ikaw ay hanapin, ay hindi ka na muling matatagpuan, sabi ng Panginoong Diyos.”

Mga Awit 74

Maskil ni Asaf.

74 O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman?
    Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una,
    na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana!
    At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan.
Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho;
    winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo!

Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan,
    itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan.
Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol
    sa kagubatan ng mga punungkahoy.
At lahat ng mga kahoy na nililok
    ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok.
Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo;
    hanggang sa lupa,
    nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo.
Sinabi nila sa kanilang sarili, “Ganap namin silang lulupigin,”
    kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain.
Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan;
    wala nang propeta pa;
    at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway?
    Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay?
    Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila!

12 Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una,
    na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Hinawi(A) mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan,
    binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan.
14 Dinurog(B) mo ang mga ulo ng Leviatan,
    ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang.
15 Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan,
    iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan.
16 Iyo ang araw at ang gabi man;
    iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw.
17 Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig;
    iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig.

18 Alalahanin mo ito, O Panginoon, kung paanong nanlilibak ang kaaway,
    at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan.
19 Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay,
    huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman.
20 Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan;
    sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay punô ng mga tahanan ng karahasan.
21 Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan;
    purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban;
    alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw!
23 Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway,
    ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang!

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001