M’Cheyne Bible Reading Plan
Sinaway ni Natan si David
12 At(A) isinugo ng Panginoon si Natan kay David. Siya'y pumaroon sa kanya at sinabi sa kanya, “May dalawang lalaki sa isang lunsod, ang isa ay mayaman at ang isa ay mahirap.
2 Ang mayaman ay mayroong napakaraming kawan at bakahan;
3 ngunit ang mahirap ay walang anumang bagay liban sa isang munting babaing kordero na kanyang binili. Kanyang inalagaan ito at lumaki sa piling niya at ng kanyang mga anak. Kumakain ito ng kanyang sariling pagkain at umiinom sa kanyang sariling inuman, at humihiga sa kanyang kandungan, at sa kanya'y parang isang anak na babae.
4 Noon ay may dumating na manlalakbay sa mayaman. Ayaw niyang kumuha mula sa kanyang sariling kawan at sa kanyang sariling bakahan para sa manlalakbay na dumating sa kanya. Sa halip ay kinuha niya ang kordero ng taong mahirap at inihanda sa lalaking dumating sa kanya.”
5 At ang galit ni David ay labis na nagningas laban sa lalaki; at kanyang sinabi kay Natan, “Habang buháy ang Panginoon, ang lalaking gumawa nito ay karapat-dapat na mamatay;
6 kanyang ibabalik ang kordero na may dagdag na apat, sapagkat kanyang ginawa ang bagay na ito, at sapagkat siya'y walang habag.”
7 Sinabi ni Natan kay David, “Ikaw ang lalaking iyon. Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ‘Binuhusan kita ng langis upang maging hari ng Israel, at iniligtas kita sa kamay ni Saul.
8 Ibinigay ko sa iyo ang bahay ng iyong panginoon, ang mga asawa ng iyong panginoon sa iyong kandungan, at ang sambahayan ng Israel at ng Juda; at kung ito ay maliit pa ay daragdagan pa kita ng higit.
9 Bakit mo hinamak ang salita ng Panginoon upang gumawa ng masama sa kanyang paningin? Tinaga mo ng tabak si Urias na Heteo, at kinuha mo ang kanyang asawa upang maging iyong asawa, at pinaslang mo siya sa pamamagitan ng tabak ng mga Ammonita.
10 Kaya ngayon ay hindi hihiwalay kailanman ang tabak sa iyong sambahayan; sapagkat hinamak mo ako, at kinuha mo ang asawa ni Urias na Heteo upang maging iyong asawa.’
11 Ganito(B) ang sabi ng Panginoon, ‘Ako'y magpapabangon ng kasamaan laban sa iyo mula sa iyong sariling sambahayan, at kukunin ko ang iyong mga asawa sa harap ng iyong paningin, at aking ibibigay sa iyong kapwa; at kanyang sisipingan ang iyong mga asawa sa liwanag ng araw na ito.
12 Lihim mo itong ginawa, ngunit gagawin ko ang bagay na ito sa harap ng buong Israel, at sa harap ng araw.’”
13 At sinabi ni David kay Natan, “Ako'y nagkasala laban sa Panginoon.” At sinabi ni Natan kay David, “Inalis din ng Panginoon ang iyong kasalanan; hindi ka mamamatay.
14 Gayunman, sapagkat sa pamamagitan ng gawang ito'y binigyan mo ng dahilan ang mga kaaway ng Panginoon, na lumapastangan,[a] ang bata naman na ipinanganak sa iyo ay mamamatay.”
Namatay ang Anak ni David
15 Pagkatapos, si Natan ay umuwi sa kanyang bahay. Sinaktan ng Panginoon ang bata na ipinanganak ng asawa ni Urias kay David, at ito ay nagkasakit.
16 Kaya't nagmakaawa si David sa Diyos para sa bata; at si David ay nag-ayuno at pumasok at humiga sa lupa buong magdamag.
17 Ang matatanda sa kanyang bahay ay tumatayo sa tabi niya upang itindig siya sa lupa; ngunit ayaw niya, ni hindi siya kumain ng tinapay na kasalo nila.
18 Nang ikapitong araw, ang bata ay namatay. Natakot ang mga lingkod ni David na sabihin sa kanya na ang bata ay patay na; sapagkat kanilang sinabi, “Samantalang ang bata ay buháy pa, tayo ay nakipag-usap sa kanya, at hindi siya nakinig sa atin; kaya't paano natin sasabihin sa kanya na ang bata ay patay na? Baka saktan niya ang kanyang sarili.”
19 Ngunit nang makita ni David na ang kanyang mga lingkod ay nagbubulung-bulungan, nahiwatigan ni David na ang bata ay patay na. Kaya't itinanong ni David sa kanyang mga lingkod, “Patay na ba ang bata?” At kanilang sinabi, “Siya'y patay na.”
20 Nang magkagayo'y bumangon si David sa lupa at naligo, nagbuhos at nagbihis ng kanyang damit; at siya'y pumunta sa bahay ng Panginoon at sumamba. Pagkatapos ay pumunta siya sa kanyang sariling bahay; at nang siya'y humingi, kanilang hinainan siya ng pagkain at siya'y kumain.
21 Sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “Anong bagay ito na iyong ginawa? Ikaw ay nag-ayuno at umiyak dahil sa bata nang siya'y buháy pa; ngunit nang mamatay ang bata, ikaw ay bumangon at kumain ng tinapay.”
22 At kanyang sinabi, “Nang ang bata'y buháy pa, ako'y nag-ayuno at umiyak, sapagkat aking sinabi, ‘Sino ang nakakaalam kung maaawa sa akin ang Panginoon, upang ang bata'y mabuhay?’
23 Ngunit ngayo'y patay na siya; bakit pa ako mag-aayuno? Maibabalik ko pa ba siya? Ako'y pupunta sa kanya, ngunit siya'y hindi babalik sa akin.”
Ipinanganak si Solomon
24 At inaliw ni David si Batseba na kanyang asawa, lumapit siya sa kanya, at sumiping sa kanya. Siya'y nanganak ng isang lalaki, at tinawag niya ang kanyang pangalan na Solomon. Minahal siya ng Panginoon;
25 at nagpadala ng mensahe sa pamamagitan ni Natan na propeta; kaya't tinawag niya ang kanyang pangalan na Jedidiah,[b] dahil sa Panginoon.
Nasakop ni David ang Rabba(C)
26 Noon ay nakipaglaban si Joab sa Rabba ng mga Ammonita at sinakop ang pangunahing lunsod.
27 Nagpadala si Joab ng mga sugo kay David, at nagsabi, “Ako'y nakipaglaban sa Rabba, bukod dito, aking sinakop ang lunsod ng tubig.
28 Ngayo'y tipunin mo ang nalabi sa bayan, at humimpil ka laban sa lunsod, at sakupin mo; baka sakupin ko ang lunsod at tawagin ito ayon sa aking pangalan.”
29 Tinipon ni David ang buong bayan at pumunta sa Rabba, at lumaban doon at sinakop ito.
30 Kinuha niya ang korona ng kanilang hari sa kanyang ulo; ang bigat niyon ay isang talentong ginto, at sa mga iyon ay may mahahalagang bato; at ipinutong iyon sa ulo ni David. Siya'y naglabas ng napakaraming samsam sa lunsod.
31 At kanyang inilabas ang mga taong naroon, at pinagawa sa pamamagitan ng mga lagari, mga suyod na bakal, mga palakol na bakal, at sa mga lutuan ng laryo. Gayon ang ginawa niya sa lahat ng mga bayan ng mga Ammonita. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.
5 Sapagkat nalalaman namin na kung mawasak ang aming tolda sa lupa, mayroon kaming isang gusaling mula sa Diyos, bahay na hindi gawa ng mga kamay, walang hanggan sa sangkalangitan.
2 Sapagkat dito kami ay dumaraing, na nasasabik mabihisan ng aming makalangit na tahanan,
3 upang kung mabihisan[a] na niyon ay hindi kami matagpuang hubad.
4 Sapagkat habang kami ay nasa toldang ito, kami ay dumaraing na nabibigatan, hindi sa nais naming maging hubad, kundi nais naming kami'y mabihisan pa upang ang may kamatayan ay lunukin ng buhay.
5 Ngayon, ang naghanda sa amin para sa bagay na ito ay Diyos, na nagbigay sa amin ng Espiritu bilang paunang bayad.
6 Kaya't kami'y laging nagtitiwala, bagaman nalalaman namin na samantalang kami ay nasa tahanan sa katawan, kami ay malayo sa Panginoon.
7 Sapagkat kami ay lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.
8 Kaya't kami ay nagtitiwala at nasisiyahan na mapalayo sa katawan at mapasa tahanan na kasama ng Panginoon.
9 Kaya't maging nasa tahanan o malayo sa tahanan, ang aming mithiin ay ang bigyan siya ng kasiyahan.
10 Sapagkat(A) tayong lahat ay kailangang humarap sa hukuman ni Cristo upang bawat isa ay tumanggap ng kabayaran sa mga bagay na ginawa niya sa pamamagitan ng katawan, maging mabuti o masama.
Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo
11 Yamang nalalaman ang takot sa Panginoon, hinihikayat namin ang mga tao, ngunit kami ay hayag sa Diyos; at ako'y umaasa na kami ay hayag din sa inyong mga budhi.
12 Hindi namin ipinagmamapuring muli ang aming sarili sa inyo, kundi binibigyan namin kayo ng pagkakataon na ipagmalaki kami, upang masagot ninyo ang mga nagmamalaki batay sa panlabas na kaanyuan at hindi sa puso.
13 Kung kami ay wala sa aming sarili, ito ay para sa Diyos; kung kami ay nasa matinong pag-iisip, ito ay para sa inyo.
14 Ang pag-ibig ni Cristo ang humihimok sa amin, sapagkat kami ay lubos na naniniwala na ang isa ay namatay para sa lahat; kaya't ang lahat ay namatay.
15 Siya'y namatay para sa lahat, upang ang mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kanya na alang-alang sa kanila ay namatay at muling nabuhay.
16 Kaya't mula ngayon ay hindi namin kinikilala ang sinuman ayon sa pananaw ng laman, bagaman kinikilala namin si Cristo ayon sa pananaw ng laman, ngunit ngayon ay hindi na gayon ang aming pagkakilala.
17 Kaya't kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang; ang mga lumang bagay ay lumipas na, tingnan ninyo, ang lahat ay naging bago.
18 Lahat ng ito ay mula sa Diyos, na tayo'y pinagkasundo niya sa kanyang sarili sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay niya sa amin ang ministeryo[b] ng pakikipagkasundo.
19 Samakatuwid, kay Cristo ay pinagkasundo ng Diyos ang sanlibutan at ang kanyang sarili,[c] na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pakikipagkasundo.
20 Kaya't kami ay mga sugo para kay Cristo, yamang ang Diyos ay nananawagan sa pamamagitan namin. Kami'y nananawagan sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Diyos.
21 Para sa ating kapakanan, ginawa niyang may kasalanan siya na hindi nakakilala ng kasalanan, upang sa kanya tayo'y maging katuwiran ng Diyos.
Pamimighati para sa mga Pinuno ng Israel
19 At ikaw, tumaghoy ka para sa mga pinuno ng Israel,
2 at iyong sabihin:
Parang isang babaing leon ang iyong ina!
Siya'y humiga sa gitna ng mga leon,
na inaalagaan ang kanyang mga anak.
3 Pinalaki niya ang isa sa kanyang mga anak;
siya'y naging isang batang leon,
at natuto siyang manghuli;
siya'y nanlapa ng mga tao.
4 Ang mga bansa ay nagpatunog ng babala laban sa kanya;
siya'y dinala sa kanilang hukay;
at dinala nila siyang nakakawit
sa lupain ng Ehipto.
5 Nang makita niya na siya'y naghintay,
at ang kanyang pag-asa ay nawala,
kumuha siya ng isa pa sa kanyang mga anak,
at ginawa siyang batang leon.
6 Siya'y nagpagala-galang kasama ng mga leon;
siya'y naging batang leon,
at siya'y natutong manghuli, at nanlapa ng mga tao.
7 At giniba niya ang kanilang mga tanggulan,
at sinira ang kanilang mga lunsod;
at ang lupain ay natakot, at ang lahat na naroon,
sa ugong ng kanyang ungal.
8 Nang magkagayo'y naglagay ang mga bansa
ng mga bitag laban sa kanya sa bawat dako;
inilatag nila ang kanilang lambat laban sa kanya;
dinala siya sa kanilang hukay.
9 Inilagay nila siya sa isang kulungan na may kawit,
at dinala nila siya sa hari ng Babilonia;
at dinala nila siya sa pamamagitan ng lambat,
upang ang kanyang tinig ay huwag nang marinig
sa mga bundok ng Israel.
10 Ang iyong ina ay parang ubas sa iyong ubasan
na itinanim sa tabi ng tubig,
siya'y mabunga at punô ng mga sanga,
dahil sa maraming tubig.
11 Ang kanyang pinakamatibay na sanga
ay naging setro ng namumuno;
ito ay tumaas na tunay
sa makapal na sanga;
ito'y namasdan sa kataasan
sa karamihan ng kanilang mga sanga.
12 Ngunit ang puno ng ubas ay binunot dahil sa poot,
inihagis sa lupa;
tinuyo ito ng hanging mula sa silangan;
at inalis ang bunga nito,
ang kanyang matitibay na sanga ay nabali,
at tinupok ng apoy.
13 Ngayo'y inilipat ito ng taniman sa ilang,
sa isang tuyo at uhaw na lupain.
14 At lumabas ang apoy sa mga sanga nito,
at tinupok ang kanyang mga sanga at bunga,
kaya't doo'y walang naiwang matibay na sanga,
walang setro para sa isang pinuno.
Ito ay panaghoy, at naging panaghoy.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
64 Pakinggan mo ang tinig ko, O Diyos, sa aking karaingan;
ingatan mo ang buhay ko sa pagkatakot sa kaaway.
2 Ikubli mo ako sa mga lihim na pakana ng masasama,
sa panggugulo ng mga gumagawa ng kasamaan,
3 na naghahasa ng kanilang mga dila na parang espada,
na nag-aakma ng masasakit na salita gaya ng mga pana,
4 upang patagong panain nila ang walang sala;
bigla nilang pinapana siya at sila'y hindi matatakot.
5 Sila'y nagpapakatatag sa kanilang masamang layunin;
ang paglalagay ng bitag ay pinag-uusapan nila nang lihim,
sinasabi, “Sinong makakakita sa atin?”
6 Sila'y kumakatha ng mga kasamaan.
“Kami'y handa sa isang pakanang pinag-isipang mabuti.”
Sapagkat ang panloob na isipan at puso ng tao ay malalim!
7 Ngunit itutudla ng Diyos ang kanyang palaso sa kanila,
sila'y masusugatang bigla.
8 Upang siya'y kanilang maibuwal, ang kanilang sariling dila ay laban sa kanila;
at mapapailing lahat ng makakakita sa kanila.
9 At lahat ng mga tao ay matatakot;
kanilang ipahahayag ang ginawa ng Diyos,
at bubulayin ang kanyang ginawa.
10 Ang taong matuwid ay magagalak sa Panginoon,
at sa kanya ay manganganlong,
at ang lahat ng matuwid sa puso ay luluwalhati!
Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.
65 Magkakaroon ng katahimikan sa harapan mo
at papuri sa Zion, O Diyos;
at sa iyo'y isasagawa ang mga panata,
2 O ikaw na dumirinig ng panalangin!
Sa iyo'y lalapit ang lahat ng laman.
3 Mga kasamaan ay nananaig laban sa akin,
tungkol sa aming mga kasalanan, ito ay pinapatawad mo.
4 Mapalad ang tao na iyong pinipili at pinalalapit
upang manirahan sa iyong mga bulwagan!
Kami ay masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay,
ng iyong templong banal!
5 Sa pamamagitan ng mga gawaing kakilakilabot, sa katuwiran kami'y iyong sinasagot,
O Diyos ng aming kaligtasan;
ikaw na siyang tiwala ng lahat ng mga hangganan ng lupa,
at ng mga dagat na pinakamalayo.
6 Sa pamamagitan ng iyong lakas ay itinayo ang kabundukan,
palibhasa'y nabibigkisan ng kapangyarihan.
7 Ikaw ang nagpapatigil ng ugong ng mga karagatan,
ng ugong ng kanilang mga alon,
at ng pagkakaingay ng mga bayan.
8 Anupa't sila na naninirahan sa pinakamalayong hangganan ng lupa ay natatakot sa iyong mga tanda;
ang mga paglabas ng umaga at gabi ay pinasisigaw mo sa tuwa.
9 Ang lupa'y iyong dinadalaw at dinidiligan,
iyong pinayayamang mainam;
ang ilog ng Diyos ay punô ng tubig;
ang kanilang butil ay inihahanda mo,
sapagkat sa gayon inihanda mo ang lupa.
10 Dinidilig mo nang sagana ang mga tudling nito,
iyong pinapantay ang kanyang mga pilapil,
at pinalalambot ng ambon,
at pinagpapala ang paglago nito.
11 Pinuputungan mo ang taon ng iyong kasaganaan,
ang mga bakas ng iyong karwahe ay tumutulo ng katabaan.
12 Ang mga pastulan sa ilang ay umaapaw,
ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan,
13 ang mga pastulan ay nabibihisan ng mga kawan;
ang mga libis ay natatakpan ng butil,
sila'y sumisigaw sa kagalakan, oo sila ay umaawit.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001