Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 14

Isinaayos ni Joab ang Pagpapabalik kay Absalom

14 Ngayon ay nahalata ni Joab, na anak ni Zeruia, na ang puso ng hari ay nakatuon kay Absalom.

At nagsugo si Joab sa Tekoa, at ipinasundo mula roon ang isang pantas na babae, at sinabi sa kanya, “Ikaw ay magkunwaring isang nagluluksa at magsuot ka ng damit pangluksa. Huwag kang magpahid ng langis, kundi ikaw ay magkunwaring isang babaing nagluluksa nang mahabang panahon dahil sa isang namatay.

Pumunta ka sa hari, at magsalita ka ng gayon sa kanya.” Kaya't inilagay ni Joab ang mga salita sa bibig ng babae.

Nang magsalita ang babaing taga-Tekoa sa hari, siya ay nagpatirapa sa lupa, nagbigay galang, at nagsabi, “Tulungan mo ako, O hari.”

Sinabi ng hari sa kanya, “Anong bumabagabag sa iyo?” At siya'y sumagot, “Sa katotohanan ako'y balo, at ang aking asawa ay patay na.

Ang iyong lingkod ay may dalawang anak at silang dalawa'y nag-away sa parang. Walang umawat sa kanila, at sinaktan ng isa ang isa at napatay ito.

Ang buong angkan ay bumangon laban sa iyong lingkod, at sila'y nagsabi, ‘Ibigay mo ang taong pumatay sa kanyang kapatid, upang siya'y mapatay namin dahil sa buhay ng kanyang kapatid na kanyang pinatay’; sa gayo'y mapapatay din nila ang tagapagmana. Sa gayo'y mapapatay nila ang aking nalalabing baga at walang maiiwan sa aking asawa kahit pangalan o anumang nalabi sa balat ng lupa.”

Sinabi ng hari sa babae, “Umuwi ka sa iyong bahay, at ako'y mag-uutos tungkol sa iyo.”

At sinabi ng babaing taga-Tekoa sa hari, “Panginoon kong hari, ang kasamaan ay maging akin nawa, at sa sambahayan ng aking ama; at ang hari at ang kanyang trono ay mawalan nawa ng sala.”

10 Sinabi ng hari, “Sinumang magsabi sa iyo ng anuman, dalhin mo siya sa akin, at hindi ka na niya gagalawin pa.”

11 Pagkatapos ay sinabi niya, “Hinihiling ko na alalahanin ng hari ang Panginoon mong Diyos, upang ang tagapaghiganti ng dugo ay huwag nang pumatay pa, at upang huwag nang mapuksa ang aking anak.” At kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, wala ni isang buhok ng iyong anak ang mahuhulog sa lupa.”

12 Nang magkagayo'y sinabi ng babae, “Hinihiling kong pahintulutan mo ang iyong lingkod na magsalita ng isang bagay sa aking panginoong hari.” At kanyang sinabi, “Magsalita ka.”

13 At sinabi ng babae, “Bakit ka nagbalak ng gayong bagay laban sa bayan ng Diyos? Sapagkat sa pagbibigay ng ganitong pasiya ay itinuring ng hari na nagkasala ang sarili, yamang hindi ipinababalik ng hari ang kanyang sariling itinapon.

14 Tayong lahat ay kailangang mamatay, tayo'y gaya ng tubig na nabuhos sa lupa, na hindi na muling matitipon, ngunit hindi kukunin ng Diyos ang buhay niya na humahanap ng paraan upang ang itinapon ay huwag mamalaging isang ipinatapon.

15 Ngayon ay pumarito ako upang sabihin ang bagay na ito sa aking panginoong hari, sapagkat tinakot ako ng taong-bayan, at inakala ng iyong lingkod, ‘Ako'y magsasalita sa hari, marahil ay gagawin ng hari ang kahilingan ng kanyang lingkod.

16 Sapagkat papakinggan ng hari at ililigtas ang kanyang lingkod sa kamay ng lalaking magkasamang papatay sa akin at sa aking anak mula sa pamana ng Diyos.’

17 At(A) inakala ng iyong lingkod, ‘Ang salita ng aking panginoong hari ang magpapatiwasay sa akin, sapagkat ang aking panginoong hari ay gaya ng anghel ng Diyos upang makilala ang mabuti at masama. Ang Panginoon mong Diyos ay sumaiyo nawa!’”

18 Nang magkagayo'y sinagot ng hari ang babae, “Huwag mong ikubli sa akin ang anumang itatanong ko sa iyo.” At sinabi ng babae, “Hayaang magsalita ang panginoon kong hari.”

19 Sinabi ng hari, “Kasama mo ba ang kamay ni Joab sa lahat ng bagay na ito?” At sumagot ang babae at nagsabi, “Kung paanong ikaw ay buháy panginoon kong hari, walang makakaliko sa kanan o sa kaliwa sa anumang sinabi ng aking panginoong hari. Ang iyong lingkod na si Joab ang siyang nag-utos sa akin, at siyang naglagay ng lahat ng mga salitang ito sa bibig ng iyong lingkod.

20 Upang baguhin ang takbo ng mga pangyayari, ginawa ng iyong lingkod na si Joab ang bagay na ito. Ngunit ang aking panginoon ay may karunungan gaya ng anghel ng Diyos upang malaman ang lahat ng mga bagay na nasa lupa.”

21 Sinabi ng hari kay Joab, “Ngayon, ipinahihintulot ko ito; humayo ka, ibalik mo rito uli ang binatang si Absalom.”

22 Nagpatirapa si Joab sa lupa, at nagbigay galang. Pinuri ni Joab ang hari at sinabi, “Ngayo'y nalalaman ng iyong lingkod na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, panginoon kong hari, sapagkat ipinagkaloob ng hari ang kahilingan ng kanyang lingkod.”

23 Kaya't tumindig si Joab at pumunta sa Geshur at dinala si Absalom sa Jerusalem.

24 At sinabi ng hari, “Hayaan siyang manirahang bukod sa kanyang sariling bahay, hindi siya dapat lumapit sa aking harapan.” Kaya't nanirahang bukod si Absalom sa kanyang sariling bahay at hindi lumapit sa harapan ng hari.

25 Sa buong Israel nga'y walang hinahangaan sa kanyang kagandahan na gaya ni Absalom. Mula sa talampakan ng kanyang paa hanggang sa tuktok ng kanyang ulo, ay walang kapintasan.

26 Kapag ipinapagupit niya ang buhok sa kanyang ulo (sapagkat sa bawat katapusan ng bawat taon siya ay nagpapagupit; kapag mabigat na sa kanya ay kanyang ipinapagupit) kanyang tinitimbang ang buhok ng kanyang ulo, dalawang daang siklo, ayon sa timbangan ng hari.

27 At ipinanganak kay Absalom ang tatlong lalaki, at isang babae na ang pangala'y Tamar; siya'y isang magandang babae.

28 Kaya't si Absalom ay nanirahan ng buong dalawang taon sa Jerusalem na hindi lumalapit sa harapan ng hari.

29 Nang magkagayo'y ipinasugo ni Absalom si Joab, upang suguin siya sa hari ngunit ayaw niyang pumunta.

30 Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alipin, “Tingnan ninyo, ang bukid ni Joab ay malapit sa akin, at siya'y may sebada roon. Humayo kayo at sunugin ninyo iyon.” At sinunog ng mga alipin ni Absalom ang bukid.

31 Nang magkagayo'y bumangon si Joab at pumunta kay Absalom sa kanyang bahay, at sinabi sa kanya, “Bakit sinunog ng iyong mga alipin ang aking bukid?”

32 At sinagot ni Absalom si Joab, “Ako'y nagpasugo sa iyo, ‘Pumarito ka, upang isugo kita sa hari,’ upang itanong, ‘Bakit pa ako umuwi mula sa Geshur? Mas mabuti pang nanatili ako roon.’ Ngayon ay papuntahin mo ako sa harapan ng hari; at kung may pagkakasala sa akin, hayaang patayin niya ako!”

33 Kaya't pumunta si Joab sa hari at sinabi sa kanya; at ipinatawag niya si Absalom. Kaya't humarap siya sa hari at nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari; at hinagkan ng hari si Absalom.

2 Corinto 7

Mga minamahal, yamang taglay natin ang mga pangakong ito, linisin natin ang ating mga sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu, na ginagawang sakdal ang kabanalan sa pagkatakot sa Diyos.

Ang Kagalakan ni Pablo

Bigyan ninyo kami ng puwang sa inyong mga puso; hindi namin inapi ang sinuman, hindi namin sinira ang sinuman, hindi namin pinagsamantalahan ang sinuman.

Hindi ko sinasabi ito upang hatulan kayo, sapagkat sinabi ko na nang una pa na kayo'y nasa aming mga puso, upang mamatay at mabuhay na kasama ninyo.

Ako ay may malaking pagtitiwala sa inyo, ako ay may malaking pagmamapuri sa inyo, ako'y punô ng kaaliwan. Ako'y nag-uumapaw sa kagalakan sa lahat ng aming kapighatian.

Sapagkat(A) maging nang kami ay dumating sa Macedonia, ang aming mga katawan ay hindi nagkaroon ng kapahingahan, kundi pinipighati sa bawat paraan—sa labas ay labanan, sa loob ay takot.

Subalit ang Diyos na umaaliw sa nalulungkot ay nagpasigla sa amin sa pamamagitan ng pagdating ni Tito,

at hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang pagdating, kundi maging sa kaaliwang ibinigay ninyo sa kanya, na ibinabalita niya sa amin ang inyong pananabik, ang inyong kapanglawan, ang inyong sigasig para sa akin, anupa't ako'y lalo pang nagalak.

Sapagkat bagaman pinalungkot ko kayo sa pamamagitan ng aking sulat, hindi ko ito ipinagdaramdam: (bagama't aking dinamdam, sapagkat aking nalaman na ang sulat na ito ay nakapagpalungkot sa inyo, bagama't sa maikling panahon lamang).

Ngayon, ako'y nagagalak hindi sapagkat kayo'y nalungkot, kundi sapagkat kayo'y nalungkot tungo sa pagsisisi, sapagkat kayo'y pinalumbay nang naaayon sa Diyos, upang kayo'y huwag magdusa ng kalugihan sa pamamagitan namin.

10 Sapagkat ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi tungo sa kaligtasan na hindi ipagdaramdam, subalit ang makasanlibutang kalungkutan ay nagbubunga ng kamatayan.

11 Sapagkat tingnan ninyo ang ibinunga sa inyo ng kalungkutang ito na naaayon sa Diyos, kung anong pagtatanggol sa inyong mga sarili, kung anong pagkagalit, kung anong takot, pananabik, sigasig, at kaparusahan! Sa bawat bagay ay pinatunayan ninyo ang inyong pagiging malinis sa bagay na ito.

12 Kaya't bagaman ako ay sumulat sa inyo, ito ay hindi dahil doon sa gumawa ng kamalian, o dahil doon sa ginawan ng kamalian, kundi upang ang inyong pagmamalasakit para sa amin ay mahayag sa inyo sa paningin ng Diyos.

13 Kaya't kami'y naaliw. At sa aming kaaliwan ay lalo pa kaming nagalak dahil sa kagalakan ni Tito, sapagkat ang kanyang espiritu ay pinayapa ninyong lahat.

14 Sapagkat kung ako ay nagpahayag sa kanya ng anumang pagmamalaki sa inyo, ay hindi ako nalagay sa kahihiyan; subalit kung paanong ang lahat ng aming sinabi ay totoo, kaya't ang aming pagmamalaki sa harap ni Tito ay napapatunayang totoo.

15 At ang damdamin niya ay lalo pang sumagana para sa inyo, na kanyang naaalala ang pagtalima ninyong lahat, at kung paanong tinanggap ninyo siya na may takot at panginginig.

16 Ako'y nagagalak sapagkat ako'y mayroong buong pagtitiwala sa inyo.

Ezekiel 21

Ang Tabak ng Panginoon

21 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, humarap ka sa dakong Jerusalem, mangaral ka laban sa mga santuwaryo, at magpropesiya ka laban sa lupain ng Israel.

Sabihin mo sa lupain ng Israel, Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, ako'y laban sa iyo, aking bubunutin ang aking tabak sa kaluban, at tatanggalin ko sa iyo ang matuwid at ang masama.

Sapagkat aking tatanggalin sa iyo ang matuwid at ang masama, aking bubunutin ang aking tabak sa kaluban laban sa lahat ng laman mula sa timog hanggang sa hilaga;

at malalaman ng lahat ng laman na akong Panginoon ang bumunot ng aking tabak sa kaluban at iyon ay hindi na isusuksok pang muli.

Ngunit, ikaw na anak ng tao, magbuntong-hininga ka na may pagkawasak ng puso at mapait na kalungkutan sa harapan ng kanilang mga paningin.

Kapag kanilang sinabi sa iyo, ‘Bakit ka nagbubuntong-hininga?’ Iyong sasabihin, ‘Dahil sa mga balita. Kapag ito'y dumating, ang bawat puso ay manlulumo, at ang lahat na kamay ay manghihina. Ang bawat espiritu ay manghihina, at ang lahat na tuhod ay manlalambot na parang tubig. Tingnan mo, ito'y dumarating at mangyayari ito,’” sabi ng Panginoong Diyos.

Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, magpahayag ka ng propesiya, at sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sabihin mo:

Isang tabak, isang tabak ay hinasa
    at kumikinang din ito.
10 Ito'y hinasa para sa patayan,
    pinakintab upang magliwanag na parang kidlat!
Paano tayo magsasaya?
    Ang tungkod ng aking anak ay hinahamak natin
    at ang lahat ng pagsupil.

11 Ibinigay ang tabak upang pakinangin at upang hawakan; ito'y hinasa at pinakinang upang ibigay sa kamay ng mamamatay.

12 Anak ng tao, sumigaw ka at manangis, sapagkat ito'y laban sa aking bayan. Ito'y laban sa lahat ng mga pinuno ng Israel at sila'y ibinigay sa tabak na kasama ng aking bayan. Hatawin mo ang hita!

13 Sapagkat iyon ay magiging pagsubok—ano ang magagawa nito kapag hinamak mo ang pamalo?” sabi ng Panginoong Diyos.

14 “Kaya't magpahayag ka ng propesiya, anak ng tao. Ipalakpak mo ang iyong mga kamay, at hayaan mong bumaba ang tabak ng dalawang ulit, oo, tatlong ulit, ang tabak para sa mga papatayin. Iyon ay tabak para sa malaking pagpatay na pumapalibot sa kanila,

15 upang ang kanilang mga puso ay manlumo, at maraming bumagsak sa kanilang pintuan. Ibinigay ko ang kumikinang na tabak! Ginawa itong parang kidlat, ito'y hinasa upang gamitin sa pagpatay.

16 Ipakita mong matalas ang iyong sarili, pumunta ka sa kanan; ihanda mo ang iyong sarili, pumunta ka sa kaliwa, na kung saan man mapaharap ang iyong mukha.

17 Akin din namang ipapalakpak ang aking mga kamay, at aking bibigyang kasiyahan ang aking poot; akong Panginoon ang nagsalita.”

Ang Tabak ng Hari ng Babilonia

18 Ang salita ng Panginoon ay muling dumating sa akin, na sinasabi,

19 “Anak ng tao, magtakda ka ng dalawang daan na panggagalingan ng tabak ng hari ng Babilonia. Silang dalawa ay kapwa lalabas sa isang lupain. Gumawa ka ng daang palatandaan at gawin mo ito sa bukana ng daang patungo sa lunsod.

20 Ikaw ay magtakda ng daan para sa tabak na tutungo sa Rabba ng mga anak ni Ammon, at sa Juda sa Jerusalem na may kuta.

21 Sapagkat ang hari ng Babilonia ay nakatayo sa pinaghihiwalayan ng daan, sa bukana ng dalawang daan, upang gumamit ng panghuhula. Kanyang iwinawasiwas ang mga pana, siya'y sumasangguni sa mga terafim, kanyang siniyasat ang atay.

22 Nasa kanang kamay niya ang kapalaran para sa Jerusalem upang mag-umang ng mga panaksak, upang ibuka ang bibig na may pag-iyak, upang itaas ang tinig sa pagsigaw, upang mag-umang ng mga panghampas sa mga pintuan, upang maglagay ng mga bunton, upang magtayo ng mga toreng pangkubkob.

23 Ngunit sa kanila ito ay magiging huwad na panghuhula. Sila'y sumumpa ng may katapatan, ngunit ipinaalala niya sa kanila ang kanilang kasamaan, upang sila'y mahuli.

24 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat inyong ipinaalala ang inyong kasamaan, ang inyong mga pagsuway ay nalantad, at sa lahat ninyong gawa ay nagsilitaw ang inyong mga kasalanan; sapagkat kayo'y naalala, kayo'y huhulihin ng kamay.

25 At ikaw, kasuklamsuklam at masamang pinuno ng Israel, na ang araw ay dumating, ang panahon ng iyong huling parusa,

26 ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Alisin mo ang putong, at hubarin mo ang korona; hindi mananatiling gayon ang mga bagay. Itaas mo ang mababa at ibaba mo ang mataas.

27 Aking wawasakin, wawasakin, wawasakin ko ito, walang maiiwang bakas nito hanggang sa dumating ang may karapatan, at aking ibibigay sa kanya.

Ang Hatol Laban sa mga Ammonita

28 “At(A) ikaw, anak ng tao, magpropesiya ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos tungkol sa mga Ammonita, at tungkol sa kanilang kasiraan. Sabihin mo, Isang tabak, isang tabak ay binunot para sa pagpatay. Ito ay pinakintab upang kuminang at magliwanag na parang kidlat—

29 samantalang sila'y nakakakita sa iyo ng huwad na pangitain, samantalang sila'y humuhula sa iyo ng mga kasinungalingan—upang ipasan sa mga leeg ng masama na ang araw ay dumating, ang panahon ng huling parusa.

30 Isuksok mo iyan sa kanyang kaluban. Sa dakong pinaglalangan sa iyo, sa lupain ng kapanganakan mo, hahatulan kita.

31 Aking ibubuhos ang aking galit sa iyo at hihipan ka sa pamamagitan ng apoy ng aking poot; at ibibigay kita sa kamay ng mga tampalasang tao na bihasang pumatay.

32 Ikaw ay magiging panggatong para sa apoy, at ang iyong dugo ay mabubuhos sa gitna ng lupain. Ikaw ay hindi na maaalala, sapagkat akong Panginoon ang nagsalita.”

Mga Awit 68

Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.

68 Bumangon nawa ang Diyos, mangalat nawa ang mga kaaway niya;
    tumakas nawa sa harapan niya ang mga napopoot sa kanya!
Kung paanong itinataboy ang usok, ay gayon mo sila itaboy;
    kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy,
    gayon nawa mamatay ang masama sa harapan ng Diyos.
Ngunit matuwa nawa ang matuwid;
    magalak nawa sila sa harapan ng Diyos;
    oo, magalak nawa sila sa kasayahan!

Kayo'y magsiawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kanyang pangalan;
    magtaas ng isang awit sa kanya, siya na nangangabayo sa mga ilang;
Panginoon ang kanyang pangalan,
    magalak kayo sa kanyang harapan.

Ama ng mga ulila, at tagapagtanggol ng mga babaing balo,
    ang Diyos na sa kanyang banal na tirahan.
Ang nag-iisa ay binibigyan ng Diyos ng tahanan,
    kanyang inaakay ang mga bilanggo sa kasaganaan,
    ngunit ang mga mapaghimagsik sa tigang na lupa ay naninirahan.
O Diyos, nang humayo ka sa harapan ng iyong bayan,
    nang lumakad ka sa ilang, (Selah)
ang(A) lupa ay nayanig,
    ang kalangitan ay nagbuhos ng ulan sa harapan ng Diyos;
    ang Sinai ay nayanig sa harapan ng Diyos, ang Diyos ng Israel.
Ikaw, O Diyos, ay nagbigay ng saganang ulan,
    iyong pinalakas ang iyong mana, nang ito'y manghina.
10 Ang iyong kawan doon ay nakatagpo ng tirahan,
    sa iyong kabutihan, O Diyos, ikaw ay nagkaloob para sa nangangailangan.

11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng utos;
    malaki ang hukbo ng mga babaing naghahayag ng balita:
12     “Ang mga hari ng mga hukbo, tumatakas sila, tumatakas sila!”
Pinaghatian ang samsam ng mga babaing nasa tahanan,
13     kapag kayo'y humiga sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan,
kayo ay parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak,
    ang kanyang balahibo ay gintong kumikinang.
14 Nang ikalat ng Makapangyarihan ang mga hari roon,
    ang niyebe ay bumagsak sa Zalmon.

15 Bundok ng Diyos ay bundok ng Basan;
    bundok na maraming taluktok ay ang bundok ng Basan!
16 Bakit kayo'y nakatinging may pagkainggit, kayong mga bundok na maraming taluktok,
    sa bundok na ninais ng Diyos para sa kanyang tahanan,
    oo, doon titira ang Panginoon magpakailanman.
17 Ang mga karo ng Diyos ay dalawampung libo,
    samakatuwid ay libu-libo.
    Ang Panginoon ay dumating mula sa Sinai patungo sa banal na lugar.
18 Sumampa(B) ka sa mataas,
    pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag;
    tumanggap ka ng mga kaloob sa gitna ng mga tao,
oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Diyos.
19 Purihin ang Panginoon
    na nagpapasan araw-araw ng aming pasan,
    samakatuwid baga'y ang Diyos na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang Diyos sa amin ay Diyos ng kaligtasan;
    at sa Diyos, na Panginoon, sa kanya ang pagtakas mula sa kamatayan.

21 Ngunit babasagin ng Diyos ang mga ulo ng kanyang mga kaaway,
    ang mabuhok na ulo ng lumalakad sa kanyang makasalanang mga daan.
22 Sinabi ng Panginoon,
    “Ibabalik ko sila mula sa Basan,
ibabalik ko sila mula sa mga kalaliman ng karagatan,
23 upang sa dugo, ang mga paa mo'y iyong mapaliguan,
    upang ang dila ng iyong mga aso ay magkaroon ng bahagi mula sa iyong mga kaaway.”

24 Nakita nila ang iyong mga lakad, O Diyos,
ang mga paglakad ng aking Diyos, ng Hari ko, patungo sa santuwaryo—
25 ang mga mang-aawit ay nasa unahan, ang mga manunugtog ay nasa hulihan,
    sa pagitan nila ay ang tumutugtog ng mga pandereta na mga kadalagahan:
26 “Purihin ninyo ang Diyos sa malaking kapulungan,
    ang Panginoon, kayong mga mula sa bukal ng Israel!”
27 Naroon si Benjamin, ang pinakamaliit sa kanila, na siyang nangunguna,
    ang mga pinuno ng Juda at ang kanilang pangkat,
    ang mga pinuno ng Zebulon, ang mga pinuno ng Neftali.

28 Utusan mo, O Diyos, ang iyong kalakasan,
    ipakita mong malakas ang iyong sarili, O Diyos, tulad ng ginawa mo para sa amin.
29 Dahil sa iyong templo sa Jerusalem
    ang mga hari ay nagdadala ng mga handog sa iyo.
30 Sawayin mo ang maiilap na hayop na sa mga tambo naninirahan,
    ang kawan ng mga toro na kasama ng mga guya ng mga bayan.
Yapakan mo sa ilalim ng paa ang mga piraso ng pilak,
    pangalatin mo ang mga taong sa digmaan ay natutuwa.
31 Mga sugo ay lalabas mula sa Ehipto;
    magmamadali nawa ang Etiopia na iabot sa Diyos ang mga kamay nito.

32 Magsiawit kayo sa Diyos, mga kaharian sa lupa;
    magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon, (Selah)
33 sa kanya na sumasakay sa langit ng mga langit, na mula pa nang una,
    narito, binibigkas niya ang kanyang tinig, ang kanyang makapangyarihang tinig.
34 Iukol ninyo sa Diyos ang kalakasan,
    na nasa Israel ang kanyang kadakilaan,
    at nasa mga langit ang kanyang kalakasan.
35 O Diyos, ikaw ay kakilakilabot mula sa iyong santuwaryo,
    ang Diyos ng Israel,
    nagbibigay siya ng kapangyarihan at lakas sa kanyang bayan.

Purihin ang Diyos!

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001