M’Cheyne Bible Reading Plan
Iniligtas ni David ang Buhay ni Saul
26 At(A) dumating ang mga Zifeo kay Saul sa Gibea, na nagsasabi, “Hindi ba nagtatago si David sa burol ng Hachila, sa tapat ng Jesimon?”[a]
2 Kaya't tumindig si Saul at lumusong sa ilang ng Zif na kasama ang tatlong libong piling lalaki sa Israel upang hanapin si David sa ilang ng Zif.
3 At humimpil si Saul sa burol ng Hachila na nasa tabi ng daan sa silangan ng Jesimon. Ngunit si David ay nanatili sa ilang. Nang makita niya na sinusundan siya ni Saul sa ilang,
4 nagsugo si David ng mga espiya at natiyak na dumating na nga si Saul.
5 Si David ay pumunta sa dakong pinaghihimpilan ni Saul. Nakita ni David ang lugar na kinaroroonan ni Saul at ni Abner na anak ni Ner, na kapitan ng kanyang hukbo. Si Saul ay nakahiga sa loob ng kampo, at ang mga tauhan ay nakahimpil sa palibot niya.
6 Nang magkagayo'y nagsalita si David at sinabi kay Ahimelec na Heteo, at kay Abisai na anak ni Zeruia, na kapatid ni Joab, “Sinong sasama sa akin sa paglusong kay Saul sa kampo?” At sinabi ni Abisai, “Ako'y lulusong na kasama mo.”
7 Kinagabihan, dumating sina David at Abisai sa hukbo. Naroon si Saul na natutulog sa loob ng kampo na ang kanyang sibat ay nakasaksak sa lupa sa kanyang ulunan; si Abner at ang hukbo ay nakahiga sa palibot niya.
8 Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai kay David, “Ibinigay ng Diyos ang iyong kaaway sa iyong kamay sa araw na ito. Ngayo'y hayaan mong tuhugin ko siya ng sibat sa lupa sa isang saksak, at hindi ko siya uulusin ng dalawang ulit.”
9 Ngunit sinabi ni David kay Abisai, “Huwag mo siyang patayin! Sapagkat sinong maglalapat ng kanyang kamay na hindi magkakasala laban sa binuhusan ng langis ng Panginoon?”
10 At sinabi ni David, “Buháy ang Panginoon, ang Panginoon ang papatay sa kanya o darating ang kanyang araw upang mamatay o siya'y lulusong sa labanan at mapapahamak.
11 Huwag(B) ipahintulot ng Panginoon na lapatan ko ng aking kamay ang binuhusan ng langis ng Panginoon. Ngunit ngayo'y hinihiling ko sa iyo na kunin mo, ang sibat na nasa kanyang ulunan, at ang banga ng tubig, at tayo'y umalis.”
12 Kaya't kinuha ni David ang sibat at ang banga ng tubig sa ulunan ni Saul at sila'y umalis. Walang nakakita o nakaalam man, o nagising man ang sinuman, sapagkat sila'y pawang mga tulog, dahil isang mahimbing na pagkakatulog mula sa Panginoon ang dumating sa kanila.
13 Pagkatapos ay dumaan si David sa kabilang dako, at tumayo sa tuktok ng bundok sa may kalayuan na may malaking pagitan sa kanila.
14 At sumigaw si David sa hukbo at kay Abner na anak ni Ner, “Hindi ka ba sasagot, Abner?” Nang magkagayo'y sumagot si Abner at nagsabi, “Sino kang sumisigaw sa hari?”
15 Sinabi naman ni David kay Abner, “Hindi ka ba lalaki? Sinong gaya mo sa Israel? Bakit hindi mo binantayan ang iyong panginoong hari? Sapagkat pumasok ang isa sa taong-bayan upang patayin ang hari na iyong panginoon.
16 Ang bagay na ito na iyong ginawa ay hindi mabuti. Habang buháy ang Panginoon, kayo'y dapat mamatay, sapagkat hindi ninyo binantayan ang inyong panginoon, ang binuhusan ng langis ng Panginoon. At ngayo'y tingnan ninyo kung saan naroroon ang sibat ng hari at ang banga ng tubig na nasa kanyang ulunan.”
17 Nakilala ni Saul ang tinig ni David at nagsabi, “Ito ba ay tinig mo, anak kong David?” At sinabi ni David, “Tinig ko nga, panginoon ko, O hari.”
18 At kanyang sinabi, “Bakit tinutugis ng aking panginoon ang kanyang lingkod? Sapagkat anong aking ginawa? O anong kasalanan ang nasa aking kamay?
19 Ngayon, pakinggan nawa ng aking panginoong hari ang mga salita ng kanyang lingkod. Kung ang Panginoon ang siyang nag-udyok sa iyo laban sa akin, tumanggap nawa siya ng isang handog. Ngunit kung ang mga anak ng tao, sumpain sila sa harap ng Panginoon, sapagkat sila ang nagpalayas sa akin sa araw na ito upang huwag akong magkaroon ng bahagi sa pamana ng Panginoon, na nagsasabi, ‘Humayo ka, maglingkod ka sa ibang mga diyos.’
20 Kaya't ngayon, huwag ibuhos ang aking dugo sa lupa mula sa harap ng Panginoon; sapagkat lumabas ang hari ng Israel upang humanap ng isang kuto, gaya ng isang humahabol sa isang pugo sa mga bundok.”
21 Pagkatapos ay sinabi ni Saul, “Ako'y nagkasala; bumalik ka, anak kong David sapagkat hindi na ako gagawa ng masama sa iyo, sapagkat ang aking buhay ay mahalaga sa iyong paningin sa araw na ito. Ako'y naging hangal at nakagawa ng napakalaking pagkakamali.”
22 At sumagot si David at nagsabi, “Narito ang sibat, O hari! Papuntahin mo rito ang isa sa mga kabataan at kunin ito.
23 Gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat tao sa kanyang katuwiran at sa kanyang katapatan; sapagkat ibinigay ka ng Panginoon sa aking kamay ngayon, at hindi ko inilapat ang aking kamay laban sa binuhusan ng langis ng Panginoon.
24 Kung paanong ang iyong buhay ay napakahalaga sa aking paningin sa araw na ito, nawa'y maging mahalaga ang aking buhay sa paningin ng Panginoon, at nawa'y iligtas niya ako sa lahat ng kapighatian.”
25 Pagkatapos ay sinabi ni Saul kay David, “Pagpalain ka, anak kong David. Gagawa ka ng maraming bagay at magtatagumpay ka sa mga iyon.” Kaya't nagpatuloy si David sa kanyang lakad at si Saul ay bumalik sa kanyang lugar.
Mga Tagubilin tungkol sa Pag-aasawa
7 Ngayon, tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo: “Mabuti para sa isang lalaki ay huwag humipo sa babae.”
2 Subalit, dahil sa mga nangyayaring pakikiapid, ang bawat lalaki ay magkaroon ng kanyang sariling asawa, at bawat babae ay magkaroon ng kanyang sariling asawa.
3 Dapat ibigay ng lalaki sa asawa ang karapatan nito, gayundin naman ang babae sa kanyang asawa.
4 Sapagkat ang babae ay walang karapatan sa kanyang katawan, kundi ang asawa, at gayundin ang lalaki ay walang karapatan sa kanyang sariling katawan, kundi ang asawa.
5 Huwag pagkaitan ang isa't isa, maliban kung pagkasunduan ng ilang panahon, upang maiukol ang mga sarili sa pananalangin, at pagkatapos ay muli kayong magsama, baka kayo'y tuksuhin ni Satanas dahil sa kakulangan ng pagpipigil sa sarili.
6 Ngunit ito'y sinasabi ko bilang pagbibigay, hindi isang utos.
7 Ibig ko sana na ang lahat ng tao ay maging gaya ko. Ngunit ang bawat tao'y mayroong kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos, ang isa'y ganito at ang iba'y ganoon.
8 Subalit sinasabi ko sa mga walang asawa at sa mga babaing balo, mabuti sa kanila kung sila'y mananatiling gaya ko.
9 Ngunit kung sila'y hindi nakakapagpigil, ay dapat silang magsipag-asawa, sapagkat mas mabuti pang mag-asawa kaysa mag-alab ang pagnanasa.
10 Subalit(A) sa mga may asawa ay aking itinatagubilin, hindi ako, kundi ang Panginoon, na ang babae ay huwag humiwalay sa kanyang asawa.
11 (Subalit kung siya ma'y humiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya'y makipagkasundo sa kanyang asawa), at huwag hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa.
12 Subalit sa iba, ay ako ang nagsasabi, hindi ang Panginoon, na kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang hindi mananampalataya, at pumayag siyang mamuhay na kasama niya, ay huwag niya siyang hiwalayan.
13 At kung ang babae ay may asawa na hindi mananampalataya, at pumayag ang lalaking ito na mamuhay na kasama niya, ay huwag niyang hiwalayan ang kanyang asawa.
14 Sapagkat ang lalaking hindi mananampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi mananampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi, ang inyong mga anak ay magiging marumi, ngunit ngayon sila'y mga banal.
15 Subalit kung humiwalay ang hindi mananampalataya, ay hayaan siyang humiwalay; ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ay hindi nagagapos sa mga ganitong kalagayan, sapagkat tayo ay tinawag ng Diyos sa kapayapaan.
16 Asawang babae, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? Asawang lalaki, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa?
Mamuhay Ayon sa Pagkatawag ng Diyos
17 Hayaang ang bawat isa ay mamuhay ayon sa itinalaga ng Panginoon sa kanya, at ayon sa pagkatawag sa kanya ng Diyos. Ito ang iniuutos ko sa lahat ng mga iglesya.
18 Mayroon bang sinuman na nang siya'y tawagin ay tuli na? Huwag niyang alisin ang mga tanda ng pagtutuli. Mayroon bang sinuman na nang siya'y tawagin ay di-tuli? Huwag siyang magpatuli.
19 Ang pagtutuli ay walang kabuluhan, at ang di-pagtutuli ay walang kabuluhan; kundi ang pagtupad sa mga utos ng Diyos.
20 Ang bawat isa ay hayaang manatili sa kalagayan nang siya ay tawagin.
21 Ikaw ba ay alipin nang ikaw ay tawagin? Huwag kang mag-alala. Subalit kung magagawa mong maging malaya, samantalahin mo ang pagkakataon.
22 Sapagkat ang tinawag sa Panginoon nang siya'y alipin ay malaya sa Panginoon, gayundin ang tinawag nang siya'y malaya ay alipin ni Cristo.
23 Kayo'y binili sa halaga, huwag kayong maging mga alipin ng mga tao.
24 Kaya, mga kapatid, hayaang ang bawat isa'y manatili sa kalagayan nang siya'y tawagin ng Diyos.
Tungkol sa Walang Asawa at sa Balo
25 Ngayon, tungkol sa mga dalaga[a] ay wala akong utos mula sa Panginoon, ngunit ibinibigay ko ang aking kuru-kuro bilang isa na sa pamamagitan ng habag ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan.
26 Sa palagay ko, dahil sa kasalukuyang kagipitan, makakabuti sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan.
27 Nakatali ka ba sa asawa? Huwag mong sikaping mahiwalay. Ikaw ba ay malaya sa asawa? Huwag kang humanap ng asawa.
28 Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, ay hindi ka nagkakasala, at kung ang isang dalaga ay mag-asawa, ay hindi siya nagkakasala. Subalit ang mga tulad nila ay magkakaroon ng kahirapan sa buhay na ito[b] at sinisikap ko lamang na iligtas kayo.
29 Mga kapatid, ang ibig kong sabihin ay maigsi na ang panahon. Mula ngayon, ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa walang asawa;
30 at ang mga umiiyak ay maging tulad sa mga hindi umiiyak, at ang nagagalak ay maging tulad sa hindi nagagalak; at ang mga bumibili ay maging tulad sa mga walang pag-aari,
31 at ang mga may pakikitungo sa sanlibutan, ay maging parang walang pakikitungo rito, sapagkat ang kasalukuyang anyo ng sanlibutang ito ay lumilipas.
32 Nais kong maging malaya kayo sa pagkabalisa. Ang walang asawa ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang Panginoon;
33 ngunit ang may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa,
34 at ang kanyang pansin ay nahahati. Ang babaing walang asawa at ang dalaga ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, upang siya'y maging banal sa katawan at sa espiritu, ngunit ang babaing may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya bibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa.
35 Sinasabi ko ito ngayon para sa inyong ikabubuti, hindi upang lagyan ko kayo ng silo, kundi kung ano ang nararapat at upang kayo'y makapaglingkod sa Panginoon nang walang sagabal.
36 Ngunit kung ang sinuman ay nag-iisip na hindi siya kumikilos ng nararapat sa kanyang nobya[c] na sumapit na sa kanyang hustong gulang, ay hayaang mangyari ang gusto niya, hayaan silang magpakasal—hindi ito kasalanan.
37 Subalit sinumang nananatiling matibay sa kanyang puso, na hindi naman nangangailangan kundi napipigil niya ang kanyang sariling pagnanais at ipinasiya sa kanyang puso na panatilihin siya bilang kanyang nobya,[d] ay mabuti ang kanyang ginagawa.
38 Kaya't ang magpakasal sa kanyang nobya ay gumagawa ng mabuti at ang umiiwas mag-asawa ay gumagawa ng higit na mabuti.
39 Ang babaing may asawa ay nakatali habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siyang makakapag-asawa sa kanino mang ibig niya, lamang ay sa Panginoon.
40 Ngunit batay sa aking kuru-kuro, siya ay higit na maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan. At iniisip ko rin naman na ako'y may Espiritu ng Diyos.
Inahit ni Ezekiel ang Kanyang Buhok at Balbas
5 “At ikaw, O anak ng tao, kumuha ka ng matalas na tabak; gamitin mo ito bilang pang-ahit ng manggugupit at iyong paraanin sa iyong ulo at sa iyong balbas. Pagkatapos, kumuha ka ng timbangang panimbang, at hatiin mo ang buhok.
2 Ang ikatlong bahagi ay iyong susunugin sa apoy sa gitna ng lunsod, kapag ang mga araw ng pagkubkob ay naganap; at iyong kukunin ang ikatlong bahagi, at hahampasin mo ng tabak sa palibot; at ang ikatlong bahagi ay iyong ikakalat sa hangin, at aking bubunutin ang tabak sa likuran nila.
3 At kukuha ka sa mga iyon ng kaunti, at itatali mo sa mga laylayan ng iyong balabal.
4 Sa mga ito'y kukuha ka uli, at ihahagis mo sa gitna ng apoy, at susunugin mo sa apoy. Mula roo'y manggaling ang apoy patungo sa buong sambahayan ni Israel.
5 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ito ay Jerusalem. Inilagay ko siya sa gitna ng mga bansa, at ang mga lupain ay nasa palibot niya.
6 Ngunit siya'y naghimagsik na may kasamaan laban sa aking mga tuntunin na higit kaysa mga bansa, at laban sa aking mga batas na higit kaysa mga lupain na nasa palibot niya, sa pamamagitan ng pagtatakuwil sa mga tuntunin at hindi paglakad ayon sa aking mga batas.
7 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat kayo'y mas magulo kaysa mga bansa na nasa palibot ninyo, at hindi kayo lumakad sa aking mga tuntunin o iningatan man ang aking mga batas, kundi gumawa ayon sa mga batas ng mga bansa na nasa palibot ninyo;
8 kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako, ako mismo, ay darating laban sa iyo. Ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa gitna mo sa paningin ng mga bansa.
9 At dahil sa lahat ninyong kasuklamsuklam, ay aking gagawin sa iyo ang hindi ko pa ginawa, at ang katulad nito ay di ko na muling gagawin.
10 Kaya't(A) kakainin ng mga magulang ang mga anak sa gitna mo, at kakainin ng mga anak ang kanilang mga magulang. Ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa iyo; at ang lahat ng nalabi sa iyo ay aking ikakalat sa lahat ng hangin.
11 Kaya't habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos, ito'y tiyak, sapagkat iyong nilapastangan ang aking santuwaryo sa pamamagitan ng lahat mong kasuklamsuklam at mga karumaldumal na bagay. Kaya't ako'y lalayo sa iyo, hindi ka patatawarin ng aking paningin, at ako'y hindi mahahabag.
12 Ang ikatlong bahagi mo ay mamamatay sa pamamagitan ng salot, at sa pamamagitan ng taggutom ay mauubos sila sa gitna mo. Ang isang ikatlong bahagi ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak sa palibot mo, at ang ikatlong bahagi ay aking ikakalat sa lahat ng hangin, at magbubunot ako ng tabak sa likuran nila.
13 “Ganito uubusin ang aking galit, at aking lulubusin ang aking poot sa kanila, at ako'y masisiyahan. Kanilang malalaman na ako, ang Panginoon, ay nagsalita sa aking paninibugho, kapag aking inubos ang aking poot sa kanila.
14 Bukod dito'y gagawin kitang kasiraan at tampulan ng pagkutya sa gitna ng mga bansa na nasa palibot mo, sa paningin ng lahat ng dumaraan.
15 Ikaw ay magiging kasiraan at pagtatawanan, isang babala at katatakutan sa mga bansang nasa palibot mo, kapag ako'y naglapat ng mga kahatulan sa iyo sa galit at sa poot kasama ang mababagsik na pagsaway—ako, ang Panginoon, ang nagsalita—
16 kapag ako'y nagpakawala sa kanila ng mga nakakamatay na pana ng taggutom, mga pana sa ikawawasak, na aking pakakawalan upang wasakin kayo, at kapag ako'y nagpadala ng higit at higit pang taggutom sa inyo, at aking babaliin ang inyong tungkod ng tinapay.
17 Ako'y(B) magpapadala sa inyo ng taggutom at mababangis na hayop, at kanilang aalisan ka ng anak. Salot at dugo ang daraan sa iyo; at aking pararatingin ang tabak sa iyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsalita.”
IKALAWANG AKLAT
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
2 Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
ang mukha ng Diyos?
3 Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
“Nasaan ang iyong Diyos?”
4 Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.
6 O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
mula sa Bundok ng Mizhar.
7 Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
sa akin ay tumabon.
8 Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.
9 Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
“Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
“Nasaan ang Diyos mo?”
11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
2 Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
dahil sa kaaway kong malupit?
3 O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
at sa iyong tirahan!
4 Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
O Diyos, aking Diyos.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001