Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 6

Ang Kaban ay Dinala sa Jerusalem(A)

Muling tinipon ni David ang lahat ng piling lalaki sa Israel na tatlumpung libo.

Si(B) David at ang buong bayang kasama niya ay umalis mula sa Baale-juda upang iahon mula roon ang kaban ng Diyos, na tinatawag sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo na nakaupo sa mga kerubin.

Kanilang(C) inilagay ang kaban ng Diyos sa isang bagong karwahe, at kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab na nasa burol. Sina Uzah at Ahio, na mga anak ni Abinadab, ang siyang nagpatakbo ng bagong karwahe,

na kinaroroonan ng kaban ng Diyos, at si Ahio ay nauna sa kaban.

Si David at ang buong sambahayan ni Israel ay nagsasaya sa harap ng Panginoon ng kanilang buong lakas, na may mga awitan, mga alpa, mga salterio, mga pandereta, mga kastaneta, at ng mga pompiyang.

Nang sila'y dumating sa giikan ni Nacon, iniunat ni Uzah ang kanyang kamay sa kaban ng Diyos, at hinawakan ito sapagkat ang mga baka ay natalisod.

Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Uzah; at pinatay siya roon ng Diyos sapagkat humawak siya sa kaban. Namatay siya doon sa tabi ng kaban ng Diyos.

Nagalit si David sapagkat pinarusahan ng Panginoon si Uzah; at ang lugar na iyon ay tinawag na Perez-uza hanggang sa araw na ito.

Kaya't natakot si David sa Panginoon sa araw na iyon, at kanyang sinabi, “Paanong madadala rito sa akin ang kaban ng Panginoon?”

10 Kaya't hindi nais ni David na dalhin ang kaban ng Panginoon sa lunsod ni David, kundi dinala ito ni David sa bahay ni Obed-edom na Geteo.

11 Ang(D) kaban ng Panginoon ay nanatili sa bahay ni Obed-edom na Geteo ng tatlong buwan; at pinagpala ng Panginoon si Obed-edom, at ang kanyang buong sambahayan.

12 Sinabi sa Haring David, “Pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed-edom, at ang lahat ng nauukol para sa kanya, dahil sa kaban ng Diyos.” Humayo si David at iniahon ang kaban ng Diyos mula sa bahay ni Obed-edom patungo sa lunsod ni David na may kagalakan.

13 Nang ang mga nagdadala ng kaban ng Panginoon ay makalakad ng anim na hakbang, siya'y naghandog ng isang dumalagang baka at isang pinatabang baka.

14 Nagsayaw si David ng kanyang buong lakas sa harap ng Panginoon; at si David ay may bigkis ng isang efod na lino.

15 Sa gayo'y iniahon ni David at ng buong sambahayan ng Israel ang kaban ng Panginoon na may sigawan at may tunog ng tambuli.

16 Sa pagdating ng kaban ng Panginoon sa lunsod ni David, si Mical na anak ni Saul ay dumungaw sa bintana, at nakita si Haring David na naglululukso at nagsasayaw sa harap ng Panginoon; at kanyang hinamak siya sa kanyang puso.

17 Kanilang ipinasok ang kaban ng Panginoon, at inilagay sa kanyang lugar, sa loob ng tolda na itinayo ni David. Naghandog si David ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan sa harap ng Panginoon.

18 Nang makatapos si David sa paghahandog ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan, kanyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo.

19 Ang(E) kanyang ipinamahagi sa buong bayan, sa buong karamihan ng Israel, sa mga lalaki at sa mga babae, at sa bawat isa ay isang tinapay, isang karne, at isang tinapay na pasas. Pagkatapos nito, ang buong bayan ay umuwi sa kanya-kanyang bahay.

20 Bumalik si David upang basbasan ang kanyang sambahayan. Subalit si Mical na anak ni Saul ay lumabas upang salubungin si David, at sinabi, “Niluwalhati ngayon ng hari ng Israel ang kanyang sarili, na siya'y naghubad ngayon sa paningin ng mga babaing alipin ng kanyang mga lingkod, gaya ng kahiyahiyang paghuhubad ng isang taong malaswa.”

21 Sinabi ni David kay Mical, “Iyon ay sa harap ng Panginoon na siyang pumili sa akin na higit sa iyong ama, at higit sa buong sambahayan niya, upang hirangin ako bilang pinuno ng Israel, ang bayan ng Panginoon, kaya't ako'y magsasaya sa harap ng Panginoon.

22 Gagawin ko ang aking sarili na higit pang hamak kaysa rito, at ako'y magpapakababa sa iyong paningin; ngunit sa mga babaing lingkod na iyong binanggit, sa pamamagitan nila ako ay pararangalan.”

23 At si Mical na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.

1 Corinto 16

Ambagan para sa mga Banal

16 Ngayon,(A) tungkol sa ambagan para sa mga banal, ay gawin din ninyo gaya ng aking itinagubilin sa mga iglesya sa Galacia.

Tuwing unang araw ng sanlinggo, ang bawat isa sa inyo ay magbukod at maglaan ayon sa kanyang makakaya, upang huwag nang gumawa ng mga ambagan pagdating ko.

At pagdating ko, ang sinumang inyong pipiliin, ay sila ang aking isusugo na may mga sulat upang makapagdala ng inyong abuloy sa Jerusalem.

Kung nararapat na ako ay pumaroon din ay sasamahan nila ako.

Plano ni Pablo sa Paglalakbay

Ako'y(B) dadalaw sa inyo pagkaraan ko sa Macedonia, sapagkat balak kong dumaan sa Macedonia;

at marahil ako'y titigil sa inyo o maaaring magpalipas ng tagginaw, upang ako'y matulungan ninyo, saan man ako pumunta.

Ayaw kong makita kayo ngayon na dadaanan lamang, sapagkat ako'y umaasa na makagugol ng ilang panahon na kasama ninyo, kung itutulot ng Panginoon.

Subalit(C) ako'y titigil sa Efeso hanggang sa Pentecostes,

sapagkat(D) isang maluwag na pintuan para sa mabisang paggawa ang nabuksan sa akin, at marami ang mga kaaway.

10 Kapag(E) si Timoteo ay dumating, sikapin ninyo na wala siyang anumang kinakatakutan sa gitna ninyo, sapagkat siya'y gumagawa ng gawain ng Panginoon, na gaya ko.

11 Sinuman ay huwag humamak sa kanya. Suguin ninyo siya sa kanyang paglalakbay na may kapayapaan upang siya'y makarating sa akin, sapagkat inaasahan ko siyang kasama ng mga kapatid.

12 Tungkol naman kay kapatid na Apolos, pinakiusapan ko siyang mabuti na dalawin kayo kasama ng ibang mga kapatid, subalit hindi pa niya nais na pumariyan ngayon. Ngunit siya'y darating kapag mayroon na siyang pagkakataon.

Pagwawakas at Pagbati

13 Magmatyag kayo, manindigan kayong matibay sa pananampalataya, magpakalalaki kayo, magpakatatag kayo.

14 Lahat ng inyong ginagawa ay gawin ninyo sa pag-ibig.

15 Mga(F) kapatid, ngayon ay nakikiusap ako sa inyo. Nalalaman ninyo na ang sambahayan ni Estefanas ang mga unang bunga ng Acaia, at kanilang itinalaga ang kanilang sarili sa paglilingkod sa mga banal.

16 Hinihiling ko sa inyo na kayo ay pasakop sa gayong mga tao at sa bawat isa na gumagawang kasama nila.

17 Ako'y natutuwa sa pagdating nina Estefanas, Fortunato, at Acaico, sapagkat ang kakulangan ninyo ay pinunan nila.

18 Sapagkat pinaginhawa nila ang aking espiritu at ang sa inyo. Kaya't magbigay kayo ng pagkilala sa gayong mga tao.

19 Binabati(G) kayo ng mga iglesya sa Asia. Kayo'y buong pusong binabati sa Panginoon nina Aquila at Prisca[a] kasama ng iglesyang nasa kanilang bahay.

20 Binabati kayo ng lahat ng mga kapatid. Magbatian kayo ng banal na halik.

21 Akong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito sa aking sariling kamay.

22 Kung ang sinuman ay hindi umiibig sa Panginoon ay sumpain siya. Maranatha.[b]

23 Ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawa.

24 Ang aking pag-ibig kay Cristo Jesus ay sumainyo nawang lahat. Amen.

Ezekiel 14

Ang Hatol Laban sa mga Sumasamba sa Diyus-diyosan

14 Nang magkagayo'y lumapit sa akin ang ilan sa matatanda ng Israel, at naupo sa harapan ko.

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, inilagay ng mga lalaking ito ang kanilang mga diyus-diyosan sa kanilang mga puso, at inilagay ang katitisuran ng kanilang kasamaan sa kanilang harapan. Hahayaan ko bang sumangguni sila sa akin?

Kaya't magsalita ka sa kanila, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sinumang tao sa sambahayan ni Israel na may kanyang mga diyus-diyosan sa kanyang puso, at naglalagay ng katitisuran ng kanyang kasamaan sa kanyang harapan at gayunma'y lumalapit sa propeta, akong Panginoon ay sasagot sa kanya, dahil sa karamihan ng kanyang mga diyus-diyosan;

upang aking mahawakan ang mga puso ng sambahayan ni Israel, na nagsilayo sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.

“Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Magsisi kayo, at kayo'y tumalikod sa inyong mga diyus-diyosan; at lumayo kayo sa lahat ninyong kasuklamsuklam.

Sapagkat sinuman sa sambahayan ni Israel, o sa mga dayuhan na nangingibang-bayan sa Israel, na humiwalay sa akin, at nagtataglay ng kanyang mga diyus-diyosan sa kanyang puso, at naglalagay ng kanyang kasamaan bilang katitisuran sa harapan nila, gayunma'y lumalapit sa isang propeta upang mag-usisa sa akin tungkol sa kanyang sarili, akong Panginoon ang sasagot sa kanya.

Ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon, at gagawin ko siyang isang tanda at kawikaan, at tatanggalin ko siya sa gitna ng aking bayan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

At kung ang propeta ay malinlang at magsalita ng isang kataga, akong Panginoon ang luminlang sa propetang iyon, at aking iuunat ang aking kamay sa kanya, at papatayin ko siya mula sa gitna ng aking bayang Israel.

10 Kanilang papasanin ang kanilang parusa—ang parusa ng propeta ay magiging gaya ng parusa ng sumasangguni—

11 upang ang sambahayan ni Israel ay huwag nang maligaw pa sa akin, o mahawa pa man sa lahat nilang paglabag, kundi upang sila'y maging aking bayan at ako'y maging kanilang Diyos, sabi ng Panginoong Diyos.”

Ang Hatol ng Diyos Laban sa Jerusalem

12 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

13 “Anak ng tao, kapag ang isang lupain ay nagkasala laban sa akin ng di pagtatapat, at aking iniunat ang aking kamay roon, at aking binali ang tungkod ng tinapay niyon, at nagsugo ako ng taggutom doon, at aking inalis doon ang tao at hayop;

14 bagaman ang tatlong lalaking ito, sina Noe, Daniel at Job ay naroon, ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling mga buhay sa pamamagitan ng kanilang katuwiran, sabi ng Panginoong Diyos.

15 Kung aking paraanin ang mga mabangis na hayop sa lupain at kanilang sirain iyon, at ito'y magiba, na anupa't walang taong makaraan dahil sa mga hayop;

16 bagaman ang tatlong lalaking ito ay naroon, habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man. Sila lamang ang maliligtas, ngunit ang lupain ay masisira.

17 O kung ako'y magpadala ng tabak sa lupaing iyon, at aking sabihin, ‘Padaanan ng tabak ang lupain,’ at aking alisin roon ang tao at hayop;

18 bagaman ang tatlong lalaking ito ay naroon, habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man, kundi sila lamang ang maliligtas.

19 O kung ako'y magsugo ng salot sa lupaing iyon, at aking ibuhos ang aking poot roon na may dugo, upang alisin ang tao at hayop;

20 bagaman sina Noe, Daniel, at Job ay naroon, habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man; ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling buhay sa pamamagitan ng kanilang katuwiran.

21 “Sapagkat(A) ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Gaano pa kaya kung aking paratingin ang aking apat na nakakamatay na hatol sa Jerusalem, ang tabak, ang taggutom, ang mabangis na mga hayop, at ang salot, upang alisin roon ang tao at hayop?

22 Gayunman, narito, doo'y maiiwan ang isang nalabi na ilalabas, mga anak na lalaki at babae. Narito, sila'y lalabas sa inyo. Kapag inyong nakita ang kanilang mga pamumuhay at ang kanilang mga gawa, kayo'y maaaliw tungkol sa kasamaan na aking pinarating sa Jerusalem, tungkol sa lahat na aking pinasapit doon.

23 Kanilang aaliwin kayo, kapag nakita ninyo ang kanilang pamumuhay at ang kanilang mga gawa. At inyong malalaman na hindi ko ginawang walang kadahilanan ang lahat na aking ginawa roon, sabi ng Panginoong Diyos.”

Mga Awit 55

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David.

55 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
    at huwag kang magtago sa daing ko!
Pansinin mo ako, at sagutin mo ako;
    ako'y natatalo ng aking pagdaramdam.
Ako'y walang katiwasayan sa aking pag-angal at ako'y dumadaing,
    dahil sa tinig ng kaaway,
    dahil sa pagmamalupit ng masama.
Sapagkat nagdadala sila sa akin ng kaguluhan,
    at sa galit ay inuusig nila ako.

Ang aking puso ay nagdaramdam sa loob ko,
    ang mga kilabot ng kamatayan ay bumagsak sa akin.
Takot at panginginig ay dumating sa akin,
    at nadaig ako ng pagkatakot.
At aking sinabi, “O kung ako sana'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati!
    Lilipad ako at magpapahinga.
Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo,
    sa ilang ay maninirahan ako. (Selah)
Ako'y magmamadaling hahanap ng silungan ko,
    mula sa malakas na hangin at bagyo.”
O Panginoon, guluhin mo, ang kanilang wika ay lituhin mo,
    sapagkat ang karahasan at pag-aaway sa lunsod ay nakikita ko.
10 Sa araw at gabi ay lumiligid sila
    sa mga pader niyon;
ang kasamaan at kahirapan ay nasa loob niyon.
11 Ang pagkawasak ay nasa gitna niyon;
ang kalupitan at pandaraya
    ay hindi humihiwalay sa kanyang mga lansangan.

12 Hindi isang kaaway ang tumutuya sa akin—
    mapagtitiisan ko iyon,
hindi rin isang namumuhi sa akin ang nagmamalaki laban sa akin,
    sa gayo'y maitatago ang aking sarili sa kanya.
13 Kundi ikaw, lalaki na kapantay ko,
    kaibigang matalik at kasama ko.
14 Tayo ay dating magkasamang nag-uusap nang matamis;
    tayo'y lumalakad na magkasama sa loob ng bahay ng Diyos.
15 Dumating nawang mapandaya ang kamatayan sa kanila,
    ibaba nawa silang buháy sa Sheol;
    sapagkat ang kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila.

16 Tungkol sa akin ay tatawag ako sa Diyos;
    at ililigtas ako ng Panginoon.
17 Sa hapon at umaga, at sa katanghaliang-tapat,
    ako'y dadaing at tataghoy,
at diringgin niya ang aking tinig.
18 Kanyang tutubusin ang aking kaluluwa sa kapayapaan,
    mula sa pakikibaka laban sa akin,
    sapagkat marami ang nagtitipon upang ako ay labanan.
19 Papakinggan ng Diyos at sasagutin sila,
    siya na nakaupo sa trono mula pa noong una. (Selah)
Sa kanya na walang pagbabago,
at hindi natatakot sa Diyos.

20 Kanyang iniunat ang kanyang mga kamay laban sa mga taong nasa kapayapaan sa kanya,
    kanyang nilabag ang kanyang tipan.
21 Higit na pino kaysa mantekilya ang kanyang pananalita,
    ngunit ang kanyang puso ay pakikidigma;
higit na malambot kaysa langis ang kanyang mga salita,
    gayunman ang mga iyon ay nakaumang na mga tabak.
22 Iatang mo ang iyong pasan sa Panginoon,
    at kanyang aalalayan ka;
hindi niya pinahihintulutang
    makilos kailanman ang matuwid.

23 Ngunit ikaw, O Diyos, ihahagis mo sila
    sa hukay ng kapahamakan;
ang mga taong mababagsik at mandaraya
    ay hindi mabubuhay sa kalahati ng kanilang mga araw.
Ngunit magtitiwala ako sa iyo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001