M’Cheyne Bible Reading Plan
Sina Amnon at Tamar
13 Samantala, si Absalom na anak ni David ay mayroong isang kapatid na magandang babae na ang pangalan ay Tamar. At umibig sa kanya si Amnon na anak ni David.
2 At si Amnon ay lubhang naligalig, kaya't siya'y gumawa ng paraan upang magkasakit dahil sa kanyang kapatid na si Tamar; sapagkat siya'y birhen at inaakala ni Amnon na napakahirap siyang gawan ng anumang bagay.
3 Ngunit si Amnon ay may isang kaibigan na ang pangala'y Jonadab, na anak ni Shimeah na kapatid ni David. At si Jonadab ay isang taong napakatuso.
4 Sinabi niya sa kanya, “O anak ng hari, bakit tuwing umaga ay mukhang may sakit ka? Hindi mo ba sasabihin sa akin?” At sinabi ni Amnon sa kanya, “Umiibig ako kay Tamar na kapatid ng kapatid kong si Absalom.”
5 Sinabi ni Jonadab sa kanya, “Mahiga ka sa iyong higaan at magsakit-sakitan ka. Kapag dumating ang iyong ama upang tingnan ka, sabihin mo sa kanya, ‘Papuntahin mo rito ang aking kapatid na si Tamar at bigyan ako ng tinapay na makakain, at maghanda ng pagkain sa aking harapan na aking nakikita, at kainin iyon mula sa kanyang kamay.’”
6 Kaya't nahiga si Amnon at nagsakit-sakitan. Nang dumating ang hari upang tingnan siya, sinabi ni Amnon sa hari, “Hinihiling ko sa iyo na papuntahin mo rito ang aking kapatid na si Tamar, at igawa ako ng dalawang maliit na tinapay sa aking harapan upang aking makain mula sa kanyang kamay.”
7 Nang magkagayo'y ipinasundo ni David si Tamar na sinasabi, “Pumunta ka ngayon sa bahay ng iyong kapatid na si Amnon at ipaghanda mo siya ng pagkain.”
8 Kaya't pumunta si Tamar sa bahay ng kanyang kapatid na si Amnon na doon ay nakahiga siya. Siya'y kumuha ng isang masa, minasa ito at ginawang mga tinapay sa kanyang harapan, at nilutong mga munting tinapay.
9 Kinuha niya ang kawali at inalis ang laman sa harap ni Amnon[a] ngunit ayaw niyang kumain. At sinabi ni Amnon, “Palabasin ang lahat ng tao sa harap ko.” Kaya't silang lahat ay lumabas sa harap niya.
10 Sinabi ni Amnon kay Tamar, “Dalhin mo sa silid ang pagkain upang aking kainin mula sa iyong kamay.” At kinuha ni Tamar ang mga tinapay na kanyang ginawa at dinala sa silid kay Amnon na kanyang kapatid.
11 Ngunit nang ilapit niya sa kanya upang kainin, kanyang hinawakan siya, at sinabi niya sa kanya, “Halika, sumiping ka sa akin, kapatid ko.”
12 Sumagot siya, “Huwag, kapatid ko, huwag mo akong pilitin. Sapagkat ang ganyang bagay ay hindi ginagawa sa Israel. Huwag kang gumawa ng ganitong kalokohan.
13 At tungkol sa akin, saan ko dadalhin ang aking hiya? At tungkol sa iyo, ikaw ay magiging gaya ng isa sa mga hangal sa Israel. Ngayon nga, hinihiling ko sa iyo, makipag-usap ka sa hari, sapagkat hindi niya ako ipagkakait sa iyo.”
14 Gayunma'y hindi siya nakinig kay Tamar. Palibhasa'y mas malakas kaysa babae, kanyang pinilit ito na sumiping sa kanya.
15 Pagkatapos ay kinapootan siya nang matindi ni Amnon at ang poot na kanyang ikinapoot sa kanya ay mas matindi kaysa pag-ibig na iniukol niya sa kanya. At sinabi ni Amnon sa kanya, “Bangon, umalis ka na.”
16 Ngunit sinabi niya sa kanya, “Huwag, kapatid ko, sapagkat itong kasamaan sa pagpapaalis mo sa akin ay higit pa kaysa ginawa mo sa akin.” Ngunit ayaw niyang makinig sa kanya.
17 Tinawag niya ang kabataang naglingkod sa kanya at sinabi, “Ilabas mo ang babaing ito at ikandado mo ang pintuan paglabas niya.”
18 Siya'y may suot na mahabang damit na may manggas; sapagkat gayon ang damit na isinusuot ng mga birheng anak na babae ng hari. Kaya't inilabas siya ng kanyang lingkod at ikinandado ang pintuan pagkalabas niya.
19 Naglagay si Tamar ng mga abo sa kanyang ulo, at pinunit ang mahabang damit na suot niya. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa kanyang ulo at umalis na umiiyak nang malakas sa daan.
20 At sinabi sa kanya ni Absalom na kanyang kapatid, “Nakasama mo ba ang kapatid mong si Amnon? Ngayo'y tumahimik ka, kapatid ko. Siya'y iyong kapatid; huwag mong damdamin ang bagay na ito.” Kaya't si Tamar ay nanatili na isang babaing malungkot sa bahay ng kanyang kapatid na si Absalom.
21 Ngunit nang mabalitaan ni Haring David ang lahat ng mga bagay na ito, siya'y galit na galit.
22 Ngunit si Absalom ay hindi nagsalita ng mabuti o masama kay Amnon, sapagkat kinapopootan ni Absalom si Amnon dahil hinalay niya ang kanyang kapatid na si Tamar.
Naghiganti si Absalom
23 Pagkalipas ng dalawang buong taon, si Absalom ay mayroong mga tagagupit ng tupa sa Baal-hazor na malapit sa Efraim at inanyayahan ni Absalom ang lahat ng mga anak na lalaki ng hari.
24 Pumunta si Absalom sa hari, at sinabi niya, “Ang iyong lingkod ay may mga tagagupit ng mga tupa. Hinihiling ko sa iyo na ang hari at ang kanyang mga lingkod ay sumama sa iyong lingkod.”
25 Ngunit sinabi ng hari kay Absalom, “Huwag, anak ko. Huwag mo kaming papuntahing lahat, baka maging pabigat kami sa iyo.” Kanyang pinilit siya, subalit hindi siya sumama, ngunit ibinigay niya ang kanyang basbas.
26 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, “Kung hindi, hinihiling ko sa iyo na pasamahin mo sa amin ang aking kapatid na si Amnon.” At sinabi ng hari sa kanya, “Bakit siya sasama sa iyo?”
27 Ngunit pinilit siya ni Absalom, kaya't kanyang pinasama sa kanya si Amnon at ang lahat ng mga anak ng hari.
28 Iniutos ni Absalom sa kanyang mga lingkod, “Tandaan ninyo ngayon, kapag ang puso ni Amnon ay masaya na dahil sa alak, at kapag sinabi ko sa inyo, ‘Saktan ninyo si Amnon,’ ay patayin nga ninyo siya. Huwag kayong matakot; hindi ba ako ang nag-uutos sa inyo? Kayo'y magpakalakas at magpakatapang.”
29 Ginawa ng mga lingkod ni Absalom kay Amnon kung ano ang iniutos ni Absalom. Nang magkagayo'y tumindig ang lahat ng mga anak ng hari, at sumakay ang bawat lalaki sa kanyang mola at tumakas.
30 Samantalang sila'y nasa daan, may balitang nakarating kay David na sinasabing, “Pinatay ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari, at walang nalabing isa man sa kanila.”
31 Nang magkagayo'y tumindig ang hari at pinunit ang kanyang mga suot, at humiga sa lupa; at ang lahat niyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya ay pinunit ang kanilang mga damit.
32 Ngunit si Jonadab na anak ni Shimeah na kapatid ni David ay sumagot at nagsabi, “Huwag akalain ng aking panginoon na kanilang pinatay ang lahat ng mga binatang anak ng hari, sapagkat si Amnon lamang ang pinatay. Sapagkat sa utos ni Absalom, ito ay itinakda na, mula nang araw na kanyang halayin ang kanyang kapatid na si Tamar.
33 Ngayon nga'y huwag itong damdamin ng aking panginoong hari na akalaing ang lahat ng mga anak ng hari ay patay na; sapagkat si Amnon lamang ang patay.”
Si Absalom ay Tumakas sa Geshur
34 Ngunit si Absalom ay tumakas. Nang ang kabataang nagbabantay ay nagtaas ng kanyang mga mata, at tumingin at nakita niya ang maraming taong dumarating mula sa daang Horonaim sa gilid ng bundok.
35 Sinabi ni Jonadab sa hari, “Ang mga anak ng hari ay dumating na; ayon sa sinabi ng inyong lingkod, ay gayon nga.”
36 Pagkatapos niyang makapagsalita, ang mga anak ng hari ay nagdatingan, at inilakas ang kanilang tinig at umiyak; ang hari at ang lahat niyang mga lingkod ay mapait na umiyak.
37 Ngunit(A) tumakas si Absalom at pumunta kay Talmai na anak ni Amihud na hari ng Geshur. At tinangisan ni David ang kanyang anak na lalaki araw-araw.
38 Kaya't tumakas si Absalom at pumunta sa Geshur at nanirahan doon sa loob ng tatlong taon.
39 Si Haring David ay nanabik na puntahan si Absalom, sapagkat siya'y naaliw na tungkol kay Amnon, yamang siya ay patay na.
6 Yamang gumagawa kaming kasama niya, nananawagan din kami sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Diyos nang walang kabuluhan.
2 Sapagkat(A) sinasabi niya,
“Sa panahong kanais-nais ay pinakinggan kita,
at tinulungan kita sa araw ng kaligtasan.”
Ngayon na ang panahong kanais-nais; ngayon na ang araw ng kaligtasan.
3 Hindi kami naglalagay ng katitisuran ng sinuman, upang walang kapintasang matagpuan sa aming ministeryo.
4 Kundi, bilang mga lingkod ng Diyos, ipinagkakapuri namin ang aming sarili sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng maraming pagtitiis, mga kapighatian, mga kahirapan, mga paghihinagpis,
5 mga(B) pagkabugbog, mga pagkabilanggo, mga kaguluhan, mga paggawa, mga pagpupuyat, mga pagkagutom,
6 sa kalinisan, kaalaman, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabanalan ng espiritu, tunay na pag-ibig,
7 makatotohanang pananalita, kapangyarihan ng Diyos, sa pamamagitan ng mga sandata ng katuwiran sa kanang kamay at sa kaliwa,
8 sa pamamagitan ng karangalan at kasiraang-puri, sa pamamagitan ng masamang pagkakilala at ng mabuting pagkakilala. Itinuring kaming mga mandaraya, gayunma'y matatapat,
9 waring mga hindi kilala, gayunma'y kilalang-kilala, tulad sa naghihingalo, at narito, kami ay buháy; gaya ng mga pinarurusahan, subalit hindi pinapatay;
10 tulad sa nalulungkot, gayunma'y laging nagagalak; tulad sa mga dukha, gayunma'y pinayayaman ang marami, gaya ng walang pag-aari, gayunma'y mayroon ng lahat ng bagay.
11 Ang aming bibig ay bukas para sa inyo, mga taga-Corinto, ang aming puso ay pinalawak.
12 Kayo ay hindi namin hinihigpitan, subalit kayo ay hinihigpitan ng sarili ninyong damdamin.
13 Bilang ganti, nagsasalita akong tulad sa mga bata; palawakin din ninyo ang inyong mga puso.
Ang Templo ng Diyos na Buháy
14 Huwag kayong makipamatok sa mga hindi mananampalataya, sapagkat anong pagsasama mayroon ang katuwiran at kasamaan? O anong pagsasama mayroon ang liwanag sa kadiliman?
15 At anong pagkakasundo mayroon si Cristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang mananampalataya sa hindi mananampalataya?
16 Anong(C) pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga diyus-diyosan? Sapagkat tayo'y[a] templo ng Diyos na buháy; gaya ng sinabi ng Diyos,
“Ako'y mananahan sa kanila, at lalakad sa gitna nila,
ako'y magiging kanilang Diyos,
at sila'y magiging aking bayan.
17 Kaya(D) nga lumabas kayo sa kanila,
at humiwalay kayo, sabi ng Panginoon,
at huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi,
at kayo'y aking tatanggapin,
18 at(E) ako'y magiging ama sa inyo,
at kayo'y magiging aking mga anak na lalaki at babae,
sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.”
Ang Kalooban ng Diyos ay Sinuway ng Tao
20 Nang ikasampung araw ng ikalimang buwan ng ikapitong taon, ang ilan sa matatanda ng Israel ay dumating upang sumangguni sa Panginoon. Sila'y umupo sa harapan ko.
2 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
3 “Anak ng tao, magsalita ka sa matatanda ng Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kayo ba'y pumarito upang sumangguni sa akin? Habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos, hindi kayo makakasangguni sa akin.
4 Hahatulan mo ba sila, anak ng tao, hahatulan mo ba sila? Ipaalam mo sa kanila ang mga kasuklamsuklam na gawa ng kanilang mga ninuno,
5 at(A) sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Nang araw na aking piliin ang Israel, sumumpa ako sa binhi ng sambahayan ni Jacob, at nagpakilala ako sa kanila sa lupain ng Ehipto, sumumpa ako sa kanila na sinasabi: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
6 Nang araw na iyon ay sumumpa ako sa kanila na ilalabas ko sila sa lupain ng Ehipto, sa lupain na aking hinanap para sa kanila, lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, na siyang pinakamaluwalhati sa lahat ng lupain.
7 Sinabi ko sa kanila, Itakuwil ninyo ang mga bagay na kasuklamsuklam na ninanasa ng inyong mga mata, bawat isa sa inyo, at huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa mga diyus-diyosan ng Ehipto; ako ang Panginoon ninyong Diyos.
8 Ngunit sila'y naghimagsik laban sa akin at hindi nakinig sa akin; hindi itinakuwil ng bawat isa sa kanila ang mga kasuklamsuklam na bagay na ninanasa ng kanilang mga mata, o tinalikuran man nila ang mga diyus-diyosan sa Ehipto.
“At inisip kong ibuhos sa kanila ang aking poot, at ubusin ko ang aking galit laban sa kanila, sa gitna ng lupain ng Ehipto.
9 Ngunit ako'y kumilos alang-alang sa aking pangalan upang ito'y huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa na kinaroroonan nila, na sa mga paningin nila ay nagpakilala ako sa kanila, sa paglalabas ko sa kanila sa lupain ng Ehipto.
10 Sa gayo'y inilabas ko sila mula sa lupain ng Ehipto, at dinala ko sila sa ilang.
11 At(B) ibinigay ko sa kanila ang aking mga tuntunin, at itinuro ko sa kanila ang aking mga batas, na kung sundin ng tao, ay mabubuhay.
12 Bukod(C) dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga Sabbath, bilang isang tanda sa pagitan ko at nila, upang kanilang malaman na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.
13 Ngunit ang sambahayan ng Israel ay naghimagsik laban sa akin sa ilang. Sila'y hindi lumakad ng ayon sa aking mga tuntunin, kundi kanilang itinakuwil ang aking mga batas, na kung sundin ay mabubuhay ang bawat isa; at ang aking mga Sabbath ay kanilang lubhang nilapastangan.
“At inisip kong ibuhos ang aking poot sa kanila sa ilang, upang ganap silang malipol.
14 Ngunit ako'y kumilos alang-alang sa aking pangalan, upang ito'y huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga iyon ay aking inilabas sila.
15 Bukod(D) dito'y sumumpa ako sa kanila sa ilang na hindi ko sila dadalhin sa lupaing ibinigay ko sa kanila, lupaing binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamaluwalhati sa lahat ng lupain;
16 sapagkat kanilang itinakuwil ang aking mga batas, at hindi lumakad sa aking mga tuntunin, at nilapastangan ang aking mga Sabbath; sapagkat ang kanilang puso ay nagsisunod sa kanilang mga diyus-diyosan.
17 Gayunma'y iniligtas sila ng aking mga mata at hindi ko sila nilipol, o ginawan man sila ng lubos na katapusan sa ilang.
18 “At sinabi ko sa kanilang mga anak sa ilang, Huwag kayong lumakad sa mga tuntunin ng inyong mga ninuno, o sundin man ang kanilang mga batas, o dungisan man ang inyong sarili sa kanilang mga diyus-diyosan.
19 Ako ang Panginoon na inyong Diyos: Lumakad kayo sa aking mga tuntunin, at maging maingat kayo sa pagsunod sa aking mga batas.
20 Inyong ingatang banal ang aking mga Sabbath upang ang mga iyon ay maging tanda sa pagitan ko at ninyo, upang inyong malaman na akong Panginoon ang inyong Diyos.
21 Ngunit ang mga anak ay naghimagsik laban sa akin; sila'y hindi lumakad sa aking mga tuntunin, at hindi naging maingat na isagawa ang aking mga batas, na kung gawin ng tao ay mabubuhay; kanilang nilapastangan ang aking mga Sabbath.
“Nang magkagayo'y inisip kong ibubuhos ang aking poot sa kanila at ubusin ang aking galit laban sa kanila sa ilang.
22 Gayunma'y iniurong ko ang aking kamay, kumilos ako alang-alang sa aking pangalan, upang huwag itong malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga iyon ay inilabas ko sila.
23 Bukod(E) dito'y isinumpa ko sa kanila sa ilang na pangangalatin ko sila sa gitna ng mga bansa, at pagwawatak-watakin sila sa mga lupain,
24 sapagkat hindi nila ginawa ang aking mga batas, kundi itinakuwil ang aking mga tuntunin, at nilapastangan ang aking mga Sabbath, at ang kanilang mga mata'y nakatuon sa mga diyus-diyosan ng kanilang mga ninuno.
25 Bukod dito'y binigyan ko sila ng mga tuntunin na hindi mabuti, at ng mga batas na hindi nagbibigay ng buhay.
26 Dinungisan ko sila sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kaloob, sa pamamagitan ng kanilang paghahandog sa apoy ng lahat ng kanilang mga panganay, upang aking takutin sila. Ginawa ko iyon upang kanilang malaman na ako ang Panginoon.
27 “Kaya't, anak ng tao, magsalita ka sa sambahayan ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa ganito'y muling nilapastangan ako ng inyong mga ninuno, sa pamamagitan ng kanilang pagtataksil laban sa akin.
28 Sapagkat nang madala ko sila sa lupain na aking ipinangakong ibibigay sa kanila, saanman sila makakita ng alinmang mataas na burol o anumang mayayabong na punungkahoy, inialay nila roon ang kanilang mga handog, at doo'y kanilang iniharap ang nakakagalit nilang handog. Nagsuob rin sila roon ng kanilang pabango, at ibinuhos nila roon ang kanilang mga inuming handog.
29 (Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, Ano ang mataas na dako na inyong pinuntahan? Sa gayo'y ang pangalan niyon ay tinawag na Bama hanggang sa araw na ito.)
30 Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Durungisan ba ninyo ang inyong sarili ng ayon sa paraan ng inyong mga ninuno at kayo'y maliligaw sa kanilang mga kasuklamsuklam na bagay?
31 Kapag inyong inihahandog ang inyong mga kaloob, at iniaalay sa apoy ang inyong mga anak, nagpapakarumi kayo sa lahat ng inyong diyus-diyosan hanggang sa araw na ito. At ako ba'y sasangguniin ninyo, O sambahayan ng Israel? Habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos, hindi ninyo ako masasangguni.
32 “Ang nasa inyong isipan ay hindi kailanman mangyayari, ang isipang, ‘Hayaan ninyo kaming maging gaya ng mga bansa, na gaya ng mga angkan ng mga lupain at sumamba sa kahoy at bato.’
Ang Parusa at ang Pagpapatawad ng Diyos
33 “Habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, tiyak na sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at ng unat na bisig, at ng poot na ibinubuhos, ay maghahari ako sa inyo.
34 Ilalabas ko kayo na mula sa mga bayan, at titipunin ko kayo mula sa mga lupain na inyong pinangalatan, sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, ng unat na bisig, at ng poot na ibinubuhos.
35 Dadalhin ko kayo sa ilang ng mga bayan, at doo'y hahatulan ko kayo nang harapan.
36 Kung paanong aking hinatulan ang inyong mga ninuno sa ilang ng lupain ng Ehipto, gayon ko kayo hahatulan, sabi ng Panginoong Diyos.
37 Pararaanin ko kayo sa ilalim ng tungkod, at dadalhin ko kayo sa pakikipagkasundo sa tipan.
38 Aking lilinisin sa gitna ninyo ang mga mapaghimagsik, at ang mga sumusuway sa akin. Ilalabas ko sila sa lupaing kanilang pinamamayanan, ngunit hindi sila papasok sa lupain ng Israel. Inyong malalaman na ako ang Panginoon.
39 “Tungkol sa inyo, O sambahayan ni Israel, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Umalis kayo, at paglingkuran ng bawat isa ang kanyang mga diyus-diyosan, ngayon at sa haharapin man, kung hindi ninyo ako diringgin. Ngunit ang aking banal na pangalan ay hindi na ninyo lalapastanganin sa pamamagitan ng inyong mga kaloob, at ng inyong mga diyus-diyosan.
40 “Sapagkat sa aking banal na bundok, sa bundok na kaitaasan ng Israel, sabi ng Panginoong Diyos, doon ako paglilingkuran nilang lahat sa lupain ng buong sambahayan ni Israel. Doo'y tatanggapin ko sila, at doon ko hihingin ang inyong mga handog, at ang mga pinakamabuti sa inyong mga kaloob, at ng lahat ninyong banal na handog.
41 Bilang mabangong amoy ay tatanggapin ko kayo, kapag kayo'y aking naihiwalay sa mga bayan, at natipon ko kayo mula sa mga lupain na inyong pinangalatan. At aking ipapakita ang aking kabanalan sa inyo, sa paningin ng mga bansa.
42 At inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag kayo'y aking ipinasok sa lupain ng Israel, sa lupain na aking ipinangakong ibibigay sa inyong mga ninuno.
43 Doo'y maaalala ninyo ang inyong mga lakad, at lahat ng inyong mga gawa na idinungis ninyo sa inyong sarili. At inyong kamumuhian ang inyong sarili nang dahil sa lahat ng kasamaang inyong ginawa.
44 Inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag ako'y nakitungo sa inyo alang-alang sa aking pangalan, hindi ayon sa inyong masasamang lakad, o ayon sa inyong masasamang gawa man, O sambahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Pahayag Laban sa Timog
45 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
46 “Anak ng tao, humarap ka sa dakong timog, mangaral ka laban sa dakong timog, at magsalita ka ng propesiya laban sa gubat sa Negeb.
47 Narito, sabihin mo sa gubat ng Negeb, Iyong pakinggan ang salita ng Panginoon: Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Aking pagniningasin ang isang apoy sa iyo, at tutupukin nito ang bawat sariwang punungkahoy sa iyo, at ang bawat tuyong punungkahoy. Ang nag-aalab na apoy ay hindi mapapatay, at ang lahat ng mukha mula sa timog hanggang sa hilaga ay susunugin nito.
48 At malalaman ng lahat ng laman na akong Panginoon ang nagpaningas niyon; at hindi iyon mapapatay.”
49 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Panginoong Diyos! Sinasabi nila sa akin, ‘Hindi ba siya'y mangkakatha ng mga talinghaga?’”
Sa Punong Mang-aawit. Isang Awit. Isang Salmo.
66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Diyos, buong lupa;
2 awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan;
gawin ninyong maluwalhati ang pagpupuri sa kanya!
3 Inyong sabihin sa Diyos, “Kakilakilabot ang iyong mga gawa!
Dahil sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan, ang iyong kaaway ay pakunwaring susunod sa iyo.
4 Sasamba sa iyo ang buong mundo;
aawit sila ng papuri sa iyo,
aawit ng mga papuri sa pangalan mo.” (Selah)
5 Halikayo at tingnan ang ginawa ng Diyos:
siya'y kakilakilabot sa kanyang mga gawa sa gitna ng mga tao.
6 Kanyang(A) ginawang tuyong lupa ang dagat;
ang mga tao'y tumawid sa ilog nang naglalakad.
Doon ay nagalak kami sa kanya,
7 siya'y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman;
ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa—
huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila. (Selah)
8 O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan,
ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan,
9 na umaalalay sa amin kasama ng mga buháy,
at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa.
10 Sapagkat ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin;
sinubok mo kami na gaya ng pagsubok sa pilak.
11 Iyong inilagay kami sa lambat;
nilagyan mo ng malupit na pasan ang aming mga balikat.
12 Hinayaan mong sakyan ng mga tao ang aming mga ulo;
kami ay dumaan sa apoy at sa tubig;
at dinala mo kami sa kasaganaan.
13 Ako'y papasok sa iyong bahay na may dalang mga handog na susunugin,
ang mga panata ko sa iyo ay aking tutuparin,
14 na sinambit ng aking mga labi,
at ipinangako ng aking bibig, nang ako ay nasa pagkaligalig.
15 Hahandugan kita ng mga handog na sinusunog na mga pinataba,
na may usok ng handog na tupa;
ako'y maghahandog ng mga toro at mga kambing. (Selah)
16 Kayo'y magsiparito at inyong dinggin, kayong lahat na natatakot sa Diyos,
at ipahahayag ko kung ano ang kanyang ginawa para sa aking kaluluwa.
17 Ako'y dumaing sa kanya ng aking bibig,
at siya'y pinuri ng aking dila.
18 Kung iningatan ko ang kasamaan sa aking puso,
ang Panginoon ay hindi makikinig.
19 Ngunit tunay na nakinig ang Diyos;
kanyang dininig ang tinig ng aking panalangin.
20 Purihin ang Diyos,
sapagkat hindi niya tinanggihan ang aking panalangin
ni inalis ang kanyang tapat na pag-ibig sa akin!
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Isang Salmo. Isang Awit.
67 Ang Diyos nawa'y mahabag sa atin at tayo'y pagpalain,
at pagliwanagin nawa niya ang kanyang mukha sa atin, (Selah)
2 upang ang iyong daan ay malaman sa lupa,
ang iyong pagliligtas sa lahat ng mga bansa.
3 Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan!
4 Ang mga bansa nawa'y magalak at umawit sa kagalakan,
sapagkat iyong hahatulan na may katarungan ang mga bayan,
at ang mga bansa sa lupa ay papatnubayan. (Selah)
5 Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan.
6 Nagbigay ng kanyang bunga ang lupa;
ang Diyos, ang ating Diyos, sa atin ay nagpala;
7 Ang Diyos ang sa amin ay nagpala;
matakot sa kanya ang lahat ng mga dulo ng lupa!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001