M’Cheyne Bible Reading Plan
Si David ay Ginawang Hari sa Juda
2 Pagkatapos nito, sumangguni si David sa Panginoon, “Pupunta ba ako sa alinman sa mga lunsod ng Juda?” At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Pumunta ka.” At sinabi ni David, “Saan ako pupunta?” At kanyang sinabi, “Sa Hebron.”
2 Kaya't(A) pumunta roon si David, at pati ang kanyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga-Jezreel, at si Abigail na balo ni Nabal, na taga-Carmel.
3 Iniahon ni David ang kanyang mga tauhang kasama niya, bawat isa'y kasama ang kanyang sambahayan; at sila'y nanirahan sa mga bayan ng Hebron.
4 Dumating(B) ang mga lalaki ng Juda, at kanilang binuhusan ng langis si David upang maging hari sa sambahayan ng Juda. Nang kanilang sabihin kay David, “Ang mga lalaki sa Jabes-gilead ang siyang naglibing kay Saul,”
5 nagpadala ng mga sugo si David sa mga lalaki sa Jabes-gilead, at sinabi sa kanila, “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon, sapagkat kayo'y nagpakita ng ganitong katapatan kay Saul na inyong panginoon, at inyong inilibing siya!
6 Ngayon nawa'y pagpakitaan kayo ng Panginoon ng wagas na pag-ibig at katapatan! Gagawan ko naman kayo ng mabuti sapagkat ginawa ninyo ang bagay na ito.
7 Ngayon nga, lumakas nawa ang inyong mga kamay, at kayo nawa'y maging matatapang, sapagkat patay na si Saul na inyong panginoon, at ako'y binuhusan ng langis ng sambahayan ni Juda upang maging hari sa kanila.”
Si Isboset ay Ginawang Hari ng Israel
8 Samantala, kinuha ni Abner na anak ni Ner, na pinuno sa hukbo ni Saul, si Isboset na anak ni Saul, at dinala sa Mahanaim;
9 at kanyang ginawa siyang hari sa Gilead, sa mga Asureo, sa Jezreel, sa Efraim, sa Benjamin, at sa buong Israel.
10 Si Isboset na anak ni Saul ay apatnapung taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari sa Israel, at siya'y naghari sa loob ng dalawang taon. Ngunit ang sambahayan ni Juda ay sumunod kay David.
11 Si David ay naghari sa Hebron sa sambahayan ni Juda ng pitong taon at anim na buwan.
Digmaan ng Israel at Juda
12 Si Abner na anak ni Ner, at ang mga lingkod ni Isboset na anak ni Saul ay pumunta sa Gibeon mula sa Mahanaim.
13 At si Joab na anak ni Zeruia, at ang mga lingkod ni David ay lumabas at sinalubong sila sa tabi ng tipunan ng tubig sa Gibeon; at sila'y umupo, na ang isa'y sa isang dako ng tipunan ng tubig, at ang isa'y sa kabilang dako ng tipunan ng tubig.
14 Sinabi ni Abner kay Joab, “Patayuin mo ang mga kabataan at magpaligsahan sa harap natin.” At sinabi ni Joab, “Hayaan silang tumayo.”
15 Kaya't sila'y tumindig at tumawid ayon sa bilang; labindalawa para kina Benjamin at Isboset na anak ni Saul, at labindalawa sa mga lingkod ni David.
16 At hinawakan ng bawat isa sa kanila ang ulo ng kanyang kaaway, at ibinaon ang kanyang tabak sa tagiliran ng kanyang kaaway; kaya't sama-sama silang nabuwal. Kaya't ang lugar na iyon ay tinatawag na Helcatasurim[a] na nasa Gibeon.
17 At ang labanan ay naging matindi nang araw na iyon. Si Abner at ang mga lalaki ng Israel ay natalo sa harap ng mga lingkod ni David.
18 At naroon ang tatlong anak ni Zeruia, sina Joab, Abisai at Asahel. Si Asahel ay matulin ang paa na gaya ng mailap na usa;
19 at hinabol ni Asahel si Abner at sa kanyang pagtakbo, siya'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa man sa pagsunod kay Abner.
20 Nang magkagayo'y lumingon si Abner, at sinabi, “Ikaw ba'y si Asahel?” At siya'y sumagot: “Ako nga.”
21 Sinabi ni Abner sa kanya, “Lumiko ka sa iyong kanan o sa iyong kaliwa, at hulihin mo ang isa sa mga kabataan, at kunin mo ang kanyang samsam.” Ngunit ayaw ni Asahel na humiwalay sa pagsunod sa kanya.
22 At muling sinabi ni Abner kay Asahel, “Huminto ka sa pagsunod sa akin. Bakit ba kita ibubulagta sa lupa? Paano ko nga maitataas ang aking mukha kay Joab na iyong kapatid?”
23 Ngunit tumanggi siyang lumihis kaya't inulos siya ni Abner sa tiyan sa pamamagitan ng dulo ng sibat, at ang sibat ay naglagos sa likod niya. Siya'y nabuwal at namatay sa kanyang kinaroroonan. Lahat nang dumating sa lugar na kinabuwalan at kinamatayan ni Asahel ay napahinto.
24 Ngunit tinugis nina Joab at Abisai si Abner; at nang ang araw ay papalubog na sila'y dumating sa burol ng Ama, na nasa harap ng Gia sa tabi ng daan patungo sa ilang ng Gibeon.
25 Ang mga anak ng Benjamin ay nagkatipon sa likuran ni Abner, at naging isang pulutong, at tumayo sa tuktok ng isang burol.
26 Nang magkagayo'y tinawag ni Abner si Joab, at sinabi, “Mananakmal ba ang tabak magpakailanman? Nalalaman mo ba na ang katapusan ay magiging mapait? Hanggang kailan nga bago mo sasawayin ang bayan mula sa pagtugis sa kanilang mga kapatid?”
27 At sinabi ni Joab, “Buháy ang Diyos, kung hindi mo sana sinabi, tiyak na hindi inihinto ng mga lalaki ang paghabol sa kanilang mga kapatid hanggang sa kinaumagahan.”
28 Kaya't hinipan ni Joab ang trumpeta, at ang buong bayan ay tumigil at hindi na tinugis ang Israel, o sila man ay naglaban pa.
29 Si Abner at ang kanyang mga tauhan ay magdamag na dumaan sa Araba; at sila'y tumawid ng Jordan, at naglakad sa buong maghapon, at dumating sa Mahanaim.
30 Bumalik si Joab mula sa pagtugis kay Abner; at nang kanyang matipon ang buong bayan, may nawawala sa mga lingkod ni David na labinsiyam na lalaki bukod pa kay Asahel.
31 Ngunit ang napatay ng mga lingkod ni David sa Benjamin ay tatlong daan at animnapung lalaking mga tauhan ni Abner.
32 At kanilang kinuha si Asahel at inilibing siya sa libingan ng kanyang ama na nasa Bethlehem. Si Joab at ang kanyang mga tauhan ay magdamag na lumakad; dumating sila sa Hebron kinaumagahan.
Ang Pag-ibig
13 Kung ako'y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, subalit wala akong pag-ibig, ako'y nagiging isang maingay na pompiyang, o batingaw na umaalingawngaw.
2 At(A) kung mayroon akong kaloob ng propesiya, at nauunawaan ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman, at kung mayroon akong buong pananampalataya, upang mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan.
3 At kung ipamigay ko ang lahat ng aking ari-arian, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin,[a] subalit walang pag-ibig, wala akong mapapakinabang.
4 Ang pag-ibig ay matiisin at magandang-loob; ang pag-ibig ay hindi maiinggitin, o mapagmalaki o hambog;
5 hindi magaspang ang kilos. Hindi nito ipinipilit ang sariling kagustuhan, hindi mayayamutin, hindi nagtatala ng mga pagkakamali.
6 Hindi ito natutuwa sa masamang gawa, kundi natutuwa sa katotohanan.
7 Pinapasan nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, tinitiis ang lahat ng bagay.
8 Ang pag-ibig ay walang katapusan. Subalit maging mga propesiya ay matatapos; maging mga wika ay titigil; maging kaalaman ay lilipas.
9 Sapagkat ang nalalaman natin ay bahagi lamang at nagsasalita tayo ng propesiya nang bahagi lamang;
10 subalit kapag ang sakdal ay dumating, ang bahagi lamang ay magwawakas.
11 Nang ako'y bata pa, nagsasalita akong gaya ng bata, nag-iisip akong gaya ng bata, nangangatuwiran akong gaya ng bata. Ngayong ganap na ang aking pagkatao, ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata.
12 Sapagkat ngayo'y malabo nating nakikita sa isang salamin, ngunit pagkatapos nito ay makikita natin nang mukhaan. Ngayo'y bahagi lamang ang nalalaman ko, ngunit pagkatapos ay lubos kong mauunawaan kung papaanong ako ay lubos na nakikilala.
13 At ngayon ay nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Pinatay ang Masasamang Pinuno
11 Bukod dito'y, itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa silangang pintuan ng bahay ng Panginoon, na nakaharap sa dakong silangan. Sa pasukan ng pintuan ay mayroong dalawampu't limang lalaki. At nakita ko na kasama nila si Jaazanias na anak ni Azur, at si Pelatias na anak ni Benaya, na mga pinuno ng bayan.
2 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ito ang mga lalaki na nagbabalak ng kasamaan, at nagbibigay ng masamang payo sa lunsod na ito;
3 na nagsasabi, ‘Hindi pa malapit ang panahon sa pagtatayo ng mga bahay; ang lunsod na ito ang kaldero, at tayo ang karne.’
4 Kaya't magsalita ka ng propesiya laban sa kanila, magsalita ka ng propesiya, O anak ng tao.”
5 Ang Espiritu ng Panginoon ay dumating sa akin, at sinabi niya sa akin, “Sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoon: Ito ang inyong iniisip, O sambahayan ni Israel; nalalaman ko ang mga bagay na pumasok sa inyong isip.
6 Pinarami ninyo ang inyong pinatay sa lunsod na ito, at inyong pinuno ang mga lansangan nito ng mga patay.
7 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang inyong mga patay na ibinulagta ninyo sa gitna nito ay mga karne, at ang lunsod na ito ay siyang kaldero; ngunit kayo'y ilalabas ko sa gitna nito.
8 Kayo'y natakot sa tabak at aking pararatingin ang tabak sa inyo, sabi ng Panginoong Diyos.
9 At aking ilalabas kayo sa gitna ng lunsod, at ibibigay ko kayo sa mga kamay ng mga dayuhan, at maglalapat ako ng mga hatol sa inyo.
10 Kayo'y mamamatay sa pamamagitan ng tabak. Aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
11 Ang lunsod na ito ay hindi magiging inyong kaldero, o kayo man ay magiging karne sa gitna nito. Aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel.
12 At inyong malalaman na ako ang Panginoon, na ang mga tuntunin ay hindi ninyo sinunod, o inyo mang isinagawa ang aking mga batas, kundi kayo'y namuhay ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansa na nasa palibot ninyo.”
13 Nang ako'y nagsasalita ng propesiya, si Pelatias na anak ni Benaya ay namatay. Nang magkagayo'y nasubasob ako, at ako'y sumigaw nang malakas, at aking sinabi, “Ah, Panginoong Diyos! Ganap mo na bang tatapusin ang nalabi ng Israel?”
Muling Titipunin ang mga Labi ng Israel
14 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
15 “Anak ng tao, ang iyong mga kapatid, ang iyong sariling mga kamag-anak, ang kapwa mo mga bihag, ang buong sambahayan ni Israel, silang lahat ay ang mga pinagsabihan ng mga naninirahan sa Jerusalem, ‘Lumayo na sila nang malayo sa Panginoon; sa amin ay ibinigay ang lupaing ito bilang ari-arian.’
16 Kaya't iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Bagaman sila'y aking inilayo sa gitna ng mga bansa, at bagaman ikinalat ko sila sa gitna ng mga lupain, gayunman ako'y naging santuwaryo nila sa sandaling panahon sa mga lupain na kanilang pinuntahan.’
17 Kaya't iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Aking titipunin kayo mula sa mga bayan, at sa mga lupain na inyong pinangalatan, at aking ibibigay sa inyo ang lupain ng Israel.’
18 At kapag sila'y pumaroon, kanilang aalisin ang lahat na karumaldumal na mga bagay roon, at ang lahat ng kasuklamsuklam niyon.
19 Bibigyan(A) ko sila ng isang puso, at lalagyan ko sila ng bagong espiritu. Aalisin ang batong puso sa kanilang laman, at aking bibigyan sila ng pusong laman,
20 upang sila'y makasunod sa aking mga tuntunin, at maganap ang aking mga batas at magawa ang mga iyon. Sila'y magiging aking bayan at ako'y magiging kanilang Diyos.
21 Ngunit tungkol sa kanila na ang puso ay sumunod ayon sa kanilang mga karumaldumal na mga bagay, at sa kanilang mga kasuklamsuklam, aking dadalhin ang kanilang mga gawa sa ibabaw ng kanilang sariling mga ulo, sabi ng Panginoong Diyos.”
Inalis ng Panginoon ang Kanyang Kaluwalhatian sa Jerusalem
22 Pagkatapos(B) nito, itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak at ang mga gulong na nasa tabi nila; at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas ng mga iyon.
23 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumailanglang mula sa gitna ng lunsod, at huminto sa ibabaw ng bundok na nasa dakong silangan ng lunsod.
24 Itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa pangitain sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos sa mga bihag na nasa Caldea. At iniwan ako ng pangitain na aking nakita.
25 At sinabi ko sa mga bihag ang lahat ng mga bagay na ipinakita sa akin ng Panginoon.
Ang Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
ay nagsalita at tinatawag ang lupa
mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
2 Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
nagliliwanag ang Diyos.
3 Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
4 Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
5 “Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
6 Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)
7 “Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
Ako'y Diyos, Diyos mo.
8 Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
9 Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.
12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”
16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
“Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
at sumasama ka sa mga mangangalunya.
19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.
22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001