Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 11

Nagapi ni Saul ang mga Ammonita

11 Pagkalipas ng halos isang buwan[a] sumalakay si Nahas na Ammonita at kinubkob ang Jabes-gilead; at sinabi kay Nahas ng lahat ng lalaki sa Jabes, “Makipagkasundo ka sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.”

Ngunit sinabi ni Nahas na Ammonita sa kanila, “Makikipagkasundo ako sa inyo kung ipadudukit ninyo sa akin ang inyong mga kanang mata upang mailagay sa kahihiyan ang buong Israel.”

At sinabi sa kanya ng matatanda ng Jabes, “Bigyan mo kami ng palugit na pitong araw upang kami ay makapagpadala ng mga sugo sa buong nasasakupan ng Israel. At kung wala ngang magliligtas sa amin, ibibigay namin ang aming sarili sa iyo.”

Nang dumating sa Gibea ang mga sugo kay Saul, ibinalita nila ang bagay na ito sa pandinig ng taong-bayan at ang buong bayan ay umiyak nang malakas.

Noon, si Saul ay dumarating mula sa bukid sa hulihan ng mga baka; at sinabi ni Saul, “Anong nangyayari sa taong-bayan at sila'y umiiyak?” Kaya't kanilang sinabi sa kanya ang balita ng mga lalaki mula sa Jabes.

At ang Espiritu ng Diyos ay makapangyarihang lumukob kay Saul nang kanyang marinig ang mga salitang iyon, at ang kanyang galit ay lubhang nag-alab.

Siya'y kumuha ng dalawang magkatuwang na baka at kanyang kinatay, at ipinadala niya ang mga piraso sa lahat ng nasasakupan ng Israel sa pamamagitan ng mga sugo, na sinasabi, “Sinumang hindi lumabas upang sumunod kina Saul at Samuel ay ganito rin ang gagawin sa kanyang mga baka.” At ang takot sa Panginoon ay dumating sa mga tao, at sila'y lumabas na parang iisang tao.

Nang kanyang tipunin sila sa Bezec, ang mga anak ni Israel ay tatlongdaang libo, at ang mga lalaki ng Juda ay tatlumpung libo.

At sinabi nila sa mga sugong dumating, “Ganito ang inyong sasabihin sa mga lalaki sa Jabes-gilead, ‘Bukas, sa kainitan ng araw ay magkakaroon ng kaligtasan.’” Nang dumating ang mga sugo at sabihin sa mga lalaki sa Jabes, sila ay natuwa.

10 Kaya't sinabi ng mga lalaki sa Jabes, “Bukas ay ibibigay namin ang aming sarili sa inyo at maaari ninyong gawin sa amin ang lahat ng inaakala ninyong mabuti sa inyo.”

11 Kinabukasan, inilagay ni Saul ang taong-bayan sa tatlong pangkat. Sila'y pumasok sa gitna ng kampo nang mag-umaga na, at pinatay ang mga Ammonita hanggang sa kainitan ng araw. Ang mga nalabi ay nangalat, anupa't walang dalawang naiwang magkasama.

12 At sinabi ng taong-bayan kay Samuel, “Sino ba ang nagsabi, ‘Maghahari ba si Saul sa amin?’ Dalhin dito ang mga taong iyon upang aming patayin sila.”

13 Ngunit sinabi ni Saul, “Walang taong papatayin sa araw na ito, sapagkat ngayo'y gumawa ang Panginoon ng pagliligtas sa Israel.”

14 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel sa taong-bayan, “Halikayo at tayo'y pumunta sa Gilgal, at doon ay ating ibabalik ang kaharian.”

15 At ang buong bayan ay pumunta sa Gilgal at doo'y ginawa nilang hari sa Gilgal si Saul sa harapan ng Panginoon. Doon ay nag-alay sila ng handog pangkapayapaan sa harapan ng Panginoon. Si Saul at ang lahat ng mga lalaki ng Israel ay labis na nagalak doon.

Roma 9

Ang Pagkahirang ng Diyos sa Israel

Sinasabi ko ang katotohanang na kay Cristo; hindi ako nagsisinungaling, ito'y pinatotohanan ng aking budhi sa pamamagitan ng Espiritu Santo,

na mayroon akong malaking kalungkutan at walang tigil na kirot sa aking puso.

Sapagkat mamagalingin ko pang ako ay sumpain at mawalay kay Cristo alang-alang sa aking mga kapatid, na aking mga kamag-anak ayon sa laman.

Sila'y(A) mga Israelita, na sa kanila ang pagkukupkop, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagtanggap sa kautusan, at ang pagsamba at ang mga pangako;

sa kanila ang mga patriyarka, at sa kanila nagmula ang Cristo ayon sa laman, na siyang nangingibabaw sa lahat, Diyos na maluwalhati magpakailanman. Amen.

Subalit hindi sa ang salita ng Diyos ay nabigo. Sapagkat hindi lahat ng buhat sa Israel ay kabilang sa Israel;

ni(B) hindi rin dahil sila'y binhi ni Abraham ay mga anak na silang lahat, kundi, “Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi.”

Samakatuwid, ay hindi mga anak sa laman ang mga anak ng Diyos, kundi ang mga anak ng pangako ay siyang itinuturing bilang binhi.

Sapagkat(C) ito ang salita ng pangako, “Sa mga ganito ring panahon ay darating ako, at magkakaroon si Sarah ng isang anak na lalaki.”

10 At hindi lamang iyon; kundi gayundin kay Rebecca nang siya'y naglihi sa pamamagitan ng isang lalaki, na si Isaac na ating ama.

11 Sapagkat bagaman ang mga anak ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakakagawa ng anumang mabuti o masama, (upang ang layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa pagpili,

12 na(D) hindi sa pamamagitan ng mga gawa, kundi doon sa tumatawag) ay sinabi sa kanya, “Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.”

13 Gaya(E) ng nasusulat,

“Si Jacob ay aking minahal,
    ngunit si Esau ay aking kinasuklaman.”

14 Ano nga ang ating sasabihin? May kawalang-katarungan ba sa Diyos? Huwag nawang mangyari.

15 Sapagkat(F) sinasabi niya kay Moises,

“Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan,
    at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan.”

16 Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos.

17 Sapagkat(G) sinasabi ng kasulatan kay Faraon, “Dahil sa layuning ito, ay itinaas kita, upang aking maipakita sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangalan ay maipahayag sa buong lupa.”

18 Kaya nga siya'y may awa sa kanyang maibigan, at kanyang pinagmamatigas ang puso ng sinumang kanyang maibigan.

Ang Poot at Habag ng Diyos

19 Kaya't sasabihin mo sa akin, “Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagkat sino ang makakasalungat sa kanyang kalooban?”

20 Ngunit,(H) sino ka, O tao, na makikipagtalo sa Diyos? Sasabihin ba ng bagay na hinubog doon sa humubog sa kanya, “Bakit mo ako ginawang ganito?”

21 O wala bang karapatan ang magpapalayok sa luwad, upang gumawa mula sa iisang limpak ng isang sisidlan para sa marangal na gamit at ang isa'y para sa pangkaraniwang gamit?

22 Ano nga kung sa pagnanais ng Diyos na ipakita ang kanyang poot, at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, ay nagtitiis na may pagtitiyaga sa mga kinapopootan niya[a] na inihanda para sa pagkawasak;

23 upang maipakilala niya ang kayamanan ng kanyang kaluwalhatian sa mga kinaaawaan,[b] na kanyang inihanda nang una pa para sa kaluwalhatian,

24 maging sa atin na kanyang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula rin sa mga Hentil?

25 Gaya(I) naman ng sinasabi niya sa Hoseas,

“Tatawagin kong ‘aking bayan’ ang hindi ko dating bayan;
    at ‘minamahal’ ang hindi dating minamahal.”
26 “At(J) mangyayari, na sa lugar na kung saan ay sinabi sa kanila, ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
    doon sila tatawaging ‘mga anak ng Diyos na buháy.’”

27 At(K) si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, “Bagaman ang bilang ng mga anak ng Israel ay maging tulad ng buhangin sa dagat, ang nalalabi lamang ang maliligtas:

28 sapagkat mabilis at tiyak na isasagawa ng Panginoon ang kanyang salita sa lupa.”

29 At(L) gaya ng sinabi nang una ni Isaias,

“Kung hindi nag-iwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo,
    tayo'y naging katulad sana ng Sodoma,
    at naging gaya ng Gomorra.”

Ang Israel at ang Ebanghelyo

30 Ano nga ang ating sasabihin? Ang mga Hentil na hindi nagsumikap sa katuwiran ay nagkamit ng katuwiran, samakatuwid ay katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya;

31 ngunit ang Israel na nagsusumikap sa katuwiran sa pamamagitan ng kautusan, ay hindi nakaabot sa pagsunod sa kautusang iyon.

32 Bakit? Sapagkat hindi nila pinagsikapan iyon batay sa pananampalataya, kundi batay sa mga gawa. Sila'y natisod sa batong katitisuran,

33 gaya ng nasusulat,

“Tingnan ninyo,(M) inilalagay ko sa Zion ang isang batong ikabubuwal at batong katitisuran,
    at ang sumasampalataya sa kanya'y hindi malalagay sa kahihiyan.”

Jeremias 48

Ang Pagkawasak ng Moab

48 Tungkol(A) sa Moab.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel:

“Kahabag-habag ang Nebo sapagkat ito'y winasak!
    Ang Kiryataim ay nalagay sa kahihiyan, ito'y nasakop;
ang mataas na tanggulan ay nalagay sa kahihiyan at nawasak.
    Wala nang papuri para sa Moab.
Sa Hesbon ay nagbalak sila ng kasamaan laban sa kanya:
    ‘Halikayo, at ihiwalay natin siya sa pagiging bansa!’
Ikaw rin, O Madmen, ay dadalhin sa katahimikan;
    hahabulin ka ng tabak.

“Makinig! Isang sigaw mula sa Horonaim,
    ‘Pagkasira at malaking pagkawasak!’
Ang Moab ay wasak;
    ang kanyang maliliit ay sumisigaw.
Sapagkat sa gulod ng Luhith
    ay umaahon sila na umiiyak;
sapagkat sa paglusong sa Horonaim
    ay narinig nila ang sigaw ng pagkawasak.
Tumakas kayo, iligtas ninyo ang inyong mga buhay!
    Kayo'y maging gaya ng mailap na asno sa ilang.

Sapagkat, yamang ikaw ay nagtiwala sa iyong mga tanggulan at sa iyong mga kayamanan,
    ikaw man ay kukunin rin;
at si Cemos ay tutungo sa pagkabihag,
    kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno.
Ang manglilipol ay darating sa bawat lunsod,
    at walang lunsod na makakatakas;
ang libis ay wawasakin,
    at ang kapatagan ay masisira,
    gaya ng sinabi ng Panginoon.

“Bigyan ng mga pakpak ang Moab,
    upang siya'y makalipad papalayo;
ang kanyang mga lunsod ay masisira,
    na walang maninirahan sa mga iyon.

10 “Sumpain nawa siya na may kapabayaang gumagawa ng gawain ng Panginoon; at sumpain siya na iniuurong ang kanyang tabak sa pagdanak ng dugo.

11 “Ang Moab ay tiwasay mula sa kanyang kabataan,
    at nagpahinga sa kanyang mga latak,
hindi pa siya isinasalin mula sa isang sisidlan patungo sa isa pa,
    ni dinala man siya sa pagkabihag:
kaya't narito, ang kanyang lasa ay nananatili sa kanya,
    at ang kanyang bango ay hindi pa nababago.

12 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magsusugo sa kanya ng mga magtutumba, at siya'y kanilang itutumba, at aalisin nila ang laman ng kanyang mga sisidlan, at magdudurog ng kanilang mga banga.

13 Kung gayo'y ikahihiya ng Moab si Cemos, kung paanong ang sambahayan ni Israel ay ikinahiya ang Bethel, na kanilang pinagtiwalaan.

14 “Paano ninyo nasasabi, ‘Kami ay malalakas na mandirigma,
    at magigiting na lalaki sa labanan’?
15 Ang Moab ay winasak at ang mga tao ay umahon sa kanyang mga lunsod;
    at ang kanyang mga piling kabataan ay nagsibaba sa katayan,
sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.
16 Ang pagkasalanta ng Moab ay malapit nang dumating,
    at ang kanyang pagkapinsala ay nagmamadali.
17 Tangisan ninyo siya, kayong lahat na nasa palibot niya,
    at ninyong lahat na nakakakilala sa kanyang pangalan;
inyong sabihin, ‘Paanong nabali ang makapangyarihang setro,
    ang maluwalhating tungkod!’

18 “Bumaba ka mula sa inyong kaluwalhatian,
    at umupo ka sa tigang na lupa,
    O anak na babae na nakatira sa Dibon!
Sapagkat ang manglilipol ng Moab ay umahon laban sa iyo,
    giniba niya ang iyong mga muog.
19 Tumayo ka sa tabing daan at magmasid,
    O mamamayan ng Aroer!
Tanungin mo siya na tumatakbo at siya na tumatakas;
    iyong sabihin, ‘Ano ang nangyari?’
20 Ang Moab ay nalagay sa kahihiyan; sapagkat ito'y nagiba;
    kayo ay tumangis at sumigaw!
Sabihin ninyo sa may Arnon,
    na ang Moab ay winasak na.

21 “Ang hatol ay dumating din sa kapatagan, sa Holon, Jaza, at laban sa Mefaat,

22 sa Dibon, Nebo, at Bet-diblataim,

23 laban sa Kiryataim, Bet-gamul, at Bet-meon;

24 laban sa Kiryot, Bosra, at sa lahat ng bayan ng lupain ng Moab, malayo at malapit.

25 Ang sungay ng Moab ay naputol, at ang kanyang bisig ay nabali, sabi ng Panginoon.

26 “Lasingin ninyo siya, sapagkat siya'y nagmalaki laban sa Panginoon; upang ang Moab ay maglubalob sa kanyang suka, at siya man ay magiging katatawanan.

27 Hindi ba naging katatawanan ang Israel sa iyo? Siya ba'y natagpuang kasama ng mga magnanakaw, na tuwing pag-uusapan ninyo siya ay napapailing ka?

28 “Iwan ninyo ang mga lunsod, at kayo'y manirahan sa malaking bato;
    O mga mamamayan ng Moab.
Maging gaya kayo ng kalapati na nagpupugad
    sa mga tabi ng bunganga ng bangin.
29 Nabalitaan namin ang kapalaluan ng Moab,
    labis niyang ipinagmamalaki
ang kanyang kataasan, ang kanyang kapalaluan, ang kanyang kahambugan,
    at ang kayabangan ng kanyang puso.
30 Alam ko ang kanyang bagsik, sabi ng Panginoon,
    ngunit iyon ay walang kabuluhan,
    ang kanyang kahambugan ay walang nagawa.
31 Kaya't tatangisan ko ang Moab;
    ako'y sisigaw para sa buong Moab,
    nagluluksa ako para sa mga tao ng Kir-heres.
32 Tatangis ako para sa iyo nang higit kaysa pagtangis ko sa Jazer,
    O punong ubas ng Sibma!
Ang iyong mga sanga ay lumampas sa dagat,
    at umabot hanggang sa Jazer,[a]
sa iyong mga bungang tag-init at sa iyong ani
    ay dumaluhong ang manglilipol.
33 Kaya't ang tuwa at kagalakan ay inalis
    sa mabungang lupain, sa lupain ng Moab;
aking pinatigil ang alak sa mga pisaan ng alak;
    walang pumipisa nito na may mga sigaw ng kagalakan;
    ang sigawan ay hindi sigawan ng kagalakan.

34 “Ang Hesbon at Eleale ay sumisigaw; hanggang sa Jahaz ay naglakas sila ng kanilang tinig, mula sa Zoar hanggang sa Horonaim at sa Eglat-shelishiya. Sapagkat ang tubig ng Nimrim ay mawawasak din.

35 At wawakasan ko sa Moab, sabi ng Panginoon, ang naghahandog sa mataas na dako, at nagsusunog ng insenso sa kanyang mga diyos.

36 Kaya't ang aking puso ay tumatangis na gaya ng plauta dahil sa Moab, at ang aking puso ay tumatangis na gaya ng plauta dahil sa mga lalaki sa Kir-heres; kaya't ang kayamanan na kanilang tinamo ay naglaho.

37 “Sapagkat bawat ulo ay inahit, at bawat balbas ay ginupit; sa lahat ng mga kamay ay may mga kudlit, at sa mga baywang ay may damit-sako.

38 Sa lahat ng mga bubungan ng Moab at sa mga liwasan ay pawang mga panaghoy; sapagkat aking binasag ang Moab na parang sisidlan na walang nagmamalasakit, sabi ng Panginoon.

39 Ito'y wasak na wasak! Napakalakas ng kanilang pagtangis! Ang Moab ay tumalikod sa kahihiyan! Kaya't ang Moab ay naging tampulan ng pagkutya at panghihilakbot sa lahat ng nasa palibot niya.”

40 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:

“Narito, may lilipad na kasimbilis ng agila
    at magbubuka ng kanyang mga pakpak laban sa Moab.
41 Ang Kiryot ay nasakop
    at ang mga muog ay naagaw.
Sa araw na iyon, ang puso ng mga mandirigma ng Moab
    ay magiging parang puso ng babaing manganganak.
42 Ang Moab ay mawawasak at hindi na magiging isang bayan,
    sapagkat siya'y nagmalaki laban sa Panginoon.
43 Sindak, hukay, at bitag
    ay nasa harapan mo, O naninirahan sa Moab, sabi ng Panginoon.
44 Siyang tumatakas sa pagkasindak
    ay mahuhulog sa hukay,
at siyang umaahon sa hukay
    ay mahuhuli ng bitag.
Sapagkat dadalhin ko ang mga bagay na ito sa Moab,
    sa taon ng kanilang kaparusahan, sabi ng Panginoon.

45 “Ang mga nagsisitakas ay humintong walang lakas
    sa lilim ng Hesbon,
sapagkat may apoy na lumabas sa Hesbon,
    isang alab mula sa bahay ng Sihon.
Nilamon nito ang noo ng Moab,
    ang tuktok ng mga anak ng kaguluhan.
46 Kahabag-habag ka, O Moab!
    Ang bayan ni Cemos ay wala na;
sapagkat ang iyong mga anak na lalaki ay dinalang-bihag,
    at ang iyong mga anak na babae ay dinala sa pagkabihag.
47 Gayunma'y panunumbalikin ko ang kapalaran ng Moab
    sa mga huling araw, sabi ng Panginoon.”
Hanggang dito ang hatol sa Moab.

Mga Awit 25

Awit ni David.

25 Sa iyo, Panginoon, itinataas ko ang aking kaluluwa.
O Diyos ko, sa iyo ako nagtitiwala,
    huwag nawa akong mapahiya;
    ang aking mga kaaway, sa akin ay huwag nawang magkatuwa.
Oo, huwag nawang mapahiya ang lahat ng sa iyo'y naghihintay,
    mapahiya nawa ang mga gumagawa ng kataksilan nang walang dahilan.

Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Panginoon;
    ituro mo sa akin ang iyong mga landas.
Akayin mo ako sa iyong katotohanan, ako'y iyong turuan,
    sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
    sa iyo'y naghihintay ako nang buong araw.

Alalahanin mo, O Panginoon, ang iyong kahabagan, at ang iyong tapat na pag-ibig,
    sapagkat ang mga iyon ay mula pa nang unang kapanahunan.
Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsuway;
    ayon sa iyong wagas na pag-ibig ay alalahanin mo ako,
    O Panginoon, alang-alang sa iyong kabutihan!

Ang Panginoon ay mabuti at makatarungan,
    kaya't tinuturuan niya ang mga makasalanan tungkol sa daan.
Pinapatnubayan niya ang mapagpakumbaba tungkol sa katuwiran,
    at itinuturo sa mapagpakumbaba ang kanyang daan.
10 Lahat ng landas ng Panginoon ay wagas na pag-ibig at katapatan,
    para sa mga nag-iingat ng kanyang mga patotoo at kanyang tipan.

11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon,
    ipagpatawad mo ang aking kasalanan, sapagkat ito ay malaking tunay.
12 Sino ang taong natatakot sa Panginoon?
    Siya ang tuturuan niya sa daan na dapat niyang piliin.

13 Siya mismo ay mananahan sa kasaganaan,
    at aangkinin ng kanyang mga anak ang lupain.
14 Ang pakikipagkaibigan ng Panginoon ay para sa mga natatakot sa kanya,
    at ang kanyang tipan ay ipinaaalam niya sa kanila.
15 Palaging nasa Panginoon ang aking mga mata,
    sapagkat mula sa lambat ay hihilahin niya ang aking mga paa.

16 Manumbalik ka sa akin, at ako'y kahabagan,
    sapagkat ako'y nalulungkot at nahihirapan.
17 Kabagabagan ng aking puso ay iyong pawiin,
    at sa aking kapanglawan ako ay hanguin.
18 Isaalang-alang mo ang aking kapighatian at kaguluhan,
    at patawarin mo ang lahat kong mga kasalanan.

19 Isaalang-alang mo kung gaano karami ang aking mga kaaway,
    at kung anong marahas na poot, ako'y kanilang kinamumuhian.
20 O bantayan mo ang aking buhay, at iligtas mo ako;
    huwag nawa akong ipahiya, sapagkat nanganganlong ako sa iyo.
21 Nawa'y maingatan ako ng katapatan at katuwiran,
    sapagkat sa iyo ako'y naghihintay.

22 Tubusin mo ang Israel, O Diyos,
    mula sa lahat ng kanyang kabalisahan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001