Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 16

Si David ay Hinirang Bilang Hari

16 Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Hanggang kailan mo iiyakan si Saul gayong itinakuwil ko na siya sa pagiging hari sa Israel? Punuin mo ng langis ang iyong sungay at humayo ka. Isusugo kita kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat ako'y naglaan para sa aking sarili ng isang hari mula sa kanyang mga anak na lalaki.”

Sinabi ni Samuel, “Paano ako makakapunta? Kapag iyon ay nabalitaan ni Saul, papatayin niya ako.” At sinabi ng Panginoon, “Magdala ka ng isang dumalagang baka at iyong sabihin, ‘Ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon.’

At anyayahan mo si Jesse sa paghahandog at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin. Bubuhusan mo ng langis para sa akin ang sa iyo'y aking sasabihin.”

Ginawa ni Samuel ang iniutos ng Panginoon at nagtungo sa Bethlehem. Ang matatanda sa bayan ay dumating upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, “Dumating ka bang may kapayapaan?”

At kanyang sinabi, “May kapayapaan; ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon. Italaga ninyo ang inyong mga sarili at sumama kayo sa akin sa paghahandog.” At itinalaga niya si Jesse at ang kanyang mga anak at inanyayahan sila sa paghahandog.

Nang sila'y dumating, siya'y tumingin kay Eliab, at sinabi sa sarili, “Tunay na ang hinirang[a] ng Panginoon ay nasa harap niya.”

Ngunit sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Huwag mong tingnan ang kanyang mukha, o ang taas ng kanyang tindig sapagkat itinakuwil ko siya. Sapagkat hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”

Pagkatapos ay tinawag ni Jesse si Abinadab, at pinaraan niya sa harapan ni Samuel. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”

At pinaraan ni Jesse si Shammah. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”

10 Pinaraan ni Jesse ang pito sa kanyang mga anak sa harapan ni Samuel. At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Hindi pinili ng Panginoon ang mga ito.”

11 Sinabi ni Samuel kay Jesse, “Narito bang lahat ang iyong mga anak?” At kanyang sinabi, “Natitira pa ang bunso, ngunit siya'y nag-aalaga ng mga tupa.” At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Ipasundo mo siya, sapagkat hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito.”

12 Siya'y nagpasugo at sinundo siya roon. Siya ay may mapupulang pisngi, magagandang mata at makisig. At sinabi ng Panginoon, “Tumindig ka, buhusan mo siya ng langis sapagkat siya na nga.”

13 Kaya't kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at binuhusan siya sa gitna ng kanyang mga kapatid. At ang Espiritu ng Panginoon ay dumating na may kapangyarihan kay David mula sa araw na iyon. At tumindig si Samuel at pumunta sa Rama.

Si David sa Palasyo ng Hari

14 Ngayon, ang Espiritu ng Panginoon ay humiwalay kay Saul at isang masamang espiritu mula sa Panginoon ang nagpahirap sa kanya.

15 At sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kanya, “Tingnan mo, may masamang espiritu mula sa Diyos na nagpapahirap sa iyo.

16 Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga lingkod, na nasa harapan mo, na humanap ng isang lalaki na bihasang tumugtog ng alpa. Kapag ang masamang espiritu mula sa Diyos ay nasa iyo, siya'y tutugtog at ikaw ay magiging mabuti.”

17 Kaya't sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalaking makakatugtog nang mabuti, at dalhin ninyo siya sa akin.”

18 Sumagot ang isa sa mga kabataang lingkod, “Aking nakita ang isang anak ni Jesse na taga-Bethlehem, na bihasa sa pagtugtog, at isang magiting na lalaki, mandirigma, mahinahong magsalita, makisig, at ang Panginoon ay kasama niya.”

19 Kaya't nagpadala ng mga sugo si Saul kay Jesse at sinabi, “Papuntahin mo rito sa akin ang iyong anak na si David na kasama ng mga tupa.”

20 Kumuha si Jesse ng isang asno na may pasang tinapay, alak sa isang sisidlang balat, isang batang kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kanyang anak.

21 At dumating si David kay Saul at pinasimulan ang kanyang paglilingkod. Minahal siya nang lubos ni Saul, at siya'y naging tagadala ng sandata niya.

22 Nagpasabi si Saul kay Jesse, “Hayaan mong manatili si David sa paglilingkod sa akin sapagkat siya'y nakatagpo ng biyaya sa aking paningin.”

23 Tuwing ang masamang espiritu mula sa Diyos ay darating kay Saul, kinukuha ni David ang alpa at tinutugtog ng kanyang kamay, at nagiginhawahan si Saul at ang masamang espiritu ay umaalis sa kanya.

Roma 14

Huwag Humatol sa Iyong Kapatid

14 Ngunit(A) ang mahina sa pananampalataya[a] ay tanggapin ninyo, hindi upang mag-away tungkol sa mga kuru-kuro.

May taong naniniwala na makakain ang lahat ng mga bagay; ngunit ang mahina ay kumakain ng mga gulay.

Huwag hamakin ng kumakain ang hindi kumakain; at ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain; sapagkat sila'y tinanggap ng Diyos.

Sino kang humahatol sa alipin ng iba? Sa kanyang sariling panginoon siya ay tatayo o mabubuwal. Subalit siya'y patatayuin, sapagkat magagawa ng Panginoon na siya'y tumayo.

May taong nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa iba, ngunit may iba namang nagpapahalaga sa bawat araw. Hayaang mapanatag ang bawat tao sa kanyang sariling pag-iisip.

Ang nagpapahalaga sa araw ay nagpapahalaga nito sa Panginoon; at ang kumakain ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya'y nagpapasalamat sa Diyos; at ang hindi kumakain para sa Panginoon ay hindi kumakain at nagpapasalamat sa Diyos.

Walang sinuman sa atin ang nabubuhay sa kanyang sarili, at walang sinumang namamatay sa kanyang sarili.

Kung nabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nabubuhay; o kung namamatay tayo, sa Panginoon tayo'y namamatay. Kaya't mabuhay man tayo o mamatay, tayo'y sa Panginoon.

Sapagkat dahil dito si Cristo ay namatay at muling nabuhay, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayundin ng mga buháy.

10 At(B) ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? O ikaw naman, bakit hinahamak mo ang iyong kapatid? Sapagkat tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Diyos.

11 Sapagkat(C) nasusulat,

“Kung paanong buháy ako, sabi ng Panginoon, ang bawat tuhod ay luluhod sa akin,
    at ang bawat dila ay magpupuri[b] sa Diyos.”

12 Kaya't ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos ng kanyang sarili.

Huwag Maging Dahilan ng Pagkakasala ng Iyong Kapatid

13 Huwag na tayong humatol pa sa isa't isa; kundi ipasiya na huwag maglagay ng batong katitisuran o ng balakid sa daan ng kanyang kapatid.

14 Nalalaman ko, at naniniwala akong lubos sa Panginoong Jesus na walang anumang bagay na marumi sa kanyang sarili, maliban doon sa nagpapalagay na ang isang bagay ay marumi, sa kanya ito ay marumi.

15 Kung dahil sa pagkain ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi ka na lumalakad ayon sa pag-ibig. Huwag mong ipahamak dahil sa iyong pagkain ang mga taong alang-alang sa kanila ay namatay si Cristo.

16 Huwag nga ninyong hayaan na ang inyong kabutihan ay masabing masama.

17 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi ang pagkain at pag-inom, kundi ang pagiging matuwid, kapayapaan, at ang kagalakan sa Espiritu Santo.

18 Sapagkat ang naglilingkod nang ganito kay Cristo ay kalugud-lugod sa Diyos, at tinatanggap ng mga tao.

19 Kaya nga sundin natin ang mga bagay na magbubunga ng kapayapaan, at ang mga bagay na makapagpapatibay sa isa't isa.

20 Huwag mong wasakin ang gawa ng Diyos dahil sa pagkain. Tunay na ang lahat ng mga bagay ay malilinis; gayunman ay masama para sa iyo na sa pamamagitan ng iyong kinakain ay matisod ang iba.

21 Mabuti ang hindi kumain ng karne, ni uminom ng alak, ni gumawa ng anuman na ikatitisod ng iyong kapatid.

22 Ang paniniwalang nasa iyo ay taglayin mo sa iyong sarili sa harapan ng Diyos. Mapalad ang hindi humahatol sa kanyang sarili dahil sa bagay na kanyang sinasang-ayunan.

23 Ngunit ang nag-aalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagkat hindi batay sa pananampalataya; at ang anumang hindi batay sa pananampalataya[c] ay kasalanan.

Mga Panaghoy 1

Mga Kapanglawan ng Jerusalem

Kaylungkot na nakaupong nag-iisa ang lunsod
    na dating punô ng mga tao!
Siya'y naging parang isang balo,
    siya na dating dakila sa gitna ng mga bansa!
Siya na dating prinsesa ng mga lalawigan
    ay naging alipin!

Siya'y umiiyak nang mapait sa gabi,
    may mga luha sa kanyang mga pisngi;
sa lahat ng kanyang mangingibig
    ay wala ni isa mang sa kanya'y umaliw,
lahat ng kanyang mga kaibigan sa kanya ay nagtaksil,
    sila'y naging mga kaaway niya.

Ang Juda ay dinalang-bihag sa ilalim ng pagdadalamhati
    at mabigat na paglilingkod.
Siya'y naninirahan sa gitna ng mga bansa,
    ngunit walang natagpuan na mapagpapahingahan,
inabutan siya ng lahat ng humahabol sa kanya
    sa gitna ng pagkabalisa.

Ang mga daan patungo sa Zion ay nagluluksa,
    sapagkat walang dumarating sa kapistahang itinakda.
Lahat ng kanyang pintuan ay giba,
    ang mga pari niya'y dumaraing;
    ang kanyang mga dalaga ay pinahihirapan,
    at siya'y mapait na nagdurusa.

Ang kanyang mga kalaban ay naging kanyang mga pinuno,
    ang kanyang mga kaaway ay nagtatagumpay,
sapagkat pinagdusa siya ng Panginoon
    dahil sa dami ng kanyang mga pagsuway;
ang kanyang mga munting anak ay umalis
    bilang bihag sa harapan ng kaaway.

Mula sa anak na babae ng Zion ay naglaho
    ang lahat niyang karilagan.
Ang kanyang mga pinuno ay naging parang mga usa
    na hindi makatagpo ng pastulan;
sila'y tumakbong walang lakas sa harapan ng humahabol.

Naaalala ng Jerusalem
    sa mga araw ng kanyang paghihirap at kapaitan
ang lahat ng kanyang mahahalagang bagay noong una.
Nang ang kanyang bayan ay mahulog sa kamay ng kalaban,
    ay walang sumaklolo sa kanya,
    tiningnan siya na may kasiyahan ng kanyang mga kalaban,
    na tinutuya ang kanyang pagbagsak.

Ang Jerusalem ay nagkasala nang mabigat,
    kaya't siya'y naging isang maruming bagay;
lahat ng nagparangal sa kanya ay humahamak sa kanya,
    sapagkat kanilang nakita ang kanyang kahubaran.
Oo, siya'y dumaraing
    at tumatalikod.

Ang kanyang karumihan ay nasa kanyang mga damit;
    hindi niya inalintana ang kanyang wakas;
kaya't ang kanyang pagbagsak ay malagim,
    siya'y walang mang-aaliw.
“O Panginoon, masdan mo ang aking pagdadalamhati;
    sapagkat ang kaaway ay nagmamalaki!”

10 Iniunat ng kaaway ang kanyang kamay
    sa lahat ng kanyang mahahalagang bagay.
Oo, nakita niyang sinakop ng mga bansa
    ang kanyang santuwaryo,
yaong mga pinagbawalan mong pumasok
    sa iyong kapulungan.

11 Ang buong bayan niya ay dumaraing
    habang sila'y naghahanap ng tinapay;
ipinagpalit nila ng pagkain ang kanilang mga kayamanan
    upang ibalik ang kanilang lakas.
“Tingnan mo, O Panginoon, at masdan mo;
    sapagkat ako'y naging hamak.”

12 “Wala bang anuman sa inyo, kayong lahat na nagdaraan?
    Inyong masdan at tingnan
kung may anumang kapanglawan na gaya ng aking kapanglawan,
    na ibinigay sa akin,
na ipinabata sa akin ng Panginoon
    sa araw ng kanyang mabangis na galit.

13 “Mula sa itaas ay nagsugo siya ng apoy;
    sa aking mga buto ay pinababa niya ito;
nagladlad siya ng lambat para sa aking mga paa,
    pinabalik niya ako;
iniwan niya akong natitigilan
    at nanghihina sa buong araw.

14 “Iginapos sa isang pamatok ang aking mga pagsuway,
    binigkis niya itong sama-sama ng kanyang kamay;
ang mga ito ay inilagay sa leeg ko,
    pinapanghina niya ang lakas ko;
ibinigay ako ng Panginoon sa mga kamay
    ng mga taong hindi ko matagalan.

15 “Tinawanan ng Panginoon
    ang lahat ng aking mga magigiting na lalaki sa gitna ko;
siya'y nagpatawag ng pagtitipon laban sa akin
    upang durugin ang aking mga binata;
niyapakan ng Panginoon na parang pisaan ng ubas
    ang anak na dalaga ng Juda.

16 “Dahil sa mga bagay na ito ay umiiyak ako;
    ang mga mata ko ay dinadaluyan ng luha;
sapagkat ang mang-aaliw na dapat magpanumbalik ng aking katapangan
    ay malayo sa akin.
Ang mga anak ko ay mapanglaw,
    sapagkat nagwagi ang kaaway.”

17 Iniunat ng Zion ang kanyang mga kamay;
    ngunit walang umaliw sa kanya.
Nag-utos ang Panginoon laban sa Jacob,
    na ang kanyang mga kalapit ang dapat maging mga kalaban niya;
ang Jerusalem ay naging maruming bagay sa gitna nila.

18 “Ang Panginoon ay matuwid;
    sapagkat ako'y naghimagsik laban sa kanyang salita;
ngunit inyong pakinggan, ninyong lahat ng bayan,
    ang aking paghihirap ay inyong masdan,
ang aking mga dalaga at mga binata
    ay nasa pagkabihag.

19 “Tinawagan ko ang aking mga mangingibig,
    ngunit dinaya nila ako;
ang aking mga pari at matatanda ay napahamak sa lunsod,
habang nagsisihanap sila ng pagkain
    upang ang lakas nila'y panumbalikin.

20 “Masdan mo, O Panginoon; sapagkat ako'y nahahapis,
    ang aking kaluluwa ay naguguluhan,
ang aking puso ay nagugulumihanan;
    sapagkat ako'y lubhang naghimagsik.
Sa lansangan ang tabak ay pumapatay;
    ito'y gaya ng kamatayan sa bahay.

21 “Nabalitaan nila na ako'y dumaraing;
    walang sinumang umaliw sa akin;
narinig ng lahat ng aking mga kaaway ang aking kabagabagan;
    sila'y natutuwa na iyong ginawa iyon.
Paratingin mo ang araw na iyong ipinahayag,
    at sila'y magiging gaya ko.

22 “Dumating nawa ang lahat nilang kasamaan sa harapan mo;
    at gawin mo sa kanila
ang gaya ng sa akin ay ginawa mo,
    dahil sa lahat kong mga pagsuway;
sapagkat marami ang mga daing ko,
    at nanghihina ang puso ko.”

Mga Awit 32

Awit ni David. Isang Maskil.

32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
    na ang kasalanan ay tinakpan.
Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
    at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.

Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
    sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
    ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)

Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
    at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
    at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)

Kaya't ang bawat isang banal
    ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
    siya'y hindi nila aabutan.
Ikaw ay aking dakong kublihan;
    iniingatan mo ako sa kaguluhan;
    pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)

Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
    Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
    na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
    na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.

10 Marami ang paghihirap ng masasama;
    ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
    at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001