Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 19

Kinuha ng Isang Levita ang Kanyang Asawang-lingkod

19 Nang mga araw na iyon, nang walang hari sa Israel, may isang Levita na naninirahan sa malayong dako ng lupaing maburol ng Efraim, ang kumuha ng asawang-lingkod mula sa Bethlehem sa Juda.

Ngunit ang kanyang asawang-lingkod ay nagalit sa kanya[a] at iniwan siya at nagtungo sa bahay ng kanyang ama sa Bethlehem sa Juda, at nanatili roon sa loob ng apat na buwan.

Ang kanyang asawa ay humayo at sumunod sa kanya, upang makiusap na mabuti sa kanya na bumalik siya. Kasama niya ang kanyang tauhan at ang dalawang magkatuwang na asno. Nang makarating siya sa bahay ng kanyang ama, nakita siya ng ama ng asawang-lingkod, at magalak nitong sinalubong siya.

Pinigil siya ng kanyang biyenan, ng ama ng asawang-lingkod; at siya'y nanatiling kasama niya ng tatlong araw. Sa gayon sila'y nagkainan at nag-inuman, at nanatili roon.

Kinaumagahan nang ikaapat na araw, sila'y bumangong maaga, at siya'y naghanda upang humayo. Sinabi ng ama ng babae sa kanyang manugang, “Palakasin mo muna ang iyong sarili ng kaunting pagkain, at pagkatapos ay saka kayo lumakad.”

Sa gayo'y naupo silang dalawa, at kumain at uminom na magkasama, at sinabi ng ama ng babae sa lalaki, “Bakit hindi ka muna magpalipas dito ng buong gabi at magsaya?”

Nang ang lalaki ay tumayo upang umalis; pinigil siya ng kanyang biyenan at siya'y tumigil uli roon.

Kinaumagahan nang ikalimang araw, siya'y maagang bumangon upang umalis, at sinabi ng ama ng babae, “Palakasin mo ang iyong sarili.” Kaya't sila'y nanatili hanggang sa dumilim ang araw, at ang dalawa ay kumain.

Nang ang lalaki at ang kanyang asawang-lingkod, at ang kanyang tauhan ay tumayo upang umalis ay sinabi ng kanyang biyenan sa kanya, “Tingnan ninyo, gumagabi na. Dito na kayo magpalipas ng gabi. Tingnan ninyo ang araw ay lumulubog na. Dito na kayo magpalipas ng gabi at kayo ay magsaya. Bukas ay maaga kayong bumangon para sa inyong paglakad, at kayo'y umuwi na.”

10 Ngunit ayaw ng lalaki na magpalipas ng gabi, kundi siya'y tumindig at umalis at nakarating sa tapat ng Jebus (na siyang Jerusalem). May dala siyang dalawang magkatuwang na asno at ang kanyang asawang-lingkod ay kasama niya.

11 Nang sila'y nasa tabi na ng Jebus, ang araw ay lumulubog at sinabi ng tauhan sa kanyang panginoon, “Dito na tayo sa bayan ng mga Jebuseo, at magpalipas ng gabi rito.”

12 Sinabi ng kanyang panginoon sa kanya, “Hindi tayo pupunta sa bayan ng mga dayuhan, na hindi kabilang sa mga anak ni Israel; kundi magpapatuloy tayo hanggang sa Gibea.”

13 At sinabi niya sa kanyang alipin, “Halika at sikapin nating marating ang isa sa mga dakong ito; at tayo'y magpapalipas ng gabi sa Gibea o sa Rama.”

14 Sa gayo'y nagdaan sila at nagpatuloy ng kanilang paglakad, at nilubugan sila ng araw sa malapit sa Gibea, na sakop ng Benjamin.

15 Sila'y lumiko roon, upang pumasok at nagpalipas ng gabi sa Gibea. Sila'y pumasok at umupo sa liwasan ng lunsod, sapagkat walang taong magpatuloy sa kanila.

16 Kinagabihan, may dumating na isang matandang lalaki na galing sa kanyang paggawa sa bukid. Ang lalaki ay taga-lupaing maburol ng Efraim at naninirahan sa Gibea; ang mga tao sa dakong iyon ay mga Benjaminita.

17 Nang tumingin ang matandang lalaki at nakita niya ang manlalakbay sa liwasan ng lunsod ay itinanong niya, “Saan ka pupunta? At saan ka nanggaling?”

18 At sinabi niya sa kanya, “Kami ay nagdaraan mula sa Bethlehem sa Juda na patungo sa malayong dako ng lupaing maburol ng Efraim na aking pinanggalingan. Ako'y galing sa Bethlehem sa Juda at ako'y patungo sa bahay ng Panginoon,[b] at walang taong magpatuloy sa akin.

19 Kami ay may dayami at damo para sa aming mga asno at may tinapay at alak naman para sa akin, sa lingkod na babae, at sa kabataang kasama namin. Wala na kaming kailangan pa.”

20 At sinabi ng matandang lalaki, “Kapayapaan nawa ang sumaiyo; ipaubaya mo sa akin ang lahat ng iyong mga pangangailangan; huwag ka lamang magpalipas ng gabi sa liwasan.”

21 Kanyang pinapasok sila sa kanyang bahay at binigyan ng pagkain ang mga asno. Sila'y naghugas ng kanilang mga paa, kumain at uminom.

Ang Kahalayang Ginawa sa Gibea

22 Samantalang(A) sila'y nagkakasayahan, pinalibutan ng masasamang tao sa lunsod ang bahay at pinaghahampas ang pintuan. Sinabi nila sa matandang may-ari ng bahay, “Ilabas mo ang lalaking pumasok sa iyong bahay upang makilala namin siya.”

23 At lumabas sa kanila ang lalaki, ang may-ari ng bahay at sinabi sa kanila, “Huwag, mga kapatid ko. Isinasamo ko sa inyong huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan; yamang ang lalaking ito'y aking panauhin, ay huwag ninyong gawin ang gayong kasamaan.

24 Narito ang aking anak na dalaga, at ang asawang-lingkod ng lalaki.[c] Ilalabas ko sila ngayon; halayin ninyo, at gawin ninyo sa kanila ang gusto ninyo. Ngunit sa lalaking ito ay huwag kayong gumawa ng anumang masama.”

25 Ngunit hindi siya pinakinggan ng mga lalaki. Sa gayo'y hinawakan ng lalaki ang kanyang asawang-lingkod at inilabas sa kanila. Kanilang sinipingan[d] siya at hinalay buong gabi hanggang sa kinaumagahan; at nang magbukang-liwayway ay kanilang pinaalis siya.

26 Nang mag-uumaga na, dumating ang babae, at nabuwal sa pintuan ng bahay ng lalaki, na kinaroroonan ng kanyang panginoon, hanggang sa magliwanag.

27 Kinaumagahan, bumangon ang kanyang panginoon at binuksan ang mga pinto ng bahay. Nang siya'y lumabas upang magpatuloy sa kanyang lakad, naroon ang kanyang asawang-lingkod ay nakabuwal sa pintuan ng bahay, na ang mga kamay ay nasa bungad.

28 At sinabi niya sa kanya, “Bumangon ka at umalis na tayo.” Ngunit walang sagot. Nang magkagayo'y kanyang isinakay ang babae sa asno; at ang lalaki ay tumindig at nagpatuloy pauwi sa kanilang tahanan.

29 Nang(B) siya'y makapasok sa kanyang bahay, ay kumuha siya ng isang patalim, at paghawak niya sa kanyang asawang-lingkod ay kanyang pinagputul-putol ito sa labindalawang bahagi; at ipinadala siya sa lahat ng nasasakupan ng Israel.

30 At ang lahat ng nakakita nito ay nagsabi, “Walang ganitong bagay na nangyari o nakita man mula sa araw na umahon ang mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito. Pag-isipan ninyo ito, pag-usapan at magsalita kayo.”

Mga Gawa 23

23 Habang nakatitig na mabuti si Pablo sa Sanhedrin, ay sinabi niya, “Mga ginoo, mga kapatid, hanggang sa mga araw na ito, ako'y nabuhay nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos.”

Pagkatapos, ipinag-utos ng pinakapunong paring si Ananias sa mga nakatayong malapit sa kanya na siya'y hampasin sa bibig.

Nang(A) magkagayo'y sinabi sa kanya ni Pablo, “Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader! Nakaupo ka ba riyan upang ako'y hatulan ayon sa kautusan, ngunit ako'y ipinahahampas mo nang labag sa kautusan?”

Sinabi ng mga nakatayo sa malapit, “Nilalait mo ba ang pinakapunong pari ng Diyos?”

At(B) sinabi ni Pablo, “Hindi ko alam, mga kapatid, na siya'y pinakapunong pari, sapagkat nasusulat, ‘Huwag mong pagsasalitaan ng masama ang isang pinuno ng iyong bayan.’”

Nang(C) mapansin ni Pablo na ang ilan ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, ay sumigaw siya sa Sanhedrin, “Mga ginoo, mga kapatid, ako'y isang Fariseo, anak ng mga Fariseo. Ako'y nililitis tungkol sa pag-asa at muling pagkabuhay ng mga patay.”

Nang sabihin niya ito, nagkaroon ng pagtatalo ang mga Fariseo at mga Saduceo; at nahati ang kapulungan.

(Sapagkat(D) sinasabi ng mga Saduceo na walang muling pagkabuhay, o anghel, o espiritu; ngunit pinaniniwalaan ng mga Fariseo ang lahat ng ito.)

Pagkatapos ay nagkaroon ng malakas na sigawan, at tumindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at mainitang nagtalo na sinasabi, “Wala kaming makitang anumang kasalanan sa taong ito. Ano nga kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?”

10 Nang lumalaki ang kaguluhan, sa takot ng pinunong kapitan na baka lurayin nila si Pablo, ay pinababa ang mga kawal, sapilitang ipinakuha siya at siya'y ipinasok sa himpilan.

11 Nang gabing iyon, lumapit sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paano kang nagpatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem, ay kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.”

Pinagtangkaan ang Buhay ni Pablo

12 Kinaumagahan, nagkatipon ang mga Judio, at nagsabwatan sa pamamagitan ng isang sumpa, na hindi sila kakain ni iinom man hanggang sa kanilang mapatay si Pablo.

13 Mahigit sa apatnapu ang sumama sa sabwatang ito.

14 Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatanda, at nagsabi, “Kami ay namanata sa ilalim ng mahigpit na sumpa, na hindi titikim ng anumang pagkain hanggang sa mapatay namin si Pablo.

15 Kaya't kayo, pati ang Sanhedrin ay sabihan ninyo ang punong kapitan na kanyang ibaba siya sa inyo, na kunwari'y ibig ninyong siyasatin ng lalong ganap ang paratang tungkol sa kanya. At nakahanda na kaming patayin siya bago siya lumapit.”

16 Ngunit narinig ng anak na lalaki ng kapatid na babae ni Pablo ang tungkol sa kanilang pag-aabang kaya siya'y pumunta sa himpilan at ibinalita kay Pablo.

17 At tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturion, at sinabi, “Dalhin mo ang binatang ito sa punong kapitan sapagkat siya'y mayroong sasabihin sa kanya.”

18 Kaya't siya'y isinama at dinala sa punong kapitan, at sinabi, “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at ipinakiusap sa aking dalhin ko sa iyo ang binatang ito na mayroong sasabihin sa iyo.”

19 At hinawakan siya sa kamay ng punong kapitan at sa isang tabi ay lihim na tinanong siya, “Ano ang sasabihin mo sa akin?”

20 Sinabi niya, “Pinagkasunduan ng mga Judio na sa iyo'y ipakiusap na iyong dalhin bukas si Pablo sa Sanhedrin, na kunwari'y may sisiyasatin pa silang mabuti tungkol sa kanya.

21 Subalit huwag kang maniniwala sa kanila, sapagkat mahigit na apatnapu sa kanilang mga tao ang nag-aabang sa kanya. Sila'y namanata sa ilalim ng isang sumpa na hindi kakain ni iinom man hanggang sa siya'y kanilang mapatay. Ngayo'y handa na sila at naghihintay ng iyong pagsang-ayon.”

22 Kaya't pinaalis ng punong kapitan ang binata, at ipinagbilin sa kanya, “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinagbigay-alam mo sa akin ang mga bagay na ito.”

Ipinadala si Pablo kay Gobernador Felix

23 Pagkatapos ay kanyang tinawag ang dalawa sa mga senturion, at sinabi, “Sa ikatlong oras[a] ng gabi, ihanda ninyo ang dalawandaang kawal kasama ang pitumpung mangangabayo at dalawandaang may sibat upang magtungo sa Cesarea.

24 Ipaghanda rin ninyo sila ng mga hayop na masasakyan ni Pablo, at siya'y ihatid na ligtas kay Felix na gobernador.”

25 At siya'y sumulat ng isang sulat, na ganito:

26 “Si Claudio Lisias sa kagalang-galang na gobernador Felix, ay bumabati.

27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin sana nila, ngunit nang malaman kong siya'y mamamayan ng Roma dumating ako na may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko.

28 At sa pagnanais kong malaman ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, ay dinala ko siya sa kanilang Sanhedrin.

29 Nalaman ko na siya'y kanilang isinasakdal tungkol sa mga usaping may kinalaman sa kanilang kautusan, ngunit walang anumang paratang laban sa kanya na marapat sa kamatayan o sa mga tanikala.

30 Nang ipaalam sa akin na may banta laban sa taong iyan, ipinadala ko siya agad sa iyo, at aking ipinag-utos din sa mga nagsasakdal sa kanya na sabihin sa harapan mo ang laban sa kanya.”

31 Kaya't kinuha si Pablo ng mga kawal, ayon sa iniutos sa kanila, at nang gabi ay dinala siya sa Antipatris.

32 Nang sumunod na araw, pinabayaan nilang samahan siya ng mga mangangabayo, samantalang sila'y nagbalik sa himpilan.

33 Nang makarating sila sa Cesarea at maibigay ang sulat sa gobernador, iniharap din nila si Pablo sa kanya.

34 At pagkabasa sa sulat, itinanong niya kung taga-saang lalawigan siya at nang malaman niya na siya'y taga-Cilicia,

35 ay sinabi niya, “Papakinggan kita pagdating ng mga nagsakdal sa iyo.” At ipinag-utos niya na siya'y bantayan sa palasyo ni Herodes.

Jeremias 33

Isa pang Pangako ng Pag-asa

33 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa ikalawang pagkakataon kay Jeremias, habang nakakulong pa siya sa bulwagan ng bantay, na sinasabi,

“Ganito ang sabi ng Panginoon na gumawa ng lupa, ang Panginoon na nag-anyo nito upang ito'y itatag—ang Panginoon ang kanyang pangalan:

Tumawag ka sa akin, at ako'y sasagot sa iyo, at magsasabi sa iyo ng mga dakila at makapangyarihang bagay na hindi mo nalalaman.

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga bahay ng lunsod na ito, at tungkol sa mga bahay ng mga hari ng Juda na ibinagsak upang gawing sanggalang laban sa mga bunton ng pagkubkob at laban sa tabak:

Sila ay dumarating upang labanan ang mga Caldeo at punuin sila ng mga bangkay ng mga tao, na aking papatayin sa aking galit at poot, sapagkat ikinubli ko ang aking mukha sa lunsod na ito dahil sa lahat nilang kasamaan.

Narito, dadalhan ko ito ng kalusugan at kagalingan, at pagagalingin ko sila at magpapahayag ako sa kanila ng kasaganaan ng kapayapaan at katotohanan.

Ibabalik ko ang mga kayamanan ng Juda at ang mga kayamanan ng Israel, at muli ko silang itatayo na gaya nang una.

Lilinisin ko sila sa lahat ng kanilang kasamaan na sa pamamagitan nito'y nagkasala sila laban sa akin; at aking patatawarin ang lahat ng kasamaan na sa pamamagitan nito'y naghimagsik sila laban sa akin.

At ito sa akin ay magiging isang pangalan ng kagalakan, isang papuri at luwalhati sa harapan ng lahat ng mga bansa sa lupa na makakarinig ng lahat ng mabuti na ginagawa ko para sa kanila. Sila'y matatakot at manginginig dahil sa lahat ng kabutihan at kasaganaan na aking ginagawa para dito.

10 “Ganito ang sabi ng Panginoon: Sa dakong ito na inyong sinasabi, ‘Ito'y wasak, walang tao o hayop,’ sa mga bayan ng Juda at mga lansangan ng Jerusalem na sira, na walang naninirahan, tao man o hayop, ay muling maririnig

11 ang(A) tinig ng kagalakan at ang tinig ng kasayahan, ang mga tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, ang mga tinig ng mga umaawit, habang sila'y nagdadala ng handog na pasasalamat sa bahay ng Panginoon,

‘Kayo'y magpasalamat sa Panginoon ng mga hukbo,
    sapagkat ang Panginoon ay mabuti,
    sapagkat ang kanyang kagandahang-loob ay nananatili magpakailanman!’

Sapagkat aking ibabalik ang mga kayamanan ng lupain gaya nang una, sabi ng Panginoon.

12 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Sa lugar na itong wasak, na walang tao at walang hayop, at sa lahat ng mga bayan nito, ay magkakaroon muli ng tahanan ng mga pastol na nagpapahinga ng kanilang mga kawan.

13 Sa mga bayan ng maburol na lupain, sa mga bayan ng Shefela at Negeb, sa lupain ng Benjamin, at sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem at sa mga bayan ng Juda, ang mga kawan ay muling daraan sa ilalim ng mga kamay ng bumibilang sa kanila, sabi ng Panginoon.

14 “Narito,(B) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking tutuparin ang mabuting bagay na aking sinabi tungkol sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda.

15 Sa mga araw at panahong iyon, aking pasisibulin para kay David ang isang matuwid na Sanga at siya'y maggagawad ng katarungan at katuwiran sa lupain.

16 Sa mga araw na iyon ay maliligtas ang Juda at ang Jerusalem ay maninirahang tiwasay. At ito ang pangalan na itatawag sa kanya: ‘Ang Panginoon ay ating katuwiran.’

17 “Sapagkat(C) ganito ang sabi ng Panginoon: Si David ay hindi kailanman kukulangin ng lalaki na uupo sa trono ng sambahayan ng Israel;

18 at(D) ang mga paring Levita ay hindi kailanman kukulangin ng lalaki sa harapan ko na mag-aalay ng mga handog na sinusunog, na magsusunog ng mga butil na handog, at maghahandog ng mga alay magpakailanman.”

19 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,

20 “Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung masisira ninyo ang aking tipan sa araw at ang aking tipan sa gabi, anupa't hindi magkakaroon ng araw at ng gabi sa kanilang takdang kapanahunan;

21 kung gayon ang aking tipan kay David na aking lingkod ay masisira din, anupa't siya'y hindi magkakaroon ng anak upang maghari sa kanyang trono, at sa aking tipan sa mga paring Levita na aking mga ministro.

22 Kung paanong ang lahat ng natatanaw sa langit ay hindi mabibilang at ang mga buhangin sa dagat ay di masusukat, gayon ko pararamihin ang binhi ni David na aking lingkod, at ang mga Levita na naglilingkod sa akin.”

23 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,

24 “Hindi mo ba napapansin ang sinalita ng mga taong ito na sinasabi, ‘Itinakuwil ng Panginoon ang dalawang angkan na kanyang pinili?’ Ganito nila hinamak ang aking bayan kaya't hindi na sila isang bansa sa kanilang paningin.

25 Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung ang aking tipan sa araw at gabi ay hindi manatili at ang mga panuntunan ng langit at ng lupa ay hindi ko itinatag;

26 ay itatakuwil ko nga ang binhi ni Jacob at ni David na aking lingkod at hindi ako pipili ng isa sa kanyang binhi na mamumuno sa binhi ni Abraham, Isaac, at Jacob. Sapagkat ibabalik ko ang kanilang mga kayamanan at kahahabagan ko sila.”

Mga Awit 3-4

Awit(A) ni David nang Takasan Niya si Absalom

Panginoon, ang mga kaaway ko ay dumarami!
    Ang tumitindig laban sa akin ay marami;
marami ang nagsasabi tungkol sa aking kaluluwa,
    walang tulong mula sa Diyos para sa kanya. (Selah)

Ngunit ikaw, O Panginoon ay isang kalasag sa palibot ko,
    aking kaluwalhatian, at siyang tagapagtaas ng aking ulo.
Ako'y dumadaing nang malakas sa Panginoon,
    at sinasagot niya ako mula sa kanyang banal na burol. (Selah)

Ako'y nahiga at natulog;
    ako'y muling gumising sapagkat inaalalayan ako ng Panginoon.
Sa sampung libu-libong tao ako'y hindi natatakot,
    na naghanda ng kanilang mga sarili laban sa akin sa palibot.
Bumangon ka, O Panginoon!
    Iligtas mo ako, O aking Diyos!
Sapagkat iyong sinampal sa pisngi ang lahat ng aking mga kaaway,
    iyong binasag ang mga ngipin ng masama.

Ang pagliligtas ay sa Panginoon;
    sumaiyong bayan nawa ang iyong pagpapala. (Selah)

Panalangin ng Saklolo

Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas. Awit ni David.

Sagutin mo ako kapag tumatawag ako,
O Diyos na tagapagtanggol ko!
    Binigyan mo ako ng silid nang ako'y nasa kagipitan.
    Maawa ka sa akin, at dalangin ko'y iyong pakinggan.

O tao, hanggang kailan magdaranas ng kahihiyan ang aking karangalan?
    Gaano katagal mo iibigin ang mga salitang walang kabuluhan, at hahanapin ang kabulaanan? (Selah)

Ngunit alamin ninyo na ibinukod ng Panginoon para sa kanyang sarili ang banal;
    ang Panginoon ay nakikinig kapag sa kanya ako'y nagdarasal.

Magalit(B) ka, subalit huwag kang magkakasala;
    magbulay-bulay ka ng iyong puso sa iyong higaan, at tumahimik ka. (Selah)
Maghandog kayo ng matuwid na mga alay,
    at ang inyong pagtitiwala sa Panginoon ilagay.
Marami ang nagsasabi, “Sana'y makakita kami ng ilang kabutihan!
    O Panginoon, ang liwanag ng iyong mukha sa amin ay isilay!”
Ikaw ay naglagay ng kagalakan sa aking puso,
    kaysa nang ang kanilang butil at alak ay sagana.

Payapa akong hihiga at gayundin ay matutulog;
    sapagkat ikaw lamang, O Panginoon, ang gumagawa upang mamuhay ako sa katiwasayan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001