Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 14

Ang Mapangahas na Ginawa ni Jonathan

14 Isang araw, sinabi ni Jonathan na anak ni Saul sa kabataang tagadala ng kanyang sandata, “Halika at tayo'y dumaan sa himpilan ng mga Filisteo na nasa kabilang ibayo.” Ngunit hindi niya ipinagbigay-alam sa kanyang ama.

Si Saul ay namamalagi sa mga karatig-pook ng Gibea sa ilalim ng puno ng granada na nasa Migron. Ang mga taong kasama niya ay may animnaraang lalaki,

at si Achias na anak ni Achitob, na kapatid ni Icabod, na anak ni Finehas, na anak ni Eli, na pari ng Panginoon sa Shilo, na may suot na efod. Hindi nalalaman ng taong-bayan na si Jonathan ay nakaalis na.

Sa pagitan ng mga lagusan na pinagsikapan ni Jonathan na daanan tungo sa himpilan ng mga Filisteo ay mayroong isang batong maraming tulis sa isang dako at isang batong maraming tulis sa kabilang dako. Ang pangalan ng isa ay Boses at ang pangalan ng isa pa ay Sene.

Ang isang tulis ay pataas sa hilaga sa tapat ng Mikmas, at ang isa ay sa timog sa tapat ng Geba.

Sinabi ni Jonathan sa kabataang tagadala ng kanyang sandata, “Halika at tayo ay dumaan sa himpilan ng mga hindi tuling ito. Marahil ang Panginoon ay tutulong sa atin sapagkat walang makakahadlang sa Panginoon na magligtas sa pamamagitan ng marami o ng kaunti.”

At sinabi sa kanya ng kanyang tagadala ng sandata, “Gawin mo ang lahat ng nasa isip mo; ako'y kasama mo, kung ano ang nasa isip mo ay gayundin ang sa akin.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, “Ngayon ay lampasan natin ang mga lalaking iyon, at ipakita natin ang ating sarili sa kanila.

Kapag sinabi nila sa atin, ‘Maghintay kayo hanggang sa kami ay dumating sa inyo;’ ay maghihintay nga tayo sa ating lugar at hindi aahon sa kanila!

10 Ngunit kapag sinabi nila, ‘Umahon kayo sa amin,’ ay aahon nga tayo sapagkat ibinigay sila ng Panginoon sa ating kamay. Ito ang magiging tanda sa atin.”

11 Kaya't kapwa sila nagpakita sa himpilan ng mga Filisteo. Sinabi ng mga Filisteo, “Tingnan ninyo, ang mga Hebreo ay lumabas sa mga lungga na kanilang pinagtaguan.”

12 Tinawag ng mga lalaki sa himpilan si Jonathan at ang kanyang tagadala ng sandata, at sinabi, “Umahon kayo rito at mayroon kaming ipapakita sa inyo.” At sinabi ni Jonathan sa kanyang tagadala ng sandata, “Umahon ka na kasunod ko, sapagkat ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Israel.”

13 At umakyat si Jonathan sa pamamagitan ng kanyang mga kamay at paa at ang kanyang tagadala ng sandata ay kasunod niya. Ang mga Filisteo[a] ay nabuwal sa harap ni Jonathan; at ang mga iyo'y pinagpapatay ng kanyang tagadala ng sandata na kasunod niya.

14 Sa unang pagpatay na iyon na ginawa ni Jonathan at ng kanyang tagadala ng sandata, may dalawampung lalaki ang napatay sa nasasakupan ng kalahating tudling sa isang acre[b] ng lupa.

15 Nagkaroon ng kaguluhan sa kampo, sa parang, at sa buong bayan. Ang himpilan at ang mga mandarambong ay nanginig din; nayanig ang lupa, at ito'y naging isang napakalaking pagkasindak.

Nagapi ang mga Filisteo

16 Ang mga bantay ni Saul sa Gibea ng Benjamin ay nakamasid habang ang napakaraming tao ay nagpaparoo't parito.

17 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa mga taong kasama niya, “Magbilang kayo ngayon at tingnan ninyo kung sino ang umalis sa atin.” Nang sila'y magbilang, si Jonathan at ang kanyang tagadala ng sandata ay wala roon.

18 Sinabi ni Saul kay Achias, “Dalhin dito ang kaban ng Diyos.” Ang kaban ng Diyos nang panahong iyon ay kasama ng mga anak ni Israel.

19 Samantalang nakikipag-usap si Saul sa pari, ang kaguluhan sa kampo ng mga Filisteo ay lumaki nang lumaki. Sinabi ni Saul sa pari, “Iurong mo ang iyong kamay.”

20 At si Saul at ang buong bayang kasama niya ay nagsama-sama at pumunta sa labanan. Ang tabak ng bawat isa ay laban sa kanyang kapwa at nagkaroon ng malaking pagkalito.

21 Ang mga Hebreo na nakasama ng mga Filisteo nang una pa at umahong kasama nila sa kampo ay pumanig na rin sa mga Israelita na kasama nina Saul at Jonathan.

22 Gayundin, nang mabalitaan ng mga lalaki ng Israel na nagkubli sa lupaing maburol ng Efraim na ang mga Filisteo ay tumakas, sila man ay humabol rin sa kanila sa pakikipaglaban.

23 Kaya't iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na iyon; at ang pakikipaglaban ay lumampas pa sa kabila ng Bet-haven.

Ang Pangyayari Pagkalipas ng Digmaan

24 Ang mga lalaki ng Israel ay namanglaw nang araw na iyon. Sumumpa si Saul sa taong-bayan, na sinasabi, “Sumpain ang taong kumain ng anumang pagkain hanggang sa kinahapunan at ako'y makaganti sa aking mga kaaway.” Kaya't walang sinuman sa bayan ang tumikim ng pagkain.

25 Ang buong bayan ay dumating sa gubat at may pulot sa ibabaw ng lupa.

26 Nang makapasok ang bayan sa gubat, ang pulot ay tumutulo ngunit walang tao na naglagay ng kanyang kamay sa kanyang bibig sapagkat ang taong-bayan ay natakot sa sumpa.

27 Ngunit hindi narinig ni Jonathan nang magbilin ang kanyang ama sa taong-bayan na may sumpa. Kaya't kanyang iniunat ang dulo ng tungkod na nasa kanyang kamay at inilubog ito sa pulot, at inilagay ang kanyang kamay sa kanyang bibig, at ang kanyang mga mata ay nagliwanag.

28 Nang magkagayo'y sinabi ng isa sa mga tauhan, “Ang iyong ama ay mahigpit na nagbilin na may sumpa sa taong-bayan, na sinasabi, ‘Sumpain ang taong kumain ng pagkain sa araw na ito.’” At ang taong-bayan ay patang-pata.

29 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, “Ginugulo ng aking ama ang lupain. Tingnan ninyo, kung paanong ang aking mga mata ay nagliwanag nang ako'y tumikim ng kaunti sa pulot na ito.

30 Gaano pa kaya kung ang taong-bayan ay malayang kumain ngayon mula sa sinamsam sa kanilang mga kaaway na kanilang natagpuan. Sa ngayon, ang pagpatay sa mga Filisteo ay hindi gaanong malaki.”

31 Kanilang pinatay ang mga Filisteo nang araw na iyon mula sa Mikmas hanggang sa Aijalon; at ang taong-bayan ay talagang patang-pata.

32 Kaya't ang taong-bayan ay dumaluhong sa samsam, at kumuha ng mga tupa, mga baka, mga guyang baka, at pinagpapatay ang mga iyon sa lupa. Kinain ng taong-bayan ang mga iyon, pati ang dugo.

33 At(A) kanilang sinabi kay Saul, “Tingnan mo, ang bayan ay nagkakasala laban sa Panginoon dahil sa kanilang pagkain ng may dugo.” At kanyang sinabi, “Kayo'y gumawa ng kasamaan. Igulong ninyo rito ang isang malaking bato sa harapan ko.”

34 At sinabi ni Saul, “Magsikalat kayo sa bayan at inyong sabihin sa kanila, ‘Dalhin sa akin dito ng bawat tao ang kanyang baka, at tupa, at patayin dito, at kainin at huwag nang magkasala laban sa Panginoon sa pamamagitan ng pagkain ng dugo.’” Kaya't dinala ng bawat isa sa buong bayan ang kanyang baka nang gabing iyon at pinatay roon.

35 At nagtayo si Saul ng isang dambana sa Panginoon; iyon ang unang dambana na itinayo niya sa Panginoon.

36 Sinabi ni Saul, “Ating lusungin ang mga Filisteo sa gabi at atin silang samsaman hanggang sa pagliliwanag sa umaga, at huwag tayong magtira ng isang tao sa kanila.” At kanilang sinabi, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti sa iyo.” Subalit sinabi ng pari, “Tayo'y lumapit dito sa Diyos.”

37 At si Saul ay sumangguni sa Diyos, “Lulusungin ko ba ang mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa kamay ng Israel?” Ngunit hindi siya sinagot nang araw na iyon.

38 Sinabi ni Saul, “Lumapit kayo rito, kayong lahat na puno ng taong-bayan. Alamin natin kung paano bumangon ang kasalanang ito sa araw na ito.

39 Sapagkat kung paanong buháy ang Panginoon na nagliligtas sa Israel, kahit na ito ay si Jonathan na aking anak, siya ay tiyak na mamamatay.” Ngunit walang sinumang tao sa buong bayan na sumagot sa kanya.

40 Nang magkagayo'y sinabi niya sa buong Israel, “Lumagay kayo sa isang dako, at ako at si Jonathan na aking anak ay lalagay sa kabilang dako.” At sinabi ng taong-bayan kay Saul, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti para sa iyo.”

41 Kaya(B) sinabi ni Saul, “O Panginoong Diyos ng Israel, bakit hindi mo sinasagot ang iyong lingkod sa araw na ito? Kung ang pagkakasalang ito ay nasa akin o kay Jonathan na aking anak, O Panginoon, Diyos ng Israel, ibigay mo ang Urim. Ngunit kung ang pagkakasala ay nasa iyong bayang Israel, ibigay mo ang Tumim.” At sina Jonathan at Saul ang napili, ngunit ang bayan ay nakaligtas.

42 At sinabi ni Saul, “Magpalabunutan sa pagitan ko at ni Jonathan na aking anak.” At si Jonathan ang napili.

43 Pagkatapos ay sinabi ni Saul kay Jonathan, “Sabihin mo sa akin kung ano ang iyong ginawa.” At sinabi ni Jonathan sa kanya, “Talagang ako'y tumikim ng kaunting pulot sa dulo ng tungkod na nasa aking kamay. Narito ako, ako'y nararapat mamatay.”

44 Sinabi ni Saul, “Gayon ang gawin ng Diyos sa akin at higit pa, sapagkat ikaw ay tiyak na mamamatay, Jonathan!”

45 At sinabi ng taong-bayan kay Saul, “Mamamatay ba si Jonathan, siya na gumawa nitong dakilang kaligtasan sa Israel? Huwag nawang mangyari! Habang buháy ang Panginoon, hindi malalaglag kahit ang isang buhok ng kanyang ulo sa lupa, sapagkat siya'y gumawang kasama ng Diyos sa araw na ito.” Kaya't tinubos ng taong-bayan si Jonathan, at siya'y hindi namatay.

46 Pagkatapos ay huminto na si Saul sa pagtugis sa mga Filisteo; at ang mga Filisteo ay umuwi sa kanilang sariling lugar.

Ang Paghahari ni Saul at ang Kanyang Sambahayan

47 Nang makuha na ni Saul ang paghahari sa Israel, nakipaglaban siya sa lahat niyang mga kaaway sa bawat lugar, laban sa Moab, sa mga anak ni Ammon, sa Edom, sa mga hari ng Soba, at laban sa mga Filisteo. Saanman siya bumaling ay kanyang tinatalo sila.

48 Siya'y lumabang may katapangan, pinatay ang mga Amalekita, at iniligtas ang Israel sa kamay ng mga sumamsam sa kanila.

49 Ang mga anak ni Saul ay sina Jonathan, Isui, at Malkishua, at ito ang pangalan ng kanyang dalawang anak na babae: ang pangalan ng panganay ay Merab, at ang pangalan ng nakababata ay Mical;

50 ang pangalan ng asawa ni Saul ay Ahinoam, na anak ni Ahimaaz; at ang pangalan ng kanyang kapitan sa hukbo ay Abner na anak ni Ner, amain ni Saul.

51 Si Kish ang ama ni Saul; at si Ner na ama ni Abner ay anak ni Abiel.

52 Nagkaroon ng mahigpit na pakikipaglaban sa mga Filisteo sa lahat ng mga araw ni Saul; at sa tuwing makakakita si Saul ng sinumang malakas o matapang na lalaki ay kanyang kinukuha upang maglingkod sa kanya.

Roma 12

Pamumuhay Cristiano

12 Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.[a]

Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.

Sapagkat sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip sa kanyang sarili nang higit kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip nang may katinuan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi ng Diyos sa bawat isa.

Sapagkat(A) kung paanong sa isang katawan ay mayroon tayong maraming mga bahagi, at ang mga bahagi ay hindi magkakatulad ang gawain;

kaya't tayo na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga bahagi na sama-sama sa isa't isa.

Tayo(B) ay may mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin: kung propesiya ay gamitin ito ayon sa sukat ng pananampalataya;

kung paglilingkod ay sa paglilingkod, o ang nagtuturo ay sa pagtuturo;

o ang nangangaral ay sa pangangaral; ang nagbibigay ay magbigay na may magandang-loob; ang namumuno ay may pagsisikap; ang mahabagin ay may kasiglahan.

Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kapootan ninyo ang masama; panghawakan ang mabuti.

10 Magmahalan kayo na may pag-ibig bilang magkakapatid; sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo,

11 huwag maging tamad sa pagsisikap, maging maalab sa espiritu, na naglilingkod sa Panginoon.

12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, matiyaga sa pananalangin.

13 Magbigay sa mga pangangailangan ng mga banal at magmagandang-loob sa mga dayuhan.

14 Pagpalain(C) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.

15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makiiyak kayo sa mga umiiyak.

16 Magkaisa(D) kayo ng pag-iisip. Huwag ninyong ituon ang inyong pag-iisip sa mga palalong bagay, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong magmagaling sa inyong mga sarili.

17 Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harapan ng lahat ng mga tao.

18 Kung maaari, hanggang sa inyong makakaya, ay makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng mga tao.

19 Mga(E) minamahal, huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, kundi ipaubaya iyon sa galit ng Diyos; sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.”

20 Kaya't(F) “kung ang iyong kaaway ay magutom, pakainin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo ng ganito ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kanyang ulo.”

21 Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.

Jeremias 51

Karagdagang Hatol sa Babilonia

51 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, ako'y magbabangon ng isang laban sa Babilonia,
    at laban sa mga naninirahan sa Lebkamai;[a]
Ako'y magpapadala sa Babilonia ng mga dayuhan,
    at kanilang tatahipan siya,
at kanilang aalisan ng laman ang kanyang lupain,
    kapag sila'y dumating laban sa kanya mula sa bawat panig
    sa araw ng kaguluhan.
Huwag iumang ng mamamana ang kanyang pana,
    at huwag siyang hayaang makatayo sa kanyang baluti.
Huwag ninyong hahayaang makaligtas ang kanyang mga kabataang lalaki;
    lubos ninyong lipulin ang kanyang buong hukbo.
Sila'y patay na mabubuwal sa lupain ng mga Caldeo,
    at sinugatan sa kanyang mga lansangan.
Sapagkat ang Israel at Juda ay hindi pa pinababayaan
    ng kanilang Diyos, ng Panginoon ng mga hukbo,
bagaman ang lupain ng mga Caldeo ay punô ng pagkakasala
    laban sa Banal ng Israel.

“Tumakas kayo mula sa gitna ng Babilonia,
    at iligtas ng bawat tao ang kanyang buhay!
Huwag kayong mapuksa nang dahil sa pagpaparusa sa kanya
    sapagkat ito ang panahon ng paghihiganti ng Panginoon;
    siya'y kanyang pagbabayarin.
Ang(A) Babilonia noon ay gintong kopa sa kamay ng Panginoon
    na lumasing sa buong daigdig;
ang mga bansa ay uminom ng kanyang alak,
    kaya't ang mga bansa ay nauulol.
Ang Babilonia ay biglang nabuwal at nadurog;
    tangisan ninyo siya!
Dalhan ninyo siya ng balsamo para sa kanyang sakit,
    baka sakaling siya'y gumaling.
Ibig(B) sana nating gumaling ang Babilonia,
    ngunit siya'y hindi napagaling.
Pabayaan ninyo siya, at bawat isa sa atin ay humayo
    sa kanya-kanyang sariling lupain;
sapagkat ang kanyang kahatulan ay umaabot hanggang sa langit,
    at naitaas hanggang sa himpapawid.
10 Inilabas ng Panginoon ang pagpapawalang-sala sa atin;
    halikayo, at ating ipahayag sa Zion
    ang gawa ng Panginoon nating Diyos.

11 “Patalasin ninyo ang mga palaso!
    Kunin ninyo ang mga kalasag!

Pinukaw ng Panginoon ang espiritu ng mga hari ng mga Medo, sapagkat ang kanyang layunin tungkol sa Babilonia ay wasakin ito, sapagkat iyon ang paghihiganti ng Panginoon, ang paghihiganti para sa kanyang templo.

12 Magtaas kayo ng watawat laban sa mga pader ng Babilonia,
    patibayin ninyo ang bantayan,
maglagay kayo ng mga bantay,
    kayo'y maghanda ng mga panambang;
sapagkat binalak at ginawa ng Panginoon
    ang kanyang sinabi tungkol sa mga naninirahan sa Babilonia.
13 O(C) ikaw na naninirahan sa tabi ng maraming tubig,
    sagana sa mga kayamanan,
dumating na ang iyong wakas,
    at ang sukat ng iyong kasakiman.
14 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa sa pamamagitan ng kanyang sarili:
Tiyak na pupunuin kita ng mga tao, na kasindami ng balang,
    at sila'y sisigaw ng sigaw ng tagumpay laban sa iyo.

Awit ng Pagpupuri sa Diyos

15 “Siya ang gumawa ng lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,
    nagtatag ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang karunungan,
at sa pamamagitan ng kanyang unawa ay iniladlad niya ang mga langit.
16 Kapag siya'y nagsasalita, nagkakaroon ng pagkakaingay ng mga tubig sa kalangitan,
    at kanyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa.
Siya'y gumagawa ng mga kidlat para sa ulan,
    at inilalabas niya ang hangin mula sa kanyang mga imbakan.
17 Bawat tao ay hangal at walang kaalaman;
    bawat panday-ginto ay inilagay sa kahihiyan ng kanyang mga diyus-diyosan,
sapagkat ang kanyang mga rebulto ay kasinungalingan,
    at walang hininga sa mga iyon.
18 Ang mga iyon ay walang kabuluhan, isang gawa ng pandaraya;
    sa panahon ng kanilang kaparusahan ay malilipol sila.
19 Hindi gaya ng mga ito ang bahagi ng Jacob,
    sapagkat siya ang humubog sa lahat ng bagay,
at ang lipi ng kanyang pamana;
    ang kanyang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.

Ang Sandata ng Panginoon

20 “Ikaw ang aking pandigmang palakol at sandatang pandigma;
sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang mga bansa,
    at sa pamamagitan mo ay winawasak ko ang mga kaharian.
21 Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang kabayo at ang kanyang sakay;
    sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang karwahe at ang nagpapatakbo niyon.
22 Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang lalaki at babae;
    sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang matanda at ang bata;
sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang binata at ang dalaga.
23     Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang pastol at ang kanyang kawan;
sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang magbubukid at ang kanyang mga hayop na katuwang;
    at sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang mga tagapamahala at ang mga pinuno.

24 “Ngunit pagbabayarin ko ang Babilonia at ang lahat ng naninirahan sa Caldea sa harap mismo ng inyong paningin sa lahat ng kasamaan na kanilang ginawa sa Zion, sabi ng Panginoon.

25 “Narito, ako'y laban sa iyo, sabi ng Panginoon, O mapangwasak na bundok,
    na sumisira ng buong lupa;
at aking iuunat ang aking kamay laban sa iyo,
    at pagugulungin kita mula sa batuhan,
    at gagawin kitang sunog na bundok.
26 Wala silang batong kukunin sa iyo na gagawing panulok,
    o ng isang bato bilang pundasyon,
kundi ikaw ay magiging wasak magpakailanman,
    sabi ng Panginoon.

27 “Magtaas kayo ng watawat sa lupa,
    inyong hipan ang trumpeta sa gitna ng mga bansa,
ihanda ninyo ang mga bansa sa pakikidigma laban sa kanya,
    ipatawag ninyo laban sa kanya ang mga kaharian
    ng Ararat, Minni, at Askenaz;
pumili kayo ng pinuno laban sa kanya;
    magdala kayo ng mga kabayo na gaya ng pulutong na mga balang.
28 Ihanda ninyo ang mga bansa sa pakikidigma laban sa kanya,
    ang mga hari ng mga Medo, ang kanilang mga tagapamahala at mga kinatawan,
    at ang bawat lupain na kanilang nasasakupan.
29 At ang lupain ay nanginginig at namimilipit sa sakit,
    sapagkat ang mga layunin ng Panginoon laban sa Babilonia ay nananatili,
upang wasakin ang lupain ng Babilonia,
    na walang naninirahan.
30 Ang mga mandirigma ng Babilonia ay huminto sa pakikipaglaban,
    sila'y nanatili sa kanilang mga muog;
ang kanilang lakas ay naubos,
    sila'y naging parang mga babae,
ang kanyang mga tirahan ay nasusunog,
    ang kanyang mga halang ay nabali.
31 Ang isang mananakbo ay tumatakbo upang sumalubong sa isa pa,
    at ang isang sugo upang sumalubong sa isa pang sugo,
upang ibalita sa hari ng Babilonia
    na ang kanyang lunsod ay nasakop sa magkabilang dulo;
32 ang mga tawiran ay naagaw,
    ang mga tambo ay nasunog ng apoy,
    at ang mga mandirigma ay natatakot.
33 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel:
Ang anak na babae ng Babilonia ay parang giikan
    sa panahon na iyon ay niyayapakan;
gayunma'y sandali na lamang
    at ang panahon ng pag-aani sa kanya ay darating.”
34 “Nilamon ako ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia,
    dinurog niya ako,
ginawa niya akong sisidlang walang laman,
    nilulon niya akong gaya ng halimaw;
pinuno niya ang kanyang tiyan ng aking masasarap na pagkain;
    ako'y kanyang iniluwa.
35 Ang karahasang ginawa sa akin at sa aking kamag-anak ay mahulog nawa sa Babilonia,”
    sasabihin ng taga-Zion.
“Ang dugo ko nawa ay mahulog sa mga mamamayan ng Caldea,”
    sasabihin ng Jerusalem.

Sasaklolohan ng Panginoon ang Israel

36 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, ipaglalaban kita at igaganti kita nang lubusan.
Tutuyuin ko ang kanyang dagat
    at tutuyuin ko ang kanyang bukal.
37 Ang Babilonia ay magiging mga bunton ng mga guho,
    tahanan ng mga asong mailap,
isang katatakutan at tampulan ng pagkutya,
    walang maninirahan.

38 “Sila'y magkakasamang uungal na parang mga leon;
    sila'y uungal na parang mga batang leon.
39 Kapag sila'y nag-init ay ipaghahanda ko sila ng isang salu-salo,
    at akin silang lalasingin, hanggang sa sila'y magkatuwaan
at matulog nang walang hanggang pagtulog,
    at hindi na magising, sabi ng Panginoon.
40 Ibababa ko sila sa katayan na parang mga kordero,
    gaya ng mga lalaking tupa at mga kambing na lalaki.

Ang Sinapit ng Babilonia

41 “Ano't nasakop ang Sheshach,[b]
    at ang kapurihan ng buong lupa ay naagaw!
Ano't ang Babilonia ay naging
    katatakutan sa gitna ng mga bansa!
42 Ang dagat ay umapaw sa Babilonia;
    siya'y natakpan ng nagngangalit nitong mga alon.
43 Ang kanyang mga lunsod ay naging katatakutan,
    isang tuyong lupain at ilang,
isang lupain na walang taong naninirahan,
    o dinaraanan man ng sinumang anak ng tao.
44 At aking parurusahan si Bel sa Babilonia,
    at aking ilalabas mula sa kanyang bibig ang kanyang nilulon.
Ang mga bansa ay hindi na dadagsa pa sa kanya,
    ang pader ng Babilonia ay bumagsak!

45 “Lumabas kayo sa kalagitnaan niya, bayan ko!
    Iligtas ng bawat isa ang kanyang buhay
    mula sa mabangis na galit ng Panginoon!
46 Huwag manlupaypay ang inyong puso, o matakot man kayo
    sa balitang naririnig sa lupain,
kapag may ulat na dumating sa isang taon,
    at pagkatapos niyon ay isa pang ulat sa isa pang taon,
at ang karahasan ay nasa lupain,
    at ang pinuno ay laban sa pinuno.

47 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating
    na aking parurusahan ang mga larawang inanyuan ng Babilonia;
ang kanyang buong lupain ay mapapahiya,
    at ang lahat ng mapapatay sa kanya ay bubulagta sa gitna niya.
48 Kung(D) magkagayo'y ang langit at ang lupa,
    at lahat ng naroroon
ay aawit sa kagalakan dahil sa Babilonia;
    sapagkat ang mga mangwawasak ay darating laban sa kanila mula sa hilaga, sabi ng Panginoon.
49 Ang(E) Babilonia ay dapat bumagsak dahil sa pinaslang sa Israel,
    kung paanong ang mga pinaslang sa buong lupa ay nabuwal dahil sa Babilonia.

Ang Mensahe ng Diyos sa mga Israelita sa Babilonia

50 “Kayong nakatakas sa tabak,
    humayo kayo, huwag kayong magsitigil!
Alalahanin ninyo ang Panginoon mula sa malayo,
    at papasukin ninyo ang Jerusalem sa inyong pag-iisip:
51 ‘Kami ay napahiya, sapagkat kami ay nakarinig ng pagkutya;
    ang kasiraang-puri ay tumakip sa aming mga mukha,
sapagkat ang mga dayuhan ay pumasok
    sa mga banal na dako ng bahay ng Panginoon.’
52 “Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon,
    na ako'y maglalapat ng hatol sa kanyang mga larawang inanyuan;
at sa buong lupain niya
    ay daraing ang malubhang nasugatan.
53 Kahit abutin pa ng Babilonia ang langit,
    at kahit patibayin pa niya ang kanyang malakas na kataasan,
gayunma'y darating sa kanya ang mga manglilipol mula sa akin,
    sabi ng Panginoon.

54 “Pakinggan ninyo! Isang sigaw mula sa Babilonia!
    Ang ingay ng malaking pagkawasak mula sa lupain ng mga Caldeo!
55 Sapagkat gigibain ng Panginoon ang Babilonia
    at patatahimikin ang kanyang mga makapangyarihang tinig.
Ang kanilang mga alon ay uugong na gaya ng maraming tubig,
    ang ingay ng kanilang tinig ay itinataas;
56 sapagkat ang isang mangwawasak ay dumating sa kanya,
    laban sa Babilonia,
ang kanyang mga mandirigma ay hinuhuli,
    ang kanilang mga busog ay pinagpuputul-putol;
sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng paghihiganti,
    siya'y tiyak na maniningil.
57 Lalasingin ko ang kanyang mga pinuno at ang kanyang mga taong pantas,
    ang kanyang mga tagapamahala, mga punong-kawal, at ang kanyang mga mandirigma;
sila'y matutulog nang walang hanggang pagtulog at hindi magigising,
    sabi ng Hari, na ang pangalan ay ang Panginoon ng mga hukbo.

58 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
Ang malawak na pader ng Babilonia
    ay lubos na magigiba,
at ang kanyang matataas na pintuan
    ay matutupok ng apoy.
Ang mga tao ay nagpapagal sa walang kabuluhan,
    at ang mga bansa ay nagpapakapagod para lamang sa apoy.”

Ang Mensahe ni Jeremias ay Ipinadala sa Babilonia

59 Ang salita na iniutos ni propeta Jeremias kay Seraya na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, nang siya'y pumunta sa Babilonia na kasama ni Zedekias na hari ng Juda, nang ikaapat na taon ng kanyang paghahari. Si Seraya ay tagapamahala.

60 Kaya't isinulat ni Jeremias sa isang aklat ang lahat ng kasamaan na darating sa Babilonia, ang lahat ng salitang ito na isinulat tungkol sa Babilonia.

61 Sinabi ni Jeremias kay Seraya: “Pagdating mo sa Babilonia, basahin mong lahat ang mga salitang ito,

62 at iyong sabihin, ‘O Panginoon, sinabi mo tungkol sa lugar na ito na iyong pupuksain, anupa't walang maninirahan doon, maging tao o hayop man, at ito'y magiging wasak magpakailanman.’

63 Pagkatapos(F) mong basahin ang aklat na ito, talian mo na may kasamang bato, at ihagis mo sa gitna ng Eufrates,

64 at sabihin mo, ‘Ganito lulubog ang Babilonia, at hindi na muling lumitaw dahil sa kapinsalaan na aking dadalhin sa kanya.’” Hanggang dito ang mga salita ni Jeremias.

Mga Awit 30

Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.

30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
    at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
    at ako ay pinagaling mo.
O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
    at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
    at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
    ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.

Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
    “Hindi ako matitinag kailanman.”
Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
    ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.

Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
    at sa Panginoon ay nanawagan ako:
“Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
    kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
    Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
     Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”

11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
    hinubad mo ang aking damit-sako,
    at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
    O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001