Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 16-17

Miktam ni David.

16 Ingatan mo ako, O Diyos, sapagkat sa iyo ako nanganganlong.
Sinasabi ko sa Panginoon, “Ikaw ay aking Panginoon;
    ako'y walang kabutihan kung hiwalay ako sa iyo.”

Tungkol sa mga banal na nasa lupa, sila ang mararangal,
    sa kanila ako lubos na natutuwa.
Yaong mga pumili ng ibang diyos ay nagpaparami ng kanilang mga kalungkutan;
    ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ibubuhos,
    ni babanggitin man sa aking mga labi ang kanilang mga pangalan.

Ang Panginoon ang aking piling bahagi at aking saro;
    ang aking kapalaran ay hawak mo.
Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
    oo, ako'y may mabuting mana.

Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo;
    maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
Lagi kong pinananatili ang Panginoon sa aking harapan;
    hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.

Kaya't ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
    ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
10 Sapagkat(A) ang aking kaluluwa sa Sheol ay hindi mo iiwan,
    ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.

11 Iyong(B) ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
    sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
    sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.

Panalangin ni David.

17 O Panginoon, pakinggan mo ang matuwid na usapin, pansinin mo ang aking daing!
    Mula sa mga labing walang pandaraya, dinggin mo ang aking panalangin.
Mula sa iyo ay manggaling ang aking kahatulan,
    makita nawa ng iyong mga mata ang katuwiran!

Sinubok mo ang aking puso, dinalaw mo ako sa gabi,
    nilitis mo ako at wala kang natagpuan,
    ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi susuway.
Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng mga labi mo,
    ang mga daan ng karahasan ay naiwasan ko.
Ang aking mga hakbang ay nanatili sa iyong mga landas,
    ang aking mga paa ay hindi nadulas.

Ako'y tumatawag sa iyo, O Diyos, sapagkat ikaw ay sasagot sa akin,
    ang iyong pandinig ay ikiling sa akin, ang aking mga salita ay pakinggan mo rin.
Ipakita mong kagila-gilalas ang tapat mong pagmamahal,
    O tagapagligtas ng mga naghahanap ng kanlungan
    mula sa kanilang mga kaaway sa iyong kanang kamay.

Gaya ng itim ng mata, ako ay ingatan mo,
    sa lilim ng iyong mga pakpak, ako ay ikubli mo,
mula sa masama na nananamsam sa akin,
    sa nakakamatay kong mga kaaway na pumapalibot sa akin.
10 Isinara nila ang kanilang mga puso sa kahabagan,
    sa kanilang bibig ay nagsalita sila na may kapalaluan.
11 Kinubkob nga nila kami sa aming mga hakbang;
    itinititig nila ang kanilang mga mata upang sa lupa kami ay ibuwal.
12 Sila'y parang leong sabik na manluray,
    parang batang leon na sa mga tagong dako ay nag-aabang.

13 O Panginoon, bumangon ka, harapin mo sila, ibagsak mo sila!
    Iligtas mo sa masama ang buhay ko sa pamamagitan ng tabak mo,
14 mula sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, O Panginoon ko,
    mula sa mga tao na ang bahagi sa buhay ay sa sanlibutang ito.
At ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan,
    sila'y nasisiyahan na kasama ng mga anak,
    at iniiwan nila ang kanilang kayamanan sa kanilang mga sanggol.

15 Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran;
    kapag ako'y gumising, aking mamamasdan ang iyong anyo at masisiyahan.

Mga Awit 22

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Usa ng Pagbubukang-liwayway. Awit ni David.

22 Diyos(A) ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
    Bakit napakalayo mo sa pagtulong sa akin, sa mga salita ng aking karaingan?
O Diyos ko, sumisigaw ako kapag araw, ngunit hindi ka sumasagot man lamang,
    at kapag gabi, hindi ako makatagpo ng kapahingahan.

Gayunman ikaw ay banal,
    nakaluklok sa mga papuri ng Israel.
Sa iyo ang aming mga magulang ay nagtiwala,
    sila'y nagtiwala, at iyong iniligtas sila.
Sa iyo sila'y dumaing at naligtas;
    sila'y nagtiwala sa iyo, at hindi nabigo.

Ngunit ako'y uod at hindi tao,
    kinukutya ng mga tao, at hinahamak ng bayan.
Silang(B) lahat na nakakita sa akin ay tinatawanan ako;
    nginungusuan nila ako, iiling-iling ang kanilang mga ulo,
“Ipinagkatiwala(C) niya ang kanyang usapin sa Panginoon; hayaang kanyang iligtas siya,
    hayaang kanyang sagipin siya, sapagkat kanyang kinaluluguran siya!”

Ngunit ikaw ang kumuha sa akin mula sa bahay-bata;
    iningatan mo ako nang ako'y nasa dibdib ng aking ina.
10 Sa iyo ako'y inilagak mula sa aking pagluwal,
    at mula nang ako'y ipagbuntis ng aking ina ang Diyos ko'y ikaw.
11 Sa akin ay huwag kang lumayo,
    sapagkat malapit ang gulo,
    at walang sinumang sasaklolo.

12 Pinaliligiran ako ng maraming toro,
    ng malalakas na toro ng Basan ay pinalilibutan ako.
13 Sa akin ang kanilang bibig ay binuksan nila nang maluwang,
    gaya ng sumasakmal at leong umuungal.

14 Ako'y ibinubuhos na parang tubig,
    at lahat ng aking mga buto ay nakakalas sa pagkakabit;
ang aking puso ay parang pagkit,
    ito ay natutunaw sa loob ng aking dibdib.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang basag na banga,
    at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala;
    sa alabok ng kamatayan ako'y iyong inihihiga.

16 Oo, ang mga aso ay nakapaligid sa akin;
    pinaligiran ako ng isang pangkat ng mga gumagawa ng masama;
binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Lahat ng aking mga buto ay aking mabibilang,
sa akin sila'y nakatingin at ako'y tinititigan.
18 Kanilang(D) pinaghatian ang aking mga kasuotan,
    at para sa aking damit sila ay nagsapalaran.

19 Ngunit ikaw, O Panginoon, huwag kang lumayo!
    O ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan ako!
20 Mula sa tabak, kaluluwa ko'y iligtas mo,
    ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng aso!
21 Mula sa bibig ng leon ako'y iyong iligtas,
    sagutin mo ako mula sa mga sungay ng torong mailap!

22 Sa(E) aking mga kapatid ay ipahahayag ko ang iyong pangalan,
    pupurihin kita sa gitna ng kapulungan:
23 Kayong natatakot sa Panginoon, magpuri kayo sa kanya!
    Kayong lahat na binhi ni Jacob, luwalhatiin ninyo siya,
    at magsitayong may paggalang sa kanya, kayong lahat na mga anak ni Israel.
24 Sapagkat hindi niya hinamak o kinapootan man
    ang kadalamhatian ng nagdadalamhati;
at hindi niya ikinubli ang kanyang mukha sa kanya;
kundi pinakinggan nang siya'y dumaing sa kanya.

25 Sa iyo nanggagaling ang aking papuri sa dakilang kapulungan;
    tutuparin ko ang aking mga panata sa harapan ng mga sa kanya'y gumagalang.
26 Ang dukha ay kakain at masisiyahan,
    yaong mga humanap sa kanya ay magpupuri sa Panginoon!
    Mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman.

27 Maaalala ng lahat ng mga dulo ng lupa,
    at sa Panginoon ay manunumbalik sila;
at lahat ng mga sambahayan ng mga bansa
    ay sa harapan mo magsisamba.
28 Sapagkat sa Panginoon ang kaharian,
    at siya ang namumuno sa mga bansa.
29 Oo, sa kanya ang lahat ng masasagana sa lupa ay kakain at sasamba;
    sa harapan niya ay yumuyukod ang lahat ng bumabalik sa alabok,
    at siya na hindi mapapanatiling buháy ang kanyang kaluluwa.
30 Ang susunod na salinlahi sa kanya ay magsisilbi,
    ang Panginoon ay ibabalita ng mga tao sa darating na salinlahi.
31 Sila'y darating at maghahayag ng kanyang katuwiran sa isang bayang isisilang,
    na dito ay siya ang may kagagawan.

Genesis 6:1-8

Ang Kasamaan ng Sangkatauhan

Nagsimulang(A) dumami ang mga tao sa balat ng lupa at nagkaanak sila ng mga babae.

Nakita ng mga anak ng Diyos na magaganda ang mga anak na babae ng mga tao. At sila'y kumuha ng kani-kanilang mga asawa mula sa lahat ng kanilang pinili.

At sinabi ng Panginoon, “Ang aking Espiritu ay hindi laging mananatili sa tao, sapagkat siya'y laman. Subalit ang kanyang mga araw ay magiging isandaan at dalawampung taon.”

Ang(B) mga higante[a] ay nasa lupa nang mga araw na iyon, at kahit pagkatapos noon. Sila ang naging anak nang makipagtalik ang mga anak ng Diyos sa mga anak na babae ng tao. Ang mga ito ang naging makapangyarihan nang unang panahon, mga bantog na mandirigma.

Nakita(C) ng Panginoon na napakasama na ng tao sa lupa, at ang bawat haka ng mga pag-iisip ng kanyang puso ay palagi na lamang masama.

Nalungkot ang Panginoon na kanyang nilalang ang tao sa lupa at nalumbay ang kanyang puso.

Kaya't sinabi ng Panginoon, “Lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa—ang tao, hayop, ang mga gumagapang, at ang mga ibon sa himpapawid, sapagkat ako'y nalulungkot na nilalang ko sila.”

Subalit si Noe ay nakatagpo ng biyaya sa paningin ng Panginoon.

Mga Hebreo 3:12-19

12 Mga kapatid, mag-ingat kayo, na walang sinuman sa inyo ang may pusong masama at walang pananampalataya na naglalayo sa buháy na Diyos.

13 Ngunit magpayuhan kayo sa isa't isa araw-araw, habang ito ay tinatawag na “ngayon,” upang walang sinuman sa inyo ang papagmatigasin ng pagiging madaya ng kasalanan.

14 Sapagkat tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo kung ating hinahawakang matatag ang pasimula ng ating pagtitiwala hanggang sa katapusan.

15 Gaya(A) ng sinasabi,

“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa paghihimagsik.”

16 Sinu-sino(B) ba sila na matapos makarinig ay naghimagsik? Hindi ba ang lahat ng umalis sa Ehipto sa pamamagitan ni Moises?

17 Ngunit kanino siya galit nang apatnapung taon? Hindi ba sa mga nagkasala, na ang mga katawan ay nabuwal sa ilang?

18 At kanino siya sumumpa na hindi sila makakapasok sa kanyang kapahingahan, kung hindi sa mga sumuway?

19 Kaya't nakikita natin na sila'y hindi nakapasok dahil sa kawalan ng pananampalataya.

Juan 2:1-12

Ang Kasalan sa Cana

Nang ikatlong araw ay nagkaroon ng isang kasalan sa Cana ng Galilea at naroon ang ina ni Jesus.

Inanyayahan din si Jesus at ang kanyang mga alagad sa kasalan.

Nang magkulang ng alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Wala silang alak.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, anong kinalaman niyon sa akin at sa iyo? Ang aking oras ay hindi pa dumating.”

Sinabi ng kanyang ina sa mga lingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”

Doon ay mayroong anim na tapayang bato para sa kaugaliang paglilinis ng mga Judio na naglalaman ang bawat isa ng dalawa o tatlong bangang tubig.

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” Kanilang pinuno ang mga ito hanggang sa labi.

Sinabi niya sa kanila, “Kumuha kayo ngayon, at inyong dalhin sa pinuno ng handaan.” At kanila ngang dinala.

Nang matikman ng pinuno ng handaan ang tubig na naging alak, at hindi niya alam kung saan ito nanggaling (subalit nalalaman ng mga lingkod na kumuha ng tubig), tinawag ng pinuno ng handaan ang lalaking bagong kasal.

10 At sinabi sa kanya, “Ang bawat tao ay unang naghahain ng mataas na uring alak, pagkatapos ay ang mababang uring alak kapag ang mga panauhin ay nakainom na. Subalit hanggang ngayon ay itinabi mo ang mabuting alak.”

11 Ginawa ito ni Jesus, ang una sa kanyang mga tanda, sa Cana ng Galilea, at ipinahayag ang kanyang kaluwalhatian; at sumampalataya sa kanya ang kanyang mga alagad.

12 Pagkatapos(A) nito ay bumaba siya sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at ang kanyang mga alagad. Sila'y tumigil doon nang ilang araw.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001