Book of Common Prayer
Awit ni David.
29 Mag-ukol(A) kayo sa Panginoon, O mga anak ng makapangyarihan,
mag-ukol kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.
2 Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian na nararapat sa kanyang pangalan;
sambahin ninyo ang Panginoon sa banal na kagayakan.
3 Ang tinig ng Panginoon ay nasa ibabaw ng mga tubig;
ang Diyos ng kaluwalhatian ay kumukulog,
ang Panginoon, sa ibabaw ng maraming tubig.
4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan,
ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kadakilaan.
5 Ang tinig ng Panginoon ay bumabali ng mga sedro;
binabali ng Panginoon ang mga sedro ng Lebanon.
6 Kanyang pinalulukso ang Lebanon na gaya ng guya,
at ang Sirion na gaya ng mailap na guyang baka.
7 Ang tinig ng Panginoon ay nagpapasiklab ng mga ningas ng apoy.
8 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang ilang,
niyayanig ng Panginoon ang ilang ng Kadesh.
9 Pinaaanak ng tinig ng Panginoon ang mga usa,
at hinuhubaran ang mga gubat;
at ang lahat sa kanyang templo ay nagsasabi, “Kaluwalhatian!”
10 Ang Panginoon ay nakaupo sa trono sa ibabaw ng baha;
ang Panginoon ay nakaluklok bilang hari magpakailanman.
11 Ang Panginoon nawa ay magbigay ng lakas sa kanyang bayan!
Basbasan nawa ng Panginoon ang kanyang bayan ng kapayapaan!
Isang Awit.
98 O umawit kayo sa Panginoon ng bagong awit;
sapagkat siya'y gumawa ng mga kagila-gilalas na bagay.
Ang kanyang kanang kamay at ang kanyang banal na bisig
ay nagbigay sa kanya ng tagumpay.
2 Ipinakilala ng Panginoon ang kanyang tagumpay,
ipinahayag niya sa paningin ng mga bansa ang kanyang katuwiran.
3 Kanyang inalaala ang kanyang tapat na pag-ibig at ang kanyang katapatan
sa sambahayan ng Israel;
Nakita ng lahat ng mga dulo ng lupa
ang kaligtasan ng aming Diyos.
4 Sumigaw ang buong lupa na may kagalakan sa Panginoon,
magpasimula at umawit kayo na may kagalakan at umawit kayo ng mga papuri!
5 Magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon sa pamamagitan ng lira;
ng lira at ng tunog ng himig!
6 Sa pamamagitan ng mga trumpeta at tunog ng tambuli,
sumigaw kayo na may kagalakan sa harapan ng Hari, ang Panginoon!
7 Humugong ang dagat at ang lahat ng naroon;
ang sanlibutan at ang naninirahan doon!
8 Ipalakpak ng mga ilog ang kanilang mga kamay;
sama-samang magsiawit ang mga burol dahil sa kagalakan
9 sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y darating
upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan ng matuwid ang sanlibutan,
at ng katarungan ang mga bayan.
18 “Sapagkat nalalaman ko ang kanilang mga gawa at ang kanilang mga pag-iisip. Dumarating ang panahon upang tipunin ang lahat ng bansa at ang mga may iba't ibang wika; at sila'y paroroon at makikita ang aking kaluwalhatian.
19 At ako'y maglalagay ng tanda sa gitna nila. At mula sa kanila ay aking susuguin ang mga nakaligtas sa mga bansa, sa Tarsis, Put, at Lud, na humahawak ng pana, sa Tubal at Javan, sa mga pulong malayo na hindi nakarinig ng aking kabantugan, o nakakita man ng aking kaluwalhatian. At kanilang ipahahayag ang aking kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa.
20 At kanilang dadalhin ang lahat ng inyong mga kapatid mula sa lahat ng bansa bilang handog sa Panginoon, na nakasakay sa mga kabayo, sa mga karwahe, sa mga duyan, at sa mga mola, at sa mga kamelyo, sa aking banal na bundok na Jerusalem, sabi ng Panginoon, gaya ng pagdadala ng mga anak ni Israel ng kanilang handog na butil sa malinis na sisidlan sa bahay ng Panginoon.
21 At ang ilan sa kanila ay kukunin ko ring mga pari at mga Levita, sabi ng Panginoon.
22 “Sapagkat(A) kung paanong ang mga bagong langit
at ang bagong lupa na aking lilikhain
ay mananatili sa harapan ko, sabi ng Panginoon,
gayon mananatili ang inyong lahi, at ang inyong pangalan.
23 At mula sa bagong buwan hanggang sa isa pang bagong buwan,
at mula sa isang Sabbath hanggang sa isa pang Sabbath,
paroroon ang lahat ng laman upang sumamba sa harapan ko,
sabi ng Panginoon.
Ang Ebanghelyo sa mga Hentil
7 Kaya't tanggapin ninyo ang isa't isa, gaya naman ni Cristo na tinanggap kayo sa ikaluluwalhati ng Diyos.
8 Sapagkat sinasabi ko na si Cristo ay naging lingkod sa pagtutuli upang ipakita ang katotohanan ng Diyos, upang kanyang mapagtibay ang mga pangako sa mga ninuno,
9 at(A) upang ang mga Hentil ay lumuwalhati sa Diyos dahil sa kanyang kahabagan, gaya ng nasusulat,
“Kaya't ikaw ay aking pupurihin sa gitna ng mga Hentil, at aawit ako ng papuri sa iyong pangalan.”
10 At(B) muling sinasabi niya,
“Magalak kayo, kayong mga Hentil, kasama ng kanyang bayan.”
11 At(C) muli,
“Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Hentil; at purihin siya ng lahat ng mga bayan.”
12 At(D) muli, sinasabi ni Isaias,
“Darating ang ugat ni Jesse,
siya ang babangon upang maghari sa mga Hentil;
sa kanya aasa ang mga Hentil.”
13 Puspusin nawa kayo ng Diyos ng pag-asa, ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001